Share

Chapter 4

ANDREA

TAPOS na kaming kumain. Naiwan si Candice sa kusina para maghugas. Himala nga at wala akong reklamong narinig mula rito.

Pinapunta naman ako ni Doktora sa sala para daw masuri niya ang mga sugat ko. Wala akong nagawa kundi ang sumunod dito.

Medyo nahihiya pa rin ako lalo na at wala pa akong ligo at medyo amoy araw na rin. Ewan ko ba, naco-conscious talaga ako pagdating sa babae. Kagaya nga ng sinabi ko kanina, napakaintimidating kasi nito.

Nakaupo na ako sa sofa ng dumating ito with her stethoscope at itim na leather bag. Hindi ko alam kung saan niya kinuha ‘yon pero hindi iyon ang aking nasa isipan. Kasi nang papalapit na siya sa direksyon ko ay parang slow motion ang lahat ng nangyari.

Parang modelo itong naglalakad patungo sa gawi ko. Mahinhin, nakakabighani. Muntik na akong mapanganga dahil dun pero pasimpleng kinurot ko na lamang ang legs dahil kung anu-ano lang ang aking naiisip.

Nakita kong nakapencil skirt pala itong kulay gray at nakatuck-in ang white silk niyang long sleeves. Ang haba ng skirt niya ay hanggang tuhod plus nakahigh heels ito ng itim na 2 inches siguro ang taas. Napakasopistikadang maglakad at napakasexy. Nakakahangang nilalang. Ang lakas ng charisma!

Siguro naiinggit lamang ako sa kanyang kagandahan kaya ako ganito kung humanga na lang sa kanya. Oo nga, naiingit lang ako. At bukod pa sa figure niyang hindi maipagkakailang sexy, hindi ako makapaniwalang nanay siya ni Bea! Ilang taon na ba siya? Iyan ang hindi ko pa naitanong.

Mababastusan ba ito sa akin kapag tinanong ko ang edad niya? Magagalit ba ito sa akin? Ayokong magalit si Doktora sa akin. Gustong-gusto kong nakikitang nakangiti lang siya at nagigiliwan sa akin habang kausap niya ako.

"Andrea," tawag nito, na nagpabalik sa diwa ko. Nakanganga na naman ata ako habang nakamasid sa kanya.

Hoy, Andrea! Anyare, te?

"P-po?" Nangangatal na naman ako. Kasalanan 'to ni Doktora, eh. Nawawala ako sa aking sarili. Mukha tuloy akong tanga.

"Magsisimula na tayo, ha? Nagmamadali rin kasi ako kasi kailangan ko pang bumalik sa Maynila," wika ng doktora.

Bakit parang nalungkot ako ng sinabi niya ang mga katagang ‘yon? Hindi ko rin alam pero tumango na lamang ako bilang sagot sa kanya. Uuwi na siya agad? Hay...

Tahimik na akong sinuri ni Doktora. Inuna niya syempre ‘yong mga basics tapos ay tinignan na niya ang mga sugat ko. Nahiya pa ako ng magtanggal ako ng damit sa harap niya. Wala namang malisya kasi puro kami babae pero ewan ko ba at bakit nakikiliti ako sa tuwing nahahawakan niya? Nakabra na lamang ako at pinagpatuloy ng doktora ang pagtingin sa mga sugat ko.

Kung narito pa si Bea, baka kanina pa ako pinagpyestahan ng kamanyakan niya. Hindi sa pagbubuhat sa sariling bangko, pero maganda rin naman kasi ang aking katawan. Feeling ko nga ay health conscious ‘yong sarili kong hindi ko maalala. Kasi naman, may namumuo pa akong abs sa aking bandang tyan. Sinusubukan ko namang imaintain iyon kaya nagswiswimming ako sa dagat o jogging tuwing umaga sa dalampasigan.

Pero wala namang malisya kay Doktora at alam kong sanay na sanay na siyang makakakita ng mga h***d na katawan. Tama ba ang naramdaman kong parang paghaplos niya sa abs ko? Or baka guni-guni ko lang ‘yon. Ang laswa kasi ng nasa utak ko. Kainis. Nahawaan na yata ako ni Bea. Err...

Ilang minuto ang nakalipas at natapos na rin ito.

"Looks good," wika niya at inaayos ang kagamitan sa kanyang bag. "Mabuti na lamang talaga at healthy ka kaya mabilis kang nakarecover. Pero wag ka pa rin munang gumawa ng mga bagay na ikabibinat mo. Mga tatlong buwan pa siguro para ma-totally heal na ‘yong mga sugat mo."

