Share

Kabanata 5

Kabanata 5

“Dami mo pang satsat Esquivel, boys kayo na bahala diyan,” utos ni Corpuz sa mga tauhan niya. Sabay-sabay na lumapit sa akin ang mga tauhan ni Corpuz, nasa sampu sila at pinalibutan nila ako. Nakita ko pa sa gilid ng aking mata ang mayabang na pag-upo nito sa tabi ni Marco habang humihipak ng sigarilyo.

“Tsk. Tsk. Ayaw ko pa naman manakit ng babae,” sabi ng bungal na tauhan habang sinisipat ako mula ulo hanggang paa.

“’Wag kang mag-alala Atty., saglit na hirap lang ang mararamdaman mo. Mamaya ay puro sarap naman,” may halong kabastusan na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na halakhakan ng mga lalaki sa paligid.

“Sorry ha? ‘Di ako pumapatol sa pangit,” malamig na sabi ko dito.

“Yabang mo ah!” sabi ng pinakamataba sa kanila at agad akong sinugod ng suntok. Mabilis akong umilag at sinipa ang lalaking nasa likuran ko. Muling sumugod ang isang lalaki at naka-amba ng suntok, agad akong umiwas at hinablot ang pulsuhan nito. Inikot ko ang braso nito patalikod at ginawang suporta upang sipain ang mga sumusugod sa akin. Hindi naman magkamayaw ang lalaki sa pagsigaw, nang makitang ko halos nakahiga na ang mga lalaki ay saka ko sinipa ang likod ng tuhod ng lalaki.

“Bwisit kang babae ka!” bahagya akong napailing dahil sa pagsugod ng pinakamataba sa kanila habang may hawak na kahoy.

Rule number one. ‘Wag maingay kapag susugod sa kalaban.

Mabilis akong dumulas paibaba upang mapunta sa posisyon ng paghiga. Ikinalang ko ang dalawang paa ko sa pagitan ng nakabuka nitong mga binti pagkatapos umikot ako kaya nawalan siya ng balanse at tumumba.

Agad akong tumayo mula sa pagkadapa ko ngunit dahil sa mabilis na pagbabago ng posisyon ay hindi ko namalayan ang pagdapo ng isang kamao sa labi ko. Napaupo ako dahil sa lakas ng suntok ng lalaki.

Muli sana akong susugurin ng lalaki pero bago pa ito makalapit sa akin ay natumba ito. Doon ko nakita ang sugatang si Kleo, hingal na hingal ito at may dugong tumutulo mula sa bandang ulo.

Iniabot niya ang kamay niya sa akin at mabilis ko itong tinanggap. Magkatalikuran kami ngayon ni Kleo. Para namang mga minions sa online game ang tauhan ni Corpuz na isa-isang na-resurrect. Nagtanguan muna kami ni Kleo bago sumugod sa mga kalaban.

Mabilis kong binigyan ng uppercut ang unang lalaking sumugod sa akin. Sipa naman sa sikmura ang inabot ng lalaking nagtangkang atakehin ako mula sa likod. Dahil abala ako sa pagdepensa sa harap ay hindi ko namalayan ang paglapit ng pinakamatangkad sa kanila. Hi-neadlock ako nito na pansamantalang nakapagpabagal sa galaw ko. Dahil wala na akong mapagpipilian ay ginawa ko siyang suporta para sipain ang mga pasugod sa akin. Hinatak ko siya sa may pader at doon ko itinuon ang mga paa ko para maka-ikot ako sa ere at makawala mula sa hawak niya. Nang makawala ako ay agad akong bu-mwelo at binigyan siya ng roundhouse kick.

Pagtingin ko sa paligid ay halos bagsak na ang tauhan ni Corpuz. Marami sa kanila ay namimilipit at iniinda ang tagiliran at sikmura.

*Bang!

Mabilis kaming naglapit ni Kleo dahil sa pagputok ng baril.

“Tama na ang kalokohang ito, Esquivel! Masyado ka nang pakealamera! At isinama mo pa ‘yang lalaking na ‘yan! Ngayon ay pareho kayong mamamatay!”

Itinutok nito ang baril sa amin---- sa akin.

“Ada!”

Mabilis na iniharang ni Kleo ang katawan niya sa’kin, pagtapos ay isang malakas na putok ang umalingawngaw sa paligid.

One thousand one.

One thousand two.

One thousand three.

One thousand four.

One thousand five.

Sa loob ng limang segundo ay saglit na tumigil ang pagtibok ng puso ko, kasabay ang pagtigil ng oras. Napa-angat ako ng tingin kay Kleo at nakapikit ang mga nito na para bang inihahanda ang sarili sa sakit na mararamdaman. Maya-maya pa ay gumalaw-galaw na ang talukap ng mga mata nito. Una niyang iminulat ang kaliwang mata at mabilis na tinignan ang paligid. Nang masiguro niyang wala pa siya sa langit ay agad niyang iminulat ang isa pang mata at mabilis na kumalas ng yakap sa akin. Kinapa-kapa nito ang sarili at parang batang tumatawa.

