Share

College

Depths: 3

  Mabilis dumaan ang oras, at napadalas naman ang bisita ni Alen. Napag-isipan ko na ding pumasok sa isang karenderya sa palengke tuwing umaga at maging tindera naman ng tindahan ni Aling Neth tuwing hapon hanggang alas otso ng gabi.

  Malapit na kase ang pasukan at gusto kong makapag-aral sa isang kolehiyo sa Manila. Kahit hindi ito pribado o kilala ayos na sa akin basta makakaya ng bulsa ko at mayroong medikal. Hindi din naman kase hamak ang dadanasin ko sa Manila sa oras na manirahan ako doon. Alam kong maraming tukso at mga luho, isama pa ang mga matataas na presyo ng bilihin doon hindi tulad dito sa probinsya na sa bakuran mo'y nandoon na.

  Ilang beses din ako tinanong ni Inang Swela kung sigurado na ba ako sa kagustuhan ko dahil maaari naman daw akong pumasok sa mga karatig bayan na maganda din ang mga kolehiyo pero tinanggihan ko iyon. Iba pa din kung sa Manila ako mag-aaral, magkakaroon ako ng sapat na experience saka makakasanayan kong tumira mag-isa o mamuhay mag-isa.

  Mabuti na lamang ay mayroon din akong kinita sa mga nakaraang buwan dahil sa pagtulong kay Nanang Swela, binabayaran kase s'ya sa tuwing nagluluto tulad noong pagluluto para kay Kapitan. Kung magkano ang bayad kay Nanang Swela ay s'yang hinahati ng matanda para sa aming dalawa dahil daw tumulong ako at isa pa'y mangangailangan ako ng pera.

  "Ate Chel, uuwi na po ako" ani ko sa papalit sa akin sa karenderyang pinagtatrabahuhan.

  "Oh sige Istel, mag-ingat ka ah? Hindi ka ba dederetsyo sa tindahan ni Aling Neth?" tanong n'ya sa akin habang naglalagay ng apron.

  "Hindi po ngayon, tutulungan ko po kase si Nanang at may pinapaluto sa kanya" sabi ko dito habang kinukuha ang mga gamit.

  "Kailan ba ang alis mo papuntang Manila?"

  "Sa susunod na Linggo na Ate, dun ko na din kukunin ang huling sweldo ko kay Nanang Daya. Alis na ko ate" paalam ko dito at umalis na ng karenderya.

  Malaki naman na ang aking naipon, makakarenta na ako siguro ng maliit na matutuluyan. Kung talaga namang mangangailangan ako at magigipit baka nga kunin ko ang inalok sa akin ng modelong si Anne na maging isang modelo ng kaniyang pinapasukan.

  Pero kung kakayanin ko ang mga magiging gastos ay hindi ako papasok sa ganoon. Gusto ko lang ng tahimik na buhay at walang mga reporter na nakasunod. Ayoko ng buhay na maingay, ayos na akong tago sa kasikatan ang maging buhay at tahimik.

  "Nang?" tawag ko sa kabuuan ng pamamahay nang makauwi. Ibinaba ko sa sala ang mga gamit ko at hinanap na ang matanda.

  Nakita ko na lang si Inang sa kusinang abala sa kanyang paghihiwa ng mga rekados. Nakasalang na din ang isang kaldero sa kalan.

  "Oh Istel, ang akala ko ba'y may pasok ka pa sa tindahan ni Neth?" tanong nito sa akin ng makita.

  "Hindi na ho muna Nang, tutulungan ko na lang ho kayo dito" sabi ko rito papalapit sa kaldero.

  "Pano naman ang magiging ipon mo n'yan?" tanong nito sa aking halata sa tono ng pananalita n'ya hindi pa din sa suportado sa aking naging desisyon.

  "Ayos naman po ang aking ipon, isa Nang magtatrabaho pa din ho ako sa Manila kahit sa maliit na karinderya sa umaga at sa fastfood chain naman sa gabi" sagot ko ditong nakangiti, pinapanatag ang kanyang kalooban dahil alam kong hindi s'ya panatag na makikipagsagupaan ako sa buhay Manila habang nag-aaral.

