Share

Ikasiyam na kabanata

Ang pagkakataon nga naman, kanina lang ay nasa isip ko na maaaring sa pagpasok ko sa masukal na kagubatan na ito ay makaharap ko ang mga mapanghimagsik na werewolf, at ngayon ay nagkatotoo nga.

Muli akong nagpakawala ng isa pang palaso at kagaya ng una ay naiwasan niya iyon. Alam ko namang magagawa niyang iwasan iyon dahil mabilis mabasa ang kilos ko ngayon at hindi ko naman talaga inaasinta na patamain ito sa kung saan mang bahagi ng katawan niya.

“Mukha atang pumapalya ka, binibini,” komento niya at humakbang papalapit sa akin. Bahagyang itinabingi ko ang aking ulo at mabilis na inasinta ang binti niya at doon pinatama ang aking palaso. Tatlong sunod-sunod at mabilis na pagpana ang ginawa ko na halatang hindi niya inaasahan. Nakita ko kung paano bumakas ang gulat sa mukha niya kasabay ng panlalaki ng kaniyang mga mata. Dahil sa hindi inaasahang kilos ko ay sunod-sunod na bumaon ang tatlo kong palaso sa kaniyang kanang binti. Narinig ko ang mahinang pag-ungol niya sa sakit dahil dito.

“Pumalya pa rin ba ang mga palaso ko?” tanong ko at ibinaba ang aking pana. Isang masamang tingin ang ibinigay niya sa akin bago inikot ang paningin sa paligid.

“Hindi mo ba alam na ipinagbabawal ang pumasok sa kagubatan na ito?! Sa amin ang teritoryo na ito kung kaya’t ang sino mang naglakas ng loob na pumasok ay para na ring naglakad sa sarili nilang kamatayan! Pagsisisihan mong iniapak mo ang mga paa mo rito!” malakas na sigaw niya sa akin dahilan para mabulabog ang mga hayop sa paligid. Para bang naging kulog ang boses niya dahil lumaki ito at naging nakakatakot, inidikasyon na galit na siya. Ngunit hindi man lang ako pinanindigan ng balahibo o natakot man lang sa kaniyang banta. Iyon na ba ang kaya niya? Iyon lang?

“Dapat ba ay matakot ako sa sinabi mo?” sarkastikong tanong ko. Umisang hakbang ulit siya papalapit sa akin akin at sa isang iglap ay sunod-sunod na lumabas ang mga kasama niya mula sa dilim. Sa kabuuan ay matatayang nasa labing dalawa silang lahat na ngayon ay nakapaikot na sa akin.

Isang dosenang mapaghiganting werewolf na handang sumugod anumang oras. Isang dosenang mga walang kwentang nilalang na hindi marunong sumunod, makinig, at nag-aari pa ng lugar na hindi naman sa kanila at kumukuha ng buhay ng iba pang nilalang na wala namang utang sa kanila. Ang lahat ng katangiang nasa kanila ay ang lubos na kinaiinisan ko.

“Kung ako sa’yo, ngayon pa lang ay manginginig na ako sa takot,” komento ng asong lobo na naunang humarap sa akin. Sa palagay ko ay siya ang pinuno nila dahil sa kanya sumusunod ang iba. Pinuno? Kung gayon ay mahina siya upang maging pinuno.

“Ngunit hindi ako ikaw, kung kaya’t bakit ako matatakot? At isa pa, ni hindi nga ako pinanindigan ng balahibo sa inyong lahat, bagkus ay pinipigilan ko pa nga ang tumawa dahil masyadong matayog ang tingin ninyo sa inyong sarili kahit mga rebelde naman kayo at walang ibubuga,” saad ko. Muli kong ibinalik ang pagkakasukbit ng palaso sa likuran ko at inilibot ang paningin sa kanilang lahat.

Alam kong sa pagkakataon na ito ay nasagad ko na sila sa galit. Ang katulad nila ay hindi tinatanggap ang pangmamaliit at ang totoo. Mas nanaisin nilang makarinig ng kasinungalingan kahit na pilit para lamang may maipagmalaki.

“Lapastangan! Patayin niyo siya!” pasigaw na utos ng kanilang pinuno na una kong nakaharap. Mabilis na kumilos ang mga alagad niya, ang iba ay nag-anyong lobo at ang iba ay nanatili sa kanilang orihinal na katawan.

Ang unang apat ay sumugod sa akin mula sa magkakaibang direksyon kung kaya’t bago pa sila makaabot sa akin ay mabilis akong kumilos ay tumalon ng mataas upang ang hindi nila kalkuladong galaw ay sa kanila bumalik. Katulad ng aking inaasahan, ang apat na asong lobo ay tumama sa isa’t-isa, ngunit hindi nasaktan.

Pagkababa ko sa sanga ng isang puno ay agarang hinubad ko ang cloak ko at isinabit doon kasama ng pana, palaso at ang dala kong bag. Hindi ko gugustuhin marungisan nila ito dahil malayo-layo pa ang lalakbayin ko.

