Share

Ika-apat na Kabanata - Kasalukuyan

“Dōshite nani ga okotta no ka oshiete kurenakatta no? (Bakit hindi mo sinabi sa akin ang nangyari?)” Galit at nag-aalalang bungad niya sa akin mula sa kabilang linya. “Keisatsu ga anata o oikakete iru no o shitta toki, watashi ga dorehodo shinpai shite ita ka shitte imasu ka? (Alam mo ba kung gaano ako nag-alala nang malaman kong hinahabol ka ng mga pulis?). Dōshite oshiete kurenakatta no? (Bakit ‘di mo sinabi sa akin?) Naze watashi ni denwa shinakatta nodesu ka?(Bakit di mo ako tinawagan?)”

Walang preno-prenong sunod-sunod na tanong sa akin ni Daiki sa sarili niyang lenggwahe mula sa kabilang linya. Kapag ginamit na niya ang sarili niyang wika ibig sabihin seryosong-seryoso siya. Halata naman sa boses niya. Napag-usapan namin dati na tatawagan ko siya kapag kailangan ko ng tulong, subalit dahil takot akong madawit ang pangalan niya sa pangalan ko, pinili kong huwag ipaalam sa kanya ang mga nangyayari sa akin.

Ganun naman talaga ‘di ba kapag mahalaga ang isang tao sayo? Uunahin at uunahin mo ang kapakanan niya kaysa sa kapakanan mo. Kahit alam kong mag-aalala sa akin si Daiki unang araw pa lang subalit nagpasya pa rin akong resulbahin ang lahat nang mag-isa. Akala ko nung una kaya ko, dahil inasahan ko na papakinggan ako ng mga pulis subalit mali ako. Isang malaking kahangalan ang lumapit sa pulisya.

Isa pa sa pagkakamali ko ay pumunta ako sa Departamento ng Pulisya ng walang hawak na matibay na ebidensya. At hindi ko nalaman na membro ng pulisya si Romualdo, ang tito ni Genevieve. Dahil malapit sa isa’t-isa si Genevieve at si Mama ay naging mas malakas ang inpluwensya at tiwala ni Mama kay Romualdo.

Ikalawang problema ko ay ang pagsasara ni Mama sa buong bayan namin. Oo kaya iyon ni Mama. Maliit na bagay lang iyon para kay Mama. Upang siguraduhin na walang makakaalam sa mga nangyayari sa labas ng bayan at upang siguraduhin na wala akong mapupuntahan. Sinigurado ni Mama na wala akong mahihingan ng tulong. Malakas ang kutob ko kung ano talaga ang puno’t dulo bakit labis ang kagustuhan ni Mama na mahuli ako ng mga pulis. Maliban sa nalaman ko ang sikreto niya at dahil na rin sa last will ni Lolo. Masakit man tanggapin ngunit gusto akong ipadispatsa ni Mama.

“Daiki,” bulong ko sa pangalan niya. “Walang masamang nangyari sa akin,” pilit kong paliwanag kay Daiki sa kabilang linya.

Sa tuno ng pagsasalita niya kailangan kong masigurado at mapaniwala siya na maayos ang kalagayan ko kundi babalik siya sa Pinas nang walang pagdadalawang-isip. Kapag bumalik siya, babalik din si Rhaia. Kapag bumalik si Rhaia at nalaman niyang tinutulungan ako nito, sigurado akong magagalit si Rhaia at magkakaroon ng bagong kakampe si Mama at Genevieve. Kaya hindi maaari iyon.

“Uso-tsuki! (Sinungaling). Mama yasumin ni denwa shite inakattara, anata ni nani ga okotte iru no ka wakaranakattadarou (Kung hindi pa ako tumawag kay Nanay Yasmin hindi ko malalaman ang nangyayari sayo.)” Patuloy niya habang hindi pinapansin ang sinasabi ko. “Anata wa watashi o totemo shinpai shimasu! Shitte imasu ka? Shittemasu ka? (Subra mo akong pinag-alala! Alam ba iyon ha? Alam mo ba?) Bakayaro!”

“Daiki, makinig ka sa akin.”

“Īe, modotte kimasu! Watashi wa anata ga anata no namae o kirei ni suru no o tetsudaimasu. (Hindi! Babalik ako diyan. Tutulungan kitang linisin ang pangalan mo.)” Matatag niyang lintaya pa rin sa kabilang linya.

“Daiki!” Malakas kong tawag sa kanya dahilan kaya napaubo ako. “Daiki, makinig ka sa akin, onegai (Please). Makinig ka sa akin kundi ito ang huling pagkakataon na kakausapin kita.” Matigas ko rin na banta sa kanya. “At mawawalan ng saysay lahat ng pinaghirapan ko rito. Kaya makinig ka.”

