Share

Kabanata 4

Habang walang tao sa loob ng silid ni Alona ay pumasok naman sa loob si Ivan at maingat niyang sinara ang pintuan upang hindi niyang magising ang dalaga sa pagkakaidlip.

Dahan-dahan din niyang inilakad ang kaniyang mga paa palapit kay Alona at saka siya huminto sa harapan nito habang pinagmamasdan ang napinsalang katawan nito dahil sa aksidenteng nangyari sa kaniya.

Halos tumulo ang mga luha niya sa gilid ng mata, lalo na nang umakyat ang tingin niya sa mukha ng dalaga na kasalukuyang nakabalot naman ng puting benda ang buong mukha nito.

"Patawad kung nabigo kita at hindi kita naprotektahan. Pero sisiguraduhin ko na pagbabayaran ng taong iyon ang ginawa niya sa'yo," mahina ngunit mariin niyang sinambit sa kaniyang bibig habang nakakuyom ang dalawa niyang kamao.

Tila gumalaw naman ang hintuturong daliri ng dalaga sa kaliwang kamay niya at napansin din naman iyon kaagad ni Ivan, kung kaya't bigla siyang natahimik at napatingin sa mukha ng dalaga. Batid niya na narinig ni Alona ang mga sinabi niya at para bang may nais itong sabihin sa kaniya na hindi niya kayang bigkasin ngayon sa harapan ng binata.

"Ms. Alona," lumuhod siya sa harapan nito at hinawakan ang kaniyang kamay.

"Naririnig mo ba ako? ako 'to si Ivan. At huwag kang mag-alala dahil hinding-hindi ako aalis sa tabi mo. Kailangan mong magpakatatag alang-alang man lang sa mga magulang mo at sa kuya dennis mo. Nandito lang ako parati sa tabi mo at hindi kita iiwanan." Turan niya sa dalaga habang pinipigilan ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata. Ilang saglit pa ay bigla siyang nakarinig ng mga boses mula sa labas ng kwarto nito at mukhang palakas ng palakas ito habang palapit naman sila ng palapit.

Mabilis siyang napatayo at binitawan ang kamay ng dalaga. Kinusot naman niya ang kaniyang mga mata at pinalis ang bahid ng luha sa kaniyang mukha.

Nagkataong bumukas ang pintuan at bumungad sa kaniya ang pamilyang Bautista, kasama si Karlos, ang magiging fiancee dapat ni Alona. Subalit ngayong wala na ang mga magulang nito ay tila wala na ring bisa ang napagkasunduan ng mga magulang nila.

"You? bakit ka nandito at ano ang ginagawa mo rito sa kwarto ni Ms. Alona?" usisa ni Lucia sa binata, ang ina ni Karlos at asawa ni Henry Sermiento.

Sinikuan naman ng ginoo ang kaniyang asawa sa braso at sinenyasan sa mata na para bang nagsasabi na huwag niya itong taasan ng boses. Tila napunto din naman kaagad ng ginang ang nais nitong ipabatid sa kaniya, kung kaya't muli siyang napatingin sa binata na may pilit na pag-ngiti sa kaniyang labi.

"Pasensya na kung napagtaasan kita ng boses. Nag-aalala lamang ako para kay Alona at dahil napalapit na rin siya sa amin. Alam mo naman siguro na mahirap na ring magtiwala sa ngayon, lalo na't hindi natin alam kung sino ang totoo at sino ang nagpapanggap lamang, right?" aniya habang naglalakad ito palapit sa kaniya at huminto din sa kaniyang harapan. Nagtama naman ang tinginan nila sa isa't-isa habang matalim siyang nakatitig sa mga mata ng ginang.

Napansin naman ni Karlos na para bang hindi maganda ang asal na pinapakita nito sa kaniyang ina, kaya nilapitan niya ito at tipong tatabigin sana niya ito sa balikat nang hulihin naman ni Ivan ang kaniyang kamay at nagngingit-ngit siyang nilingunan.

