Share

SCARRED SOLDIER (Filipino) COMPLETED
SCARRED SOLDIER (Filipino) COMPLETED
Author: Aura

CHAPTER 1

“LADIES and gentlemen, as we start our descent, please make sure your seat backs and tray tables are in their full upright position. Make sure your seat belt is securely fastened and all carry-on luggage is stowed underneath the seat in front of you or in the overhead bins. Thank you,” paalala ng piloto ng eroplano.

‘Finally, I’m back.’ Magkahalong galak at lungkot ang nararamdaman ni Annabelle.

Dumungaw siya sa bintana at pinagmasdan ang mga gusaling nagmumukhang laruan sa liit. Sa kanang bahagi ay nakikita niya ang maliit na kabahayan. Nakabalik na nga siya sa Pilipinas.

Pitong taon siyang nanirahan sa tita niya sa Amerika. At sa pitong taong iyon ay isang beses lang siyang nakauwi—noong pumanaw ang kaniyang ama. Naglagi lang siya ng isang linggo at bumalik din agad sa Amerika. Gustuhin man niyang magtagal pa ng ilang araw ngunit hindi pumayag ang ina niya dahil ayaw nitong mapabayaan ang kaniyang pag-aaral. Pumupunta lang ito para bisitahin siya. Na-mi-miss na niya ito at ang mga kapatid. Excited na rin siyang makalaro ang mga pamangkin niyang makukulit.

‘Kumusta na kaya si Jenny?’ Samu’t saring alaala ang pumasok sa isip ni Annabelle. May masaya, may malungkot. Mga alaalang hinding-hindi niya kailanman malilimutan.

Habang hinihintay ang paglapag ng eroplano ay binalikan niya ang mga pangyayari pitong taon na ang nakalilipas.

 

Taong 2012

“ANNA!” Napahinto si Annabelle sa paglalakad papuntang cafeteria nang marinig niya ang malakas na pagtawag sa kaniya. Napangiti siya nang malingunan ang best friend niyang si Jenny.

Nasa pangatlong taon na sila ng kolehiyo. Magkaedad at naging magkaklase simula pa noong high school kaya kilalang-kilala na nila ang isa’t isa. Anak ito ng isa sa mga guro ng Magsaysay State Colleges kung saan sila nag-aaral. Siya naman ay anak ng principal ng nasabing paaralan, si Mr. Tiofilo Reñedas.

Si Annabelle ang unica hija at bunso sa pamilya. May dalawa siyang kapatid na lalaki na pawang nasa kabilang bayan naglalagi dahil doon nagtatrabaho ang mga ito. Ang minamahal niyang ina, si Cora, ay nasa bahay lang at laging sinisigurado ang magandang pagpapalaki sa kanilang magkakapatid.

Si Jenny ang tipong madaldal, makulit, at malambing. Mahilig itong gumamit ng cosmetics. Sa edad nitong nineteen ay sanay na itong maglagay ng makeup kagaya ng lipstick at blush-on. Masasabi niyang maganda ito na mas na-enhance pa ng ginagamit nitong pampaganda. Kulot ang buhok ni Jenny na lampas balikat.

Siya naman ay tahimik, at mas pinili niyang maging simple. Polbo lang ang tanging ginagamit niya sa makinis naman ng mukha. Para kasing nangangati at nabibigatan siya sa kaniyang mukha kapag naglalagay ng makeups, at hindi talaga siya sanay. Nagwiwisik din siya ng paborito niyang baby cologne sa umaga. Hindi naman agad natatanggal ang amoy niyon kaya hindi na niya kailangang maglagay ulit sa hapon. Si Jenny ay morena pero pantay at malinis ang balat, siya naman ay mestiza. Namana niya ang katangiang iyon sa ina niyang may lahing Kastila. Kaya para sa kaniya, bagay na bagay silang magkaibigan. ’Ika nga, ‘opposite attracts.’

“Hindi mo na ako hinintay,” nanunulis ang ngusong yamot ni Jenny.

“Ang tagal mo kasing matapos sa seatwork mo,” natatawang sagot ni Annabelle.

“Nahihirapan kasi talaga ako kapag math na, e. Pasensiya naman po kung hindi kasing talino mo ang lola mo,” nakangiting sabi nito. “Gutom na ako. Ano bang masarap kainin?” Magkasabay silang nagtungo sa cafeteria para sa afternoon recess.

Bumili siya ng cheese sandwich at zesto juice. Si Jenny naman ay nilantakan ang biniling spaghetti and coke with matching hotdog sandwich pang naghihintay sa gilid. Bilib din naman siya sa katawan nito, kahit gahigante ang kinakain, slim pa rin ito.

