Share

Kabanata 7

Sybil Park

Tiningnan niya ang kaniyang mga kuko. “Nakita kong dala-dala niya ang isang mangkok. Itoʼy kaniyang ininom. Hindi ito agad umalis sa kinaroroonan niya, ngunit patuloy ko siyang pinanood—umaasang siya ang makikipaglaro sa akin. Mayaʼt maya ay sumuka ito. Ako ay lumapit sa kaniya upang tulungan ito at saka ko na lamang nabalitaan na itoʼy loquat . . . ” Tumingin siya kay Leonardo. “Nang kami ay naghahapunan ay binigyan mo ang heneral ng loquat na sinasabi mo.” 

Bumuntonghininga ako. Mas hindi ako makapaniwala dahil hindi man lang siya nagpaalam sa akin na siyaʼy maglalaro!

“Ngayon, sabihin mo sa amin. Bakit mo balak lasunin ang heneral?” Bakas na ang panggigigil sa boses ni Maze ngunit wala pa ring epekto kay Leonardo. Hindi ito nagsalita pero nakangisi.

“Paano kung hindi ko sabihin?” Lumapit siya kay Maze at pinantayan ito. Siyaʼy ngumisi nang nakakaloko, sinusubukang takutin ang aking anak. Dahil dito ay inilapit ko sa akin si Maze ngunit kumawala ito.

“Eunuch, latiguhin siya ng isang daang beses at sampung taong walang sweldo!” maangas na asik ni Maze dahilan para manginig si Leonardo.

“Ginamit ko ang murang dahon ng loquat panglason sa heneral dahil alam kong sa oras na magsuka siya ay makakakuha ako ng tiyempo para nakawin ang mga ginto! At magkakaroon ng pagkakataong mangbintang sa iyong ina!” Sobrang bilis nitong magsalita at halatang ayaw niyang mawalan ng pagkakakitaan.

“Kung gayon ay latiguhin siya ng dalawang daang beses at tanggalan ng trabaho.”   Tumalikod si Maze.

“Maze Park! A-ang aking ibig sabihin ay Noble Park—Noble Park! Parang awa n`yo na! Parang awa n`yo na! Huwag n`yo akong tanggalan ng trabaho! Ako'y nagmamakaawa sa inyo! Mayroong sakit ang aking kapatid at kinakailangan ko ng salapi upang siyaʼy gumaling! Hindi ko nais ngunit kinakailangan!” Kapit na kapit ito sa kaniyang hanbok at paulit-ulit na humihingi ng tawad at awa.

Noble? Ginagalang na siya ni Leonardo. Nabigla na lamang ako nang banggitin nito ang tungkol sa kaniyang kapatid. Nais niya ng salapi upang itoʼy mapagamot sa isang doktor ngunit ginagawa niya iyon sa masamang paraan.

Imbis na magsalita si Maze ay pinaubaya na niya sa eunuch ang desisyon. Lumingon ang aking anak sa mga estudyante at mga guro. Napabuntonghininga ito at humakbang papalapit sa mga estudyante at guro. “Narinig ko na inosente si Hanneul. Sa pag-angal pa lamang ng isa sa mga estudyante. Halatang mayroon itong  pinagbibintangan. Alam n`yo ba na nasa batas natin na kapag mali ang paratang ninyo sa isang tao, maaari kayong parusahan nang naaayon sa inyong katungkulan, at dahil kayo'y mga estudyante't mga guro, maaari kayong latiguhin o dikaya'y palayasin. Maaari ding ikulong at hindi sweldohan. Nasasaakin na ang desisyon.”   Sa sinabi ng aking anak, natigilan at nanginginig ang iba sa kaniyang mga kinakausap.

Samulyap ako sa heneral at saktong nagkatinginan kami. Napakibit balikat kaming pareho at muling nanood sa nangyayari sa aming harapan.

Lumapit ang isang estudyante sa kaniya at lumuhod. “N-noble Park! Patawarin n`yo po ako! Patawarin n`yo ako! Inaamin ko na ako'y nagkasala ngunit naimpluwensyahan lamang ako ni Meizu! Siya ang nagtulak sa akin, Noble Park! Siya!” Halos magkandarapa na ito at kinakapalan ang sariling mukha mapatawad lamang niya kahit na wala silang nagawang mali kay Maze.

