Share

Chapter 2

 “Ikaw ba ay nagpapatawa binibini? Papaanong ikaw ang kanyang kasintahan samantalang ako ang naririto sa kanyang tabi? Ako ang kanyang nag- iisang reyna at wala ng iba pa!” galit na sigaw ng babaeng nagpakilalang reyna.

 

“Mawalang galang na ho sa inyo. Ngunit nais ko lamang makaharap si Braxton upang maliwanagan na rin ang lahat ng ito.” Malumanay pa ring sagot niya dito.

 “Walang kailangang linawin babae sapagkat malinaw na kung anuman ang ugnayan sa iyo ng hari ay matagal ng tapos iyon. ngayon, makabubuting umalis ka na at huwag ng manggulo pa.”

 

“Hindi ikaw ang nais kong makaharap. Sa Braxton ang aking kailangan.” Malumanay pa rin at hindi natitinag sa kanyang pagkakatayo si Runa.

“Aba’t – matigas ka! Mga kawal, dakpin siya!” utos ng babae sa limang kawal na nasa likuran niya. sabay- sabay namang sumugod ang limang kawal upang puwershan siyang dakpin sana ngunit agad na pumuwesto sa harapan niya si Meliana upang siya ay protektahan. Walang kahirap- hirap na itinumba ni Meliana ang limang kawal. Labis naman ang pagkagulat ng babaeng nagpakilalang reyna sapagkat sa halos dalawang taong pagsisislbi ni Meliana sa kanya ay hindi nito nakita ang ganoong lakas at galing nito sa pakikipaglaban. Hindi niya halos akalain na mas magaling pa ito sa kanyang mga kawal.

 “Traydor!” Halos dinig na sa loob ng palasyo ang sigaw ni Felianie dahil sa matinding galit na nararamdaman.

 

“Patawad sa inyo binibining Feliani. Ngunit nagbalik na ang aking pinunong matagal na panahon ko ring pinanabikan. Siya si Runa, ang natatanging babaeng minahal ng Mahal na Hari. Ang nag- iisang babaeng pinangakuan ng Hari na magiging Reyna ng buong kaharian. Ang tanging karapat- dapat maupo sa tabi ng Hari sa ngalan ng pag- ibig.” Paliwanag ni Meliana sa lahat ng naroon. Hindi lamang para kay Felianie.

 “Pinuno, siya si Binibining Felianie. Nais ko lamang linawin na hindi siya ang Reyna ng kaharian sapagkat wala pang nakukurunahang Reyna matapos ang inyong pagkahimlay sa Kuweba ng Manghe. Nasisiguro kong gaya ko, at naming mga kawal mo na hanggang ngayon ay tapat  pa rin sa inyo pinuno, ay nag- aantay pa rin ang hari sa inyong pagbabalik.” Madamdaming pahayag naman ni Meliana sa kanya na nakadagdag sa labis na galitna nararamdaman ni Felianie.

 

“Ang nakalipas ay nakalipas. Ako na ngayon ang pag- ibig ng Hari. Huwag kang mangarap babae. Dakpin silang dalawa!” utos muli ni Felianie sa lahat ng kawal na pumaroon ng marinig ang sigaw ng babae.

 

Ngunit bago pa man makarating sa kanila ang lahat ng mga kawal na inutusan ay may maotoridad na nagsalita mula sa bukana ng pintuan ng palasyo – ang Hari.

 

“Magsitigil kayo!” utos niya sa lahat ng naroon. “Anong kaguluhan na naman ba itong ginawa mo Felianie – ?”  ngunit hindi na niya nagawang ituloy ang knayang paninirmon sa babae sapagkat nahagip ng kanyang mga mata ang isang pigurang matagal na niyang inaasam- asam na makita.

 

“Runa.” Bulong niya sa kanyang sarili. Hindi siya lubos makapaniwala sapagkat ang babaeng nais niyang makapiling ay naririto na sa kanyang harapan.

