Share

Ikawalong kabanata

Pagtapak ng aking mga paa sa sentro ng bayan na aking nasasakupan ay agad akong sinalubong ng malamig na simoy ng hangin at ng mga mamamayang may ngiti sa labi habang nag-iikot sa lugar. Ang ilan ay mga namimili, ang ilan ay nagtitinda, at ang iba ay nag-iikot at nagsasaya.

Sa tuwing napupunta ako sa bayan ay gumagaan at sumasaya ang aking pakiramdam dahil nakikita ko ang bunga ng paghihirap ko sa muling pagtatayo sa aming bumagsak na mundo matapos ng gera noon.

Itong bayan na ito ay ang sentro at kapital ng aming mundo. Ito ang bayan ng Agorcolli kung saan matatagpuan din ang aking kastilyo sa hindi kalayuan. Mayroon pang tatlong bayan ang parte ng aming mundo at katulad rito ay tahimik at maayos din ang pamumuhay roon. Ito ay ang mga bayan ng Hachro sa hilaga, bayan ng Xenthrei sa Silangan at bayan ng Crollus sa kanluran. Halos magkakalapit lang ang apat na bayan ng aming mundo kung kayat madali lang para sa akin ang paglilibot sa mga ito tuwing sasapit ang araw ng aking pagbisita.

Kanina ay mula sa bayan ng Xenthrei ako nanggaling kung saan nandoon ang tahanan ng mga Venderheel at kung saan naiwan si Dan. Wala sa bayan na iyon ang hinahanap ko kung kayat dito ako dumiretso. Sa palagay ko ay dalawang oras na ang nagdaan simula nang sumabog ang liwanag at simula nang mag-ikot-ikot ako.

Habang naglalakad ay nagpatuloy ako sa pago-obserba. Ayon sa nabasa ko at ayon kay Danie ay hindi ko naman kailangang makaharap ng malapitan ang kung sino mang nilalang na hinahanap ko. Sapat nang maramdaman ko ang kaniyang presensiya dahil ito mismo ang maghihila sa amin upang magkaharap, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin akong nararamdaman na kakaiba.

Tumigil ako sa paglalakad at naupo sa may gilid ng daan. Hindi naman ako nakakaramdam ng pagod ngunit kailangan ko ring magpahinga kahit na saglit. Malayo-layo pa ang lalakbayin ko at ilang mundo pa ang kailangan kong puntahan. Hindi magiging madali ang paghahanap at kailangan kong magmadali. Walang kasiguraduhan na walang maghahanap sa akin at sa kung hanggang saan kayang pigilan ni Danie ang mga gustong humarap sa akin.

Napabuntong-hininga na lamang ako. Hindi ako makapaniwala na kailangan kong gumawa ng paraan upang agarang mahanap ang aking itinakdang kabiyak. Ang isang daang normal na taon na paghihintay at pagbibigay daan sa tadhana upang kami ay magkita ay namadali. Dalawamput anim na taon pa lamang akong nabubuhay at may mahaba-habang taon pang bibilangin ngunit heto ako, sumuong sa isang paglalakbay upang ako na mismo ang maghanap ng nararapat na hari at ng aking magiging katuwang sa pamumuno sa mundo.

Ayon sa aming tadhana, hindi batayan ang pakikipag-isang dibdib sa hindi mo totoong kapareha upang may mangyaring masama. Magiging komplikado lamang ito kung ang iyong puso o ang iyong pagmamahal at ang iyong pagiging puro ay ibibigay mo sa iba. Ano ang magiging epekto kung ikaw ang naunang bumaluktot sa tadhana? Iyon ay ang kamatayan ng itinakdang nilalang sa iyo. Ito rin ang pinaka dahilan kung kayat mayroong mga converted vampire. Sila ay puno ng poot at galit kung kayat iyon ang ginamit ng kung sino man ang lumikha sa kanila upang mapasunod sila. Ang paghihiganti at pananakit ang umiikot sa kanilang sistema.

“Binibini, akin lamang iaalok ang aking paninda, ito ay mga bagong aning persimmon mula sa aking tanim. Limang tansong barya lamang kada isa.” Nawala ako sa malalim na pag-iisip nang may huminto sa harap ko at nagsalita.

Inangat ko ang paningin ko at tinignan ang babaeng lumapit sa akin. May kalakihan ang hood ng suot kong cloak kung kayat alam kong hindi ako makikilala rito.

Saglit akong natigilan at napaawang ang labi nang makita ang nag-aalok sa akin. Isang matandang bampira na may dalang buslo. Nakasuot siya ng itim at punit-punit na cloak. Nakangiti siya sa akin at halatang hinihintay ang sagot ko.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at nginitian ko siya.

“Ilan ho ba ang dala ninyo ngayon?” magalang na tanong ko. Saglit na tumingin siya sa dala niyang buslo at muling tumingin sa akin.

“Sampu ang aking naani ngayon,” sagot niya. Tumango ako at kinuha ang isang taling pilak na barya mula sa dala ko at iniabot sa kaniya.

