Share

Ikatlong Kabanata- Nakaraan

Hindi ko naiwasang mapalunok ng makarating kami sa Hardin ng Hacienda. Hindi ko inaasahan na may madatnan akong mga bisita ngayong gabi. Subalit ang hindi ko kayang tagalan ay ang pamilyar na paraan ng tingin na ipinupukol nila sa akin. Ang tingin na natanggap ko pitong taon na ang nakalilipas.

Kanina ay agad silang natahimik nang makita nila akong paparating at hindi nila inaasahan na kasama ko si Mama. Kung tingnan nila ako aakalain kong nakasunod sa akin si kamatayan na bitbit ang kanyang karit, nakangiti at nagdadala ng kamalasan. Para sa kanila, isa akong tinik sa lalamunan ni Mama na kailangan ng tanggalin.

Agad akong napayuko para iwasan ang mapang-uring tingin na ipinupukol nila sa akin. Binilisan ko ang paghakbang ko na para bang doon nakasalalay ang paghinga at buhay ko. Kung pwede lang akong lamunin ng lupa, pagka-apak ko pa lang sa loob ng Hacienda ay nagpalamun na ako. Kung maaari lang akong maglaho. Pilitin ko man minsan na ipagsawalang-bahala ang lahat subalit hindi ko kaya. Maliban sa paraan ng pagturing sa akin ni Mama, isa ito sa mga marami pang dahilan kung bakit ayokong umuwi dito sa bayan.

Subalit isa akong dakilang hangal. Hindi ko kayang hindian si Mama dahil kahit hindi ko alam ang buong kwento ng katotohanan ay sinasabi ng lahat na kasalanan ko ang nangyari pitong taon na ang nakararaan. At kaparusahan ko ang hindi tanggihan si Mama dahil kahit hindi ko aaminin, pakiramdam ko ito lang ang paraan para maibsan ko ang kanyang pangungulila kay Ate Letty. Ang saktan ako.

Lihim akong nagpasalamat nang mapansin kong wala sa akin ang atensyon ni Mama. Walang pagdadalawang-isip akong lumiko at iniwan na siya sa kanyang mga kaibigan. Bitbit ang bag at lalagyan ko ng laptop ay pinili kong tahakin ang makipot na daan papuntang pasilyo sa likod ng hacienda upang makatakas sa paningin ng lahat. Subalit nasa kalagitnaan pa lamang ako ng pagliko nang biglang may matinis na boses na tumawag sa akin.

"Talulla!"

Agad akong napahinto sa paghakbang, napalingon at napaangat ng tingin. Katulad ng nakasanayan, agad kong ipinakita sa kanya ang praktisado at kalkulado kong ngiti at bahagya ko siyang kinawayan. Kaya mo ito Talulla. Sandali lang ito, huwag kang matuliro.

“Rhaia,” nakangiti kong tawag sa kanya.

Para siyang batang tumatakbo papunta sa akin habang malapad na malapad ang ngiti niyang nakangiti sa akin. Napailing na lang ako. Minsan hindi ko alam kung totoo ba ang ngiti na ibinibigay niya sa akin o napipilitan lang siya. Siguro dahil nakasanayan kong ngumiti nang pabalat-kayo kaya sa tingin ko hindi totoo ang pinapakita nino naman na kabaitan sa akin.

Si Rhaia. Pinsan ko. Isa siyang tanyag na henyo sa fashion designer sa Europa. Dahil sa trabaho niya ay madalang lang kaming mag-usap. Minsan kinakausap niya ako sa telegram o sa skype para mangumusta. Mas bata siya ng isang taon kay Ate Letty kung nabubuhay lang ito. Subalit kung si Ate Letty ay may pagka-pormal kung umasta o gumalaw, kabaliktaran naman si Rhaia. Parati siyang napapagkamalang bata hindi lang dahil sa istura at tangkad niya kundi dahil na rin sa gawi niyang umasta.

“Kamusta ang pinakapaborito kong pinsan? Namiss kita! Subra!” Tinalon niya ako at mahigpit na mahigpit niya akong niyakap at hinalikan nang madiin sa pisngi.

Napailing na lang ako at hindi ko naiwasang pisilin ang pisngi niya. Si Rhaia ang pinakamalambing na taong nakilala ko noong bata pa ako. Siya iyong tipong malambing na malambing sa mga taong gusto niya. Lalanggamin ka kapag siya ang kasama mo. Pero pakiramdam ko may motibo ang lahat ng ipinapakita niya sa akin.