“Anata- (You!)”

“Daiki, kung gusto mo akong tulungan ay makinig ka muna sa akin,” mahinahon ngunit seryoso kong sabi sa kanya. Ayaw kong makipagtalo sa kanya lalo na ngayon na mapanganib pa ang situwasyon ko at higit sa lahat ay dahil sumasakit ang lalamunan ko. “Hindi mo kailangang bumalik dito. Ayokong madawit ka sa nangyayari ngayon. Magtiwala ka lang sa sakin. Naiintidihan mo ako.”

Pwede naman akong umalis sa bansa kung gugustuhin ko subalit ayaw kong mabuhay na may nakabuntot na kasinungalingan sa pangalan ko. Kaya nagdesisyon akong lutasin ang problema ko kaysa sa takasan ito. Alam kong nag-aalala lang siya maging si Kuya Celio, ngunit katulad ng sinabi ko, hindi ko sila maaaring idawit sa bagay na ito. At higit sa lahat hindi ko maaaring ipagsawalang-bahala ang pagkamatay ni Ate Letty lalo na ngayon na alam ko na kung bakit siya namatay.

“Demo (But),” pagpoprotesta niya pero agad ko siyang pinutol at muli akong nagsalita bago pa niya ako pilitin at patuloy na kumbinsihin.

“Daiki Nicolo,” seryoso kong tawag sa kanya. Alam niyang seryoso ako kapag binabanggit ko ang dalawang pangalan niya. “Kaya ko ang sarili ko rito. Pero kailangan ko ang tulong mo sa isang bagay.” Panimula ko nang mapansin kong huminahon na siya. “Nasa Japan si Atty. Peñaflorenzo. Kailangan kong protektahan mo siya. Malaki ang posibilidad na gagawa ng bagay si Mama na ikapapahamak niya. Narinig mo naman ang tungkol sa last will ni Lolo ‘di ba?” tanong ko sa kanya.

Balita sa buong mundo ang huling kasulatan na iniwan ni Lolo tungkol sa tagapagmana ng kayamanan nito. Bilang pinakamayaman na tao sa buong mundo hindi na bago iyong sa angkan namin, pero hanggang ngayon ay walang inilalabas na inpormasyon ni Atty. Peñaflorenzo dahil na rin sa kahilingan ni Lolo bago siya namatay. Ang tanging nakakaalam lang ng laman ng kasulatan ay kami lang.

“Oo. Sigurado ka bang pati si Atty. Peñaflorenzo ay idadawit dito ni Tita Martha? Hindi ba tapos nang basahin ang last will and testament ng Lolo mo? Ano ba ang balak ni Tita Martha?” tanong sa akin ni Daiki.

Hindi ko ito nasabi sa kanya at wala akong balak sabihin sa kanya hangga’t wala akong hawak na matibay na ebidensya. Kailangan kong tiyakin muna ang lahat. Tusong tao si Mama, kung ikukumpara siya kay Papa, ni katiting hindi nakakalahati si Papa sa utak ni Mama. Matalino si Papa sa negosyo niya pero maliban doon, wala ng kwenta si Papa. Kung utak lang ang pag-uusapan, walang panama si Papa.

Subalit, kahit minsan ko lang nakakasama si Papa alam kong wala siyang kinalaman sa lahat ng ginawa ni Mama. Ngunit, kung alam man niya ang ginawa ni Mama, ang tanging ambag lang niya ay ang pananahimik. Samakatuwid, hindi makikialam si Papa kung walang kinalaman sa kanya ang mga nangyayari o tungkol kay Kuya Celio. Siguro iyon ang dahilan kung bakit ganun ang nakasulat sa last will and testament ni Lolo.

“Hindi madaling basahin si Mama, Daiki. Alam mo iyan,” paninigurado ko.

Kalkulado niya lahat ng mga bagay-bagay. Gusto niya parating siya ang nasusunod at lahat ng balakid sa mga plano niya ay hindi niya pinapatawad. Isa na ako roon. Bago ko lang napagtanto ang lahat. Ngayon ko lang naintindihan ang lahat ng pakikitungo ni Mama. Hindi lang galit ang nagtutulak sa kanya kundi pagiging ganid niya. Katulad ni Genevieve ay isa ring demonyo si Mama na nagbabalat-kayong anghel sa lupa. Masakit mang sabihin ito sa sarili kong ina subalit iyon ang totoo subalit hindi iyon nakikita ng mga tao sa patag. Katulad ni Genevieve, para sa kanila, isang anghel na bumaba sa lupa si Mama.

“Anong ibig mong sabihin?” Naguguluhang tanong sa akin ni Daiki.