“Kukunin ko na ho lahat upang maaga kayong makauwi sa inyong tahanan.” Bumakas ang kagalakan sa mukha niya at ibinigay sa akin ang dala niyang paninda.

“Ngunit wala akong maipanunukli sa iyong bayad, binibini. Kung iyong mamarapatin ay ipapalit ko lamang—”

“Naku! Hindi na ho kailangan. Hayaan nyo na ho dahil wala rin akong bibilhin. Sapat na ho iyan dahil pati ang inyong buslo ay ibinigay ninyo sa akin,” putol ko sa sasabihin niya. Saglit na napaisip siya pero ngumiti rin kalaunan.

“Maraming salamat. Nakikita ko na sobrang puro ng iyong kalooban at palaging handing tumulong sa lahat. Napakaswerte ng iyong mga magulang dahil may anak silang kagaya mo.” Awtomatikong napangiti ako dahil sa sinabi niya. Mas lalong gumagaan ang aking puso kapag may napapasaya akong iba kahit sa maliit na bagay.

Ang pagtulong sa kapwa ng bukal sa kalooban ay ang unang tinuro sa akin ni ama upang maging isang mabuting pinuno. Ang pag-intindi, hindi lamang sa sarili kung hindi sa buong nasasakupan ay napakaimportante. Sa lahat ng bagay ay ang kapakanan ng nakakarami ang dapat intindihin. Ang pagpapasya ay hindi lamang dapat para sa aking kabutihan kung hindi para sa nakararami.

“Mas maswerte ho ako dahil sila ang naging magulang ko kahit hindi ko na ho nakagisinan ang aking inang rey— ang aking ina, pero alam ko hong isa siya sa mga gumabay sa akin at alam kong napapasaya ko siya dahil sa ginagawa ko.” Napatango-tango siya sa sinabi ko. Nabigla ako nang lumapit siya sa akin at inabot ang isa kong kamay. Marahan niya iyong pinisil at ngumiti.

“Alam kong masaya siya para sa iyo at alam kong ipinagmamalaki ka niya.” Iyon ang huling katagang sinabi niya sa akin bago humalo sa hangin at nawala sa aking paningin. Inikot ko ang paningin ko sa paligid upang hanapin siya ngunit wala na ang kahit anong bakas niya sa paligid. Siguro ay umuwi na siya sa kanilang tahanan.

Hindi ko alam ngunit magaan ang loob ko sa matanda. Marahil ay malapit lang talaga ang loob ko sa lahat lalo na at kung alam kong may busilak din sila sa puso.

“Persimmon?” Napaigtad ako sa gulat nang biglang may humawak sa balikat ko at nagsalita malapit sa aking mukha. Inis na siniko ko sa tiyan ang nilalang na iyon kaya agad naman siyang napadaing sa sakit.

Inis na binalingan ko ng tingin si Dan na sapo ang kaniyang tiyan na nasaktan dahil sa ginawa ko.

“Nagtatanong lamang ako! Kahit kailan ay mapanakit ka talaga,” singhal niya sa akin. Sinamaan ko na lang siya ulit ng tingin at kumuha ng isa sa binili ko. Pinagmasdan ko muna itong mabuti bago kinain. Lumapit naman sa akin si Dan at kumuha rin ng isa.

“Bakit ka pala nandito? Hindi ba’t ang pinagu-utos ko ay sundan mo ang mag-amang Venderheel?” mahina ngunit mariin kong tanong sa kaniya. Dalawang oras pa lamang ang nakakalipas nang iniwan ko siya sa bayan ng Xenthrei, tapos ngayon ay nandito na siya agad.

“Papunta na sila rito. Narinig kong bibisita sila sa mga bayan. Huwag kang mag-alala dahil hindi sila pupunta sa kastilyo upang kausapin ka, narinig kong sinabi iyon ni Adam sa kaniyang ama. Hindi raw niya gustong mas kamuhian mo sila,” sagot niya. Napailing na lamang ako at nagpatuloy sa pagkain. Nang maubos ko ang isa ay pinamigay namin ni Dan ang iba sa mga batang nandito. Naisantabi ang naramdaman kong inis sa mga Venderheel nang makita ko ang ngiti sa labi ng mga bata dahil sa pagkain na aming ibinigay.

Nang magpaalam si Dan upang muling sundan ang mga Venderheel ay nagdesisyon na rin ako na magpatuloy. Inikot ko ang buong bayan pati ang ibang masusukal na daanan upang subukang hanapin ang aking itinakdang kabiyak, ngunit wala akong naramdaman na kahit ano at hindi ko siya nahanap.

Nang masiguradong wala talaga sa bayan ng Agorcolli ang aking hinahanap ay tinahak ko naman ang daan papuntang kanluran upang sa bayan ng Crollus maghanap. Mas lalo kong tinalasan ang aking pandama at naging mas mapagmasid, ngunit walang progreso sa aking paghahanap.

Nang marating ko ang bayan ng Crollus ay hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at muling naglibot. Hindi sobrang kalakihan ang bayan na ito hindi tulad sa iba kung kayat mabilis akong nakapag-ikot, ngunit katulad kanina… wala pa ring progreso.

