Share

Chapter 2

Raven's POV

NAGISING na lang ako at namulat na nasa isang banyagang silid na ako. Kulay puti iyon na may halong kulay dilaw. Hindi ko alam kung ano ang tawag sa silid na ito. Pero kilala ko kung ano ang nakasabit sa kaliwang kamay ko.

Sinabi ni mama sa akin na dextrose ito kaya alam ko ang itsura nito. Walang tao doon maliban sa akin. Kulungan ba ito? Pero bakit ganito ang itsura? Bakit maganda?

"Doc, gising na po ang pasyente." Napansin ko na lang na may babaeng nakaputi na pumasok sa silid.

Meron sumunod dito na lalaking nakaputi na sa palagay ko ay ang doctor na base na rin sa kasuotan nito. Lumapit sa akin ang doctor at nakangiti ito sa akin.

"Ako pala si Doctor Ryan Eisenberg. Kumusta ang pakiramdam mo?" Magaan na bati nito sa akin.

Hindi ko alam kung paano siya sasagutin. Hindi okay ang pakiramdam ko dahil sariwa pa sa aking ala-ala ang mga nangyari. Kaya hindi ako sumagot at binigyan ko lang siya ng blankong tingin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin nila sa akin pagkatapos nito.

"Possible trauma dahil sa mga nangyari sa kanya." Saad naman ng doctor na kausap nito ang nurse at tumingin ito pabalik sa akin. "It's going to be okay. Ligtas ka na." Turan nito sa akin.

Ligtas ako? Paanong ligtas ako na sa pagkakaalala ko ay dinukot ako ng mga masasamang loob. Pinatay ang mama ko at nabugbog pa ako. Hindi ko alam kung sa anong paraan ako naging ligtas pero hindi pa rin ako nagsalita. Hindi ko alam kung ano ang kailangan nila sa akin bakit nila ako dinukot at dinala sa lugar na ito.

"She's not talking doc... is she okay?" Tanong ng nurse. Naiintindihan ko ang mga sinasabi nila dahil naturuan din naman ako ni mama sa wikang ingles. Lahat din ng librong binabasa ko ay ingles.

"She's gonna be okay. Hindi basta-basta ang sinapit niya noong nadukot siya ng gobyerno. Maswerte siya at nailigtas siya ng mga Cadre." Nagtataka man ako na nakikinig pero umusbong na ang aking kuryusidad dahil nag-uusap sila sa isang bagay na hindi ko inaasahan.

"Nakakatuwa lang na may nadagdag na nailigtas dito. Sana mailigtas lahat ng mga eons." Saad ng nurse.

Pagkatapos nun ay naglakad na sila palabas ng silid. Naging maraming katanungan ang pumasok sa utak ko. Kung sino ang Cadre at ano ang Eons. Ngayon ko lang narinig ang mga salitang yun kaya wala akong ideya kung ano ang ibig sabihin nun.

Laking pasalamat ko lang dahil maliban sa pasa na natamo doon sa parte kung saan nakahawak yung dumukot sa akin ay wala na akong makitang pasa sa aking katawan. Pero talagang nangingitim yung kanan braso ko pero alam ko naman na mawawala lang din ito.

Biglang naalala ko na naman si mama at tumulo ang aking luha. Hindi ko pa rin matanggap na wala na siya. Si papa naman ay siguradong wala siyang alam sa mga nangyari. Walang kaalam alam ang papa ko na wala na si mama at nadukot naman ako ng mga masasamang loob.

Puno ng bakit at katanungan ang isipan ko. Masakit sa akin ang mga nangyari pero wala akong magawa dahil mahina ako. Ni hindi ko alam kung paano gamitin ang abilidad ko. Ni hindi ko nga alam kung ano ang kakayahan ko. Dahil sa pamumuhay namin na normal ay hindi ko natutunan na gamitin ang abilidad ko. Pero pinagbawalan din ako nina mama at papa na gamitin yun kung alam ko daw kung paano kaya walang pagkakataon na matutunan iyon.

Kung alam ko lang sana ay baka sakaling nailigtas ko si mama. Pero para saan pa ang pagsisisi kung huli na ang lahat. Nakayukong nakatingin na lang ako sa kamay ko at paulit-ulit na bumabalik sa ala-ala ko ang mukha ng aking mama na nagmamakaawa na huwag siyang patayin. Ni isa sa kanila ay walang naawa at pinatay pa rin si mama kahit wala itong kalaban laban.

Pinahid ko ang luha ko dahil gusto ko na yun tumigil sa kakaagos. Masakit at di ko matanggap pero kailangan kong magpakatatag. Kailangan ko pang tumakas sa lugar na ito. Kailangan kong mahanap si papa.

