Share

Ikasampung kabanata

Ayon sa mga libro tungkol sa pag-ibig na aking nabasa noon, ang nilalang na itinadhana sa iyo ay basta na lamang dadating sa buhay mo ng hindi inaasahan. Maaring isa siya sa mga nakasalamuha mo na kung kaya’t darating na lamang ang araw na ang pagtitinginan ninyo ay mas lalalim, o kaya’y maaaring isa siyang bagong kakilala na magpaparamdam sa iyo ng kakaibang saya kung kaya’t ang pagtitingan niyo sa isa’t-isa ay magkakaroon ng ibang kahulugan at mas mapapalalim.

Sabi rin sa aking nabasa, ang pag-ibig at ang nilalang na para sa iyo ay kailangan mong hintayin at hindi hanapin. Darating siya sa buhay mo kung kaya’t hindi mo kailangang madaliin ang lahat.

Simula pagkabata ay naniniwala na ako sa bagay na ito. Naniniwala ako na ang tadhana ay hinulma at inilaan sa tamang oras ang mga dapat nating maabot, makilala at makamtan ng naaayon sa tamang oras. Naniniwala ako na kailangan kong maghintay kahit ilang taon man ang abutin dahil ang mga pangyayaring magaganap sa tamang oras ay ang magdadala sa iyo ng kaligayahang panghabambuhay at walang makakapantay, ngunit… hindi nga pala ito mangyayari sa akin dahil ang buhay ko at tadhana ay nakatali sa responsibilidad ng pagiging pinuno ko ng aming lahi.

Kahit gaano ko gustuhin na sundin at hintayin ang tadhana ko, ay hindi pala maaari dahil isa akong reyna—isang pinuno na inaasahan ng madami. Ang bawat desisyong kailangan kong bitawan ay kailangang makabubuti sa marami, kahit maging kapalit no’n ay ang kaligayahan ko. Kailangan kong piliin ang landas na makakapagpabuti sa aming mundo kaysa tahakin ang landas na para sa aking sarili.

Katulad na lamang ngayon, ang pinaniniwalaan kong pagdating ng tamang nilalang na nakalaan sa akin sa tamang oras ay agaran ko ng hinahanap. Kailangan ko siyang makumbinsi na maging kabiyak ko agad upang ang mga gahaman sa kapangyarihan ay hindi magtagumpay sa kanilang plano at ginagawa ko ito hindi para sa pansariling kaligayahan ko, kung hindi ay para sa mundong umaasa sa akin.

Pinagmasdan ko ang masasayang mamamayan ng mundo ng werewolf. Katulad sa bayan namin ay payak at masagana rin ang pamumuhay rito. Disiplinado ang lahat, magagalang at may respeto, hindi katulad ng mga nakaharap ko kagabi. Hindi na nakakapagtaka kung bakit masiyado silang mapagmataas at tumaliwas kay Dyke. Gusto nilang kung ano ang nasa isip nila ay iyon ang masusunod kahit na hindi maganda ang layunin nila. Ang salita nila ang batas, hindi nila kayang makinig at sumunod sa mas nakakataas kahit na para sa kanila naman ang lahat ng ipinatupad na iyon ni Dyke.

Hindi sila magawang masugpo ni Dyke dahil magkakalahi pa rin sila, ngunit ang oras at pagkakataon na mismo ang gumawa ng paraan upang makahanap sila ng kanilang katapat, at ako iyon. Kahit kailan ay hindi ko gusto ang mga gano’ng klase ng nilalang kung kaya’t hindi ko sila pinalampas. Natapos ang pagmamataas nila at ang kanilang pinuno ay walang nagawa dahil ang tadhana at kaluluwa niya ay nasa kamay ko na. Sa oras na tumaliwas siya sa sumpa ay magbubukas ang pinto ng imyerno upang hilahin siya pababa. Minsan ay ipinagpapasalamat ko ang kapangyarihan na ito dahil nagagawa kong pagbayarin ang mga makasalanan sa paraang wala silang pagpipilian, ngunit nakakapanghinayang dahil hindi ko ito magamit sa mga nilalang na mas gusto kong paggamitan nito.