Tinahak ko ang daan sa loob ng kagubatang nagdudugtong sa Crollus at Hacro. Mas pinili kong dito dumaan upang mas ligtas mula sa mata ng lahat. Katulad ng sabi ni Dan, maglilibot sa bawat bayan ang mga konseho kung kayat kailangan kong umiwas. Hindi ako maaaring makatawag ng pansin hanggat maaari.

Hindi ko alam kung ilang minuto o ilang oras akong naglakad bago ko natanaw ang huling bayan na dapat kong puntahan. Sa palagay ko ay bandang alas-dos na ng hapon ngayon kung aking bibilangin ang oras simula noong umalis kami ni Dan sa kastilyo.

Pagkarating ko sa pinakabukana ng kagubatan ay agad kong tinalon ang sanga ng pinakamataas na puno rito upang pagmasdan ang buong bayan. Hindi nakatakas sa paningin ko ang mga karwaheng kakadating lang kung kayat pinili kong dito maupo at mag-obserba.

Inalis ko ang pagkakasuot ng hood ng aking cloak at sumandal sa puno. Katulad ng palaging pagbisita ng konseho ay alam kong aabutin sila ng dapit-hapon kung kayat dito ako maghihintay hanggang sa makaalis sila. Hindi ako susugal na makita nila ako. Sa ilang beses na pagharap nila sa akin ay sigurado akong kahit ang dulo lamang ng buhok ko ay makikilala na nila ako agad. Hindi nila pwedeng malaman ang balak at pakay ko.

Tahimik na pinagmasdan ko ang galaw ng lahat mula rito. Kitang-kita ang kabuuan ng bayan at ang sumunod na gubat na nagsisilbing hangganan ng mundo namin at ang mundo ng mga werewolf.

Ayon kay Dyke, masyadong masukal ang kanilang kagubatan at ang mga werewolf na tumaliwas sa kaniyang pamumuno ay roon nanirahan at nagtago. Ang mga mapaghimagsik na kalahi nila na ang palaging nais ay mapabagsak siya ay roon mga nagkuta.

Iyon lamang ang tanging daan upang makapasok sa kanilang mundo kung kayat wala akong magagawa kung hindi ay roon dumaan. Handa naman ako sa lahat ng posibilidad na mangyari. Kung darating sa punto na kailangan ko silang harapin ay gagawin ko. Magiging tulong ko na rin iyon kay Dyke kung masusugpo ko silang lahat.

Lumipas ang ilang minuto, segundo at oras. Eksaktong pagkagat ng dilim ay ang pag-alis ng konseho sa bayan. Iyon na rin ang naging hudyat ko upang bumaba ng bayan.

Mabilis ang ginawa kong pagkilos at paghahanap. Bumili lamang ako ng tinapay at maiinom sa isang tindahan at nagpatuloy. Minuto lamang ang tinagal at narating ko na ang dulo ng bayan.

Pikit mata akong napabuntong hininga nang mapagtanto na wala akong nahanap. Hindi isang bampira at hindi isang mamamayan ng aking nasasakupan ang aking hinahanap. Hindi naman ako nawawalan ng pag-asa dahil marami pang ibang nilalang ang nasa mundo ng mga imortal at isa lamang ang aming lahi sa mga iyon. Kailangan ko lang pag-igihin ang paghahanap upang makakuha agad ng resulta.

Nang iminulat ko ang aking mga mata ay huminga ako ng malalim at nagsimulang maglakad papasok sa masukal na kagubatang nagsisilbing hangganan ng mundo namin at mundo ng mga werewolf. Inalis ko ang pagkakasuot ng hood ng aking cloak. Walang makakakilala sa akin dito kung kayat ligtas ang aking pagkakakilanlan.

Tanging tunog lamang ng mga tuyong dahong naaapakan ko ang maririnig sa paligid habang ako’y naglalakad. Ang huni ng mga kwago at ng ibang mga hayop at insektong naririto ang humahalili rito.

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid ngunit napatigil nang makarinig ako ng kaluskos mula sa aking likuran. Tahimik na kinuha ko ang aking pana at palaso at hinarap kung saan nanggaling ang tunog na iyon.

“Lumabas ka sa dilim at ipakilala ang iyong sarili,” mariing utos ko. Pinikit ko ang aking mata at tinalasan ang pandama at nang malaman ko kung saan ito nakapwesto ay mabilis kong idinilat ang mata ko at nagpakawala ng palaso papunta sa aking harapan. Mabilis na nakaiwas ang nilalang na iyon at tumayo ilang dipa ang layo sa akin. Ang liwanag ng buwan ang nagbigay tanglaw sa akin upang makilala kung sino siya.

“Naliligaw ka ata, binibini,” wika niya. Nginitian ko siya ng tipid at muling nagpakawala ng palaso papunta sa kaniyang direksyon na alam ko namang kaya niyang iwasan.

Tingnan mo nga naman ang pagkakataon, kakabanggit ko lang kanina tungkol sa kanila at ngayon ay nakaharap ko na nga. Ang mga werewolf na tumaliwas kay Dyke… sa mga kamay ko kayo makakaranas ng parusa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status