Share

Chapter 1

Raven's POV

MAINIT ang araw at tirik na tirik ito. Ramdam ko ang pinong buhangin sa aking likod. Nakahiga ako sa buhanginan dito sa lugar ng Austra. Isang liblib na pook na walang masyadong nagagawi na mga tao. Malapit lang ito sa dagat kaya dito ako nagpapalipas ng araw nitong lumipas ang mga taon.

Ilan taon na ang nakakalipas. Mula ng magkaroon ako ng ala-ala o muwang ay alam ko na nandito na kami tumira mula ng maospital ako. Wala ni isang kapitbahay. Ni hindi ako nakapag-aral sa isang paaralan. Hindi ko naranasan ang maging normal na isang teenager.

Magsasampong taon na ang nakalipas simula ng mangyari yun. Noon ay hindi ko alam bakit lumipat kami dito sa isang liblib na lugar. Pero ng magkaedad ako ay naintindihan ko na ang lahat. Ang dahilan kung bakit ako inilayo ng mga magulang ko sa mga tao. Kahit hindi ko tanungin ay nalaman ko na rin ang dahilan dahil na rin sa napanood ko sa telebesyon tungkol sa mga batang kagaya ko.

Hindi ako normal at pinaghahanap ang isang tulad ko dahil sa isang malalim na dahilan. Lumaki akong walang kaibigan at tanging mga magulang ko lang ang kilala ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung makakakita ako ng ibang tao.

Napabangon na lang ako ng padilim na ang araw at umuwi na ako sa amin. Kabisado ko na ang lugar kahit madilim pa ito. Agad na natanaw ko ang simple namin na tahanan. Pumasok ako at nandoon naman din ang papa ko na kakarating lang din at may mga dala na naman itong bagong mga libro.

"Mano po ma, pa." Bigay galang ko sa kanilang dalawa.

"Bagong labas ito anak, sana magustuhan mo." Nakangiting saad ng aking papa habang inabot sa akin ang mga libro.

Ngumiti naman ako. "Salamat po pa."

Kahit hindi man ako nakapag-aral ng high school at college ay tinuruan naman ako ng mama ko. She was a university professor at ginawa niya ang lahat upang maturuan ako kahit hindi pa niya field ang ibang itinuturo sakin kagaya ng calculus. Nahirapan si mama doon dahil Physics major si mama. Kaya yung minor lang ang naituro sa akin ni mama sa calculus pero at least may alam ako kahit konti.

"Kumain na muna tayo." Saad naman ni Mama sa amin kaya lumapit na kami sa hapag para kumain.

Naghugas muna ako ng kamay bago kumain. Habang kumakain kami ay naging tahimik si Papa. Hindi ko alam kung bakit pero iba ang pakiramdam ko. Lalo na ng magsalita ito.

"Patricia... Raven... madidestino ako sa Port Laurel ng mga ilang buwan." Saad nito sa amin.

Pareho kami ni mama na natigil sa pagkain. Hindi namin ito inaasahan dahil alam namin na ayaw ni papa na madestino sa ibang lugar.

"Pero bakit Eric?" Naitanong ni mama.

"Kulang sa tao doon at wala silang ibang maipadala at kasama ako sa napili." Sagot naman nito sa amin.

Napayuko ako. Hindi ako sanay na wala si papa rito. Makakaya ba namin ni mama na wala siya?

"Kung ganun, wala kaming magagawa kahit ayaw pa namin." Malungkot na saad ni mama. Alam ko na ayaw na ayaw niya na wala si papa dito sa amin. Kahit pa na alam namin na makakaya namin ay mas mainam na nandito lang si papa. Yung pag may mangyari man ay malapit lang siya at mabilis na makakarating.

Hindi na ako umimik pa. Dahil kung tanggap ni mama, ano pa ang karapatan ko na tumutol. At tsaka parte yan ng trabaho ni papa. Hindi ko yun maalis sa kanya.

Nagpatuloy na kami sa pagkain pero parang nawalan na ako ng pansalasa sa kinakain ko. Kaya halos hindi ko maubos ang konting nasandok ko pero pilit na inubos ko pa rin yun. Iniisip ko pa lang na hindi namin makakasama ni mama si papa ay parang naiiyak na ako. Hindi ako sanay na mawalay sa kanya. Masyado akong nakadepende sa kanila. Hindi ako sanay na mabuhay ng wala sila.