  "Ayaw mo ba talaga sa kabilang bayan? Ang narinig ko'y ang anak ni Ine na doon nag-aral ay nakapag ibang bansa na ngayon ay maayos pa ang trabahong pinapasukan" sabi n'ya na mayroong maliit na pag-asang magbabago ang aking isip.

  "Hindi na ho Nang, sigurado na po ako at buo na ang loob na doon na magtatrabho at isa pa kung hindi po kakayanin ng bulsa ko ay kukunin ko po ang naging alok sa akin ni Anne sa pagmomodelo dahil mataas nga daw po ang magiging kita dun" sabi ko dito habang inuusisa ang karneng nasa kaldero, mukhang pinapalambot ito para sa lulutuin. "Ano ho ba ang lulutuin Nang?"

  "Kare-kare at sinigang" sagot n'ya sa akin bago lumingon, nakikita ko sa mata nito ang pagkalungkot at kaonting pagkadismayang hindi na talaga nagbago ang isip ko. "Hindi naman sa nagdududa ako sa iyo Istel pero sana lamang ay hindi ka gumaya sa mga nauna at malayo ang iyong marating pero wag mong kalilimutan ang pinanggalingan mo. Hindi ko na ninanais na tulungan mo ako sa buhay pero sana ang sarili mo na lang" ngumiti s'ya sa akin na bakas ang pagkalungkot sa boses at ngiti.

  Sakto namang dumating si Alen sa bahay kasama si Alma.

  "Nang Swela? Istel?" narinig ko agad si Alen, sumilip naman sa kusina si Alma at nang makitang nandoon kami ay tinawag ang kanyang kapatid.

  Katulad ng nakasanayan ay may dala silang merienda para sa aming apat. Agad namang lumapit sa akin si Alma saka yumakap ng mahigpit.

  "Totoo bang sa Manila mo plano magkolehiyo tulad ng mga kumakalat na tsismis doon sa palengke?" maluha-luha n'yang ani sa akin pagkatapos kumalas sa yakap. Kitang-kita ko ang pagpipigil n'ya.

  Agad namang lumapit sa amin si Alen at agad inalis sa akin si Alma bago ako harapin.

  "May tutuluyan ka na ba don? Kung wala ay pede kitang sabihin sa isa sa mga tita namin sa Manila para doon manuluyan sa kanyang apartment, tutal mga istudyante talaga ang mga umuupa doon" wika n'ya sa akin hindi tulad ni Alma na mukhang hindi ako hahayaang umalis.

  "Pupuwede ba ako doon? Hindi kase kalakihan ang makakaya kong ipangbayad at mukhang magiging maliit diin ang kikitain ko sa mapapasukan ko doon" sagot ko sa kanyang medyo nahihiya, sa mga nagdaang buwan marami na ang naitulong sa akin ni Alen. Naging malapit din ang aking loob sa kanya nitong mga nakaraan pagkatapos ng nangyari sa ilog.

  "Oo naman! Hindi naman malaki ang upa doon at mayroon ding kalapit na eskuwelahan sa paupahan. Isa pa ang kolehiyo na iyon ay hindi pribado at mura lang din ang tuition" ani nitong bakas ang saya dahil siguradong tatanggapin ko ang tulog.

  "Sige Alen, maraming salamat sa alok. Doon na siguro ako mangungupahan" sabi ko dito habang nakangiti, malaking tulong ito galing kay Alen at talagang hindi ko matatanggihan sa dahilang baka ang alok n'yang iyon lang ang aking kayanin.

  "Kailan ba ang alis mo Istel?" tanong nito habang nangangamot sa ulo, para bang nahihiya pa s'ya gayong malapit naman na din kami sa isa't isa.

  "Sa susunod na linggo na"

  "Ganoon ba? Pede bang sabay na tayo?" ngayon naman ay namumula na s'ya sa kanyang tanong.

  "Bakit naman? May trabaho ka bang balak pasukan sa Manila?" ngayon nagtataka kong tanong sa kanya.

  "Naku hindi, balak ko kaseng pumasok ngayong taon para ipagpatuloy ang gusto kong maging isang seaman" ngumiti ngayon s'ya sa akin na para bang isang batang nahihiyang manghingin ng piso sa kapatid.