Napabuntong hininga na lamang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Kailangan kong bilisan ang paghahanap ko na ito dahil kanina ay muntik ng may makakilala sa akin. Isa siya sa mga kanang kamay ni Dyke. Mabuti na lamang at nakatakasan ko siya. Kinailangan ko ring magpalit ng cloak dahil sigurado akong natandaan niya ang suot ko kanina. Nakabungguan ko kasi siya at dahil sa matalas na pang-amoy niya ay muntik na niya akong makilala. Mabuti na lamang ay hindi niya nakita ang mukha ko kung kaya’t maaaring maisip niya na nagkamali lang siya.

Mabilis ang ginawa kong paglalakbay sa mundo ng mga werewolf. Tumitigil lamang ako upang kumain at magpahinga, tapos ay sinimulan ko na ulit ang paglalakbay.

Sa loob ng isang buong araw ay natapos kong libutin ang mundo ng mga werewolf kung kaya’t pagsapit ng dilim ay pumasok ako ulit sa sunod na kagubatan at doon nagpahinga. Isa na namang mundo ang aking nalibot at hindi ko nakita ang aking hinahanap.

Nang muling sumikat ang araw ay iyon ang aking naging palatandaan upang muling sumuong sa panibagong paglalakbay. Dalawang mundo na ang aking naikot. Dalawang mundo katumbas ng dalawang pagkabigo, ngunit hindi naman doon natatapos ang lahat. Hindi iyon ang dahilan upang tumigil ako. Hindi iyon ang magiging dahilan ng pagsuko ko dahil kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko at suungin ang ano man o saan mang mundo upang makamtan  ang nais. Alam kong sa bandang huli ay may mapapala ako, may makukuha akong sagot at may mahahanap ako.

Ngunit lumipas ang ilan pang araw, natahak at nagalugad ko na ang mundo ng mga witch, siren, enchanters pati na rin ang mga tago at kakaibang mundo ng ibang nilalang sa pagbabakasakali na baka roon nakatira ang hinahanap ko… pero wala. Wala akong nahanap na sagot, hindi ko nahanap ang kinaroroonan ng mate ko.

Tumigil ako sa paglalakad at naupo sa malaking bato sa harap ng ilog. Ito na ang dulo ng mga mundo at lubhang napakalayo na ito mula sa aking nasasakupan. Nanggaling ako sa norte at ngayon ay nasa timog na bahagi na ako ng imortal na mundo. Pang-limang araw ko ng naglilibot ngayon. Naubos na ang dugo na binaon ko sa pangatlong araw pa lamang kung kaya’t kinailangan ko pang manghuli ng mga hayop na makakapagpatid ng uhaw ko sa dugo.

Naririto na ako sa dulo. Sa dulo kung saan ang pag-asang pinanghahawak ko sa simula ay unti-unti ng nasisira at nawawala ngunit pinipilit pa ring hawakan.

Hindi ko alam kung anong klaseng sumpa ba ang mayroon sa dugong maharlikang nananalaytay sa akin kung kaya’t hanggang ngayon ay hindi iyon mapatid ng kahit na sino. Sa bawat nabubuhay na mayroong isinumpang dugo katulad ko, kung hindi paghihirap ang dinadanas ay pagkamalas naman sa itinakdang kapareho. Maswerte dahil ipinanganak na natatangi sa lahat ngunit malas dahil isinumpa.

Napapikit ako nang mariin at napabuntong hininga. Nasuong ko na ang lahat ng mundo— o maaaring hindi.

Agad akong napamulat nang maalala ko na may dalawa pang mundo ang hindi ko napupuntahan. Ang mundo ng mga Demons at ang mundo ng mga mortal. Dalawang mundong pinakamapanganib sa lahat ngunit sigurado akong magiging susi sa paghahanap ko. Sobra akong nakakasigurado na isa sa mundong ito naroroon ang hinahanap ko.