"Patricia, alam ko na matagal na tayong naninirahan dito sa lugar ay ni isang tao ay walang nagagawi sa lugar natin pero nais ko pa rin na mag-ingat kayo." Usal naman ni papa at uminom ito mg tubig.

"Alam ko yun Eric. Wag kang mag-aalala dahil mag-iingat kami dito." Sagot naman ni mama. Alam ko na malungkot si mama pero pilit niyang nagmumukhang malakas.

"Ikaw Raven. Wag mong bigyan ng sakit sa ulo ang mama mo, okay?" Turan ni papa sa akin.

"Opo papa." Sagot ko rito.

Agad na natapos ang hapunan at lahat kami ay nagpahinga. Nakikiramdam lamang ako sa paligid at tanging mga kuliglig lamang ang aking naririnig hanggang sa tuluyan na akong iginupo ng antok.

•••

ILANG araw ang lumipas at umalis na rin si papa papuntang Port Laurel. Isang malayong lugar at matao din at hindi kami maaaring manirahan doon.

Naging regular ang aming araw pero hindi ko pa rin maiwasan na mamiss si papa. Nalulungkot ako dahil matagal pa bago ko siya makita. Si mama naman ay hindi nagpapahalata na malungkot siya kahit ang totoo ay pareho lang kami ng nararamdaman.

"Raven, dito ka lang sa bahay wag kang lumabas. May kukunin lang ako sa bayan." Bilin naman ni mama sa akin.

"Opo ma." Sagot ko naman rito.

Nagdala ng basket si mama. Bibili ito ng pagkain para sa buong linggo namin. Kabisado ko na ang ginagawa ni mama. Nakita ko na umalis si mama kaya nandito lang ako at nanatili sa loob ng bahay.

Magiging ganito ba ang buhay ko? Laging nakatago? Nagtatago sa realidad at sa mundo? Hindi ko maisip kung bakit naging ganito pa ang buhay ko. Kung ganito lang naman at sobrang lungkot ay sana, hindi na lang ako nabuhay. Biniyayaan ako ng isang abilidad pero kinatatakutan naman. Mabuhay nga ako pero nagtatago naman. Hindi ko makita kung ano ang silbi ko sa mundo. Pati ang mga magulang ko ay nadadamay.

Hindi ko na namalayan kung gaano ako katagal na nag-isip. Masyadong napalalim ang isip ko at nagulat na lang ako ng biglang kumalabog ang pintuan namin at pabalyang bumukas yun.

Napatalon ako sa gulat. Napatingin ako sa mha lalaking pumasok at agad na tiningnan nila ang lugar. Hindi ko sila kilala at ngayon ko lang sila nakita. Nakasuot sila ng itim na uniporme na parang mga sundalo at may hawak silang mga baril.

Biglang tumutok ang mga mata nila sa akin at agad na naramdaman ko ang panganib sa kanilang mga mata.

"Anak tumakas ka na!!!" Dinig ko ang sigaw ng aking mama.

Napalingon ako sa bintana at nakita ko na hawak-hawak nila si mama.

"Mama!" Napasigaw ako at nilukob ng sobrang takot ang aking dibdib.

Napaatras ako ng humakbang ang mga naka-uniporming mga lalaki at agad akong tumakbo pero agad naman nila akong nahawakan.

"Bitawan niyo ako!" Nagpupumiglas ako pero wala akong magawa dahil sobrang lakas nila. Isa lamang akong payat na babae na wala sa kalingkingan ang lakas sa kanila.

"Dito lang pala kayo nagtatago. Ngayon ay nahuli ka na namin ay tapos na ang aming misyon." Nagsitawanan ang mga lalaking may hawak sa akin. Ang nagsalita ay yung may hawak sa akin na halos baliin na ang aking buto sa higpit ng pagkakahawak niya sa aking braso.

Naiyak na ako sa takot. "Parang awa niyo na po. Pakawalan niyo ako at ang mama ko." Nagmamakaawang d***g ko. Hinihiling ko na sana isa lang itong masamang panaginip.