Nakahanap sila ng puwesto sa kaliwang sulok malapit sa bintana.

“Oy, nabalitaan mo ba?” untag ni Jenny sa kaniya. “May mga bagong grupo ng sundalong dumating noong isang araw. Galing daw ang mga ’yon ng Maynila. Dumadami na daw kasi ang mga rebelde sa bukid kaya nagpadala na ang gobyerno ng maraming sundalo.”

Narinig din niya ang balitang pinamumugaran nga ng mga rebelde ang bukiring bahagi ng Bansalan. Hindi niya inakalang ganoon na pala kalala ang sitwasyon sa probinsiya nila. Ang Bansalan ay nasa katimugang bahagi ng Davao. Maliit lamang ang sibilisadong bahagi niyon. Halos one-fourth lang iyon ng buong area ng probinsiya. Ang sentro nito ay ang Magsaysay, kung saan sila nakatira. Kompleto naman ang bayan. May ilang paaralan, may district hospital, parmasya, palengke, at parke. Walang malalaking malls pero may mangilan-ngilang establisimyentong nagbebenta ng mga damit at iba pang kailangang gamit sa pang araw-araw.

“Nakakatakot naman ang balitang ’yan, Jen.”

“Yes, korek ka d’yan, sis. Nakakatakot yet . . . exciting!” nangingiting sagot nito. Humigop ng coke gamit ang straw. Tapos na nitong kainin ang spaghetti kaya sinunod naman ang kawawang hotdog sandwich.

Tumaas ang isang kilay ni Annabelle. “Paano naman nakaka-excite ang balitang ’yan?”

“Kasi ’di ba, mga Manileño ang mga sundalong ’yon? Balita ko ang guguwapo ng mga galing doon,” kinikilig na paliwanag nito. “Malay mo, Manileño pala ang makakaangkin ng taglay kong kagandahan,” tila nangangarap pang dagdag nito.

Napapailing na lang si Annabelle sa pinagsasasabi ng kaibigan. “Jen, FYI, ang sabi-sabi din, kilala ang mga Manileño sa pagiging babaero. Kasi nga ’di ba, ’di hamak na mas maraming magaganda at modernong babae doon. Liberated din daw ang mga ’yon. Maghahanap pa ba sila sa tagong probinsiya? At kung makakahanap man, ang tanong, seseryosohin kaya nila? Sis, hindi naman sa dini-discourage kita na umibig sa Manileño, iwasan mo lang ang masyadong umasa.  Ayaw ko lang talagang mabiktima ka ng mga ganyan. Mabuti na ’yong sigurado. Palangga tika, e.”

“Aww . . . Of course, alam ko namang love mo ’ko, sis. Kaya lang, sayang naman ang humahalimuyak kong alindog kung walang pinaglalaanan, ’di ba?” ani Jenny na sinabayan pa ng hawi ng buhok. Naipikit na lang ni Annabelle ang mga mata, hindi makapaniwala sa sinasabi ng kaibigan. Minsan talaga, may pagkabulgar din ang pananaw nito, lalo na sa pag-ibig.

 

NAGLILINIS si Miguel ng kaniyang kalibre kuwarenta y singko. Kasalukuyan siyang nasa isa sa mga kubo ng kampo. Ito ang nagsisilbing tirahan niya at ng mga kasamang sundalo. Pakiramdam niya ay parte na ng katawan niya ang sandatang iyon. It was with him like forever. Simula noong pumasok siya sa pagiging sundalo ay ito na ang kapareha niya. Hanggang sa maging opisyal siya at nadestino nga kamakailan lang sa probinsiyang iyon. Sa edad na beynte otso, matagumpay niyang natamo ang karangalang iyon. Katakot-takot naman na trainings ang pinagdaanan niya bago narating ang lugar kung nasaan siya ngayon.

Lumaki siya sa Laguna kasama ang nakababata niyang kapatid na babaeng pinag-aaral niya ng kolehiyo. Ulila na silang magkapatid. Namatay ang mga magulang nila sa magkaibang pangyayari. Namatay ang ama nila dahil sa komplikasyon ng diabetes at matapos ang isang taon ay ang ina naman nila ang sumunod dahil sa sakit sa puso.

“Bud, tama na ’yan. Baka magising ang genie at lumabas bigla sa kapupunas mo,” bungad ng kasama niyang sundalo at matalik na kaibigang si Rudy. “Tara, tambay muna tayo sa kanto, pahinga naman natin ngayon. Nang-iimbita kasi si Manong Ben, ’yong may-ari ng tindahan doon. May konting inuman din,” nakangising sabi nito.