Nabigla naman si Karlos sa ginawa nito at may bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha habang tinititigan niya ito sa mata.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? bitawan mo 'ko. Bitawan mo sabi ako." Mahina ngunit mariin na turan sa kaniya ng binata. Kaagad din naman siyang binitawan ni Ivan sa kamay at niyuko na lamang ang kaniyang ulo.

"My goodness! tama ba yung mga nakita ko? alam ba ni Alona ang tunay na pag-uugali ng personal body guard niya? at saan bang agency ka nanggaling at hindi ka man lang naturuan ng tamang respeto?" mataras namang saad ng ginang sa kaniya habang nakapamewang ito at nakataas ang isa niyang kilay. Hindi naman siya pinansin ni Ivan at muli na lamang niya itong tinignan ng malalim sa mata.

"At tsaka 'yan pa! iyang mga titig mong 'yan sa mata. Mukhang lumalabas na talaga ang tunay mong pag-uugali pagkatapos mawala ang mga magulang ni-" kaagad ding naputol ang kaniyang sinasabi nang sigawan at pigilan siya ng kaniyang anak.

"Ma!" ani ni Karlos sa kaniya kaya natahimik naman siya bigla at tumalikod na lang upang lumabas ng silid. Sinundan naman siya ng asawa nito at maging si Karlos ay sumunod din sa kanila matapos niyang matitigan ng matalim sa mata si Ivan.

Pagkalabas naman ng pamilyang Sermiento ay halos napabuga naman siya ng malalim na paghinga dahil sa matinding kaba na kanina pa niya nararamdaman. Tila nanlambot din ang kaniyang mga tuhod at napaupo na lamang siya sa bakanteng upuan na malapit lang din sa hinihigaan ni Alona.

Pakiramdam niya ay hindi pa siya handa sa mga ganoong klaseng sitwasyon, ngunit kailangan niyang magpakatatag at maging matapang upang protektahan si Alona. Hindi kasi maganda ang pakiramdaman niya sa pamilyang iyon, palagay niya ay wala itong pagkakaiba sa ibang tao na naengkwentro na niya at tangging pera o yaman lang naman ang habol nila sa pamilyang Desepeda.

Basang-basa na kasi niya ang kilos ng bawat taong nasa paligid nila. Sa haba ba naman ng panahong paninilbihan niya sa pamilya nito ay halos nakabisado na rin niya ang iba't-ibang hangarin ng mga taong nakakaharap niya o nakakasalubong araw-araw. Ngunit masasabi rin niya na hindi madaling kalabanin ang pamilya Sermiento, gayung malapit ang pamilya nito sa kanila.

Isa si Karlos sa taong pinanghihinalaan niya. 

Wala siyang tiwala sa binatang ito at para bang hindi siya komportable sa mga titig nito sa mata, lalo kapag tumititig ito sa dalaga. Pakiramdam din niya ay hindi siya nababagay na maging asawa ng dalaga at maging parte ng pamilyang Desepeda.

Kung kaya't napagdesisyunan niya sa kaniyang sarili na puprotektahan niya ito kahit ano pa ang mangyari, kahit buhay pa niya ang maging kapalit nito.

Kaya naman sa tuwing may bumibisita sa dalaga ay palagi lang din siyang nasa tabi nito. Hindi niya ito iniiwan kahit isang segundo lamang hanggat may ibang tao roon sa loob. Doon na rin siya nagpapalipas ng gabi niya upang mabantayan niya ito ng maigi at makasiguro siya sa kaligtasan ng dalaga.

Umaalis lamang siya ng kaniyang kwarto sa tuwing pupunta siya ng banyo o kaya naman ay kailangan niyang tumawag ng doktor. Kung minsan ay pumupunta rin siya sa lamay ng mga magulang nito, pero tatawagan muna niya ang mapagkakatiwalaan niyang kaibigan upang pansamantalang bantayan si Alona habang wala siya.

