Nagising ako na parang binibiyak ang aking ulo sa sakit. Maging ang katawan ko ay masakit din na para bang kung anong mabigat na trabaho ang ginawa ko.
“Ahh...” Mabilis kong naidilat ang aking mga mata nang may iilang alaala ang lumitaw sa isipan ko. Hindi naman ‘yon totoo, ‘di ba? Sinubukan kong bumangon pero nagtaka ako nang may maramdaman na mabigat na bagay na nakapatong sa aking tiyan, at nang tingnan ko iyon ay gano'n na lang ang gulat ko nang makitang isa iyong kamay! Nanlalaki ang aking mga mata habang dahan-dahang pinasadahan ang kamay pataas hanggang sa makita ang itsura ng nagmamay-ari nito. Napatakip ako sa aking bibig at muntik pang mapasigaw nang makilala siya. Imposible ‘to! Siya ba talaga ‘to? Hindi maaari, nananaginip lang ako. Tama, nananaginip lang ako. Pero bigo akong malaman na hindi ako nananaginip dahil totoong-totoo ang sakit na nararamdaman ko sa aking ulo at katawan, at lalong-lalo na sa gitna ng aking mga hita! Shit! Totoo nga ‘to! Hindi lang ako namamalik-mata at mas lalong hindi ako nanananiginip na si Cargorios Mertimor ang nakasama ko kagabi! May nangyari sa amin ni Cargorios Mertimor kagabi! Hindi ko gaanong kilala ang lalaking ‘to pero alam ko ang mukha niya. Marami rin ang nakakakilala sa kaniya dahil sa yaman nito, at hanggang doon lang din ang alam ko tungkol sa kaniya. Kilala rin siya bilang isang womanizer, maraming babae. At hindi ko alam kung matutuwa ba ako na ako ang naging putahe niya ngayon Maingat at dahan-dahan kong tinanggal ang kaniyang kamay na nakapatong sa aking tiyan. Halos magpanic pa ako nang bigla siyang gumalaw, akala ko magigising siya pero nagpalit lang pala siya ng pwesto, ngayon ay nakatalikod na siya sa akin. Napahinga ako nang maluwag. Napatulala pa ako saglit sa aking katawan na tanging kumot lang ang nakabalot, hindi pa talaga gaanong napoproseso ng aking utak na may nangyari talaga sa amin kagabi. Tiningnan ko si Cargorios, wala siyang suot pang-itaas at tanging kumot lang din ang nakabalot sa tiyan niya pababa. Kahit masakit ang buong katawan ay sinikap kong umalis sa kama nang hindi gumagawa ng ingay. Halos mapamura pa ako nang muntik akong matumba pagkatayo ko. Putangina, ang sakit ng perlas ko! Hinagilap ko ang aking mga damit na kung saan-saan na napadpad. Ang pantalon at tshirt ko ay nakakalat sa sahig, ang bra ko ay halos malaglag na sa upuan, at ang panty ko ay napadpad na sa isang pintuan na sa tingin ko ay banyo. Pinulot ko isa-isa ang aking mga damit at mabilis na isinuot ‘yon. Wala na akong pakealam kung tama pa ba ang pagkakasuot ko basta ang sa akin lang ay matapos ako at makalabas na rito. Nang sa wakas ay naisuot ko na ang aking damit ay hinanap ko na agad ang pinto, ang laki ng silid na ito na halos mahirapan pa ako sa paghahanap ng labasan. Muntik pang mawala sa isip ko na hindi ko pa pala suot ang sapatos ko. Grabe ang ginhawang naramdaman ko nang nakalabas ako nang hindi nakakagawa ng ingay at hindi siya nagising. Iginala ko ang aking paningin sa paligid at napagtantong nasa hotel pala kami. Isang magarbong hotel. Geez, hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil dinala niya ako sa isang mamahaling hotel at hindi sa damuhan. Sumakay na ako sa elevator, halos ibaon ko na ang sarili sa gilid dahil pinagtitinginan na ako ng mga tao. Yumuko na lang ako upang hindi nila makita ang aking mukha. Pagkabukas ng elevator ay agad na akong lumabas at umalis sa hotel nang hindi lumilingon at dire-diretso lang ang lakad. Buti na lang ay may nakapa akong pera sa bulsa ng pantalon ko kaya nagawa ko pang sumakay ng taxi pauwi. Pagkapasok ko sa bahay ay unang bumungad sa akin