Share

Sarili Lamang

Third Person Point of View

                Nakatulala si Gilda ngayon habang iniisip kung paano nangyari ang mga bagay bagay. Sigurado siya sa kanyang nakita. Sigurado siya na may kausap siya sa silid na iyon ngunit malinaw na nakikita niya ng kanyang dalawang mata sa tulong ng ilaw ng liwanag na wala silang kasama sa loob ng silid.

                Silang dalawa lamang ni Maria ang naroon. Puno ng mga lumang gamit ang apat na sulok ng silid. Hindi niya na mahinuha kung ano ang totoo sa hindi. Hindi niya matanggap na mga ilusyon niya lamang ang kanyang narinig sa loob ng apat na sulok ng silid na iyon sa ilalim ng bahay.

                Si Maria na wala na sa kanyang matinong pag iisip ay nakatingin kay Gilda. Nagtatalo ang isip niya kung sasaktan niya ba ang anak ni Lilybeth na kanyang karibal o yayakapin sa awa ang kanyang anak nila ni Dan.

                Nanlalaki ang mga mata ni Gilda na napatingin kay Maria. Sa oras na iyon ay tila bumalik sa katinuan si Maria. Lumuhod siya sa harap ni Gilda at niyakap ang dalaga na hindi mo na makilala ang itsura.

                Napaluha si Maria habang inaayos ang nakatumbang upuan kung saan nakatali si Gilda. Ang kanyang laman ay tila nanikit na sa sahig kaya naman nasaktan siya noong itaas ni Maria ang upuan na kinatatalian niya.

                “AHHH!” sigaw ni Gilda sa sakit.

                Hinipan naman ni Maria ang tuhod ng kanyang kaharap na babae. Sa kanyang paningin ay anak niya iyon na nadapa habang naglalaro sa parke.

                “Hindi ba at sabi ko sa iyo ay huwag kang nakikipaghabulan,” ani ni Maria habang kunot ang kanyang noo. “Ayan at tignan mo. Nadapa ka tuloy! Alam mo bang dapat ay inaalagaan mo ang iyong sarili dahil isa kang babae. Dapat ay maganda ka kahit saang anggulo ka tignan ngunit tignan mo ang iyong mga tuhod. Napaka pangit na.”

                Masama naman na tinignan ni Gilda ang ginang.

                “Kasalanan mo ito!” sigaw ni Gilda kay Maria na hindi alintana ang kanyang takot. “Itinulak mo ako sa hagdan! Masama kang babae!”

                Nagulat naman si Maria sa sinabi ni Gilda. Hindi niya maintindihan ang ibinibintang nito sa kanya. Wala siyang matandaan na itinulak niya ang dalaga.

                “Ano ba ang pinagasasabi mo aking anak?” tanong ni Maria sa dalaga. “Bakit naman kita itutulak? Ikaw ang pinakamahal ko sa buong mundo. Hindi ko magagawa ang sinasabi mo.”

                Hinawakan ni Maria ang mukha ng dalaga.

                “Hindi kita kayang saktan,” ani ni Maria sa kanya. “Itong mga nakaraang araw ay kung ano ano ang sinasabi mo sa akin. May problema ka ba anak? Magsabi ka sa akin. Kung nais mong komunsulta sa isang doktor ay sasamahan kita. Hindi ba at sabi ko nga sa iyo ay narito lang ako palagi sa tabi mo. Huwag kang mahihiyang magsabi sa akin. Ina mo ako. Huwag mo akong pagtataguan ng sikreto.”

                “Hindi kita ina! Hindi ikaw ang nanay ko!” tanggi ni Gilda dito habang nanlalaki ang kanyang mga mata.

                “Anak, huwag mong sabihin iyan,” ani ni Maria na naluluha muli. “Anak kita. Ako ang iyong ina. Ano ba ang ginagawa mo sa  kwarto na ito? Bakit narito ka? Nasa itaas ang iyong kwarto. Bakit ka nagkukubli dito.”

