Share

Kabanata 6

Sybil Park

“Ina, sigurado ka bang pupunta tayo sa mga mananahi?” Hinawakan niya ang aking suot-suot na damit habang nakatingin sa akin.

“Oo, Maze. Nang sa gayon ay malaman mo ang mga dapat gawin sa pagbuburda kahit sa simpleng paraan lamang.”   Aking inilapag ang mangkok sa aming harapan upang magsimula nang kumain. Hihintayin na lamang namin ang mga tagapaglingkod para sa pagkain.

Nilagyan na ng mga tagapaglingkod ang aming mga mangkok. Inihanda na rin nila ang aming mga baso at nilagyan ng katas ng dalandan. Isang masarap na ramen ang aking nalalasap. Sabik na sabik na kumain ngunit parang mas sabik ang dalawa ko pang mga kasama. Mga matatakaw.

Sumubo agad ng isang sipit ng intsik ng ramen ang heneral. Kung kumain ito, para bang hindi siya nakakain ng ilang taon. Tuloy tuloy ang kaniyang pagsubo at paghigop hanggang sa kumuha siya ng panibagong ramen na kakainin.

Sumulyap ako sa aking anak. Simple lamang kumain pero puno ang kaniyang bibig ng ramen. Nilunok niya ito at uminom ng tubig.

“Ah! Tubig! Tubig! Tubig!” umalingawngaw ang isang maingay na boses ng heneral. Agad akong lumingon at nakitang nag-iinit ang kaniyang mukha, namumula ang kaniyang pisngi, at nagmamakaawa para sa tubig.

Dumating ang isang pangkat ng mga tagapaglingkod na may dala-dalang baso ng tubig at ibinigay sa heneral. Sunod-sunod ang pag-inom ng heneral sa tubig hanggang sa makuntento siya.

“Sino ba ang naghanda sa ramen na ito?!” Pinaypayan ng heneral ang sarili gamit ang sariling kamay. Tinuro ng mga tagapaglingkod ang aking anak.

“Maze?” Tumingin ang heneral kay Maximaze. Bakas ang pagkadismaya sa boses nito. Hindi ko alam na ganito ang mangyayari. Sana pala binantayan ko ng maigi ang aking anak.

“Isa po iyang pasasalamat heneral. Ang mga heneral po `di ba ay matatapang? Kaya po kita binigyan ng matapang na pagkain.”   Humigop siya sa mangkok na ang laman ay ang kaparehong ramen na hinigop ng heneral. Mahina kong sinundot ang aking anak.

“T-t-tama ka. Matatapang nga ang mga heneral. M-masarap siya. H-hindi siya maanghang. Hindi siya maanghang.”   Ako ay napatawa nang marahan sa inasta ng heneral. Ito ay uutal-utal at mapula ang mukha.

“Ah, kaya po pala uminom ng isang katerbang tubig para lamang mapawi ang anghang.”   Nanlaki ang aking mga mata. Ako ay nagpipigil ng tawa gayundin na ang mga tagapaglingkod. Si Heneral naman ay nagbaba ng tingin at umaaktong napapahiya.

 “Hindi na ako magtataka kung bakit maanghang ang ramen,” paanas ng heneral ngunit narinig pa rin naming lahat. Napuno ng tawanan ang hapag-kainan nang hindi namamalayan ng heneral kaya nakitawa na lang ito ngunit ito ay peke.

Sumulyap ako sa aking anak at tuloy pa rin sa pagkain. Hindi ito naaanghangan. Kain lang siya nang kain hanggang sa mapuno ang kaniyang bibig. Wala siyang pinapalampas.

