Share

Luna Rossa
Luna Rossa
Author: Tan Jiro Alvez

IKAUNANG KABANATA: Malupit na Tadhana

IKAUNANG KABANATA: Malupit na Tadhana

KASALUKUYAN ako ngayong nagdidikdik ng halamang coalesco para sa ginagawa naming gayumang panglunas ni Ina. Napatigil naman ako sa aking ginagawa nang tawagin niya ako. Tila nangungusap ang kaniyang mga mapupungay na matang tumingin sa akin.

“Dea, anak, maaari bang ikuha mo pa ako ng tanim nating halamang gamot sa likod ng ating bahay? Ako na muna ang magtutuloy sa ginagawa mo,” malambing niyang hayag sa akin.

Tumugon ako sa kaniya sa pamamagitan ng isang pagtango. Ngunit, sandali akong napatigil nang mahinang napaubo si Ina habang nakahawak sa kaniyang dibdib. Mabilis kong nabitiwan ang hawak kong maliit na pambayo at agad siyang inalalayan para umupo sa silya. Maging si Helena, ang aking nakatatandang kapatid, ay halos liparin na rin ng takbo patungo sa aming kinaroroonan. 

Tinitigan niya muna ako nang masama bago bumalik sa paghagod ng likod ng aming ina. Hindi ko alam pero parang matagal nang may tinatagong galit sa akin ang aking kapatid.

“Ina, hindi ba’t sinabi ko na sa inyong hayaan niyo na ang paggawa ng lunas na iyan? Ilang taon niyo na ’yang ginagawa pero hanggang ngayon ay hindi niyo pa rin nahahanap ang tamang sangkap para makumpleto ito,” sermon ni Helena kay Ina.

“Hindi puwede, Helena. Hindi ko puwedeng pabayaan ang inyong bunsong kapatid. Naturingan akong pinakamagaling na mangkukulam sa larangan ng panggagamot ngunit ang sarili kong anak ay hindi ko kayang pagalingin,” halos mangiyak-ngiyak niyang sabat sa aking kapatid. Nadudurog ang aking puso sa tuwing nakikita kong nagkakaganito ang aming ina.

“Opo, naiintindihan namin pero sana naman ay magpahinga kayo. Napapabayaan niyo na ang kalusugan niyo dahil—”

“Ina ako, Helena! At gagawin ko ang lahat para sa aking mga anak, para sa inyong magkakapatid. Wala akong pakialam sa sarili ko basta’t ang mahalaga ay nasa mabuti kayong kalagayan,” pagputol ni Ina sa sinasabi ng aking kapatid. 

Napabuntonghininga na lamang si Helena. Wala naman siyang magagawa dahil sadyang mapilit si Ina at para rin naman sa aming bunsong kapatid ang kaniyang mga ginagawang sakripisyo. 

Bata pa lamang ang aming kapatid na si John, pansin na naming may mali sa kaniya. Noong una ay nakalalakad pa naman siya ngunit hindi nagtagal ay unti-unti siyang nalumpo.  Iginugol naming tatlo ang aming oras sa loob ng pitong taon para mahanap ang lunas sa karamdaman ng aming bunsong kapatid. Ngunit, paulit-ulit kaming nabigo. 

Pitong taon na ring ulila kami sa ama. Ayon kay Ina, namatay siya dahil sa pagsasagawa ng isang makapangyarihang pinagbabawal na ritwal. Hindi na ako nagtanong pa sa kaniya noon kung bakit ginawa iyon ni Ama dahil pakiramdam ko ay hindi rin lang niya ako sasagutin.

“Dea, sige na anak, tumalima ka na sa pinapagawa ko. Dalhin mo itong isang gasera,” turan ni Ina sa akin sabay abot ng isang maliwanag na lampara.

Madaling araw pa lamang kasi. Kailangan ko ring magsuot ng makapal na damit dahil malamig ang simoy ng hangin. 

Lumabas ako ng bahay at diretso lamang ang aking lakad na tinungo ang aming taniman ng mga halamang gamot. Nasa likuran ito ng aming bahay kung saan ako patagong nag-aaral ng mahika. Dito ako nagsasanay palagi ng aking mga spell ngunit hindi alam ng aking pamilya. 

