Share

Chapter 3

ANDREA

"DIS, tawagin mo na si Manang Fely. Kakain na," tawag ko kay Candice mula sa kusina. Tapos na akong magluto. Hindi naman masyadong espesyal ‘yong niluto ko kasi adobong manok lang iyon na nilagyan ko ng pinya.

Wala akong narinig na sagot mula sa dalagita. Tinapos ko muna ang paghahanda ng pagkain sa lamesa at mga gagamitin namin sa hapag bago ako lumabas sa kusina.

Napadpad ako sa living room pero ni isa sa mag-lola ay wala akong nakita.

Nasaan kaya ang mga ‘yon? Ang hirap talagang tawagin ng dalawang ‘yon basta kainan na.

"Candice! Kakain na!" tawag ko mula sa ibaba ng hagdan.

Baka nasa kwarto niya na naman ang batang ‘yon. Wala daw kasi silang pasok today dahil may event daw sa school at hindi naman daw niya kailangang pumunta. Kung totoo man o hindi ang sinabi ng bata, hindi ko rin alam. Pero ang alam ko ay masipag mag-aral ’yan si Candice kaya tiwala akong nagsasabi rin ito ng totoo.

Honor student nga ‘yan at laging ipinagmamalaki ng lola niya. Kaya siguro hinahayaan lang ng matanda ang apo nito kahit na minsan ay sinasagot-sagot pa siya nito. Matalino nga pero wala namang modo kung minsan. Kinakagalitan ko naman ito kapag naririnig kong sumasagot siya sa kanyang lola. So far, nakikinig naman ang bata at nagwo-walk out na lang. 

"Mapuputol ang litid mo sa kakatawag sa batang iyan. Hayaan mo na lamang siya at bababa rin iyan kapag nagutom," sabad ni Manang Fely na nakapasok na pala sa bahay. Dala-dala nito ang watering can at pruning shears. Mukhang katatapos lang din nito sa ginagawa sa hardin.

"Kakain na, Nang," ang siyang nasabi ko na lamang sa matanda.

Napaka-hard working pa rin talaga nito sa kabila ng edad nito. Sabagay, mas mabuti na rin iyon kasi kung ibang matanda pa ‘yan, d***g lang nang d***g sa sakit ng katawan. Pero iba si Manang Fely. Kaya maliksi pa rin ito kasi maalaga ito sa sarili.

Tumango lang ang matanda. Ibinaba lamang nito sa tabi ang mga dala-dala kanina at naglakad na papuntang kusina. Papasunod na ako sa kanya nang may kumaripas ng takbo galing sa likod ko. Muntik pa akong atakihin sa puso. Mabuti na lang nakilala ko ito kaagad. Si Candice lang pala. 

Ni-remind ko ang sarili na tigil-tigilan muna ang pagkakape. Nagiging nerbyosa na ako lalo nitong mga nakaraan, eh. Tsk.

Napailing-iling ako ng aking ulo habang nakangiting nakasunod sa mga ito.

Nasa bandang pintuan na ng kusina ang maglola at nasa likod lamang ako ng dalawa ng marinig ko ang pagtili ni Candice at excited na sumigaw ng, "Doktora!"

Mabilis na pumasok ang dalagita sa kusina. Nagtataka akong sumunod. Samantala, nakita kong nakangiti si Manang Fely. Bihira lamang ngumiti ang matanda at mas lalong bihira kong makitang maging excited si Candice.

Nang makapasok ako sa kusina ay natigilan ako sa kinatatayuan. Hind ko alam kung anong nararamdaman ko ng oras na ‘yon pero ang alam ko ay parang tumigil ang mundo ko, nang masilayan ang isa sa pinakamagandang babaeng nakita ko sa balat ng lupa. Joke lang. No, hindi ko nga maalala kung sino ako, ‘yong ibang tao pa kayang nakita ko noon? Tss.

Pero seryoso, ang ganda ng babae. Maputi at makinis ang balat. Ang mga mata niya ay namumungay at mahahaba ang natural na mga pilik mata. Pormadong mga kilay at ang brownish-gold niyang mga mata ay nakakaakit. Matangos ang ilong at mapupula ang mga labi.

Napaka-sexy din nito sa suot na white silk long sleeves, na naka-unbutton ang unang tatlong butones sa itaas, sakto lang para masilayan ang medyo malulusog na hinaharap. Maikli ang buhok nitong brownish, at naka-beach wave curls.

Sexy! Wow!

Half-body lang ang nakikita ko ngayon sa kanya dahil natatakpan ang pang-ibabang bahagi ng katawan niya ng kitchen counter kung saan siya nakatayo. Giliw na giliw na nakikipag-usap ang maglola sa babae. Ganoon din naman ang pakikitungo ng babae sa kanila. May awra itong mukhang mabait at magaan kasama pero may pagka-mysterious din. Alam mo ‘yon? Hindi ko lang muna ma-point out sa ngayon.

Napakasopistakada niya ring tignan. At ang ngiti niyang iyon, nakakatunaw sa puso. Pero... teka... wait? Bakit ba ako nagkakaganito?