"I clear my whole week schedule just to be here," sabi niya at kinindatan pa niya ako. Maihahanlintulad ko sa Rhaia sa isang manika. "So, kamusta kana!" Masiglang-masiglang tanong niya sa akin nang tuluyan na niya akong pakawalan at nakangiti akong sinipat-sipat na akala mo isa akong manika na bagong bibihisan niya.

Bahagya akong napangiti sa asal niya. Kahit kailan hindi pa rin siya nagbabago, Inglesera pa rin siya at damit ang laman ng utak niya. Ano pa nga ba ang aasahan ko, sa ibang bansa siya namamalagi at Ingles ang pangunahing wika sa pakikipagtalastasan at lenggwahe ng komunikasyon at pagde-desenyo ang trabaho niya.

“Salamat, Rhaia.” Pinisil ko ang dalawang kamay niya upang ipaabot na nagagalak akong makita siya at nagpapasalamat ako na dumalo siya. “Maayos naman ako.” Ang kasinungalingang sagot ko sa tanong niya. Pero syempre, mamatay muna ako bago ko aaminin na hindi talaga ako maayos. Ayokong maging pasanin nino man.

Anak ni Tita Sylvie si Rhaia at katulad ko, pang-gitna rin siyang anak. Siya lang ang kumakausap sa akin at nangungumusta minsan dahil sa isang dahilan. Gusto niya ang nag-iisang kaibigan ko. Ito ang dahilan kaya hindi ko maiwasang kwestyunin ang ugaling ipinapakita niya sa akin.

“Sabi ni Tita Martha bibisitahin natin ang puntod ni Leticia kaya sinigurado ko talaga na makakapunta ako. I miss her so much. Kung buhay lang siya I bet we are traveling around the globe right now."

Oo, gusto ko siyang kausap. Maliban na lang kapag binabanggit niya si Ate Letty. Ayokong pinag-uusapan si Ate Letty sa paraan na gusto nila siyang pag-usapan. Pero alam kong hindi iyon maiiwasan. Si Ate Letty ang nagpakilala sa akin kay Rhaia. Magaling si Rhaia sa pagkumbinsi at makisama kaya naging palagay ang loob ko sa kanya. Subalit simula nang mangyari ang trahedyang iyon na sinasabi nilang ako ang may kasalanan kahit wala naman akong maalala, biglang nagbago ang lahat. Para sa akin isang malaking kasinungalingan ang pinapakita nilang kabutihan.

Ayoko rin na binabanggit ang pangalan ni Ate Letty bigla-bigla o basta-basta na lang pero hindi ko naman masabi na ayoko. Ayokong magalit si Mama. Ayokong malungkot si Mama kahit ang kapalit nun ay ang sarili kong pasakit. Si Ate Letty ang mukha at salamin nang nakaraan ko na minsan gusto kong takasan at kalimutan subalit hindi maaari.

“Salamat sa pagpunta, Rhaia.” Hinawakan ko ang kanang balikat niya. “Pero saka na tayo mag-usap ha? Kailangan ko ng pumasok,” paalam ko sa kanya. Kaswal ko siyang nginitian bilang pasasalamat. Gusto ko nang umalis at pumasok dahil alam ko kung ano ang susunod niyang gagawin. Alam kong si Ate Letty ulit ang sunod niyang babanggitin.

Hangga’t kaya ko ay gusto kong iwasan at takasan ang mga nangyari sa nakaraan. Ayokong basta-basta balikan ang nakaraan na hindi ko naman maalala. Dahil kung hindi sumasakit ang ulo ko ay bigla-bigla na lang akong nahihirapang huminga. Gusto kong alalahin si Ate Letty. Gusto kong alalahanin siya sa masasaya niyang ala-ala hindi dahil sa puot at sakit ng kanyang pagkawala.

Subalit ang mga alaala ni Leticia ay hindi tulad ng tagsibol na naghahatid ng pag-asa at nagpapalapit sa lahat. Kawangis ito ng taglagas na nagpapabagsak at nagsisimbolo ng pagtatapos, katulad na lang kung paano niya tinapos ang relasyon namin ni Mama. Isa siyang bangungot na hindi ko kayang takasan dahil karugtong na siya ng buhay ko. Isang bangungot na kailangan kong yakapin at tanggapin nang walang pasubali.

“By the way, Mama wants to see you,” nakangiti pa rin niyang sabi sa akin.