Mariin akong pinagbabawalan ni Ina na gumamit ng mahika kapag wala ang kaniyang gabay. Nakakagamit lamang ako ng mga spell kapag gumagawa kami ng lunas. Ngunit sa tuwing may kung anong mahika sa loob ko na gustong kumawala, nagsasanay ako nang mag-isa. 

Hindi ko maintindihan ang aking sarili pero pakiramdam ko ay hindi lamang para sa mga paggawa ng lunas ang aking kapangyarihan. Pakiramdam ko ay ipinanganak ako para magsilbing proteksyon sa mga taong mahal ko. Gusto kong maging malakas para hindi na kami nagtatago sa kagubatang ito na ayon kay Ina ay malayo sa panganib. Hindi ko alam kung anong uri ng panganib ang tinutukoy niya. 

Nakatira kami sa isang masukal na kagubatan ng Hilagang Malefica na nasa pinakatagong bahagi ng kaharian ng mga mangkukulam. Sa tulong ng mga aklat ni Ina, marami akong nalalaman tungkol sa aming kaharian at sa iba pang mga lugar. Palihim ko ring kinukuha sa kaniyang kuwarto ang aklat niyang naglalaman ng mga spells at inaaral ang mga ito nang hindi niya nalalaman.

Bumalik naman ako sa reyalidad nang bigla akong kinutuban nang masama. Nasa kalagitnaan ako ng pamimitas ng dahon nang may isang sumasagitsit na tunog ang pumukaw sa aking atensiyon. Tila galing ito sa isang hayop na gumagapang sa mga tuyong dahon ng mga puno. 

Binilisan ko ang pagkuha ng mga halamang gamot ngunit bigla akong nabato sa aking kinaroroonan ng isang mahaba at malapad na bagay ang mabilis na lumingkis sa aking katawan. Nabitiwan ko ang gasera at ang mga dahong hawak ko.  

Hindi agad ako nakagawa ng anumang pagkilos. Kahit medyo madilim pa, alam ko na kung anong bagay ang nakapulupot sa akin ngayon. Habang patagal nang patagal ay pahigpit nang pahigpit ang pagkakapilipit nito sa akin. Paisa-isang pumapatak ang malalagkit at mainit na likido sa aking mukha. Mahapdi at tila asidong nilalapnos ng mga likidong ito ang aking balat. Napapikit na lamang ako dahil sa nanunuot na sakit. 

“Isang basilisk,” mahinang bulong ko sa aking sarili. 

Tinatawag na “king of serpents” ang basilisk. Isa itong dambuhalang ahas na parang gawa sa matigas na bakal ang mga kaliskis sa katawan. May mahahaba itong mga pangil at nagbubuga ng nakalalasong usok at likido.

Bakit ngayon pa? Ramdam ko ang pagdampi ng mahaba nitong dila sa aking mukha at patuloy pa rin ito sa pagsitsit. Hindi ako nagmulat ng mga mata dahil magiging bato ako kapag nagkataong matitigan ko ito sa mata.

“A-ack!” daing ko nang mas lalong hinigpitan ng basilisk ang pagkakapulupot sa akin. 

Isang matinis na tinig ang kumawala sa basilisk at alam kong nakahanda na itong sakmalin ako. Malakas akong napadaing dahil tila dinudurog ng higanteng ahas ang aking mga buto’t kalamnan. Sobrang higpit ng pagkakapulupot nito sa akin. 

Ano nang gagawin ko ngayon? Hindi ko maigalaw ang aking mga kamay para gumawa ng isang spell o maibuka nang maayos ang aking bibig para umusal ng isang engkantasyon dahil nasasakal ako.

Kahit sobrang nahihirapan, sinubukan kong magpakawala ng mahika. Hindi ko hahayaan ang halimaw na ito na sayangin lamang ang ilang taon kong pagsasanay. Lalaban ako. Kahit mahirap, lalaban ako. Kahit mahina lang ako, lalaban pa rin ako. 