'Nagagandahan lang ako sa kanya!' sigaw ko sa aking isipan. Masama bang mag-appreciate sa taong karapatdapat namang purihin? Ika nga, purihin ang dapat purihin. Eh, kapuri-puri naman talaga ang kagandahan at appeal ng babae. Para nga itong anghel. Shems! Exaggerated na yata ako sa pagdi-describe sa kanya. Tsk.

"Hello," bati niya sa akin, na nagpabalik sa wisyo ko. Hindi ko maintindihan kung bakit ako kinakabahan ng sobra. "Masarap ka palang magluto. Mabuti na lang at naisipan kong dumaan muna rito bago ako bumalik sa Maynila," nakangiting sabi niya.

Naitulos lamang ako sa kinatatayuan at walang mailabas na salita sa aking bibig. Napipi na ba ako? Paano niya nalaman na luto ko ‘yon? Sinabi ba ng mag-lola sa kanya? Bakit wala akong narinig? Bakit parang siya lang ang nakikita at naririnig ko mga oras na ‘yon? Nababaliw na ata ako.

Tsaka bakit parang pamilyar ang babae? Saan ko ba ito nakita?

"Andrea," may tumatawag sa pangalan ko pero sa magandang mukha lang ng babae nakapako ang aking mga mata. Iyong ngiti niya. Iyong boses niya. Parang kilala ko siya. "Andrea. Hoy!" Nakita kong may mga kamay na nagwawagayway sa harapan ng mukha ko at natuon doon ang aking atensyon.

Nakayuko ako ngayong nakatingin kay Manang Fely, na nakakunot ang noong nakatingin sa akin. "Kinakausap ka ni Doktora. Bata ka," sabi pa niya at tinalikuran na ako. Umupo ang matanda sa isang bakanteng upuan sa hapag kainan. 

"Ah, sorry po," hinging paumanhin ko at yumuko ng paulit-ulit na parang Japanese na humihingi ng tawad. Ano bang nangyayari sa akin?

"Nakakatuwa ka naman. Tama na ‘yan, halika na at kumain," nagsalita ulit ito na siyang nagpatigil sa ginagawa ko. Pero hindi na ako tumingin sa kanya. Baka matulala na naman kasi ako. "Baka lumamig pa 'tong niluto mo. Ang sarap pa naman. Halika na," narinig kong aya niya.

Lumapit ako sa hapag kainan at naupo sa bakanteng upuan katabi ni Manang Fely nang hindi na tumitingin sa kanya.

"Pasensya na, ha. Tinikman ko na ‘yong pagkain kasi nagugutom na talaga ako pero pwede pa naman tayong magdasal kasi hindi pa naman talaga ako kumain ng madami."

Ang banayad ng boses niya. Iyong parang relaxing sound na makakapagpabatid sa diwa mo na magiging okay lang ang lahat. Na para bang magiging matiwasay lang ang buhay. Na magiging payapa ka sa piling niya. Ano daw?

Narinig kong nagdasal para sa pagkain si Candice. First time kong marinig itong magdasal para sa pagkain. Usually kasi ay nagpapasalamat lang ito na may pagkain sa hapag at diretsong chichibog na.

Nang marinig namin ang "amen" sa ending ng prayer ni Candice ay nagsimula na kaming kumain. Tahimik lamang akong kumakain at nakikinig sa kanilang usapan. Ayoko ng tumingin sa babae. Hindi ko gusto ang nangyayari sa akin tuwing napapatingin ako sa kanya. Iyong parang may kiliti sa puso ko lagi kapag tinitignan niya rin ako.

Wala naman silang espesyal na pinag-uusapan. Nagkumustahan lang. Doktora ang laging tawag ng mag-lola sa babae at hindi ko pa rin alam kung sino ito o ano ito sa bahay na 'to. Though sa isipan ko'y baka kapatid ni Bea ito or pinsan or kamag-anak. May resemblance rin kasi sila ni Bea.

Kaya familiar ang mukha niya dahil nung nagnanakaw ako ng tingin sa kanya, napansin ko ang pagkakahawig nila ni Bea. Marahil nga ay ate niya ito. Feeling ko ay nasa twenty-nine or thirty na ito. Hindi ko sure kasi wala namang family picture na nakalagay dito sa beach house ni Bea. Nakakapagtaka nga, eh.

Kasi, usually, sa mga bahay ay may mga portrait o pictures ng pamilya pero iba rito sa bahay ni Bea. Kasi hindi naman sa panghuhusga kay Bea pero medyo narcissistic ang babae. Bukod sa overconfident ito, lahat ng mga portrait, paintings, at larawan na makikita mo sa bahay ay puro mukha ni Bea.

Minsan nga kapag hating gabi at nauuhaw ako, dahil nasa second floor ang kwarto ko, ay natatakot ako minsang dumaan sa pasilyo at hagdan. Kasi nandoon ‘yong full body paintings ni Bea. Grabe talaga. Feeling ko nga minsan ay sinusundan pa ako ng tingin ng mga mata ni Bea na nasa painting kapag napapadaan ako doon.