Agad akong napatiim-baga. Ang ngiti na naman na iyan. Biglang gusto kong maduwal. “Pakisabi kakausapin ko lang siya mamaya. Pasensya na talaga, Rhaia. Pagod na ako. Gusto ko munang magpahinga.”

Bago pa siya makasagot ay tumalikod na ako. Hindi na ako nag-abala pang lumingon kahit alam kong may sasabihin pa siya. Pagod na ako. Kailangan ko ng magpahinga. Kailangan ko ng huminga. Kailangan kong lumayo upang makahinga.

Mula sa pasilyo ay dumiresto ako sa likod-bahay. Dumaan ako sa Maids Quarter para mas maging mapabilis ako papunta lumang kwarto ko. Agad napalis ang pagkabalisa ko at gumuhit ang ngiti sa labi ko ng matanaw ko ang pinto ng dati kong kwarto. Patakbo akong lumapit at kinuha ko ang susi sa ilalim ng paso ko. Ang lugar na ito ang nanatanging nagbibigay sa akin na halina. Ang natatanging kanlungan ko sa Haciendang ito.

Pagbukas ko sa pintuan ay bumulusok ang alikabok sa mukha ko na lalong nagpalapad sa ngiti ko. Katulad ng inaasahan, walang gumalaw o nakahanap ng susi ng kwarto ko. Ang lumang kwarto kung ito ang naging saksi sa lahat ng lihim kong paghihirap. Kung ang unan ko ang kaibigan ko tuwing gabi, ang bawat sulok ng silid na ito ang naging pader ko sa mga panahon na iyon.

Nakangiti kong ipinatong ang bag ko at lalagyan ng laptop ko sa ibabaw ng mesa ko. Huminga ako nang malalim bago ko hinila ang puting tela na nakapatong sa sofa ko. Sa kwartong ito hindi ko kailangan magkunwari. Pakanta-kanta pa ako habang tinatanggal ang mga tela sa iba ko pang gamit nang makarinig ako ng mahinang tawa mula sa likuran ko.

Tuliro akong napalingon at napatingin sa pinanggalingan ng tawa. Subalit hindi ko inaasahan kung sino ang nakita ko. Nakasandig siya sa pintuan ko habang nakapamulsa ang dalawang kamay niya at nakangiting nakatitig sa akin. Napatanga lang tuloy ako dahilan kaya lalong lumapad ang ngiti ng hudyo.

“Alam kong namiss mo ako. Namiss din kita,” nakangiti kong pahayag at ibinuka ang kamay ko nang makahuma ako.

Matunog siyang natawa at hinagod ang batok niya. “Hindi ka pa rin nababago.” Nakangiti niya komento bago siya tuluyang tumayo at malalaki ang hakbang na nilapitan ako at niyakap nang mahigpit na mahigpit. “Namiss kita, subra. Ang tagal mong nagtago sa lungga mo. Nakakatakot kang bisitahin,” biro niya habang isinusubsob ang mukha niya sa leeg ko. Tarantado talaga.

“Masaya sa lungga ko,” natatawa kong ganting biro. “Pwede mo na akong pakawalan, Daiki. Hindi na ako makahinga.” Subalit sa halip na pakawalan ako ay binuhat pa niya ako at inikot-ikot sa ere. “H*******k ka, ibaba mo ako.” Maliban kay Kuya Celio, siya ang tanging taong kayang kong ipakita ang totoong ako nang walang pangamba, nang walang pagdadalawang-isip at takot.

“Let me help you,” alok niya ng tulong habang nakatingin sa akin.

Sumimangot ako at kumalas sa pagkakayakap niya. “Di bali na, Daiki. Nakakahiya naman sa puting-puti mong polo. Galing ka ata sa modeling. O balak mo na namang bumingwit ng mga dalaginding sa labas,” panunukso sa kanya.

Ang ganda ng suot niya. Maliban sa napakalinis niyang tingnan, ay perpektong bumagay sa kanya ang itim niyang slacks na yumayakap sa mahahaba niyang binti na pinarisan niya ng maputing long-sleeve na polo na may kapares na itim na kurtaba na lalong nagpatingkad sa katawan niya na parating pinaglalawayan ng mga taga-hanga niya. Walang sino man makakatanggi na nakagandang niyang lalaki. Isa siya sa kakaunting nilalang na perpektong hinulma ng maykapal.

“Namiss mo nga ako.” Tumatawa niyang pahayag sabay akbay sa akin na ikiningiti ko.