“Kapag napatunayan ko na ang mga teorya ko at mayroon na akong solidong ebidensya, saka ko sasabihin sayo. Sa ngayon, siguraduhin mo muna ang kaligtasan ni Attorney, Daiki. Hindi ibig sabihin na nabasa na ang last will ni Lolo ay magigising maayos na ang lahat. Kaya kailangan mong siguraduhin na ligtas siya, Daiki,” pakiusap ko sa kanya. “Ikaw na lang ang maasahan ko, Daiki.”

Simula nang basahin ni Attorney Peñaflorenzo ang last will ang testament ni Lolo ay lalong gumulo ang sitwasyon. Kung hindi inaasahan ng lahat ang nilalaman ng last will ni Lolo, mas lalong hindi iyon inaasahan ni Mama. Namatay nang maaga ang panganay na anak ni Lolo at tanging si Mama na lang ang natitirang kadugo niya kaya inaasahan ni Mama na sa kanya maiiwan lahat ng kayamanan ni Lolo. Subalit hindi iyon nangyari. Inaasahan niyang sa kanya mapupunta ang lahat ng ari-arian ni Lolo pero bago pa siya makatulog ay sinampal na agad sa kanya ng realidad ang katotohanan. Hindi siya ang tagapagmana ni Lolo.

“Mag-iingat ako. Huwag kang mag-alala. Kung tatanungin ka ni Kuya Celio kung nakausap mo ako, sabihin mong maayos lang ako. Hihingin ko ang tulong niya kapag kailangan ko na. Mahirap na kapag siya ang napagdiskitahan ni Mama,” paalala ko sa kanya bago pa siya magpumilit na bumalik sa Pinas para lang tulungan ako.

Mas malaya akong makakagalaw kung mag-isa lang ako at wala akong inaalalang magagamit ni Mama laban sa akin. Hindi lang ito dahil kay Genevieve, tungkol din ito kay Mama. Ang pagsasanib pwersa ng dalawang tuso at matinik na babae sa buong bayan ay hindi maaaring ipagsawalang-bahala. Hindi ko alam kung paano naitago ni Genevieve ang katawan ng batang babaeng pinatay sa loob ng limitadong oras. Kung saan niya itinago ang katawan ng batang babae ay iyon ang kailangan kong malaman.

Nitong nakaraang mga araw bago ako matuntun ng mga pulis at malaman ng buong bayan ang kasinungalingan ibinibintang sa akin ay sinubukan kong magtanong-tanong kung may nawawala bang bata sa buong bayan. Subalit nagtaka ako dahil walang naitalang nawawalang bata sa bayan. Kahit reklamo ay wala.

Kailangan kong malaman kung saan nakatira ang batang babaeng biktima ni Genevieve. Subalit hindi ko malalaman kung saan nakatira at kung sino ang biktima hanggat hindi ko nahahanap ang bangkay. Maliban doon, hindi ko rin alam kung ano ang motibo ni Genevieve sa pagpatay sa batang babaeng iyon.

“Tatawagan kita.” Biglang natahimik si Daiki sa kabilang linya. Alam kong hindi niya gusto ang ideya na mag-isa lang ako rito sa Pinas, sa bayan namin na nakikipagtuos kay Mama, Genevieve at sa mga pupol na pulisya.

“Naiintindihan ko.” Sa wakas ay sagot niya pagkatapos ng mahabang katahimikan.

“Maraming salamat, Daiki.”

“Huwag mo nang alalahanin iyon. Sasabihin ko lang sayo kapag nakausap ko na si Attorney Peñaflorenzo.” Desidido niyang pahayag mula sa kabilang linya. “Maiingat ka, okay.”

“Salamat.”

Pagkatapos kong magpaalam kay Daiki at kumain ay pinili kong magpahinga na lang. Masukal ang gubat at walang nakakita sa akin na dito ako pumunta maliban sa pamilya ni Tiya Pepa kaya kampante akong walang makakahanap sa akin agad-agad. Malaki ang pasalamat ko na tumawag si Daiki dahil ilang araw rin akong nag-aalala na baka mayroong masamang nangyari sa kanya.

Kayang kumuha ni Mama ng mga mersenaryo upang ipaligpit si Attorney Peñaflorenzo o ginipitin ang abogado ni Lolo. Nakalahad sa last will ni Lolo na habang hindi pa tumutungtong sa dalawamput-lima o hindi pa kayang hawakan ng magmamana ng lahat ng kayamanan ni Lolo ang negosyo, ay si Attorney Peñaflorenzo muna ang hahawak ng kapangyarihan upang pangasiwaan ng kayamanan ni Lolo.