Hindi siya kaagad nakagalaw at mistulang itinulos siya sa kanyang kinatatayuan. Sa isang iglap ay nakalimutan niya kung sino siya. Nakalimutan niyang siya ang hari ng kaharian na tinitingala at kinatatakutan. Bumalik ang dating siya na matagal din niyang isinilid sa kaloob- looban niya mula ng mawala si Runa, ang nag- iisang babaeng kanyang inibig. Ang kanyang bangis na araw- araw ng nasisilayan ng kanyang mga nasasakupan ay tila bolang nawala at napalitan ng mala- anghel na anyo. Ang leong parati ng nagwawala sa kanyang puso at oras- oras na lamang nananakmal ay tila pusang naging maamo. Banaag sa knayang mukha ang hindi maitagong saya at ligayang nararamdaman.

Masasalamin sa kumikinang niyang mata ang labis na pag- ibig na nararamdaman para sa babae. At ang lahat ng iyon ay nasasaksihan ng bawat taong naroroon. Ang kanilang hari ay naging isang bagong taong marunong magmahal.

 Dahan- dahan siyang lumapit kay Runa. Nananantiya sa kung ano ang dapat niyang gawin at sabihin. Hindi rin niya maitago ang kabang nararamdaman ng mga oras na iyon. papaano pala kung panaginip lamang ang lahat at ang babaeng nasa harapan niya ay isa lamang ilusyon? Labis siyang nagdusa sa loob ng limang taon. Halos isa na lamang siyang katawang pilit na huminginga upang patuloy na mabuhay. Nawalan ng saysay ang kanyang mundo dahil sa pagkawala ng babae. Tanging ang kanyang mga pangarap lamang ang naging gabay niya upang hindi bumagsak at maging matagumpay na hari.

 

Ngunit sinong mag- aakala na ang haring sinasamba ng lahat at tinuring na panginoon sa lupa ay may hinanakit na dala- dala? Ang haring kinatatakutan ng kapwa mga hari at mga pinuno dahil sa angking lakas at kapangyarihan ay isa lamang haring wasak ang puso at patuloy na nasasaktan? Ang haring pinapangarap maangkin ng halos lahat ng kababaihan sa loob at labas ng kaharian ay matagal na at patuloy na umiibig sa iisang babae lamang? Wala, walang nakakaalam noon kundi siya lamang. At sa muling pagkikita nila ng babaeng tanging itinatangi ng kanyang puso ay handa siyang gawin ang lahat mapaligaya lamang ito.

 

Dahan- dahang inabot ni Haring Braxton ang mga kamay ni Runa at dinama ang mga iyon. at kanyang hinaplos ng kanang palad ang pisngi ng dalaga. Tumulo ang masaganag luha mula sa mga mata ng dalaga at tuloy- tuloy na ang mga ito sa pag- agos. Mistula talon na hindi nawawalan ng tubig. Marahan namang kinabig siya ng Hari at dinala sa kanyang mga bisig. Mahigpit niyang niyakap ang babae at lumiwanag ang kanyang mukha. Tila nawalan siya ng mabigat na pasanin at nagliwag ang kanyang dibdib. Mariin siyang pumikit upang namnamin ang bawat sigundong nasa mga bisig niya ang mahal. Tila ba sa bawat sigundong iyon ay kapalit ng mga taong pananabik nila sa bawat isa.

 “Salamat at nakabalik ka na aking mahal. Ngayon ay kompleto na ako sapagkat bumalik na ang aking Reyna.” Malakas ang pagkakasabi ni Haring Baxton sa mga katagang iyon sapat upang marinig ng bawat tao at nilalang na naroon ng mga oras na iyon.

