Hindi na iyon pinansin ni Hannah. Pagbalik niya sa kanyang opisina ay nagulat siya dahil tumatawag ang isang unfamiliar na number sa kanyang phone. Sinagot niya iyon at nagtaka siya sa taong sumagot sa kabilang linya.
“Hello?” tanong ni Hannah.
“Hannah, ako ito. Si Jane,” sagot naman nito.
Hindi nagkaroon ng pagkakataon si Hannah para itanong kung bakit tumawag sa kanya si Jane. Bigla na lang din kasi itong nagsalita.
“Pwede ba tayong magkita? Nandito ako sa coffee shop malapit sa office niyo.”
Nagtaka si Hannah dahil kakakita lang nilang dalawa roon sa restaurant. Saka, ano pa ba ang kailangan nilang pag-usapan?
“Ah, nagtatrabaho pa ako ngayon. Kung may gusto kang sabihin sa akin, pwede mo namang sabihin dito sa phone,” iyon ang sinabi ni Hannah dahil ayaw niya talagang makita si Jane.
“Eh di, hihintayin kitang matapos sa trabaho mo,” sagot naman ni Jane, napapikit na lang sa inis si Hannah dahil doon.
Alam niyang makulit si Jane pero hindi niya inakala na may ikukulit pa pala ito.