Si Kiko Jimenez, labing dalawangpu't apat na taong gulang, ang kaibigan ni Ivan na parati din niyang tinatawagan at inuutusan upang bantayan ang dalaga habang inaasikaso niya ang labi ng mga magulang nito. Halos salit-salitan niyang inaasikaso ang mga ito kahit minsan ay kulang na siya sa tulog at wala siyang sapat na pahinga.

Wala naman kasing ibang kamag-anak ang pamilyang Desepeda na puwede niyang hingan ng pabor o pagkatiwalaan man lang. Kung mayroon man ay palaging may nirarason ang mga ito o kaya naman ay abala sa kanilang mga negosyo. Kaya tangging siya na lang din mag-isa ang umaasikaso sa mga labi nito at sa ilang mga dokumento na nagsasaad ng kamatayan nito.

Hanggang sa napapadalang na lang ang pagbisita niya kay Alona. Nalalapit na rin kasi ang araw ng libing ng mag-asawa kaya mas lalo pa ito nagiging abala.

Katulad naman ng napag-usapan nilang dalawa ni Kiko ay babantayan niya ito habang wala siya. Pero siyempre dahil may pagkatuso at pilyo itong si Kiko ay hindi naman basta lang na libre ang kaniyang serbisyo, kung kaya't binabayaran ni Ivan ang bawat oras na nilalaan nito sa pagbabantay sa dalaga.

Isang araw bago ilibing ang himlay ng mag-asawang Desepeda ay bigla naman bumukas ang pintuan ng kwartong kinalalagyan ni Alona at nagkataong namang umalis sandali si Kiko, upang bumili ng makakain niya. Maingat nitong isinara ang pintuan at dahan-dahang inihakbang ang kaniyang mga paa, patungo sa kinaroroonan ng dalaga.

Huminto siya saglit sa paglalakad nang matunton na niya ito. Tahimik nitong pinagmamasdan ang sinapit ni Alona sa buo niyang katawan, pati na rin ang bahagi ng kaniyang mukha. Tila umusli naman ang nakakasindak niyang pag-ngisi sa dulo ng kaniyang labi at nililibot ng tingin ang buong kwarto niya.

Napukaw ng kaniyang paningin ang family picture frame ni Alona na nakapatong sa side table at dinampot niya ito.

"Mapalitrato man o personal, talaga palang napakaganda mo. Hindi maipagkakaila kung bakit marami ring lalaki ang humahanga sa'yo. Pero pasensyahan na lang dahil mukhang hindi mo na ulit mararanasan iyon ngayon, lalo na sa sitwasyon mo ngayon." Mahinang turan niya na may pag-ngiwi pa rin sa kaniyang labi. Muli niya itong pinagmasdan mula ulo hanggang paa at mukha. Pagkatapos ay muli din niyang binalingan ng atensyon ang picture frame na hawak niya. Naisipan niyang tanggalin ang litratong iyon sa kinalalagyan nito at saka niya pinamulsa ang larawan sa kaniyang pantalon.

Bahagya pa siyang lumapit sa hinihigaan ng dalaga at tinapat ang sarili niyang mukha sa nakabendang mukha naman ni Alona.

"Hanggang sa muli, Alona. Hindi pa ito ang huling pagkikita nating dalawa." Pagkasabi niya ay kaagad din itong lumayo sa dalaga at tumalikod sa kaniya upang lumabas ng kwarto. Nagkataon naman sa paglabas nito ay nakasalubong niya si Karlos sa paglalakad at nagkabungguan pa nga niya ito sa balikat.

"I'm sorry," agad na sambit ng binata sa kaniya pero dinedma lang siya nito at walang lingon na nilisan ang lugar na iyon. Napailing naman sa ulo si Karlos at tila nagtataka ito sa kakaibang ikinikilos ng taong nakabanggaan niya. Kaya naman bigla siyang kinutuban ng masama at apurahan siyang tumakbo papasok sa loob ng silid ni Alona.