“Henral, ako'y nagpapasalamat na binigyan n`yo ako ng pagkakataong mag-aral. Hindi ko alam ang kahalagahan ng pag-aaral noong sarado pa ang aking mga mata. Kaya sapat lamang sa akin na mayroon kaming tahanan, maayos na pananamit, at maihahandang pagkain sa aming hapag-kainan, ngunit nang ako'y tinuruan n`yo, Heneral. Parang nais ko oras-oras n`yo na ako turuan. Mahirap ngunit nakakalibang. Marami akong natutunan. Ako'y nagpasalamat ng lubos sa inyo, Heneral.”   Ngumiti lamang ang heneral sabay inom ng tubig. Hindi na ulit nagsalita. Dala siguro ng anghang o ʼdi kaya pagkahiya.

Lumipas ang oras at natapos kami sa pagkain at nakarating na ng Twaechon. Ang Twaechon ay ang lugar ng mga nagbuburda dito sa Normous. Ito ang pinakaopisyal na gusali ng mga mananahi. Dito tinuturuan ang mga kabataan na magburda at kapag natuto sila ay maaari silang pumili ng kanilang landas. Kung magiging tagaburda ba ng dynastiya o kayaʼy maglingkod sa mga opisyal at mga kasapi sa Imperial Harem.

 “M-maligayang pagdating, H-heneral,” uutal-utal na wika ng isang Imperial Guard. Nanginginig ito at hindi makatingin sa amin. Naaamoy kong mayroong problema rito.

“Maraming salamat, Imperial Guard,” anang heneral. Hahakbang na sana kami ngunit hinarangan kami nito.

“Mayroon bang problema, Imperial Guard?” Sinusuri ng heneral ang buong paligid na para bang naghahanap ng kung ano.

“P-paki-usap, Heneral. H-huwag muna kayong pumasok.”   Ibinaba nito ang kaniyang tingin habang humaharang pa rin sa daan.

“At bakit naman hindi n`yo papapasukin ang heneral? Siguro . . . may tinatago kayo? Ha. Ha. Kung wala kayong tinatago—papasukin n`yo siya!” mabagsik na wika ni Leonardo. Halata dito ang sarkasmo. Sa tono pa lamang ng pananalita at sa sarkasmo ng bibig.

Agad kaming pinapasok ng mga guwardiya at nahahalata kong labag iyon sa kalooban nila. Malakas ang aking kutob na mayroong nangyayaring gulo.

Pumasok kami sa loob at nakitang nagtitipon tipon ang mga estudyanteng mananahi.

“Inosente si Hanneul. Wala siyang kasalanan.”   Ingay agad ang sumalubong sa akin pagkapasok at pagkapasok ko. Kitang-kita na mayroong nagaganap dahil nagtitipon-tipon ang mga estudyente at guro sa aming harapan.

“Pero, Madame Zhao! May ebidensya na po! Siya ang may kasalanan!” asik naman ng isang estudyante.

Ang ibang kababaihan na nanonood ay nagsibulungan, hinuhusgahan ang babaeng nagngangalang Hanneul.

“Sinasabi mo bang nagkamali ang mga tiktik?! Akala mo kung sino ang mas matalino.”   Bakas ang pagkadismaya sa boses ng punong guro. Sabagay, mayroon siyang pinupunto . . . Kilala ang mga tiktik sa mga pagsusuri sa isang kaso at kahit hindi ako magbigay ng opinyon, alam na ng lahat na sila ay matatalino.

“Anong kaguluhan ang nagaganap?” nagsalita ang heneral. Itoʼy nakatingin sa kanila.

Hinawakan ako ni Maze, nagtatago. Hindi ito sanay makasalubong ang ibang tao sapagkat buong buhay niya ay nasa barrio lamang siya. Tanging mga taga-barrio lamang ang kaniyang kinakausap.

Nagsilingunan sa amin ang mga estudyanteng mananahi at ang mga guro. Lumingon din ang mga guwardiya at ang eunuch.

“Heneral, magandang umaga. Nagkaroon lamang po ng problema. Isang away na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos.”   Nagsalita ang punong guro. Kung ito ay ilalarawan ko, siya ay nakasuot ng hanbok at nakatali ang kaniyang buhok. Medyo puti na rin ang buhok nito. Kulubot ang balat, mapayat, at mayroong salamin sa mata, ngunit kung titingnan. Malakas pa rin naman siya.