“B-buhay ako? Ada? Buhay ba ‘ko?”

“Oo, buhay na buhay ka,” natatawang sagot ko dito.

“Atty. Esquivel.”

Tinapik ko si Kleo para umalis sa harap ko at doon bumungad si Chief Apacible.

“Chief!” sabi ko at saka sumaludo.

Nakita ko naman sa peripheral vision ko na inalalayan si Kleo ng isa sa mga medic palabas ng gusali.

“Mabuti na lamang at nakatawag agad ng reinforcement ang kasama mo Atty., kung hindi, mga bangkay niyo sana ang laman ng peryodiko at balita bukas.”

Hindi ako sumagot kay Chief, hindi ko alam kung nagbibiro ba siya o nagpapahayag ng pagkadismaya.

Sumunod ako sa kanya palabas ng bodega at nakita ko si Corpuz habang isinasakay sa isang ambulansya. Nilapitan ko ito at ramdam ko ang pagsunod ni Chief Apacible. Mukhang may tama ito sa binti.

Tatawa-tawa si Corpuz habang patuloy pa rin ang pagkindat. Pero bakas sa mukha niya ang matinding galit.

“Hindi pa tayo tapos, Esquivel,” may pagbabantang sabi nito sa akin.

“Kahit saang impyerno ay haharapin kita, Corpuz,” walang emosyon kong sabi.

Ngumisi lamang ito bago tuluyang ipinasok ng medics sa ambulansya.

Saglit kaming nag-usap ni Chief Apacible bago ito nagpaalam. Agad naman akong lumapit kay Kleo na kasalukuyang ginagamot, maya-maya pa’y lumapit sa amin si Judge Valencia upang magpasalamat.

Habang hinihintay naming makaalis ang lahat ay sabay kaming tumitig sa langit. Napakaraming bituin, kaya siguro hindi umuulan. Mabuti na rin ‘yon,para hindi masira ang party nina Mommy at Daddy.

Speaking of--- siguradong magtatampo na naman sa akin ang dalawang ‘yon. Nang makaalis na ang lahat ay nag-aya na rin Kleo.

Titignan ko sana ang oras pero napansin ko ang message ni Justice Mangayao. Nang buksan ko ito ay literal na tumigil ang paghinga ko.

Justice….

Why is she lying on the floor covered with her own blood? No, this can’t be…

Mabilis na rumagasa ang mga luha sa pisnge ko, ang huling natatandaan ko bago ako mawalan ng malay ay ang pagtawag ko sa pangalan ni Kleo.

-

“Meow.”

Nagising ako dahil sa pagkiskis ng isang malambot na bagay sa braso ko. Agad kong inilibot ang tingin ko sa paligid, medyo malabo ang paningin ko pero bakit puro puti ang nakikita ko? Ano bang nangyari?

Justice Mangayao…

Napabalikwas ako nang maalala ko ang picture na ipinadala sa akin. Panaginip lang kaya ‘yon?

“Meow/Ada/Anak!”

Mabilis akong lumingon sa kanan ko at nakita ko ang nag-aalalang mukha nina Mommy at Kleo, at pusa?

Inaninaw kong maige ang pusa at napagtanto kong siya ‘yung lumapit sa’kin kanina sa bodega. Paanong nakarating siya dito? Naagaw naman ni Mommy ang atensyon ko nang bigla itong nagsalita.

“Ada, honey, are you okay?” bakas sa tono ng pagsasalita ni Mommy ang pag-aalala. Marahan nitong hinaplos ang buhok ko. Ipinatong naman ni Daddy ang kamay nito sa balikat ko.

“Ada, may masakit ba sa’yo, Hija?” nag-aalalang tanong din nito.

Alangan akong umiling sa kanila. Sa ngayon, ay hindi na ‘yon ang mahalaga.

“Kleo, si Justice Mangayao…”

Agad na nag-iba ang timpla ng mukha ng mga kasama ko. Ibig bang sabihin, hindi ako nananaginip? Ibig bang sabihin totoong---

“Wala na siya, Ada,” malungkot na sabi ni Kleo habang nangingilid ang luha.

Gusto kong magwala. Gusto kong sumigaw. Gusto kong gantihan ang mga hayop na gumawa nito sa kanya. Pero ni isa don ay wala akong nagawa.

Tumitig lang ako sa kawalan at naramdaman ko ang pagkabasa ng kamay ko dahil sa luhang walang patid ang paglabas mula sa’king mata. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, para akong namatayan ng guro, mentor, kaibigan, at magulang.