Bigla ko na lamang naramdaman ang pagsikdo ng isang kakaibang sensasyon sa aking mga ugat. Impit akong napasigaw at habang ginagawa ko iyon ay unti-unting kumalas ang basilisk mula sa pagkakapulupot nito sa akin. 

Napamulat ako at natapat ang mga mata ko sa mga berdeng mata ng halimaw na nasa harapan ko at ilang pulgada lamang ang layo nito sa akin. Tila nag-aapoy ang aking paningin. Ngunit kahit natitigan ko ang mga mata ng basilisk, hindi ako naging bato. 

Anong nangyari? Walang epekto sa akin ang mga titig nitong nakakabato. Mas lalong naging agresibo ang basilisk nang makitang nakagagalaw pa rin ako. Malaki nitong ibinuka ang bunganga at tila ipinagmamayabang sa akin ang mahaba nitong dila at nakapangingilabot na mga pangil.

Mabilis ako nitong sinakmal ngunit bago pa man ako makain, nagawa kong ibuka ang bunganga nito gamit ang aking buong lakas.

Muli ko na namang naramdaman ang sensasyong nagpasirko-sirko sa aking mga ugat. Saan nagmumula ang ibayo kong lakas ngayon?

Nakalabas ako mula sa nakasusulasok na bunganga ng halimaw at dumistansiya mula rito. Pumalahaw ito nang pagkalakas-lakas pero hindi ako natinag. Pagkakataon ko na ito. Mabilis itong sumugod sa akin kaya binilisan ko rin ang pagkilos ng aking mga kamay. 

“Gravis Crepitus!” 

Isang malaking bola ng apoy ang lumipad at sinalubong nito ang halimaw ngunit… bigla na lamang nawala sa direksiyon ang aking spell at bigo akong patamaan ang basilisk. Sumabog ito sa isang puno at naduwal ito. Palpak na spell na naman. 

Mabilis akong napabalikwas nang muling sumugod sa akin ang halimaw. Nagawa ko itong ilagan ngunit napatilapon ako sa ere matapos akong hampasin nito gamit ang malabakal nitong buntot. Sakto namang tumama ang aking likod sa isang malaking puno. Napaupo na lamang ako habang hinahayaan ang pagdurugo ng aking ulo. 

Nandidilim na ang aking paningin. Habang patagal nang patagal ay nagiging malabo ang buong paligid para sa akin. 

Hindi maaari. Kailangan kong lumaban. Hindi ako puwedeng sumuko. Ilang beses man akong mabigo, kailangan ko pa ring sumubok nang sumubok. 

Proprotektahan ko pa ang aking pamilya at magsisilbi akong pananggalang nila sa kahit anumang panganib. Iyon ang aking misyon at sinumpaang tungkulin— ang dahilan kung bakit gusto kong maging malakas at mabuhay nang matagal kasama sila.

Napatigil ako nang biglang umilaw ang aking dibdib at gumapang ang isang nakakikiliting pakiramdam paakyat sa aking leeg kasabay ng pulang ilaw. 

Nang napawi na ang nakasisilaw na liwanag, isang kuwintas na may pulang bilog na pendant ang nakasuot na sa aking leeg. Ano ito? 

Isang napakalakas na kapangyarihan ang nararamdaman kong namumutawi sa kuwintas na ito. Kumabog nang malakas ang aking dibdib at awtomatikong napapikit ang aking mga mata. Isang imahe ng pulang buwan ang aking nakita sa aking isipan. 

Nagitla ako sa pag-iisip at napaiktad sa aking kinaroroonan nang muli akong hampasin ng basilisk gamit ang buntot nito. Mabuti na lamang at mabilis akong nakaiwas mula rito. Hindi ko alam pero biglang nanumbalik ang mga nawala kong lakas at enerhiya. 

Isang matinis na tili ang kumawala mula sa basilisk. Inihanda ko ang aking sarili para sa isang pag-atake.

“Gravis…” Naramdaman ko na naman ang kakaibang sensasyong nanalaytay sa aking mga ugat. Parang sinusunog ang aking buong katawan dahil sa init na aking nararamdaman. 