Lumapit naman ang isa pang babae at lumuhod dito. “N-noble Park! Huwag n`yo siyang paniwalaan! Hindi ako ang puno't dulo sa lahat ng ito! S-s-si Mingxhiu ang puno't dulo! Sobrang inggit siya kay Hanneul at naaasar kay Shin! Kaya tinawag niya kami upang magsanib puwersa! Noble park! Huwag n`yo po ako parusahan!” Hinawakan niya ang suot ni Maze.

May lumapit na namang babae kay Maze at lumuhod. “N-nadala lamang ako sa pag-aakala, Noble Park! M-may kasalanan ako—oo! Ngunit mas pinaghinalaan ko si Hanneul noong nag-ulat sa akin sina Meizu at Chunhua na galing si Hanneul sa silid kung saan kami nagbuburda kaya naisip ko na baka siya ang nagnakaw o nagwala ng sinulid na gagamitin namin para sa hanbok ng heneral at sa kaniyang mga bisita. Pero, Noble Park! Kasalanan nila iyon!”

Paulit-ulit na nagmakaawa ang mga babaeng ito sa aking anak at nakahawak din sila sa hanbok na suot-suot ni Maze.

Ganiyan sila magmakaawa. Kinakapalan ang mukha at binababaan ang kayabangan at itinataboy ang sariling dignidad, mapatawad lamang sila.

“Sana ay nag-isip muna kayo,” nagsalita na si Maze. Bumitaw sa pagkakahawak ang mga babae at nanatiling nakaluhod at nakayuko ang ulo. “Mingxhiu, maraming namamatay sa maling akala at paghihinala. Meizu, nalaman na ang katotohanan at hindi mo pa inaamin ang iyong kasalanan. Chunhua, mali ang pagbibigay ng pekeng balita lalo na't makakagulo lamang ito. Hindi ka dapat nagpaimpluwensuya sa simula pa lamang. Lalo na't alam mo na mali ito! Lahat kayo ay nakagawa ng pagkakamali alam n`yo ba iyon?! Alam n`yo ba na sa simpleng pekeng balita ay maaari nang masira ang buhay ng isang tao?! Dapat ginagamit n`yo ang mga utak n`yo! At kung gagamitin n`yo man iyon—sa tamang paraan! Hindi sa paraang makakasakit ng tao!” iniisa-isa ni Maze ang pagkakamali ng tatlo. `Yong parangal ko sa kaniya noon, pinaparangal na niya ngayon. Huminga ako nang malalim dahil sa kaniyang ginawa.

Hindi umimik ang tatlo at pasimpleng humihikbi. Nakayuko at nahihiya sa mga tao.

“Bilang parusa. Kayo ay mapapalayas dito sa Twaechon, at ibababa pa ang inyong antas. Sana ay tumatak sa inyo ang parusang iyan. Siguraduhin ninyong may mukha pa kayong maihaharap sa lahat ng tao.”   Tumalikod ang aking anak.

Nakakarindi mang pakinggan ngunit paulit-ulit pa ring nagmakaawa ang mga babae. Hindi eunuch si Maze kundi isang simpleng bata lamang na binigyan ng pagkakataong mag-aral, ngunit nagawa niya pa ring magparusa. Kahit nga eunuch, guro, guwardiya at pati kami ng heneral ay hindi makapaniwala. Natulala lamang kami sa nangyari. Natulala sa pinakitang tapang ni Maze.

“Hmm. Nagugutom na ako.”   Nagising na lamang ako nang magsalita si Maze.

Kakakain lamang ni Maximaze ng agahan—nagugutom na agad siya?

“A-a-ahh, Noble Park, ehe. Halina kayo sa kusina. Maraming pagkain doon hehe.”   Isang tagapaglingkod na lalaki ang lumapit at inaya siya sa kusina.