Sa isiping ‘yon ay naramdaman kong tumaas ang balahibo ko sa batok. Nanlamig tuloy ako na hindi ko mawari.

"Okay ka lang ba, Andrea?" narinig kong tanong ni Doktora. Aish, napansin na naman niya ako. Doktora naman, eh.

Napakabastos ko naman kung hindi ko ito sasagutin kaya sumulyap ako saglit sa kanya at sinabing, "O-opo." Tsaka ako ulit bumalik sa pagkain.

"Napakamahiyain mo naman pala," muling sabi niya. Ngumiti ako at sumulyap ng saglit sa kanya.

Argh. Nakakatunaw ang kanyang mga tingin.

"Hindi naman mahiyain iyang si Ate Andrea, eh. Nagkukunwari lang ‘yan," sabad ng supladitang si Candice. Tinignan ko ito ng masama at binelatan lang ako ng dalagita tapos ay nagpatuloy na ito sa pagkain.

Tumawa nang mahina si Doktora. Teka, bakit parang may nangingiliti sa tiyan ko dahil sa ngiti niyang ‘yon? Hay... Ano bang nangyayari sa akin?

"Nahihiya pa ‘yan kasi ngayon ka lang talaga niya nakita," sabi naman ni Manang Fely. Yumuko na lamang ulit ako at kumain. Bakit nga ba ako nahihiya kay Doktora? Kasi naman, napaka-intimidating ‘yong ganda at awra niya. "Andeng, si Doktora ang unang nanggamot sa'yo noong makita ka ni Bea sa dalampasigan. Kaya sa kanya ka dapat unang magpasalamat dahil isinalba ka niya kay kamatayan," dagdag pa ng matanda.

Oh... ngayon ko lang nalaman ang impormasyong iyan. Akala ko talaga ay ‘yong matabang doctor na si Doc Mighty ang gumamot sa akin.

"Naku, manang. Wala iyon. Timing lang naman na bumisita ako dito. May medical mission kasi akong pinuntahan d’yan sa malapit," sabi naman ng Doktora. Nakikita kong ganado itong kumakain at nasisiyahan akong nasarapan siya sa aking luto.

Napakaganda na at napakahumble pa. Ang swerte naman ng nobyo nito o... asawa? Ouch. Bakit parang may tumusok sa puso ko sa isiping iyon? Baliw na yata ako.

"Salamat po, Doktora," ang aking nasabi. Tumingin ulit ito sa akin at ngumiti. Ah, ’yon na naman ‘yong hindi pamilyar na pagbilis ng tibok ng puso ko. Makapagpatingin nga sa kanya mamaya. Bakit kaya ganito ‘yong nararamdaman ng puso ko?

"Walang anuman. Medyo groggy ka pa nga siguro nung una kang magising dahil hindi mo ako nakilala but I was there. Well, it doesn't matter. Ang importante malakas ka na at buhay na buhay. Mabuti naman at inaalagan ka nang maayos ng anak ko," nakangiti pa ring sabi ng babae. Iba talaga ‘yong tingin niya. May dulot na sundot sa puso ko.

Ano ba, Andrea? Anong nangyayari sa'yo?

So, naroon pala siya noong una akong nagising. Kaya rin pala siguro familiar siya at ‘yong boses niya kasi narinig ko na ito noong magising ako noong una akong napadpad dito. Well, malaki rin pala ang utang na loob ko sa babae.

"Maraming salamat po talaga. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo, Doktora. Hindi ko po alam kung paano po ako makakabawi sa pagligtas niyo sa akin." Nilamon ko na ang aking hiya. Hindi ko kasi pwedeng hindi sabihin iyon sa kanya. Kung hindi dahil dito ay hindi ako nagkaroon ng chance na mabuhay muli. Bukod sa malasakit ni Bea, kung hindi ako kaagad nagamot ni Doktora, natuluyan na talaga siguro ako.

Masamang damo na ba ako niyan? O maswerteng nilalang lang talaga ako?

"Ano ka ba? Wala iyon. Para ano pa't naging doktor ako at hindi pala kita matutulungan. Tsaka ang anak ko talaga ang nag-push para gumaling ka," wika niya.

Oh, so may anak na pala ito? Kanina pa kasi niya binabanggit ‘yon. Eh, ano naman kung may anak siya? Pero infairness, ang sexy niya pa rin kahit may anak na ito.

Pero bakit naman ipu-push ng anak niya na gumaling ako? Sino ba ‘yong anak niya at bakit concern na concern na gumaling ako?

Kaya naman hindi ko na napigilang magtanong. "Ah, anak po?"

Ngumuya muna ito at nilunok ang kinakain bago ako sinagot, na muntik ko ng ikasamid ang sagot niya ng aking marinig. "Oo, ang anak ko. Si Bea."

Weh? Nag-jo-joke ba siya? Si Bea, anak niya? Akala ko ay nasa late twenties lang siya? What the fudge?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status