Dahil wala rin naman siyang gagawin at gusto rin niyang makahalubilo ang mga tao sa lugar na iyon ay pinaunlakan niya ang paanyaya ni Rudy.

 

NANG hapong iyon ay nahuli ng isang oras ang uwi nina Annabelle at Jenny dahil tinapos nila ang project sa Science. Araw-araw silang magkasabay sa pag-uwi. Hindi sila sumasabay sa kanilang mga magulang dahil minsan ay may ginagawa pa ang mga ito sa faculty. Nilalakad nina Jenny ang halos kalahating kilometrong layo ng paaralan at bahay. Marami namang nadadaanang bahay kaya kampante sila.

Napansin ni Annabelle ang grupo ng kalalakihang nakaupo sa tindahan sa kanto.

‘Mukhang nag-iinuman,’ naisip niya.

Mga bago sa paningin niya ang mga itsura nito. Si Manong Ben lang ang namukhaan niya, ang may-ari ng tindahan. May limang lalaki na hindi niya kilala ngunit sa limang iyon ay agaw-pansin ang dalawang matatangkad na lalaki. Ang isa na naka-side view ay maputi. Sumisilip ang matitipuno nitong braso sa suot na puting sando at berdeng walking shorts na ang haba ay umaabot hanggang sa itaas lang ng tuhod. Magiliw itong nakikipagkuwentuhan sa grupo. Ang isa naman ay nakasuot ng abuhing T-shirt at khaki cargo shorts. Kagaya ng isa, nagmumukhang maliit din ang suot nitong pang itaas sa muscles nito. Hindi iyong tipong napapanood niya sa TV na body builders. Mas angkop na sabihing kapares iyon sa katawan ng isang swimmer; wide shoulders and narrower waist and hips. Kahit hindi niya nakikita ang mukha nito, dahil nakaupo ito patalikod sa kanila, ay masasabi niyang moreno ito. Napansin niyang pare-pareho ang gupit ng mga lalaki, iyong kagaya ng sa pulis.

“Sis, daghan ug pogi, oh!” siko ni Jenny sa kaibigan.

Pagpuyo pagud dira! (Magtigil ka nga d’yan!) Baka marinig ka, nakakahiya,” saway ni Annabelle sa kalandian ng best friend.

Nang mapadaan sila sa tindahan ay halos hindi gumagalaw ang ulo ni Annabelle. Dire-diretso siyang naglakad nang hindi tinatapunan ng tingin ang grupo. Nakasunod lang si Jenny, subalit sa hindi inaasahan ay tinawag sila ni Manong Ben.

“O, Annabelle, Jenny, bakit ngayon lang kayo nakauwi? Alas-sais na.”

Maayong gabii, Manong Ben,” sabay nilang usal. “May tinapos kasi kaming project kaya medyo late na po nakauwi,” dagdag ni Annabelle.

“Mag-iingat kayo sa daan. Marami ng rebeldeng pagala-gala dito sa lugar natin. Delikado na kapag gabi.”

“Salamat po sa paalala. Tatandaan po namin ’yan, mag-iingat po kami,” sabi niya na lang para sana hindi na humaba ang usapan.

Pero sa dismaya ng dalaga ay may sinabi pa si Manong Ben, hindi sa kanila kung hindi sa grupo ng mga lalaki. “Ay, siya nga pala, mga iho, baka naman may gustong magboluntaryo sa inyong maghatid sa mga batang ire. Hindi ako mapalagay.”

Hindi inaasahan ni Annabelle ang biglang pagtayo ng morenong lalaking naka-gray at walang sabi-sabing humakbang patungo sa kanila. Naalarma siya at napaatras ng ilang hakbang.

“A, h-hindi na po kailangan, Manong. Kayang-kaya na po namin, malapit lang naman,” nauutal niyang sabi. Huminto naman sa paghakbang ang lalaki.

“’Di ba, Jen? Okay lang, ’di ba?” siko niya sa kaibigan na parang natauhan bigla mula sa pagkakatitig sa lalaki.

“A, o-oo. Opo, okay lang. Huwag na po, mga sir,” sabi ni Jenny na nilangkapan ng pagkatamis-tamis na ngiti sabay ipit ng hibla ng buhok sa likod ng tainga.

“Mga inday, huwag kayong mag-alala. Mga sundalo itong mga ito. Sila iyong bagong dating na grupo galing Maynila kaya ligtas kayo.”

“Huwag na po talaga. Maraming salamat po, tuloy na po kami. Halika na, Jen, dali!” bulong ni Annabelle at nagmamadaling umalis.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Cuenk Riyanto
kok bahasany inggris
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status