Subalit hindi ko rin maiwasang mapasimangot. Nagmukha akong unano sa higante niyang tangkad. 6’2 ang tangkad ni Daiki habang ako ay 5’4 lang. Matalik na kaibigan ni Kuya si Celio si Daiki, Daiki Nicolo Selloriquez ang buong pangalan niya, pero naging matalik ko rin siyang kaibigan. Katulad ni Kuya na subrang matagumpay sa karera ng buhay na pinili niya ay ganun din si Daiki. Nakakalula ang tagumpay na tinatamasa nila. Ako na lang ang walang kwenta. Hay.

“How are you holding up?” Biglang tanong niya sa akin na labis na nagpagulat sa akin.

Unti-unting nanlaki ang mata ko sa tanong niya at agad napalis ang ngiti ko. Lutang ang utak kong unti-unting napatingala sa kanya. Pakiramdam ko biglang tinuyo ang lalamunan ko at tinakasan ako ng sarili kong lakas. Kunot-noo akong tumikhim upang payapain ang sarili kong damdamin. Pakiramdam ko kasi kapag hindi ko iyon ginawa ay tatraydurin ako ng luha ko. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla-bigla na lang akong nagiging emosyunal kapag si Daiki ang nagtatanong sa akin. Iba kasi ang tanong niya sa tanong ng iba.

Agad akong nag-iwas ng tingin. “Sa tingin mo?” balik kong tanong sa kanya.

“Nandito lang ako.” Masuyo niyang paalala sa akin pagkatapos pinaikot niya ang ang bisig niya at muli niya akong niyakap ng mahigpit na mahigpit.

Itinawa ko na lang ang nararamdaman kong pait. “Kinakaya ko pa naman. Matatag akong tao, noh,” pangungumbinsi ko sa kanya. “Malapit nang kumain, Daiki. Mauna kana.” Pagtutulak ko sa kanya.

“Hintayin kita.”

“Huwag na.”

“Hihintayin pa rin kita.” Hindi niya natitinag na pahayag habang maitiim siyang nakatingin sa mga mata ko na para bang sinasabi niya na kahit talikuran ako ng buong mundo, mananatili siyang kakampi ko. Pero maya-maya ay biglang nagbago ang paraan ng tingin niya sa akin.

Bahagya akong nailang sa paraan ng pagtingin niya. Kahit kailan hindi ko minsan maintidihan kung ano ibig sabihin ng paraan ng pagtingin niya na iyan sa akin. Para bang sinisipat niya ang buong pagkatao ko at nakikita niya pati ang kaibuturan ng kaluluwa ko.

Bago pa ako makatanggi ay inabot niya sa akin ang backpack na naglalaman ng gamit ko at itinulak niya ako papasok sa kwarto ko. Mabilis kong inilabas ang damit ko pumasok ako sa dressing room. Nagsusuot ako malaking na puting shirt na may logo ng pusa at pajama. Paglabas ko natagpuan ko siyang inaayos ang mga gamit ko. Napailing na lang ako.

"I can't help it," paliwanag niya pero tiningnan ko siya ng masama. Sabi ng huwag tumulong, ang kulit din niya. "Let's go?" Nakangiti niya anyaya sa akin.

“Mauna ka.” Itinulak ko siya palabas ng pintuan ko. Sumunod ako pagkatapos kong maisarado ang kwarto ko.

Nasa unahan ko lang siya habang naglalakad kami, kasalukuyan kaming nasa pasilyong tulay na nagdurugtong ng Hacienda at ng dining house. Magkahiwalay ang dining house at ang main house namin dito sa Hacienda. Tahimik ko lang pinagmamasdan ang malapad niyang likod habang tahimik akong nakasunod sa kanya. Nakasanayan ko nang pagmasdan ang likod niya simula pa nung mga bata pa kami. May napakagandang likod si Daiki, na lalong napakasarap pagmasdan dahil sa tikas ng tayo niya at gawi niya maglakad.

“Stop staring at my back.” Hindi lumilingon na komento niya.

Hindi ko mapigilan mapangiti sa sinabi niya. “Hindi ko alam na may mata ka pala sa likuran, Daiki,” biro ko sa kanya.

“Alam ko lang kapag ikaw ang tumititig sa akin,” nakangiti niyang komento sabay lingon sa akin. “Kilala kita,” dagdag pa niya.