“Meow.”

Napatingin ako sa pusa at marahan niyang kiniskis ang ulo sa kamay ko na para bang sinasabing magiging maayos rin ang lahat. Hindi ako mahilig sa pusa pero nang mga sandaling iyon, wala akong ibang nagawa kundi buhatin ito at yakapin nang mahigpit.

-

Habang nakasakay sa wheelchair ay inihatid ako ni Kleo sa morgue na pansamantalang pinaglalagakan kay Justice Barbara. Sa kandungan ko naman ay tahimik na nakahiga si Zuga. I decided to call him Zuga because I met him in a sugar warehouse.

Nanginginig ang tuhod ko habang papalapit kami sa bangkay ni Justice Mangayao. May taklob ito na puting tela. Nang makalapit kami dito ay inalalayan ako ni Kleo para tumayo, dahan-dahan kong inalis ang tabon niya at doon muling tumulo ang mga luha ko.

Payapa ang itsura niya pero natitiyak kong malaking hirap ang dinanas niya sa kamay ng mga suspect. Hindi ko lubos maisip na ang taong umalalay sa akin hanggang sa marating ko kung anong meron ako ngayon ay nakaratay ngayon sa harap ko, malamig at walang buhay. Parang kahapon lamang noong una niya akong mapagalitan at ipahiya sa klase dahil nagkamali ako ng isang word sa provision.

“Every word inside a law is important. It is what it is. Hindi ‘yan kagaya ng mga figurative text na pwede mong bigyan ng ibang kahulugan. One wrong word inside a provision could lead to wrong interpretation and can even ruin someone’s life. Kung tamad kang magkabisado at umintindi, malaya kang mag-drop out sa Law School, hindi namin kailangan ng abogadong istupido.”

Muling nanumbalik sa ala-ala ko ang mga salitang sinabi sa akin ni Justice Mangayao. Nang mga oras na ‘yon ay kinwestyon ko ang sarili kong kakayahan at ang pangarap na akala ko ay matagal kong napaghandaan. Doon ko napagtantong kulang na kulang pa ang alam ko, lalo’t higit ang kaya ko. Instead of giving up, I did my best just to prove her that she’s wrong. To prove her that I’m worth the title.

“I hope I made you proud, Justice.”

Marahan kong hinaplos ang buhok nito.

“Justice Mangayao, sisiguruhin kong bibigyan ko kayo ng hustisya. Itataya ko ang buhay ko para malaman at maparusahan ang may pakana ng pagkamatay ninyo.”

Mahigpit kong hinawakan ang malamig nitong kamay. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nahawakan ko ang kamay ng kagalang-galang na mahistrado. I didn’t expect that it would be today, in the most unfortunate moment.

Inalo naman ako Kleo sa pamamagitan ng paghaplos sa likod ko, maging si Zuga ay naging taga-comfort na rin. Nasa may paanan ko ito at kinikiskis ang ulo sa binti ko.

“Atty.”

Sabay kaming napalingon ni Kleo sa pinto at bumungad ang malungkot na mukha ni Chief Apacible. Halatang wala pa itong tulog at galing din sa pag-iyak.

“Chief.”

Imbes na saludo ay mabilis ako nitong niyakap.

“Chief, wala na si Justice Barbara,” parang batang sumbong ko dito habang umiiyak.

“Alam ko Ada, at sisiguruhin kong magbabayad ang gumawa nito sa kanya. Ako mismo ang maniningil sa mga hayop na kumitil sa buhay ng asawa ko,” madiin at puno ng galit na sabi nito.

-

Dahil kailangan pa ng autopsy ay pansamantalang nai-hold ang wake para kay Justice Barbara. Gustuhin ko mang magmukmok sa kwarto upang ipagluksa ang pagkamatay ng pinakamamahal kong guro ay hindi ko magawa. Kailangan kong patuloy na mabuhay, kailangang may magpatuloy ng mga nasimulan ng pinakamagaling na abogadong nakilala ko.

“Kleo, wala ka bang klase?” tanong ko dito habang nagmamaneho.

“Bukas pa, 7 pm. Bakit?”

“Dapat hindi ka na sumama. You should be taking Law School seriously,” seryoso kong sabi dito habang hindi inaalis ang tingin sa daan.

“Ada naman. Alangan namang pabayaan kita mag-isa? E napakalayo pa naman nitong lugar nina Mang Casimiro. Pa’no kung may aswang pala dito? Tiyanak, manana---“

“Shut up, Kleo,” malamig kong sabi dito habang nakatutok ang baril sa tagiliran niya.

“Okay, okay. Ito naman, di magandang biro ‘yan, Atty.,” he nervously said and chuckled.