  "Ah ganoon ba? Sa bagay ay magkasing edad lang din naman tayo, pede naman dahil mas mabuti nga iyon at may kasama ako" ngumiti ako dito.

  Ngayon ay abot tenga na ang ngiti n'ya, nangangamot pa din ng ulo sa akin bago bumaling sa kanyang kapatid. Ngayon paano naman si Alma? Magkasing edad kami ni Alen pero hindi kami sabay nagsimula mag-aral, tumigil s'ya sa pag-aaral ng tumungtong sa second year. Ang sabi nya'y noong panahon na iyon medyo kinapos sa pera ang kanilang magulang ni Alma dahil na din third year highschool na si Alma.

  Kasabayan ko namang magsimula mag-aral si Alma. Nasa walong taon ako magsimula habang si Alma ay anim. Natagalan ako magsimula sa edukasyon dahil hindi ganoon kadali para kay Nanang dahil pagluluto lang ang pinagkukuhanan niya ng pera noon at isa pa matanda na din talaga ang Nanang.

  Mapalad pa rin ako kahit ganoong late na ako nagsimula, isa pa ay hindi din naman ganoon kadali para kay Nanang Swela magdali ng katulad ko lalo na sa kanyang edad. Kaya nga ninanais kong magtapos ng may magandang grado para lamang maiahon ko kami.

  Si Nanang lamang ang mayroon ako at ayokong sayangin ang mga panahong meron ako para lang makabawi sa kanya para sa mga ginawa sa akin. Kahit pa gayong ayaw n'ya talaga akong paalisin sa aking planong mag Manila.

  Kung itong pag-alis na ito ay magbubunga ng mabuti para sa amin ay ipagpapatuloy ko ang pag-aaral sa ibang lugar pero kung talagang hindi ko na kakayanin at masisira lamang ang panahon ko sa edukasyon ay babalik ako dito at sa karatig bayan na lang ipagpapatuloy ang pag-aaral.

  Masaya naman akong makakasama ko si Alen paluwas dahil hindi ako mag-iisa at magkakaroon ako ng isang taong malapit sa akin. Hamak namang mas maraming karanasan itong si Alen sa syudad kaysa sa akin. Nalaman ko din kaseng sa unang year sa college ay kinuha s'ya ng isa sa mga tita nila para siya'y pag-aralin.

  "Pero paano naman itong si Alma? San ka naman magkokolehiyo kung si Alen ay doon kasama ko?" tanong ko sa kanila habang humihikbi pa ng marahan si Alma.

  "Doon sa karatig bayan si Alma dahil sina nanay ang magpapa-aral sa kanya, ako naman ay luluwas habang ako din ang magtutustos para sa pansarili" sagot sa akin ni Alen habang patuloy na inaalo si Alma.

  "Dumalaw ka lagi Istel ah, lalo na pagwala kang ginagawa doon. Ma-mi-miss kita sa pag-alis mo wala na akong Istel" sa sinabi ni Alma ay siyang kinahagulgol n'ya.

  "Ma-mi-miss din kita, mag-iingat ka lagi dito ah" sagot ko dito at dumalo sa kanya. Niyakap ko s'ya habang parehas na kaming humihikbi.

Nang lingunin ko si Nanang ay nakittang may nagbabadya na ding luha sa kanyang mga mata.

  "Nang huwag mo kayong mag-alala kasama ko po doon si Alen at magpapabutihan ko para sa ating dalawa. Mag-intay lang po kayo Nang, iaahon ko tayong dalawa" sabi ko sa kanya habang ngayo'y nagaya na din kay Alma na umiiyak.

  "Ikaw Alma ah, kahit wala kami ni Istel huwag kang magpapaligaw kahit kanino dahil baka mabuntis ka pa ng maaga" paalala ni Alen sa kanya na pabiro.

  "Si kuya naman, hindi ako ganoon kahit pa magwapuhan ako hindi mangyayari iyon" sagot niya habang nagpapahid na ngayon ng luha.

  Hindi man ako pinalad makilala ang aking mga magulang, masuwerte na akong hindi isang abusado ang kumalinga sa akin at may mga kaibigan akong masasandalan. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status