Inalis ko mula sa lagayan ang aking espada at agad na tumalon pababa sa gitna nilang lahat, at katulad ng inaasahan ko ay agaran at magkakasabay silang sumugod.

Katulad ng sinabi ko kanina, kahit kailan ay hindi ko mapapalampas ang mga mapagmataas at hindi sumusunod sa kanilang pinuno. Ang buhay nila ay sa kamay ko babagsak.

Sa pagsugod ng ilan, hindi ako nagdalawang isip na hiwain ang kanilang laman gamit ang talim ng aking espada. Ang dalawa sa naunang sumugod sa akin ay natamaan kung kaya’t ang malakas na alulong nila ang gumambala sa buong kagubatan.

Bukod sa likas na talim ng espadang pamana sa akin ni ama ay tunay itong kakaiba at makapangyarihan. Nagdudulot ito ng sobrang init sa balat ng kung kanino mang nilalang na mahiwa kung kaya’t bukod sa malalim na sugat ay pagkasunog din ng balat ang makukuha.

“A-ang gamit n-niyang espada!” sigaw ng isang lobo na bumalik sa dati niyang wangis. Kitang-kita ang malaking sugat niya sa bandang tiyan na halos makita na ang kaniyang mga lamang loob. Kitang-kita rin ang pagkasunog no’n. Ang isang lobo naman ay tuluyan kong napaslang dahil ang leeg niya mismo ang natamaan ko.

“In malediction reputabitur,” bigkas ko sa mga salitang nakaukit sa aking espada. Siguradong ako sa pagtama nito sa katawan ng dalawa sa kanila, at sa bumakas na takot sa boses at mukha ng isa ay siguradong alam nila kung ano ang hawak ko at kung sino ako.

“Huwag mong sabihin na ikaw ang reyna ng mga bampira?!” bakas ang gulat, ngunit nangingibabaw ang iritasyon sa tanong na iyon ng pinuno ng mga kaharap ko.

“Ako nga. Ngayon at kilala niyo na ako, lumuhod kayo at magbigay galang,” utos ko sa kanila at sinabayan ng ngiti.

Mula sa pwesto ko ay kitang-kita ko kung paano nagtagis ang bagang niya dahil sa inis. Alam kong sa puntong ito ay kaunti na lamang ay sasabog na siya sa galit at mag-iibang anyo na.

Utos. Iyon ang kahit kaila’y hindi nila susundin lalo na pagluhod sa akin. Kung si Dyke nga ay hindi nila kinilalang pinuno kahit na kalahi nila ito, ako pa kayang iba ang lahi?

“Lapastangan! Sa palagay mo ba ay may kinikilala kaming pinuno?! Ako! Ako ang pinuno sa lugar na ito kaya nasa kamay ko nakasalalay ang buhay mo! Kung gusto kong mamatay ka rito, mamamatay ka sa kamay ko!” Galit na sigaw niya sa akin at mabilis na sumugod kasama ang natitira pa niyang mga kasama.

Sa bawat pagsubok nilang saktan ako ay hindi ko hinahayaang dumapo miski ang dulo ng daliri nila sa katawan ko kung kaya’t mabilis at marahas kong hinihiwa o sinasaksak ang kung ano mang parte ng katawan nila na tamaan ng espada ko.

Bukod sa galit na mga alulong nila ay maririnig din sa buong paligid ang pagsigaw nila sa sakit. Mabuti na lamang na ang kung ano mang ingay mula sa gubat na ‘to ay rito at sa mundo lamang nila Dyke naririnig kung kaya’t hindi magagambala ang bayan ng Hacro.

Ang bawat dugo na tumatalsik sa katawan ko ay ang mas nagbibigay buhay sa akin. Pinigilan ko ang matakam dito kung kaya’t mas naging tutok ako sa naisin kong mapaslang ang kanilang grupo upang matigil na ang paghahari-harian nila rito. Kung hindi sila magawang patayin ni Dyke dahil magkalahi sila kahit mapaminsala, puwes ako ang gagawa. Wala akong pinapalampas na kahit na sino.

Isang malakas na pagsipa sa asong lobong nasa likuran ko at ang pagsaksak ng espada sa kaniyang dibdib ang tumapos sa nag-iisa at huling alagad ng mapagmataas na pinuno ng mga rebelde.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago ibinaba ang espada kong napuno na ng dugo nila, at bago hinarap ang natitirang kalaban.

“Bibigyan kita ng pagkakataon para umatras at sumuko kay Dyke, sabihin mo lang,” alok ko sa kaniya. Isang ngisi ang isinagot niya sa akin bago sumugod papalapit sa akin, ngunit bago pa niya magawa ay natigil siya at nabitin sa hangin nang balutin ko at puluputan ng itim na anino ang katawan niya.

Galit na nagpupumiglas siya ngunit hindi makatakas.