 Hindi naman mapigil ni Felianie ang labis na pagdadalamhati dahil sa mga narinig at nasasaksihan. Labis ang galit na kanyang nadarama. Sa loob ng apat na taong paninilbihan niya sa loob ng palasyo ay ginugul niya nag buong panahong iyon upang makuha ang atensiyon at pag- ibig ng Hari. At dalawang taon pagkatapos ng pang- aakit ay lubos na inakala niya na siya ay nagtagumpay sapagkat siya ay binigyan ng pansin nito. Hanggang sa may mangyari sa kanila at siya ay mabuntis. Umasta siyang reyna sa loob ng palasyo. Taas- noo siyang nagmalaki sa lahat at buo ang kumpiyansang kukurunahan siyang tunay na ‘Reyna ng Kaharian’ balang araw.   

 Ngunit hindi niya lubos inakalang darating ang ganitong pagkakataon. Hindi lamang pala siya magiging reyna kundi malalaman pa niyang sa loob ng dalawang taong pag- aakala niyang siya lamang ang babae sa buhay ng Hari ay hindi man lamang pala siya minahal ng huli. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit sa kabila ng pagdadalang- tao niya sa anak ng Hari ay nananatili pa rin itong malamig sa kanya. maganda man ang pakikitungo nito ay hindi niya maramdaman ang pag- ibig nito para sa kanya. subalit hindi na niya ito pinagtuunan pa ng pansin. Ang mahalaga sa kanya ay siya lamang ang tanging babaeng nakalalapit dito. 

 Ngunit sadyang napakasakit ng katotohanan. 

 

Nagliliyab man ang poot sa kanyang kaibuturan ay nalalaman niyang sa mga pagkakataong iyon ay wala muna siyang magagawa sapagkat batid niyang sa isang maling hakbang niya ay manganganib ang kanyang posisyon sa loob ng palasyo. Ang tanging pinanghahawakan na lamang niya ngayon ay ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Hanggat naroon pa ang sanggol sa kanyang sinapupunan ay hindi siya maaaring paalisin ng Hari.

 

MAKALIPAS ang mahabang sandali sa pagitan nina Haring Braxton at Runa ay kumalas ang huli sa pagkakayapak sa kanya ng lalaki. nagtaka naman ang lalaki sa ginawa ni jaya at nagtatanong ang mga matang tumingin ito sa kanya?

 “Braxton, limang taon akong nawala. Umasa akong sa aking pagbabalik ay daratnan kitang matiyagang nag- aantay sa akin. Ngunit hindi ko inaasahan na mayroong isang binibining nagdadalantao ang sasalubong sa akin sa iyong pintuan. Sino siya?” walang emosyong pahayag ni Runaa sa hari. Walang mababanaag na galit o hinanakit sa kanyang pananalita. 

 

“Siya si Felianie. Isa sa mga tagasilbi sa loob ng palasyo.” Walang kagatul-gatol na sagot ng hari na nagpasinghap sa lahat ng mga nakarinig. Sapagkat kailanman ay hindi itinuring ni Felianie ang sarili bilang isang tagasilbi sa loob ng palasyo. Bagkus ay ipinakilala nito ang sarili bilang ‘reyna’ ng kaharian. Ngunit walang anumang pagtutol o pagpapaliwanag ang hari sa mga ginawa ng babae. Bagkus ay tumahimik lamang ito at tila nagbubulag- bulagan sa mga ginagawang kapalaluhan ng huli. Kung kaya hindi na nagdalawang- isip ang mga kawal at mga tagasilbi pati na rin ang mga nasasakupan ng kaharian na ituring at igalang siyang reyna ng lahat. 

Namalisbis naman ang masaganang luha sa mga mata ni Felianie dahil sa labis na pasakit at kahihiyan. Nais na niyang umalis ngunit magmimistula siyang walang- galang sa harapan ng hari kung gagawin niya iyon. napakapit na lamang siya sa isang posteng nasa tabi niya sapagkat pakiramdam niya ay babagsak ang kanyang katawan anumang oras.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status