Ah, hindi ko na lang sasabihin sa kanyang nagswiswimming ako ng ilang laps sa dagat. Baka pagalitan pa niya ako. Peace po, Doktora.

"Salamat po, Doktora." Naibalik ko na ang aking damit. "Ah, eh, Doktora..."

"Hmm?" Nakangiting humarap siya sa akin ng matapos na niyang maayos ang mga gamit sa itim na leather bag.

Naku, Doktora. Bakit po ganyan ‘yong ngiti mo? Bakit parang may sundot sa puso ko?

"Ah... w-wala p-po akong p-pera pam---"

"Ano ka ba? Libre ‘yan," sabi niya ng pinutol niya ang aking sasabihin. "Tsaka bayad ka na dahil sa masarap mong adobo."

Ang bait talaga niya. Sana all maganda na, mabait pa, at walang hinihiling na kapalit sa pagtulong.

Sabihin mo ‘yan kay Bea! kastigo ng alter ego ko. Syempre hindi ko sasabihin kay Bea ‘yon. Tsaka pumayag naman ako ng mag-offer itong maging katulong ako sa bahay niya kasi ‘yon lang ang way kong makabawi sa pagtulong niya sa akin.

Ngumiti na rin ako at tumango sa doktora.

"Ipagluluto ko na lamang po kayo ng paborito nyo sa susunod na balik nyo dito." Sus, Andrea. Pinuri lang ang luto mo, eh, lumaki agad ang ulo mo. 

"Sure!" masiglang sabi ng doktora. Ah, ang saya ng puso ko. Ang saya ko talaga tuwing nakikita ko siyang nakangiti. "Asahan ko ‘yan, ha."

"Oo naman po. Pangako 'yan," nakangiti ring sabi ko sa kanya.

Nakangiting nagkatitigan kami ng saglit tsaka naputol lamang iyon ng marinig namin ang pagtunog ng kanyang mobile phone.

"Excuse me lang, ha," paalam niya at sinagot na ang telepono. Tumango lamang ako dito. Hindi naman siya umalis sa harapan ko kaya masayang pinagmasdan ko na lamang ang babae habang kinakausap ang kung sinumang nasa kabilang linya. "Ah, yes. Yeah, I will be back now. I just took my lunch. I am not sure when I will be back here but I'll be on Liwayway by evening. Take care of the patient for me for the meantime. Thank you, Sean. Bye."

"Aalis ka na agad, Doktora?" sabad ni Candice. Tapos na siguro itong maghugas ng pinggan kaya sumulpot na ito sa sala. Bilis ah. Mukhang nagpapagood shot na talaga ito sa doktora.

"Oo, Dis. Hinahanap na ako ng mga pasyente ko sa LGH, eh," sagot ng Doktora at binitbit na ang bag. "Magpakabait ka rito at mag-aral ng mabuti, ha," bilin ng doktora sa dalagita.

Nakita kong tumango ang malungkot na si Candice. Mukhang totoo naman ang kalungkutang pinapakita ng bata.

Mahina akong napabuntong-hininga. Biglang bumigat ang loob ko at hindi ko alam kung bakit.

"Pangako po ‘yan, Doktora. Nag-aaral po ako ng mabuti dahil gusto ko rin pong maging doktor na katulad nyo," sabi ni Candice. Madaldal din ito pagdating sa babae. Kapag ako kasi ang kausap niyan, tango, oo o hindi lang ang mahihita ko sa kanya.

Minsan inaasar ko na lang siya para mag-open up sa akin. Which is effective naman. Kaya tuloy parang barkada lang ang turing sa akin ng batang ‘yan. Pangbu-bully sa isa't isa ang minsanang hobby namin.

"Magandang adhikain ‘yan, Candice. I am sure makakamit mo iyang pangarap mo basta ituloy mo lang ang paniniwala mo sa iyong sarili at magsikap at mag-aral ka ng mabuti," encourage ng doktora sa bata. Malapad na napangiti si Candice. "Sya, pakitawag naman ako kay Manang Fely para ako ay makapagpaalam na."

Tumango si Candice at mabilis pa sa alas kwatrong sinunod ang utos ng doktora. Aba, aba, may kinikilingan talaga. Humanda sa akin ang batang ‘yan mamaya.