“Bitawan mo ako! Lumabas ka ng patas! Duwag!” pang-aamok niya sa akin. Napailing na lamang ako at ibinaba siya mula sa pagkakalutang ngunit nanatiling nakatali sa aninong konektado sa akin.

“Tumitig ka sa mata ko,” utos ko sa kaniya. Kunot-noong sumunod siya akin kung kaya’t kinuha ko ang pagkakataon na iyon na isagawa ang balak ko.

Umihip ang malamig at malakas na hangin sa paligid at ramdam ko ang pag-iiba ng anyo ko. Ang mga itim na marka ay gumuhit sa katawan ko, ang buhok kong kulay ginto ay naging itim at mahaba kasabay ng pagiging kulay pilak ng itim kong mga mata.

“Sa pagbitiw ng mga aninong nakagapos, ikaw ay susuko sa inyong pinuno at susunod sa lahat ng kaniyang ipag-uutos. Hindi ka maaaring muling tumaliwas dahil ang impyernong naghihintay sa iyo ay magbubukas upang kuhanin ka at bigyan ng parusa,” bulong ko sa mga katagang sumabay sa hangin at pumasok sa kaniyang isip.

Sa isang iglap ay natulala siyang bigla kung kaya’t inalis ko ang pagkakagapos ng anino sa kaniya at hinayaan ang aking sinabi na kaniyang sundin.

Kasabay ng paghina ng hangin at pagbalik ko sa dating anyo ay ang pagtalikod niya sa akin at paglalakad papunta sa bayan nila. Siya ay maglalakbay at isusuko ang sarili kay Dyke. Ang kamatayan ay hindi sasapat para sa tulad niya at siguradong magtataka si Dyke kung ano ang nangyari kung kaya’t ito ang napadesisyunan ko para sa kanya.

Mabilis lamang makuha ang kontrol ng isipan ng isang katulad niyang puno ng galit at walang kontrol sa sariling emosyon. Kaya kong magpasunod ng kahit na sino ngunit depende iyon kung bukas ba ang kanilang isip sa lahat. Ang mga katulad niya ang kayang-kaya kong pasunurin, burahin ang ala-ala, baguhin ang nasa isip at bigyan ng sumpang magdadala sa kanila sa impyerno sa oras na may gawing mali. Karaniwan sa mga nagkakasalang hinaharap sa akin ay ganito ang aking ginagawa. Ang kakayahan kong ito ay nakuha ko sa aking ama, at ito ay mula sa dugo ng mga Demons.

Nang makalayo ang pinuno ng mga mapangahas na lobo ay muli akong bumalik sa itaas ng puno kung saan ko iniwan ang mga gamit ko at kinuha iyon. May malapit na lawa rito kung saan doon ay ligtas. Kailangan kong linisin ang sarili ko at maaaring doon na rin ako magpalipas ng gabi dahil hindi ko pwedeng suungin ang mga bayan na pinamumunuan ni Dyke. Mas matatalas ang pandama at pang-amoy ng mga werewolf lalo na sa hindi nila kadugo kung kaya’t hindi ligtas na maglibot ako.

Siguradong sa oras na may isang werewolf na makaamoy sa akin ay makakarating agad kay Dyke na nandito ako. Kahit sa kanya ay hindi ko gustong sabihin ang ginagawa kong ito. Siguro ay kapag natapos ko na lamang at kapag kailangan ko ng bagong plano at ng kaniyang tulong.

Mabilis ang ginawa kong pagkilos kung kaya’t ilang segundo lamang ang tinagal at nakarating agad ako sa lawa. Una kong nilinis ang aking espada, tapos ay ibinalik iyon sa lagayan niya.

Sunod ay inalis ko ang damit kong napuno ng dugo at nilabhan iyon sa lawa. Sinigurado ko munang balutin ang paligid ng lawa ng itim na anino upang magsilbing harang sa akin at para walang makakita.

Sa palagay ko ay aabutin ng umaga ang pagpapatuyo sa damit ko. Mabuti na lamang ay ligtas dito ay hinarangan ko ang paligid kung kayat walang makakita sa akin.

Nang malinis ko na ang damit ko ay ako naman ang lumusong sa lawa. Malamig, malinaw at malinis ang tubig kung kaya’t nakakagaan sa katawan. Inalis ko ang bakas ng dugo sa leeg at mukha ko at piniling magbabad at lumangoy sa paligid. Mayroon akong buong gabi upang makapagpahinga.

Nang magsawa ako sa paglangoy ay naupo ako sa may malaking bato na nasa tabi ng lawa at nagisip-isip. Sana bukas ay mahanap ko na ang nilalang na kailangan ko. Sa oras na mangyari iyon, gagawin ko talaga ang lahat upang mapapayag siya na maging katuwang ko sa pamumuno ng mundo namin. Siya ang nararapat at wala ng iba pa. Kung hindi man ako magtagumpay sa ginagawa ko ngayon, gagawa at iisip ako ng marami pang paraan upang hindi mapunta kay Adam ang pagiging hari. Hindi siya karapat-dapat.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status