Humiga na lang ako ulit at sa matinding kalungkutan ay nakatulog na ako. Isang mahabang tulog na walang panaginip.

•••

ILANG araw na ako dito at nalaman ko na isang maliit na ospital pala ito. Naging mabait sa akin ang mga nurse at doctor. Nalaman ko rin na hindi pala ito mga kalaban. Nalaman ko iyon dahil sa madaldal na nurse na kahit hindi ko kinakausap ay kusang dumadaldal ito.

Nalaman ko na isa pala itong isolated na lugar para sa mga kagaya namin. May isang paaralan o akademya kung tawagin ay Eon Academy. Ang academy na ito ay hindi kilala at kusang itinago sa lahat. Kahit gobyerno ay walang alam tungkol sa lugar na ito. Ang alam lang nila ay pribadong lupain ito ng mga Cambridge.

Napag-alaman ko na marami pala akong katulad dito sa Fortress. Mga nagsasanay ng abilidad at pakikipaglaban para maprotektahan ang mga sarili dahil hinahabol kami ng gobyerno para puksain.

"Hays, ayaw mo pa rin ba talagang magsalita? Ilang araw ka na dito. Dapat nakakapagsalita ka na dahil malapit ka ng makalabas dito." Nakangusong saad naman ng nurse.

Umiling ako. Wala akong balak na magsalita. Ewan ko rin kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Ayoko talagang magsalita kahit alam ko na mabubuti silang tao.

"Hays, baka naman pipi ka kaya di ka nakakapagsalita. Sayang ang ganda mo pa naman." Sumusukong saad ng nurse at umalis na rin.

Tanggal na ang dextrose na nakakabit sa akin kaya lumabas na ako ng maliit na ospital na yun. Agad na tumambad sa harap ko ang kagandahan ng lugar.

Isang pathway na gawa sa semento, may mga halaman at mga puno. Sobrang ganda at ngayon lang ako nakakita ng ganito buong buhay ko.

Pero napatingin naman ako sa isang lalaking naglalakad patungo sa dereksyon ko. Nakasuot ito ng tuxedo at halatang makapangyarihan ito pero nagulat na lang ako ng ngumiti ito sa akin.

"Hi! I'm Luther Cross the Headmaster of the Academy and you are?" Pakilala nito sa akin at sabay tanong. Halatang mas matanda ito sa akin. Nasa mga late twenties na ang edad nito kung pagbabasehan ang itsura nito.

Hindi ako nagsalita at tiningnan ko lang ang kamay na nakalahad sa akin. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang mangyari bakit nakalahad ang kamay niya sa harap ko.

Napakamot naman ito ng ulo. "Mukhang totoo nga ang sinasabi nila na hindi ka nagsasalita. Pero hindi na importante yun dahil nakakaintindi ka naman kaya matututo ka sa mga aralin. Kailangan kang ma-enroll sa academy para mapaghusay mo ang iyong kakayahan. Marami kang magiging kaklaseng mga kaedad mo at may iba din na mas matanda sa iyo. Ito ang magiging tahanan niyo, bilang Eons." Paliwanag nito.

Kaklase? Ibig sabihin ay mag-aaral ako? Parang lumundag naman ang puso ko sa nalaman. Pansamantalang nakalimutan ko ang lahat ng sakit na namamahay na sa dibdib ko.

"Mukhang excited ka, kaya sumunod ka sa akin kasi kailangan mo i-fill up ang form para ma-enroll ka sa Academy." Saad naman nito at naglakad na kaya wala akong magawa kundi ang sumunod dito.

Gusto kong mag-aral dahil yun ang bagay na hindi ko naranasan buong buhay ko. Ang mag-aral sa paaralan. Palingon-lingon ako sa paligid habang nakasunod kay Headmaster. Talagang sobrang ganda ng paligid. Alagang alaga.

Sa dulo ng pathway ay may nakikita akong parang isang malaking bahay na kulay dilaw.

Kaninong bahay kaya yan? Naitanong ko na lang yun sa isipan ko. Maganda ang bahay at malaki ito.

"Yan ang building ng faculty at opisina ko rin. Nandyan din ang registrar's office." Sabay turo nito sa bahay na dilaw.

Nanlaki naman ang mga mata ko dahil hindi ako makapaniwala na opisina yun. Hindi siya mukhang opisina. Mas mukha siyang mansyon.