Sinusundan namin ng heneral ang aking anak na si Maze patungong kusina ng Twaechon. Ngayon ko lamang napagtanto na malaki ito. Malapit pala ang Twaechon sa palasyo ng empress at sa palasyo ng emperor.

“Sybil, ang iyong anak ay manang-mana sa kaniyang ama,” biglang nagsalita ang heneral.

“Paano mo naman iyan nasabi, Heneral? “

“Kanina, ang kaniyang mga kilos at galaw ay may pagkakahawig sa kaniyang ama. Pati na rin sa kung paano ito magsalita. Parehong pareho Sybil. Naaalala ko si Vishton sa kaniya. Naalala mo pa ba, Sybil? `Yong mga panahong mga binata't dalaga pa lamang tayo,” aniya.

Biglang tumatak sa aking isipan ang mga nangyari noon. Mga panahong kasama pa namin si Vishton—noong kami ay mga bata pa.

“Nakakatuwa nga ang iyong kuwento, Cladius. Isang tigreng nagsasalita't naduduwag? Napakaimpossible!” Tumawa si Vishton

“Napakaimposible nga.” Tumawa siya. “Tara sa aking kubo at tayo'y magpapahinga, ngunit kailangan nating tumakbo dahil masyado iyong malayo. Tara!” Tumakbo si Cladius. Sumunod si Vishton ngunit ako'y naiwan. Nang ako'y matauhan, sumunod na rin ako sa kanila.

“Paunahan tayo sa pagtakbo! Kung sino ang mauna ay siyang—” Biglang bumagsak sa lupa si Vishton nang nakabangga niya ang isang lalaki na nakaitim.

“Tumingin-tingin ka nga sa dinaraanan mo!” kantiyaw ng lalaki kay Vishton.

“Hoy! Bumalik ka dito, magnanakaw!” Sumulpot ang mga Imperial Guard sa aking paningin at tumakbo sa kinaroroonan ng lalaki.

Agad akong lumapit kay Vishton at inalalayan ito. “Ayos ka lamang ba, Vishton?” nag-aalala kong tanong.

“Oo nga. Ayos ka lang ba? Walang hiya ang lalaking iyon ah. Nagnakaw na nga—nananakit pa!” pangungutyaw ni Cladius.

“Hayaan mo na, Cladius. Ang mahalaga sa ngayon ay ang matulungan natin si Vishton.”   Tumingin ako sa kaibigan. Inalalayan siyang tumayo ni Cladius at pinapagpag nito ang damit niya.

“A-ayos lamang ako, ngunit may mahalaga tayong bagay na dapat gawin ngayon,” panimula niya sa isang bagay na nagbibigay sa akin ng interes.

“Ano iyon?” Tumingin ako kay Cladius nang aking marinig ang kaniyang boses. Sabay kaming nagsalita.

“Taktika ng Fuji?” ayan na naman si Vishton

“Hayan ka na nam—”

“Taktika ng Fuji! Huwag ka nang mag-inarte, Sybil. Malay mo ay gantipalaan tayo ng pagkain. Masamang tumanggi sa biyaya, Sybil! Kaya tara na!” pagsingit ni Cladius.

Sumenyas si Vishton at agad kaming gumalaw. Pumunta sa lugar na dapat kaning pumuwesto.

Aking natanaw ang lalaki kanina na tumatakbo papalapit sa aming patibong.

“Aahh!” hiyaw ng lalaki nang mahulog sa aming patibong.

“Yah! Kung magnanakaw ka ay siguraduhin mong hindi ka babangga sa aming tatlo, dahil sa oras na nahulog ka sa aming patibong, ito na na ang katapusan mo.”   Galit na tiningnan ni Vishton ang magnanakaw. Kaniya itong binantaan. Si Cladius ay nakangisi ngunit ako naman ay walang magawa kundi ang panoorin sila.

“Vishton, nahulog na nga!” Tumawa si Claudius.

Ang lalaki ay nahulog sa aming patibong. Literal na mahuhulog. Ang patibong ay hindi masyadong halata pero kung tumitingin talaga ito sa dimaraanan ay maiiwasan niya ito sa pamamagitan ng pagtakbo o paglakad sa ibang direksiyon.

Itutuloy . . . 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status