Tumayo ako mula sa aking pwesto at pinakatitigan ang ilog sa harap ko. Kapag tinahak ang ilog na ito ay mararating mo ang pinto at hanggangan upang marating ang mundo ng mga Demons na kaaway ng lahi namin. Ang mundo kung saan nanggaling ang isa sa ninuno ko at ang mundo kung saan din ako kabilang.

Isinusumpa ko man ay hindi no’n maaalis na kabilang ako sa kanila. Isa akong hybrid. Dugo mula sa maharlikang bampira at dugo mula sa itinatangi ng mga Demon.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at mabilis na tinahak ang daan na iyon. Kung tatayahin ay inabot lamang ako ng ilang minuto upang marating ang dulo ng ilog. Ginamit ko ang bilis ko upang agaran itong marating.

Napatitig ako sa dalawang malaking patay na punong nasa harap ko ngayon. Ito ang nagsisilbing pintuan papunta sa mundo nila. Mga nilalang na isinumpa at makasalanan lamang ang nakakapasok dito pero dahil sa dugong nananalaytay sa akin ay sigurado akong makakapasok ako.

Ibinaba ko ang mga dala kong gamit at inalis ang pagkakasuot ng cloak ko.  Bitbit ang espada ko ay hindi ako nagdalawang isip na humakbang papasok. Para bang may kung anong kakaibang lakas ang humigop sa akin hanggang sa natagpuan ko ang sarili ko sa likod ng tarangkahan ng mundong ito. Nakapasok ako. Nagawa kong makapasok.

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Madilim ang kalangitan at halatang hindi manlang sumisikat ang araw rito. Katulad sa mga kwento ay tunay ngang mainit ang temperatura rito ngunit hindi sapat upang makasunog ng balat.

Hinigpitan ko ang hawak sa espada ko nang may dumating na mga kawal. Bakas sa mukha nila ang pagkabigla nang makita ako ngunit mabilis ding nakasugod. Kailangan kong protektahan ang aking sarili kung kaya’t kahit hindi ko gustong makakuha ng atensyon at magsimula ng gulo ay wala akong magagawa. Sila ang unang sumugod sa akin kaya kailangan kong lumaban para sa sarili ko.

Nang maubos at makitil ang unang anim na sumugod sa akin ay siyang pagdating ng isa pa ulit na grupo. Nakahanda na silang sugurin ako pero humakbang ako paatras at ibinaba ang paghahawak ko sa espada.

“Hindi ninyo ba ako nakikilala?” tanong ko. Nagkatinginan ang dalawa sa pinunong kawal na nasa unahan at mas itinutok sa gawi ko ang espada nila.

Huminga ako nang malalim at saglit na ipinikit ang aking mga mata. Sa aking pagmulat ay sigurado akong nag-iba na ang aking anyo dahil sa hangin na malakas na umihip. Nakita ko kung paano sila napatitig sa akin.

Alam kong sa mga oras na ito ay nagkulay pilak na ang aking mga mata ay gumuhit ang mga itim na marka sa katawan ko.

“I-ikaw ba ang reyna ng mga bampira? Ang pinunong may nananalaytay na dugo ng aming lahi?” tanong ng isa sa pinunong kawal.

“Ako nga,” sagot ko. Hinayaan kong bumalik na sa dati ang anyo ko at humakbang papalapit sa kanila.

“Anong ginagawa mo rito? Ipinagbabawal ang pagpasok sa mundo na ito ng walang pahintulot. Hindi porket may dugo ka ng isang demon ay tahasan ka ng papasok dito. Sa oras na ipinag-utos sa amin na tapusin ka ay wala kang magaga—”

“At sa palagay mo ba ay mapapaslang ninyo ako?” putol ko sa sinasabi niyang wala namang patutunguhan.