Patuloy kami sa paglalakad hanggang sa narating na namin ang opisina ni Headmaster na ngayon ay para akong tanga na tumitingin sa bawat paligid. Sobrang ganda ng mga muwebles. Malayong malayo sa aming bahay na tinitirhan noon. Ang bahay namin doon sa Austra ay gawa lamang sa papag. Ang mga kagamitan naman ay mga luma.

Pero ang lahat ng mga nakikita ko rito ay halatang bago at moderno. Napakalinis at parang nakakahiyang apakan ang sahig.

"Maupo ka muna Miss at i-fill up mo itong from." Saad naman ni Headmaster Luther sa akin.

Marahan akong tumango at umupo na sa upuan na kaharap ng kanyang center table. May inilapag siya doon na isang bond paper at may mga naka imprinta doon. May inilagay din siya na ballpen kaya kinuha ko na yun at nagsimula ng magsulat.

Personal Information

Name: Raven Haust

Age: 18 years old

Date of Birth: December 10, 2000

Mother: Deceased

Father: —

Address: —

Educational Background

Primary: Ravenwood Academy

Secondary: —

Tertiary: —

Maraming puwang ang nilaktawan ko dahil sa palagay ko ay hindi na kailangan yun lagyan at wala din akong mailalagay. Habang sa pangalan naman ng aking papa ay hindi ko na nilagay para na rin sa kaligtasan niya. Walang pwedeng makaalam kung sino ang aking papa dahil siya na lang ang natitira sa akin at kailangan ko siyang mahanap.

Ibinigay ko na iyon kay Headmaster at binasa niya muna yun. Kumunot naman ang kanyang noo pero hindi na siya nagtanong kung bakit marami akong iniwan na blanko. Nilagdaan na niya ang aking papel at nilagyan ng seal ng Academy.

"Okay. Now you are a legitimate Eons Academy Student—" naputol naman ang kanyang pagsasalita ng may kumatok sa pintuan. "Come in!" Sagot naman ni Headmaster.

Agad na bumukas ang pinto at iniluwa doon ang isang babae na may edad na at may salamin sa mata. May dala itong pansukat at agad na tumumutok ang mata nito sa akin.

"Siya na ba ang susukatan ko Headmaster?" Tanong nito kay Headmaster Luther.

"Oo Sierra. Siya si Raven. Pasensya na kung pinapunta kita rito dahil hindi nagsasalita si Raven at baka magkahirapan kayong dalawa." Sagot naman ni Headmaster rito.

Ngumiti naman ang babaeng tinawag na Sierra bago tumingin ulit ito sa akin.

"Hija, ako pala si Sierra. Ako yung taga gawa ng mga uniporme niyo at taga supply na din ng mga damit. Pero wag kang mag-alala dahil fashionista ako kaya hindi ka magsisisi sa mga taste ko." Saad pa nito na hindi ko maintindihan ang ibang sinasabi nito. Fashionista? Ano yun?

Pero tumango na lamang ako at sinimulan na nga akong sukatan ni Sierra. Pagkatapos ng pagsusukat nito ay may mga inilista na ito sa kanyang notebook.

"Okay tapos na ako. Hindi ako mahihirapan sa pagbigay ng damit sa kanya. Size two naman siya at maraming kasya sa kanya. May uniform na din doon at kailangan ko lang ng konting adjustment sa mga yun." Saad naman ni Sierra kay Headmaster Luther.

"Okay, maraming salamat Sierra." Sagot naman ni Headmaster.

Umalis na si Sierra at naiwan ako dito sa loob ng opisina ni Headmaster. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari pero biglang kumuha na lang si Headmaster ng isang—bagay na kilala ko. Isa yung camera kahit medyo weird ang itsura niya para sa akin.

"I will take your picture for your file and your ID." Saad nito at iginiya na ako sa isang puting dingding doon at pinatayo. "Just stand straight and do not frown." Saad nito kaya nag relax ang aking ekspresyon at nagulat at napapikit ako sa flash ng camera. "Okay done."

Pakiramdam ko ay parang nabulag ako doon. Ganoon ba talaga basta camera? Parang ayoko nun dahil masakit sa mata.

"Ihahatid na kita sa dorm room mo, Raven." Saad naman nito sa akin. Masasabi ko na mabait si Headmaster dahil tinutulungan niya ako. Alam ko na ginagawa lang niya ito dahil hindi ako nagsasalita at mahihirapan ang iba.

Kaya lumabas na kami sa opisina ni Headmaster at naglakad na kami at di ko mapigilan na mag-enjoy sa mga tanawin. Parang gusto kong sumigaw sa ganda at tumili pero pinigilan ko ang sarili ko. Magsasalita ako sa oras kung kailangan ko na talaga.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status