Share

Chapter 1

CHAPTER 1

Breakup

“Mocha po,” tumango naman ang babae at nakita kong hinahanda na niya ang cake na pinili ko. 

“Ano pong ilalagay sa cake ma’am?”

“Happy 2nd anniversary, babe!” sagot ko. Napangiti ako pagkatapos kong sumagot. Sinilip ko pa ang lockscreen ng cellphone ko. Excited na akong i-surprise boyfriend ko. Favorite pa naman niya ang mocha cake. Sure akong magugustuhan niya ito.  

“Ang sweet niyo naman po ma’am. Happy 2nd anniversary po sa inyo ng boyfriend niyo.”

Nginitian ko na lang ang babae at nilabas ang cellphone ko. Nagtipa ako ng message para sa boyfriend ko.

To: Babe

Happy anniversary, babe! I love you.

Tinago ko na ang cellphone ko dahil inabot na sa akin ng babae ang inorder kong cake. Umalis na ako sa shop pagkatapos kong magbayad. Alam kong nasa dorm lang naman si Matthew dahil holiday ngayon. I’m sure magugustuhan niya itong cake. We can eat this while watching some of our favorite shows. 

Halos madapa pa ako habang naglalakad papunta sa tinutuluyan niya. Mabuti na lang at hindi nalaglag ang cake na bitbit ko. May mga junk foods pa man din akong dala para pagsaluhan namin mamaya. Huminga muna akong malalim bago pumasok sa room niya.

“Happy anniversary, babe!” mukhang nagulat si Matthew sa presence ko kaya agad ko siyang niyakap.

“Oh shit. Today’s our anniversary?” kumalas naman ako sa pagkakayakap ko sa kaniya. 

“Yes, babe. Nakalimutan mo ba?” 

“I’m sorry, Blair. Marami lang talagang bumabagabag sa isip ko lately.”

Tumango na lamang ako at nilapag sa table ang cake. Something’s off with him and I cannot pinpoint it.

“I bought you your favorite cake. Tara kainin natin,” hinawakan ko ang kamay niya at hinila upang maupo. Mukha naman siyang walang gana pero dala lang siguro ng pagod since katatapos lang ng finals namin.

“Thank you for this, Blair.”

Lalong tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. He’s not calling me babe. Bakit tinatawag niya ako sa pangalan ko?

“Are you okay?” tanong ko sa kaniya. Napansin kong tahimik lang siya habang hinihiwa ang cake. Hindi naman agad siya sumagot at nagpatuloy lang sa ginagawa niya.

“Matthew!” tumaas na ang boses ko dahil hindi naman niya ako pinapansin.

“What?”

“Wala ka sa sarili. Nagtatanong ako kung ayos ka lang ba at bakit ba tinatawag mo ako sa pangalan ko? May problema ba tayo?” 

Umiling lamang siya at nagpatuloy sa pagkain ng cake. Hinayaan ko na lamang siyang manahimik. Kumain muna ako ng cake at hinintay siyang maubos iyon. Ang awkward ng atmosphere. Kahit pag-inom ko ng tubig, iba ang pakiramdam.

“Pwede bang sabihin mo na sa akin kung anong problema mo? Hindi natin maaayos ito. Sasabihin mong okay lang pero hindi naman ganoon ang pinapakita mo.”

Binaba niya naman ang kubyertos na hawak niya at pinunasan ang labi niya. Naiinis ako dahil parang wala lang sa kaniya ang mga pinagsasabi ko dito.

“I want to break up with you,” mahinahon niyang sambit. Nagawa pa niyang iligpit ang pinagkainan niya habang sinasabi iyon. Iniinsulto ba ako nito?

“Seryoso ka ba sa sinasabi mo Matthew? Huwag mo nga akong ginagago,” pakiramdam ko sasabog na ako pero pinigilan ko ang sarili ko.

“Sabi mo maging honest ako. Ngayon namang nagiging honest ako sasabihin mo ginagago kita,” hindi siya nakatingin sa akin pero patuloy pa rin siya sa pagliligpit ng pinagkainan.

“Pwede bang itigil mo ang pagliligpit? Nakakabastos ka. Tumingin ka sa akin habang kausap mo ako.”

Tinigil naman niya ang ginagawa niya.

“Now, what?” tinitigan niya ako. Nasasaktan ako sa paraan ng pagtitig niya. Wala ng halong pagmamahal. Para bang isa lang akong normal na tao sa buhay niya.

“Bakit?” ramdam ko ang paghina ng boses ko. Ang daming tanong sa utak ko pero bakit lang ang lumabas sa bibig ko.

“What do you mean by that?” tanong niya.

“B-bakit ka nakikipaghiwalay sa akin? Hindi mo na ba ako mahal?” mas lalong humina ang boses ko. Parang may nakabara na sa lalamunan ako at alam kong any moment by now, may tutulo ng luha galing sa mata ko. 

“I don’t know. I just woke up one day and I don’t feel like having a relationship with you anymore.”

Tumulo na ang luhang kanina ko pa pinipigilan.

“Sana hindi ka na lang nagising,” I jokingly said.

“I’m sorry, Blair. You deserve better,” mahinahon niyang sambit.

“I deserve better. I deserve you,” nilapitan ko siya at hinawakan ang kamay niya. 

“Stop it. You’ll end up hurting yourself.”

Niyakap ko siya nang mahigpit. I can’t lose Matthew. I love him so much.