si Andrew, agad kong inayos ang aking itsura at lalagpasan ko na sana siya nang hindi pinapansin pero hinawakan niya ang aking braso kaya napatigil ako. “Saan ka galing? Bakit ngayon ka lang umuwi?” tanong niya habang sinusuri ako nang nakakunot ang noo. Tinanggal ko ang pagkakahawak niya sa aking braso. “Wala kang pakealam.” Lalagpasan ko na sana siya ulit pero hinigit niya ako at binalik sa aking pwesto. “Nakipaglandian ka sa ibang lalaki? Bakit ganyan ang itsura mo? Halatang may ginawa kang kababalaghan kagabi.” Gusto ko siyang sampalin sa inis ko. Gusto ko sanang itanggi pero siya naman itong nauna, kaya anong karapatan niya para kwestyunin ako sa ginagawa ko ngayon? “Ano naman ‘yon sa ‘yo? Sa pagkakaalam ko kasi ay wala naman na tayo. Ikaw ang unang nagloko, kaya anong pakealam mo sa mga ginagawa ko?” Napaatras ako nang bigla siyang lumapit sa akin at mahigpit ulit na hinawakan ang aking braso. Napadaing ako sa sakit. “Aray, ano ba!” “Talagang proud ka pa sa ginagawa mo, ah? Ano? Sino ‘yang lalaki mo? Matagal mo na rin ba ‘yang jowa kaya no'ng nagkaroon na kayo ng pagkakataon ay gumawa agad kayo ng kababalaghan?” nanggigigil niyang sabi at ramdam ko rin ang galit sa pagkakahawak niya sa akin. “Kaya ba hindi ka bumibigay sa akin kasi may iba ka rin naman pala? Ngayong wala na tayo ay basta-basta mo na lang din ibinigay ang sarili mo sa ibang lalaki, huh?” Pumiglas ako pero hindi ko magawang makawala sa hawak niya sa akin. “Ano ba, Andrew, bitawan mo ako! Nasasaktan ako!” “Ang selfish mo naman, ilang beses akong nagmakaawa sa ‘yo pero hindi mo ako pinagbigyan. Pero doon sa lalaki mo ang bilis-bilis mong bumigay nang walang pagdadalawang-isip— Ahh”. Ngumisi siya na parang baliw. “Baka hindi ito ang unang beses niyo? Ilang beses nang may nangyari sa inyo, ha? Baka pwedeng makaisa rin? Hindi naman pwedeng siya lang ang makinabang sa ‘yo, may pinagsamahan din naman tayo kaya dapat lang ay pagbigyan mo rin ako.” Sinunggaban niya ako ng halik. Sinubukan kong manlaban pero mas malakas siya sa akin kaya tanging pag-iwas lang ng mukha ko ang nagagawa ko. “Ano ba, Andrew! Bitawan mo akong baliw ka!” “Matitikman muna dapat kita bago kita pakawalan. Pagbigyan mo na ako. Ipagkumpara mo kung sinong mas magaling sa aming dalawa.” Sinubukan kong sumigaw para manghingi ng tulong pero tinakpan niya ang aking bibig kaya hindi ko nagawa. Kinaladkad niya ako papuntang sofa at sapilitang hiniga roon. Wala akong nagawa at naluha na lang dahil pakiramdam ko ay sobrang hina ko. “Matagal pa naman na akong naglalaway sa ‘yo, ngayon sa wakas ay matitikman na kita. ‘Wag ka nang manlaban para mabilis tayong matapos.” Tumawa pa ito habang dinadaganan ako at sapilitang hinuhubad ang aking damit at pilit na hinahalikan ang aking leeg. Napaiyak na ako habang nagpupumiglas pa rin sa kaniya, pero sobrang lakas niya talaga na hindi ko man lang mailayo ang mukha niya sa akin. “Ate Molly, Andrew? Anong ibig sabihin nito?!” malakas na sigaw ni Madeline ang narinig namin kaya mabilis na umalis sa aking ibabaw si Andrew. Nalaglag ako sa sofa habang umiiyak at inaayos ang damit na nagusot. “Walang hiya ka!” sigaw ni Madeline. Akala ko si Andrew ang susugurin niya pero nagulat ako nang bigla niya akong sinabunutan. “Malandi ka! Malandi! Malandi!” Hindi man lang tumulong si Andrew sa akin. Nakatingin lang siya sa amin habang sapo ang noo at umiiling. “Nagawa mo pa talagang landiin si Andrew matapos mong pumunta sa lalaki mo kagabi, ha?!” Hindi ako nakapanlaban nang sampal-sampalin ako ni Madeline habang gigil na gigil niyang sinasabunutan. “May tinatago ka rin palang kalandian! Sobrang landi mo!”