Subalit kapag biglang may nangyaring masama kay Attorney Peñaflorenzo ay mapupunta kay Kuya Celio ang kapangyarihan. Kapag kay Kuya Celio napunta ang kapangyarihan, sigurado akong pipilitin siya ni Mama na ilipat sa kanya ang lahat.

Hanggat sigurado akong ligtas si Attorney Peñaflorenzo ay maayos kong maitutuon ang atensyon ko sa paglilinis ng pangalan ko at paghahanap ng ebidensya. Sa ngayon kailangan kong makaisip ng paraan kung paano ko malalaman ang nangyayari sa patag ng hindi ako nahuhuli o nakikita ng mga tauhan ni Mama. Nakakatakot ang impluwensya ng pera. Maaari akong madali kapag ‘di ako mag-iingat.

Maingat si Mama sa lahat ng mga maingat kaya nga kung hindi lang bumalik ang ala-ala ko hindi ko malalaman ang ginawa niya. Ngayon ang kailangan kong resulbahin ay paano ko maiisahan ang isang napakaingat na tao? Sabi nila matalino naman ang matsing naiisahan din. Pero hindi kasi matsing si Mama kaya paano ko siya maiisahan?

Iyong ang tanong na kailangan kong malaman ang sagot. Paano? Kailangan ko mahanap kung saan niya inilagay ang bagay na iyon nang hindi niya ako nahuhuli. Hangga’t ngayon hindi ko pa rin naiitindihan kung bakit ginawa ni Mama ang ginawa.

“Ang lalim po ng iniisip niyo, ah.” Agad akong nabalik sa kasalukuyan nang marinig ko ang boses ni Bibo. “Kanina ko pa po kayo tinatawag pero nanatili lang kayong nakatitig sa kisame. May inaalala po ba kayo?”

“Wala.” Pagsisinungaling ko sa kanya.

“Sus!” Nakangiti niyang reaksyon. “Nahiya pa po kayo. Huwag ho kayong mag-alala, alam ko pong mabuti kayong tao. Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng mga nasa patag. Kung ang inaalala niyo po kung ano ang nangyayari sa patag,” puno ng emosyon niyang pahayag. “Ako na po ang bahala doon. Magaling po ako sa bagay na iyon, pero hindi po ako tsismoso ha? Mahilig lang po talaga ako makinig.” Nakangisi niyang paliwanag sa akin na sinabayan pa ng pagpapakita ng kanyang malaman na bisig. “Ang ibong maya na po ang bahala sa inyo.”

“Ibong maya?” Hindi ko mapigilang itanong sa kanya.

“Iyon po ang tawag namin sa mga sarili namin. Ako at ang mga tropa ko sa patag. Hilig po namin na mangalap ng impormasyon at magsiyasat, parang pong si Sherlock Holmes.”

“Huwag na, baka mapahamak ka pa,” tanggi ko sa alok niyang tulong. Sherlock Holmes? Hindi ko alam na may kayabangan din ang batang ito.

“Nakoo, Ate Ganda. Hindi po mangyayari iyon,” kampanteng pahayag ni Bibo sabay wagayway sa kamay niya na parang bang isang malaking biro ang sinabi ko. Hindi pa siya nakontento at naghila pa siya ng upuan sa tabi ko. “Sanay na po sa amin ang mga taga-bayan. Tsaka katropa po namin lahat ng mga matatanda sa ibaba. Alam niyo naman po, mas madaldal po ang mga matatanda kapag magkakasama sila,” nakangising niyang paliwanag sabay de cuatro ng binti niya at hagod ng baba niya. “At saka, tropa namin ang ilan sa mga pulis sa bayan, Ate Ganda. At subra po nilang daldal lalo na kapag lasing sila,” natatawang dagdag pa ni Bibo.

“Mukha kalokohan ang binabalak mo, Bibo. Kapag kayo nadali, mapapahamak lang kayo. Huwag na.” Pero hindi pa rin ako kumbinsido.

“Kahit sabihin kong may nakalap akong balita na may nakakita kay Ma’am Sanarez na may hila-hila na malaking sako nung nakaraan sa kabilang bahagi ng bundok?” Nakangisi niyang tanong sa akin na labis na ikinagulat ko. Sa subrang gulat ko wala sa loob kong napabalikwas ng bangon.

“Anong sinabi mo?” Nakalimutan ko bigla ang nanakit kong katawan at nakatuon lang ang buong sistema ko sa sinabi ni Bibo.

“May nakakita po kay Miss Sanarez na may hila-hilang sako madaling araw nung nakaraang araw,” ulit niyang pahayag.

“Paano mo nasisigurado?”

Lalong lumapad ang ngisi niya sabay kindat sa akin. Tapos bahagya niyang yumuko na para bang may nakikinig sa amin. “Kasi po nakausap ko iyong nakakita.”

"Anong sinasabi mo?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status