Tahimik lang ulit akong nagmamasid sa babae. Napakaganda talaga niya. Curious na talaga ako sa tunay niyang edad at kung totoo talaga niyang anak si Bea. Baka naman anak-anakan lang? Ano kaya ang totoo? Alangan namang magsinungaling ito sa sinabing anak niya si Bea, 'di ba? Pero kasi... twenty two na si Bea... tapos si Doktora? Forty plus? Weh?

Dumating nga si Manang Fely at nagpasya silang ihatid hanggang sa kotse nito ang doktora. Tahimik akong sumunod. Hangga't maari ay nais ko siyang makita hanggang sa makaalis ito. Ano ba ‘yan, nagkaroon pa yata ako kaagad ng separation anxiety. Tsk. Tsk.

"Kailan ka ulit babalik dito, Doktora?" Malapit ko ng mahalikan si Manang Fely sa tanong niyang ‘yon. Tumitibok na naman ng mabilis ‘yong puso ko habang tahimik na naghihintay ng sagot niya.

"Hindi ko pa po alam, Manang, eh," sagot ng doktora.

Parang may "ennnkkk" na buzzer naman na tumunog sa utak ko. Bakit parang dismayado ako sa sagot niyang ‘yon?

"Sa susunod, eh, tagalan mo naman ‘yong pananatili mo rito. Puro ka trabaho. Magpahinga ka rin minsan," sabi ni Manang Fely.

Nakarating na kami sa white Toyata Fortuner na sasakyan ng doktora. Base sa way ng pagsasalita ni Manang Fely sa babae, masasabi kong parang matagal na ang pinagsamahan ng caretaker at ng doktora. Para lang kasi itong nanay ng doktora kung makahabilin at pagalitan ito.

"Opo, manang. Hayaan nyo at magbabakasyon ulit ako dito. Pero medyo matatagalan pa," nakangiting sabi ng doktora. Binuksan na nito ang pinto ng kotse sa driver's side. Inilagay ang itim na bag sa passenger's seat at muling humarap sa amin. "Bibisita ako ulit pero hindi ko pa alam. Pero kapag nagawi kayo sa Maynila, sabihan nyo ako, ha. Pwede kayong mag-stay doon sa bahay. At siya nga pala, Andrea..." Sa akin na siya nakatingin.

Dugudug.

"P-po?" utal na sabi ko. Hoy, dila, anong nangyayari sa'yo?

"Sabi ni Doc Mickey ay wag mo daw kalimutang inumin ang gamot mo. Tsaka if need mo daw ng bagong gamot, let him know." Tumango ako sa doktora. Ang bigat ng loob ko. Bakit gan'on? "And by the way, salamat nga pala sa masarap na pananghalian. And if you need help to look for your family or relatives, let me know. Here's my number." Tsaka niya inabot ang isang kapirasong papel.

"T-thank you, Doktora," ang nasabi ko na lamang ng aking tanggapin ang inabot nitong papel. Syempre, nasagi ko ‘yong kamay niya ng abutin ko ‘yong papel. Nangunguryente pa 'tong si Doktora. Tsk.

Ngumiti naman ito at tumango tsaka sumakay na sa kanyang kotse. We waived goodbye tsaka umalis na ito.

Nauna ng pumasok sa loob ng bahay ang maglola at naiwan pa ako sa front door hanggang sa mawala na sa paningin ko ang sasakyan ng doktora. Ang bigat ng loob ko talaga. Parang bigla akong nalungkot. Nang hindi ko na masilayan ang sasakyan ng doktora ay napatingin ako sa papel na binigay niya sa akin at binasa.

"Liwayway General Hospital... Teresa A. Alonzo, M.D.... General Surgeon..." Tsaka nakasulat ang phone number sa ibaba, email, at address ng hospital. Hmm... Teresa... napakagandang pangalan.

Nalungkot man ako sa pag-alis ng doktora, naging masaya na rin ako na kahit papaano ay binigyan niya ako ng kanyang calling card. Sinabi niya pang pwede akong humingi ng tulong sa kanya kung gusto kong hanapin ang aking pamilya at relatives. Well, siguro nga ay ‘yon ang dapat ko ng asikasuhin. Magpapaalam muna ako kay Bea para naman hindi niya ako masabihang walang modo at walang utang na loob.

Pasipol-sipol na ulit akong pumasok sa bahay. Medyo gumaan na ang mood ko.

Ah, Teresa... kailan kaya ulit kita makikita, Doktora?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status