Maya-maya ay binagalan niya ang paghakbang para sabayan akong maglakad pero hindi na ako nag-abalang tingalain pa siya. Nanatili akong nakayuko habang nasa bulsa ko ang dalawang kamay ko. Masakit sa leeg kapag tingalain ko pa siya.

“Kelan ang sunod na release ng kwento mo?” tanong niya sa akin. Ang tinutukoy niya ay ang Inherited Secret series na aklat ko. Tatlong aklat pa lang ng series ang natapos ko pero ang hindi ko inaasahan na binabasa niya pa rin hanggang ngayon ang gawa ko.

“Hindi ko pa alam,” tipid kong sagot. Matapos akong istorbuhin ni Mama, parang bula na naglaho lahat ng salitang nasa utak ko. Napatingala ako sa langit ng mapansin kong bilog na bilog ito. “Huwag muna nating pag-usapan.”

Pansamatala niya akong tinitigan pagkatapos ay tumango siya at hindi na siya muling nagtanong pa. Pagkatapos ay pareho kaming nakapamulsa na tahimik na nagpatuloy sa paglalakad. Subalit pareho kaming gulat na napalingon ng marining namin ang patakbong yapak na paparating sa likuran namin.

"Daiki! Hisashiburi! (Long time no see)" Napaatras ako ng talunin ni Rhaia ng yakap si Daiki ng mapagtanto kong mababangga niya ako. Kapag si Daiki ang pinag-uusapan, parating nakakalimutan ni Rhaia ang tao sa paligid niya tulad ng korning palabas sa mga telenobela.

"Akala ko hindi ka pupunta. I've been trying to reach you but I can't get through to your hell schedule." Nakangusong reklamo ni Rhaia habang nakalambitin pa rin sa leeg ni Daiki. Mas matangkad ako ng dalawang talampakan kay Rhaia, iniisip ko pa lang ang itsura niya habang nakalambitin kay Daiki ay hindi ko maiwasang matawa.

“I am busy, Rhaia,” kaswal na sagot dito ni Daiki.

“Kahit na, nakakatampo ka pa rin.”

Nang mapansin kong walang balak si Rhaia na pakawalan si Daiki ay nagdesisyon akong mauna na lamang sa Dining House. Mahina ako tumatawa na binigyan ko nang magaan na kalabit bilang paalam si Daiki bago ako umalis. Hindi ko na hinintay na makapagprotesta pa si Daiki at malalaking hakbang ko na silang iniwan.

Matagal nang may gusto si Rhaia kay Daiki, kung hindi ako nagkakamali ay noong mga bata pa kami. Umamin si Rhaia kay Daiki bago siya pumunta ng Europa subalit mas malamig pa sa nagyeyelong todas ng Himalayas siyang tinanggihan ni Daiki. Akala ko hihinto na sa panunuyo si Rhaia pagkatapos siyang tanggihan ni Daiki subalit nagpatuloy siya sa pangungulit at panliligaw. Kaya kahit papaano, gusto ko siyang suportahan sa pag-ibig na sinasabi niyang wagas at totoo.

Sa labis na pagkahumaling ni Rhaia kay Daiki ay tahasan niyang sinasabi sa lahat nung nag-aaral pa kami na kanya si Daiki. Itinataboy rin niya ang mga babaeng gustong lumapit at magpapansin dito. Kumbaga sa pagsusulit, markado na ni Rhaia si Daiki bilang kanya. Si Daiki ang natatanging tamang sagot sa papel niya. Hindi ko lang alam kong nagbago ba ang lahat dahil nung mga panahon na iyon, asar na asar dito si Daiki. Sana maging maayos ang lahat para sa kanilang dalawa.

Napagtuloy ako sa paglalakad subalit nagpasya akong huminto sandali sa tabi ng fountain sa gitna ng tulay at ninamnam ko ang malambing na hangin na dumadapo sa mukha ko habang masuyong nitong isinasayaw ang may kahabaan kong buhok. Napatingala ako sa langit na punong-puno ng nagkikislapan na mga bituan habang iniilawan ng bilog na inang buwan.

Tatlong taon na rin akong hindi nakakabisita dito sa lugar namin. Nagtatago kasi ako sa Mindanao nung nakaraang tatlong kaarawan ko, nag-iiwan lang ako ng sulat para sabihin na huwag akong hanapin o hagilapin. Minsan daig ko pa ang NPA at ABUSAYAF kong pagtaguan si Mama. Ngayon lang ulit ako natiyempuhan ni Mama, kaya wala akong pagpipilian.