“Oo nga. Huy, tanda. Ang daming plastik dito noh? Bat ba tayo napunta dito eh meron namang Kenn sa Gaia. Ano 'to—different dimension?” paanas ng isang bata. Maliit ito ngunit halatang mas matanda kay Maze dahil sa mga kinikilos nito. Nakita kong nanlaki ang mga mata ng heneral ngunit agad naman niyang binalewala ang sinabi ng bata.

“Kung gayon ay—”

“Heneral!” may isang sumigaw kaya napalingon ako sa gawi ng heneral. May palaso siyang hawak at nagdudugo ang kaniyang kamay. Saka nito binitawan ang hawak.

Sa isang iglap, may narinig akong daplis ng palaso. Nang may marinig kaming sumigaw. Lumingon kami sa gawi ng boses at nakitang may palaso ang kaniyang kaliwang balikat. Nagdudugo siya at sumisigaw sa sakit.

“Bilisan n`yo! Dalhin n`yo siya sa pinakamalapit na manggagamot!” sigaw ng Eunuch.

“Huwag muna eunuch.”   Umalingawngaw ang ang kalmado ngunit halatang seryosong boses ng aking anak. Deretso lamang ang kaniyang tingin kay Leonardo. Aking napansin na hindi na niya ako hawak-hawak at nakaharap sa madla.

“Ngunit mauubusan siya ng dugo!” sigaw ng eunuch pero hindi lumingon si Maze dito.

“May importanteng katanungan lamang ako. Tatanungin ko siya habang siya ay nagtitiis ng sakit.”   Nanindig ang aking mga balahibo nang marinig ang kaniyang boses. Itoʼy malamig at puno ng otoridad. Tila’y mayroong kumokontrol dito.

Wala nang magawa ang eunuch kaya hinayaan na niya ito.

“Bakit mo balak lasunin ang heneral?” deretsahang tanong ni Maze. Nagulat ang halos lahat ng naandito sa kaniyang winika.

“A-anong ibig mong s-sabihin?” uutal-utal na wika ni Leonardo.

“Alam mo na ang ibig kong sabihin. May balak kang lasunin ang heneral ngunit murang dahon ng loquat ang ginamit mo. Alam mo sa sarili mo na hindi iyon nakamamatay. Kung ako lalason sa heneral. Sisiguraduhin kong hindi na niya makikita ang sinag ng araw.”   Lahat kami ay natigilan sa sinabi nito. Mayroon siyang pinupunto.

“Alam kong may dahilan ka kung bakit murang dahon ng loquat ang ginamit mo. Kaya sabihin mo sa aming lahat kung bakit mo balak lasunin ang heneral.”   Nanindig ang mga balahibo ni Leonardo ngunit ito ay tumawa ng mapakla.

“Bakit mo naman nasabi na murang dahon ng loquat nga iyon? Paano mo nasisiguro?” biglang bumalik ang sarkasmo sa boses at bibig nito na para bang walang pana ang nakatama sa kaniyang balikat.

“Habang ako ay nag-aaral, naisipan kong pumuslit at tumungong hardin. Nais ko munang maglaro kahit saglit . . . ” Siya'y bumuntonghininga. Mahina niyang kinamot ang pisngi. “ . . . aking nakita ang isang guwardiya na pumuslit din. Ako'y nagtataka kung ano ang kaniyang ginagawa kung kayaʼt akin siyang sinundan.” 

Habang nakikinig sa kaniya, hindi ako makapaniwala. Hindi dahil sa biglaang pagbabago niya kundi sa kaniyang sinabi na siyaʼy pumuslit at tumigil saglit sa pag-aaral para lamang maglaro. Hindi siya nagpaalam sa akin!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status