Ilang sandali pa ay narating na rin namin ang barangay nina Mang Casimiro. Sementado naman ang daan, pero kahit alas sais pa lang ng hapon ay madilim na ang paligid. Ang mga bahay na nadaanan namin ay nakasara na rin. Maraming puno sa paligid at ang tanging nagbibigay lang ng liwanag sa paligid ay ang kahel na kalangitan bunga ng papalubog na araw at ang kumu-kurap kurap na street lights.

Napagdesisyunan naming ipagtanong ang eksaktong lokasyon ng bahay ni Mang Casimiro. Napadpad kami sa mas liblib pang lugar na natatabunan ng plantasyon ng mga tubo. Sa bahaging ito ay malubak na ang daan at hindi maitatanggi na mas madilim.

Kalat na ang dilim nang makarating kami sa bahay ni Mang Casimiro. Nag-iisang bahay pala ito sa gitna ng tubuhan. Maliit lamang ang lumang kubo nito ngunit maraming tao ang nasa labas, siguro ay nakikiramay.

Agad naming nakuha ang atensyon ng mga tao. May sumigaw pa ng: ayan na si Mayor. Ito naman ang siyang nagpalakas ng bulung-bulongan ng mga tao sa paligid.

Naunang bumaba si Kleo at nakita ko ang pagtataka sa mukha ng taga-roon. Sunod akong bumaba at mas lalong nangunot ang kanilang mga noo.

“Atty.!”

Agad kong nabosesan ang tumawag sa akin. Mula sa kumpol ng mga tao ay nagmamadaling lumabas ang isang matandang babae--- ang kabiyak ng nakaratay.

“Aling Teresa,” agad ko itong niyakap pagkalapit na pagkalapit nito sa akin.

Agad kaming inaya nito sa loob at saka naghayin ng kape at tinapay.

“Kumusta po kayo, Aling Teresa?” agad kong tanong dito nang maupo kami sa harap ng kabaong ni Mang Casimiro.

Napatungo ang matanda at marahang hinagod ang sariling mga tuhod.

“Hindi mabuti, Atty. Bukod sa nawalan ako ng asawa, maraming usap-usapan ang kumakalat dito sa bayan namin na miyembro kami ng NPA.”

“Aling Teresa, ‘wag ‘ho kayong mag-alala lilinisin natin ang pangalan ng asawa niyo. Sa abot ng aking makakaya,” nag-aalangan ngunit pursigidong sabi ko dito.

Saglit akong tumigil at napatingin sa kabaong ni Mang Casimiro.

“…lalabas ang katotohanan at mawawala ang bahid ng kasinungalingan sa pangalan niya at sa pangalan ng buong pamilya ninyo.”

“Maraming salamat, Atty. napakabuti po ninyo.”

“Aling Teresa, hindi ‘ho ba ang sabi ko sa inyo, kapag ‘ho nasa labas tayo ng korte ay pwede niyo po akong tawagin sa pangalan ko?”

Nakangiting tanong ko dito.

“Ah oo nga pala. A-ada,” she said and smiled hesitantly.

“Mabuti at naparito kayo. Sayang at hindi kayo nagpang-abot ni Atty. Mangayao,” pambabasag nito sa katahimikan. Nagkatinginan kami ni Kleo, siguro ay hindi pa nakakarating sa kanya ang balita. Hindi naman nakapagtataka dahil wala silang telebisyon at walang signal ang mga cellphone.

Hinawakan ko ang kamay ni Aling Teresa na siya naman nitong ipinagtaka.

“Aling Teresa, kailan ‘ho nagpunta dito si Atty. Mangayao?”

Saglit na nag-isip ang matanda.

“Kung hindi ‘ho ako nagkakamali ay noong isang araw.”

Isang araw? Agad kong binalikan ang mga araw.

Ang araw ng wedding anniversary nina Mommy at ang araw ng pagpatay kay Justice Barbara.

-

“Mauuna na ‘ho kami, Aling Teresa. Babalik na lamang ‘ho ako bukas.”

“Sige Ada anak, sino ba ang kasama niyo pabalik dito bukas? Magkasama rin ba kayong dalawa?”

“Ah hindi ‘ho, may gagawin po kasi siya bukas kaya baka ako na lang mag-isa ang pupunta dito.”

“Gan’on ba? Sige basta ‘wag kang magpapagabi. Delikado po sa daan. Saka mag-iingat ka, ngayong wala na si Justice Mangayao, kayo na lamang ang pag-asa namin,” mangiyak-ngiyak na sabi nito habang nakahawak sa kamay ko.

Ipinatong ko ang isang kamay ko sa kamay niya at saka ngumiti.

“Gagawin ko ‘ho ang lahat ng makakaya ko, Aling Teresa.”

“’Nay…”

Napalingon kaming lahat sa pinanggalingan ng boses.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status