“Naiisip mo lang iyan, babe. Stressed ka lang. You don’t mean it right?” bulong ko sa kaniya. Hinayaan niya lang ako na yakapin siya. Humigpit lalo ang pagkakakapit ko sa kaniya nang maramdaman kong naluluha na naman ako.

“I’m serious.”

Hinawakan ko ang magkabilang pisngi niya at tinitigan siya. Nakita kong umiwas siya ng tingin sa akin. I tried to kiss him but he didn’t respond.

“You don’t want my kisses…” mahina kong bulong.

“I’m sorry.”

I can still remember how he craves for my touch and kisses, but now mukhang ayaw na niya. Mukhang nandidiri na siya sa akin.

“May iba ka na ba?”

“Walang ibang babaeng involved dito. Ako ang may problema. Ako ang dapat na sisihin mo.”

“May mali ba akong nagawa?” tanong ko. This time hindi ko na napigilan ang sarili na humagulgol.

“Wala, ako ang may problema. This is my fault, not yours. Please don’t ever blame yourself.”

Nanatili lamang akong nakaupo habang nahagulgol. Patuloy lamang si Matthew sa paghagod ng likod ko. Ito na yata ang pinakamasakit na breakup. Walang third party na involved, walang nagloko, pero kailangang tapusin kasi magkakasakitan kami kung ipipilit ko ang sarili ko.

“Tapos na tayo?” tanong ko. Sinisigurado ko lang. Baka nananaginip lang ako kanina.

“I’m sorry.”

Napaluha na naman ako dahil tapos na nga kami. Pinunasan ko na lang ang luha ko at niligpit ang lahat ng pagkain na nilatag ko.

“Hindi ba natin kakainin ang foods?” tanong niya.

“Kakainin sana natin kung hindi mo ako hiniwalayan. Akin na ito kasi break na tayo.”

Mag-isa akong umuwi at pag-uwi ko lang narealize na tapos na talaga kami. Inubos ko na lang lahat ng pagkain na binili ko kanina. Umiyak ako hanggang sa nakatulog ako.

Nagising ako nang maramdaman ko ang sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Umaga na pala at ramdam ko ang bigat ng mata ko. Binuksan ko ang cellphone ko at nagtipa ng mensahe para kay Matthew.

To: Babe

Good morning, babe. See you sa campus mamaya. Sabay tayo kumain sa recess. I love you.

Bumangon na ako at dumiretso sa banyo upang maghilamos at maligo. Medyo late akong nagising ngayon kaya kailangan kong magmadali dahil baka malate ako sa first class ko.

“Bakit namamaga mata mo?” bungad na tanong sa akin ni Dixie.

“Puyat lang. Wala pa ba prof natin?”

Umiling siya at ilang minuto lang din ay dumating na ang prof namin. Nagdiscuss lang naman siya at wala masyadong recitation. Mabuti na rin iyon dahil pakiramdam ko wala akong maisasagot ngayon. 

Dumiretso agad ako sa building nila Matthew upang hintayin siya. Nakagawian na rin namin na hintayin ang isa’t isa para sabay na kumain tuwing recess. Kung sinong mauna matapos ang class, siya ang maghihintay.

Nakita ko naman na naglabasan na ang mga kaklase niya at ilang minuto lang nakita ko siyang lumabas sa classroom nila kasama ang mga tropa niya. Nakita ko namang napatingin siya sa akin at saka ko lang naalala ang lahat.

Wala na nga pala kami.

Hindi ko na hinintay na malapitan niya ako. Nakakahiya ang ginawa ko. Para akong wala sa sarili. Dumiretso na lang ako sa restroom at pumasok sa isang cubicle para umiyak. Ang hirap naman mag-adjust. Nasanay akong kasama ko siya sa lahat tapos ngayon gagawin ko na lahat ng iyon na mag-isa lang. Gagawin ko ang mga iyon na hindi na siya kasama.

Ilang minuto yata akong nasa loob ng cubicle. Natagalan pa akong hintayin na tuluyang matigil ang pagluha ko. Lumabas ako ng cubicle at napatingin sa akin ang mga babae. Pansinin na yata ang pagiging maga ng mata ko. Humarap na lang ako sa salamin at inayusan ang sarili ko. 

“Girl, anong nangyari sa inyo? Hinahanap ka ni Matthew.”

“Bakit daw? Wala na kami ah.”

“What do you mean wala? Break na kayo?” tanong ni Dixie.

Tumango na lang ako. Nawalan ako ng gana pumasok sa mga kasunod kong klase.

“Kumain ka na ba? Kainin mo ito,” inabot sa akin ni Dixie ang isang burger at drinks.

“Thank you.”

“Galing iyan kay Matthew. Concerned daw siya dahil baka raw hindi ka pa nakain.”

“Kung concerned siya balikan niya na lang ako,” kinagat ko ang labi ko dahil pakiramdam ko maiiyak na naman ako.

Niyakap na lamang ako ni Dixie. Alam kong ramdam niya na hindi ko pa kaya magkuwento ngayon. Masyadong masakit. Maalala ko nga lang na wala na talaga kami, naiiyak na ako.

Buong araw yata akong wala sa sarili. Hanggang sa makauwi ako sa bahay, pakiramdam ko ubos na ubos ako. Hindi pa ako nakakapagbihis pero humiga na agad ako sa kama. Para akong nawalan ng gana mabuhay. Pinikit ko na lang ang mata ko at hiniling na sana hindi na ako magising.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status