"Alona!" bungad niyang sigaw, pagkabukas na pagkabukas pa lamang niya ng pintuan. Narinig din naman niya kaagad ang maingay na pagtunog ng ventilator nito at ang pag-guhit ng diretso sa heart rate monitor ng dalaga. Kaya naman dali-dali rin siyang tumawag ng nurse at doktor, upang maagapan ang kondisyon na nangyayari kay Alona.

Sa mga sandaling iyon ay nagkataon namang naglalakad si Kiko, pabalik sa silid ng dalaga. Prente itong naglalakad habang may nakasalpak na headset sa kaniyang tenga, nang bigla niyang mapansin ang ilang nurse at doktor na tumatakbo patungo sa loob ng kuwarto ng dalaga. Kaya bumilog ang kaniyang mga mata sa pagkabigla at nabitawan na lamang niya sa sahig ang isang supot na pagkaing binili niya sa labas at apurahan siyang tumakbo patungo sa silid nito.

Halos hapong-hapo siya sa paghinga nang huminto siya sa tapat ng pintuan nito. Napansin niya na aligaga ang mga nurse at doktor sa dalaga habang pina-pump ang puso nito gamit ang defibrillator shock. Nanginginig ang mga kamay niya habang kinukuha ang kaniyang cellphone sa bulsa at kaagad din niyang kinontak ang phone number ni Ivan.

"O bakit, Kiko? napatawag ka?" bungad nitong sabi sa kaniya, pagkasagot na pagkasagot pa lamang niya ng tawag ni Kiko.

"Ivan, na-nasaan ka?" kinakabahan niyang turan na ipinagtaka naman ng binata sa kaniya.

"Huh? bakit mo naman naitanong? may problema ba, Kiko? may nangyayari ba diyan ngayon ha? sumagot ka." Saad nito na may pag-aalala sa kaniyang boses.

"Ivan, pumunta ka rito ngayon na!" pagkarinig na pagkarinig pa lamang niya sa sinabi nito ay kaagad din naman siyang binabaan ng tawag ni Ivan at apurahang lumabas sa gusaling kinaroroonan niya. Nagtungo siya kaagad sa loob ng sasakyan niya at minadali ang pagmamaneho ng kotse niya.

Sandali niyang sinalpak sa kanang tenga niya ang isang bluetooth headset at siyaka tinawagan ang phone number ni Kiko. Sa mga pagkakataong iyon ay balisang-balisa naman ang binata at hindi mapakali dahil sa sobrang kaba. Palakad-lakad lang siya habang hinihintay na dumating si Ivan, nang bigla ring mag-ring ang kaniyang cellphone at napatanto na tinatawagan pala siya nito.

"Ivan, nasaan ka na?" bungad niyang tanong nang sagutin niya ang tawag habang kinakagat ang kuko ng isang darili niya sa kamay.

"Idetalye mo sa akin ang mga nangyayari diyan at kung maaari ay wala kang papapasukin na kahit na sino man sa loob ng room niya, puwera lang sa doktor at mga nurses," utos na turan ni Ivan sa kaniya. Sandali namang nilingon ng binata ang loob ng silid ni Alona at tila napukaw din ng atensyon niya ang hindi pamilyar na mukha ng lalaking na kasalukuyang nakatayo sa loob ng kwarto nito, habang pinapanuod ang ginagawang pag-survival sa dalaga.

"Sandali, Ivan. May napapansin akong lalaki na nakatayo sa loob ng kwarto niya. Hindi ko siya kilala at parang ngayon ko lang yata siyang nakita rito?" aniya habang pinagmamasdan niya si Karlos, mula ulo hanggang paa at pabalik.

Napakunot noo naman si Ivan habang pinapakinggan niya ito at kahit hindi niya ilarawan ang itsura ng tinutukoy nito ay tila malakas naman ang kutob niya na si Karlos nga ang lalaking binabanggit ni Kiko.

"Basta diyan ka lang. Huwag na huwag kang aalis diyan hangga't wala pa ako," pagkatapos niyang sabihin iyon sa binata ay muli niya itong binabaan ng tawag at hinarurot ang pagmamaneho sa kaniyang sasakyan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status