Muli kong inilibot ang paningin ko sa mundong ito pero biglang natigilan nang may maramdaman akong kakaiba. Napaawang ang labi ko at biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Napahawak akong bigla sa bandang dibdib ko at napatulala.

Ano itong pakiramdam na ito? Bakit bigla akong nakaramdam na para bang nabuhay ang lahat mg dugo ko sa katawan at naalerto? Ito na ba ang pakiramdam na nabasa ko sa libro? Ito na ba ang sinasabi ni Danie? Ngunit sino ang itinakda sa akin? Sigurado akong nasa malapit na siya.

“M-mahal na hari! B-bakit ho napunta kayo r-rito?” Rinig na rinig ko ang kaba sa boses ng pinunong kawal na kumausap sa akin kanina. Sa kinakabahang boses pa lang niya at sa paraan ng pagtawag niya sa bagong dating ay sigurado akong iyon ang namumuno sa mundo na ito, at sigurado akong maaaring isa sa kasama niya ang hinahanap ko.

Sinundan ko ang tingin ng kaharap kong kawal at napatingin din sa kaliwa. Agad na nakakuha ng pansin ko ang isang grupo ng mga kalalakihan at base sa suot nilang marangyang sapin sa paa na una kong nakita ay kabilang sila sa may dugong bughaw.

Unti-unti kong inangat ang paningin ko sa lalaking nasa pinakaunahan. Mula sa matipuno niyang katawan, sa malapad na dibdib at balikat, sa perpektong pagkahulma ng panga… Marahas na nahigit ko ang paghinga ko at naramdaman ang malakas na pag-ihip muli ng hangin kasabay ng pa-iiba ng kulay ng mata ko at pagguhit ng mga itim na marka sa katawan ko ng panandalian. Nang mawala iyon ay pakiramdam ko ay para bang biglang nanghina ang mga binti ko dahil sa nangyari.

Nakatitig na ako ngayon sa isang lalaking may kulay abong mga mata na kanina lang ay naging pilak din. Kitang-kita ko kung paanong gumuhit sa katawan niya ang itim na marka kasabay ng akin, at kung paano rin iyon agarang nawala. Bakas ang gulat sa mukha niya katulad ko. Sigurado akong hindi niya rin inaasahan na mangyari iyon.

Para bang may kung anong tumutulak sa akin papalapit sa kanya kung kaya’t inihakbang ko ang mga paa ko hanggang sa ilang pulgada na lamang ang layo ko sa kanya.

“I-ikaw ang hari ng mundo na ‘to?” tanong ko sa kanya. Marahang itinango niya ang kanyang ulo kahit nakakunot ang kanyang noo.

“At ikaw ang mapangahas na pumasok sa aming mundo.” May riin sa bawat salita nang sinabi niya iyon. Nanatili lamang akong nakatitig sa kanyang mga mata at hindi na inisip ang sinabi niya.

Lahat ng mga nabasa ko at ayon sa sinabi sa akin ni Danie ay nagtugma sa naramdaman ko ngayon. Ibig sabihin ba no’n ay siya ang itinakda sa akin? Siya na hari ng mga demon at mortal na katunggali pa ng lahi namin?

“Bakit ikaw?” pabulong na tanong ko. Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya dahil doon. Hindi man malakas ang pagkakabigsak ko ngunit nakakasigurado akong narinig niya iyon.

“Anong iyong pinagsasasabi?” tanong niya.

“M-mahal na hari, nalaman namin na ang babaeng ito ang reyna ng mga bampira. Siya na may dugo ng isang maharlikang kalahi natin. Siya ang apo ng ating dating pinuno,” pag-iimporma sa kanya ng pinunong kawal. Saglit na binalingan niya ng tingin ang kawal bago muling tumitig sa akin.

“Kaakit-akit at makapangyarihan. Hindi na ako magtataka na ikaw ang nakatakda sa akin,” sabi niya na lubhang ikinabigla ko.

At ngayon, tunay ko na ngang maikukumpirma. Ang hari ng mga Demons ang itinakda kong kabiyak.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status