Nang makontento ako ay nagpasya akong dumiretso sa kusina kung saan masayang nagluluto ang mga kusinera sa pamumuno ng nag-iisa kong Nanay Yasmin.

"Magandang gabi, Hija Talulla." Nakangiting bati sa akin ni Nanay Yasmin ng makita niya akong papasok sa kusina. Agad niyang ibinaba ang hawak niyang plato at mabilis akong nilapitan at niyakap nang mahigpit na mahigpit. "Maligayang kaarawan, Anak. Ang laki mo na tapos ang ganda-ganda mo pa," papuri niya sa akin habang pabiling-balikat niya akong sinusuri.

Hindi ko tuloy maiwasang matawa sa sinabi niya. "Kahit kelan talaga, Nay. Ang bolera niyo po talaga. Pero salamat po." Ginantihan ko siya ng mahigpit na yakap.

"Nako Ineng, maganda ka naman talaga.” Malapad na malapad na ngiti na pahayag ni Nanay Yasmin. “Siya nga pala, anong balak mong gawin pagkatapos ng kaarawan mo? Sana dito ka muna." Pinakawalan niya ako at hinalikan ako sa magkabilang pisngi. Malambing talaga si Nanay Yasmin. Kung may bagay man akong ikinagagalak sa pagbabalik ko ay dahil kay Nanay Yasmin.

"Titingnan ko po, Nanay," masuyo kong sagot sa kanya.

"Dito ka muna, Anak. Namiss ka namin ng Tatay Lanoy mo," sabi niya sa akin bago siya bumalik sa ginagawa niyang pagluluto.

"Si Kanna po pala, nasaan siya?" Pag-iiba ko ng usapan. Si Kanna ang anak ni Nanay Yasmin at Tatay Lanoy. Nung umalis ako dito at tumungo ng siyudad ay nakikita ko pang tumatambay si Kanna dito sa Hacienda.

"Nasa asawa niya, hija," sagot ni Nanay Yasmin habang may inilalagay na putahe sa kalan. Gulat akong napatitig kay Nanay Yasmin.

"Po?" Mas matanda sa akin ng isang taon si Kanna pero hindi ko lang inaasahan na maaga siyang mag-aasawa.

"Oo, hija. Nung nakaraang taon pa. Kaya dito ka muna para ikaw naman ang alagaan namin." Nakangiti akong sinulyapan ni Nanay Yasmin habang ang ibang kasambahay ay tahimik lang sa kanilang ginagawa.

"Pag-iisipan ko po."

"Nakoo! Halika nga dito at payakap ulit."

Matunog akong natawa sa paraan nang paglalambing ni Nanay Yasmin, kaya nilapitan ko na lang siya at kusa ko siyang niyakap nang mahigpit na mahigpit. "Masaya po akong nakita kitang muli, Nanay Yasmin," malambing kong sabi sa kanya.

"Papayag kana, dito ka muna?"

Tuluyan akong napahalakhak sa tanong niya sa akin, "Nay, pag-iisipan ko po, okay?" Pinisil ko ang pisngi niya bago ko siya pinakawalan. "Ano pong niluluto niyo?" tanong ko sa kanya habang nakapatong ang baba ko sa balikat niya at yakap-yakap siya.

"Nako! Iyong paborito mong escabeche, hija. Doon ka muna sa paborito mong Bag End sa likod, parati yung nililinis ng Tatay Lanoy mo, nagbabaka-sakali siya na bibisita ka."

"Talaga po?"

Ang tinutukoy ni Nanay Yasmin ay ang Bag End na ginawa sa akin ni Tatay Lanoy nung bata ba ako. Hinulma at ipinatayo ang bahaya na iyon base sa bahay ni Bilbo Baggins sa aklat na Lord of the Rings. Gustong-gusto kong magkaroon ng ganung bahay kaso palaging abala si Papa sa negosyo kaya si Tatay Lanoy na lang ang para sa kin.

Magaling na karpintero si Tatay Lanoy, kasali siya sa mga manggagawa ni Papa noong nasa Pinas pa siya. Tanda ko pa kung paano ko siya kulitin para lang gawan ako ng bahay.

"Sige po! Aasahan ko po ang escabeche niyo ha. Tawagin niyo lang po ako kapag kakain na?" Mabilis ko siyang hinalikan sa pisngi at tumakbo ako palabas ng kusina at dumiresto ako sa pintuan sa likod-bahay.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status