Nagulat na lamang ako nang mapagtanto kung gaano kalaki ang bola ng apoy na nasa harapan ko ngayon. Ako ba ang may gawa nito? Ngunit paano?

Habang patagal nang patagal ay lumalaki pa ito. Kung titingnan, halos sampung beses na nga itong mas malaki kaysa sa bola ng apoy na pinakawalan ko kanina. Hindi ko na kaya pa itong hawakan. 

“crepitus!” malakas kong sigaw. Sakto namang malaking ibinuka ng halimaw ang bunganga nito at diretsong pumasok dito ang aking spell. 

Nakaririnding ingay ang nagmumula sa basilisk at tila ba nagwawala ito dahil sa matinding sakit. Unti-unting nasusunog ang katawan nito hanggang sa maging abo.

Totoo ba ’to? Nagawa ko. Wala sa sariling napangiti ako kahit pa punong-puno ng galos at pasa ang buo kong katawan. Mahina akong napatawa. 

Sinubukan kong tumayo ngunit napaupo ulit ako dahil sa sobrang panghihina. Napansin ko ang paglitaw ng mga ugat sa aking braso’t kamay at ang paghaba ng aking mga kuko. Ngunit ilang saglit lamang ay bumalik din ang mga ito sa normal. 

Ilang sandali pa ay unti-unting naghilom ang aking mga sugat at nawala ang sakit sa buo kong katawan. 

Paanong nangyari ang mga bagay na ito sa akin? Ano ang kakaibang sensasyong bumabalot sa akin kanina? At ano ang kuwintas na ito? Pinilit ko itong hubarin sa aking leeg dahil nakapangingilabot ang nararamdaman kong kapangyarihang nagmumula rito ngunit bigo ako. Ayaw nitong matanggal.

Ilang sandali lamang ay sumuko rin akong hubarin ito mula sa akin. Kahit anong pag-iisip ang gawin ko ay wala akong nakuhang kasagutan sa aking mga katanungan. Napabuntonghininga na lamang ako dahil sa kaguluhang bumabagabag sa aking isipan. 

Napasandal ako sa puno ngunit agad na napabalikwas sa pagkakaupo nang biglang may malakas na tili ang nagmula sa aming tahanan. Kumabog ang aking dibdib at nilamon ako ng matinding takot. Isang nakakatakot na presensya ang nararamdaman kong nagmumula sa loob ng aming bahay. 

Nagmadali ako at hindi na inabala pa ang sariling damputin ang mga halamang gamot at gaserang nahulog sa lupa kanina.

Malalakas na pagsabog ang kanina pang namamayani sa aking pandinig at ilang beses na niyanig din ang lupa. Anong nangyayari? 

Napatigil ako matapos buksan ang pinto ng bahay. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig dahil sa tumambad sa akin. 

Nagkalat ang lahat ng gamit sa loob ng bahay at sirang-sira ang bangang pinaglulutuan ni Ina ng lunas. Natapon ang laman nito sa sahig at nahaluan ng pulang likido. 

Natuyo naman ang aking lalamunan nang mapadako ang tingin ko sa kinaroroonan ni Ina. Nanlalambot ang aking mga tuhod habang nakatakip sa aking bibig ang aking mga nanginginig na kamay. Panaka-naka hanggang sa hindi na mapigilan ang pag-agos ng aking mga luha. 

“I-Inaaa!” sigaw ko at saka tarantang tinungo ang kaniyang gawi. 

Kalunos-lunos ang naabutan kong kondisyon ng aming ina. Nakasandal siya sa dingding ng aming bahay. Napakaraming sugat ang kaniyang mukha at halos hindi na makilala pa. May malaking gilit siya sa kaniyang leeg at kulang na lamang ay humiwalay ang kaniyang ulo sa kaniyang katawan. Tuloy-tuloy ang pagdanak ng kaniyang sariwang dugo patungo sa sahig. 

“Hindi... hindi!” 

Napasigaw na lamang ako at malakas na napahagulhol.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Ebhor Aznetac
hope more update
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status