                “Hindi mo matandaan?!” tanong ni Gilda na alam naman niya na wala sa sariling katinuan ang babaeng nasa harap niya ngunit hindi niya na rin maisip ito pagka’t puno ng kaguluhan ang kanyang isipan. “Itinulak mo ako sa hagdan! Matapos ay ikinulong mo ako rito! Hindi mo ako dinalhan ng kahit anong pagkain o inumin! Bakit mo ginagawa sa akin ito?! Ano bang kasalan ko sa inyo.”

                Nagbago naman ang mukha ni Maria. Nag – iba nanaman ang kanyang iniisip. Galit syang napatingin kay Gilda.

                “Anong tinitingin tingin mo riyan impakta? Kumain ka na! Huwag mong sayangin ang oras ko. Huwag mo na akong pahirapan kung ayaw mong masaktan ng sobra.” ani ni Maria at pinulot ang plato sa baba saka idinuldol sa mukha ni Gilda.

                Nakatingin lamang si Gilda sa kanya , at hindi nagsasalita. Nagsusukatan sila ng mga nanlalaki nilang mga mata.

                “Lumalaban ka na ngayon?!” angil ni Maria sa kanya. Malakas niyang isinampal ang plato sa mukha ni Gilda.

                Hindi naman natinag si Gilda at masama pa rin niyang tinignan si Maria.

                Nagulat si Maria sa naging reaksyon nito. Hindi siya papayag na manlaban na lang palagi sa kanya ang dalaga.

                Sunod niyang pinulot ang baso sa baba. Initsa niya ito ng buong lakas sa ulo ni Gilda. Hindi ito nabasag ngunit pagbagsak nito sa sahig ay nabasag ito. Nagkalat sa baba ang mga bubog.

                “Ito ang mangyayari sa iyo kapag kinalaban mo ako, bruha,” ani ni Maria.

Pumunta siya sa likuran ni Gilda at itinaob muli ang upuan na kanina ay itinayo niya lamang.

                “AHHHH!!” inda ni Gilda noong tumusok sa kanyang tuhod at paa ang mga bubog na nagkalat sa kanyang sahig. Akala niya ay wala na siyang pakiramdam ngunit naramdaman niya pa rin ang sakit sa kanyang mga tuhod.

                “Masakit ba?” tanong ni Maria at napatawa. “Dapat kasi alam mo kung saan ka lulugar! Dapat hindi ka na sumama pabalik dito! Peste ka lang naman sa buhay namin. Isang pabigat, walang kakayanan! Walang silbii!”

                “DAPAT NGA! DAPAT HINDI NA AKO SUMAMA KAY LOLA TERESA! SINIRA NIYO LAMANG ANG BUHAY KO!” sigaw ni Gilda sa kanya.

                “DAPAT NGA! PERO HULI KA NA! PINESTE MO NA ANG BUHAY KO KAYA MAGDUSA KA HABANG NAGHIHINTAY NG KAMATAYAN MO!”

                “K-kamatayan?” tanong ni Gilda kay Maria. “Anong ibig mong sabihin?! Papatayin niyo ako?!”

                Malakas na tumawa si Maria.

                “Hulaan mo bruha!” ani ni Maria at dinuraan sa ulo ang dalagang nakasubsob paharap sa sahig. “Hindi ko sasabihin. Manigas ka riyan!”

                Umirap si Maria bago tumalikod. Umakyat siya ng hagdanan upang lumabas na ng silid.

                “PALABASIN NIYO AKO RITO! MGA HAYOP KAYO!!” sigaw ni Gilda  kay Maria ngunit tila hindi siya narinig ng babae. Pinatay nito ang ilaw saka dirediretsong lumabas. Malakas nitong binagbag ang pintuan sa taas.

                Narinig pa ni Gilda ang tunog ng kadena at kandado na inilock nito.

“MARIAAAA!” sigaw niya. Ngunit wala na at tuluyan na siya nitong iniwan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status