"Hindi kami tanga para gawin yan—sayang to mga pre, ang ganda ganda pa naman sana kaso halimaw lang." Nagsitawanan lahat sila at mas lalo akong napaiyak.

Bakit nila ako tinatawag na halimaw? Isa naman akong tao na may kakaibang abilidad lang. Hindi ko naman kasalanan kung naging ganito ako. Ipinanganak naman akong normal.

"Ilabas niyo na yan!" Utos naman ng isa sa mga kasamahan nila.

Agad na kinaladkad ako ng mga lalaki palabas ng bahay at halos mapasigaw ako sa sakit na nararamdaman ko sa aking braso.

"Boss, anong gagawin namin dito sa nanay?" Tanong pa ng isa.

Napatingin ako kay mama na ngayon ay umiiyak at nagmamakaawa.

"Pakawalan niyo na kami parang awa niyo na. Wala kaming ginagawang masama parang awa niyo na." Hahulgol ni mama na mas lalong ikinaiyak ko lang.

"Iligpit niyo na yan. Wala na yang pakinabang." Utos naman ng may hawak sa akin na ikinanlamig ng katawan ko.

"Wag niyong akong patayin! Parang awa niyo na." Halos hindi ko na mailarawan ang aking mama sa kanyang pagmamakaawa.

Para akong namalikmata ng itinutok nila ang baril kay mama at walang pagdadalawang isip na ipinutok yun.

"Mama!" Iyak na sigaw ko ng bumagsak sa lupa ang katawan ni mama. Duguan ito dahil sa ulo tumama ang bala. "Mama!" Nagpupumiglas ako at gusto kong lapitan si mama pero mas mahigpit ang pagkakahawak nila sa akin at wala kahit konting pagkakataon na maaari akong makawala sa kanilang mga kamay.

"Patay na ang nanay mo kaya tumigil ka na kung ayaw mong malintikan." Banta naman sa akin ng lalaki.

Masama kong tiningnan ang may hawak sa akin. "Patayin niyo na din ako. Ano pa ba ang kailangan niyo sa akin?!" Halos lumabas na ang litid ko sa pagkakasinghal sa kanila.

"Aba matapang ka." At biglang may sumampal na lang sa akin at tumabingi ang mukha ko at napahiyaw ako sa sakit.

Pakiramdam mo ay namaga ang aking kaliwang pisngi at medyo umikot ang paningin ko.

"Dalhin niyo na yan." Saad ng lalaki at kinaladkad na nila ako paalis sa lugar namin.

Para akong isang basura na basta na lang itinapon sa isang sasakyan. Masakit na masakit na ang aking katawan dahil pakiramdam ko ay nalamog na ng husto ng mga kalamnan ko. Patuloy lang sa pag-agos ang mga luha ko at humihiling na sana ay mamatay na lang ako. Nahihindik pa rin ako hanggang ngayon na pinatay nila ang mama ko sa mismong harap ko. Bakit may ganitong klaseng tao sa mundo? Bakit hindi nila kami matanggap?

Bakit kailangan na kunin nila kami para ano? Para patayin lang din? Sana ginawa na nila yun kanina pa. Mas lalo lang akong nasasaktan dahil sa mga nangyayari.

Pero biglang prumeno naman ang sasakyan at halos tumilapon naman ako mula sa pagkakasadlak ko rito sa sasakyan.

"Shit! Paputukan niyo!" Sigaw ng isa sa mga kumuha sa akin.

Napatakip ako sa aking tenga dahil sa sobrang takot na nararamdaman ko. Kinikilabutan ako sa lakas ng putok ng baril. Nagkagulo na sila at napabuka ako ng aking mga mata ng may narinig akong mga sigawan.

Kitang kita ko kung paanong may kuryenteng lumabas na hindi ko alam kung saan nanggaling at napapalibutan na rin kami ng apoy. Lumabas na rin ang mga natitirang mga lalaki na kumuha sa akin.

Parang sasabog na ang puso ko sa nakikita ko ng tangayin ang iba ng isang ipu-ipo. Unti-unting nanlalabo ang aking paningin hanggang sa di ko na namalayan at nawalan na ako ng malay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status