Share

Chapter 1

NAKAKATAKOT ang paraan ng pagkakatitig sa 'kin ng lalaking nasa harapan ko. Ramdam ko itong tumatagos sa aking buong pagkatao.

Hinagod ako ng tingin ng kanyang misteryosong mga mata. Para bang binabasa ang aking mga iniisip. Nagsitayuan ang aking mga balahibo. Ang kanyang hitsura ay nagsusumigaw ng galit at tapang. Kahit sino naman sigurong makakakita na pinagnanakawan sa sarili nilang bakuran ay hindi matutuwa.

Naputol ang pagtitig niya sa akin nang dumating ang isang range rover. Agad bumaba ang mga sakay nito kasama si Mang Tasyo.

Tiningnan ako ni Mang Tasyo na puno ng awa ang mga mata.

"Nakarinig kami ng isang putok, Sir, kaya sinundan ka na namin dito," ang sabi ng isang lalaking nakilala ko na dati sa pangalang Owen, isa sa pinagkakatiwalaang tauhan ng hacienda.

"Nagtangka kasi siyang tumakas. Kahit pinapatigil ko'y tumakbo pa rin. Kaya pinaputokan ko na," sagot ng lalaki sabay abot ng kanyang baril kay Owen.

Sabay-sabay na lumingon sa akin sina Owen at ang dalawang kasama nilang sakay sa range rover. Samantalang si Mang Tasyo ay nakayuko.

"Dalhin siya sa mansiyon," utos niya kina Owen at sa dalawang kasama nito.

Doon ko na gustong umiyak nang dahan-dahang lumapit sa akin ang dalawang lalaki at hinawakan na ako sa palapulsohan para hindi na makatakbo ulit.

Pinalandas ng isang lalaki ang kamay niya mula sa aking braso hanggang sa palapulsohan at nandidiri ako sa paraan ng pagkakahawak niya.

Ang mga mata niya ay puno ng pagnanasa na lalong nagpatindi ng aking takot.

Nagpumiglas ako mula sa hawak nila pero hindi sila natinag.

"Ako na ang magmamaneho ng range rover. Sasabay sa akin ang babaeng 'yan at si Mang Tasyo pabalik ng mansiyon. Owen, ikaw na ang mag-uwi ng aking kabayo." Biglang nagbago ang isip nito.

"At kayong dalawa, maglakad na lang kayo," baling naman niya sa dalawang lalaking nakahawak sa akin kanina.

Walang nagsasalita sa aming tatlo habang lulan ng sasakyan. 

Parang may pinipigilan itong galit sa diin ng pagkakahawak sa manibela. Napapikit ako sabay lunok ng laway. Ang dami-daming naglalaro sa isip ko na pwedeng mangyari sa akin sa mansiyon. Baka ipabugbog ako, baka pagalitan at ang pinaka masaklap baka ipakulong pa.

Ang huling naisip ang pinakabumabagabag sa akin. Kung mangyayari iyon, hindi lang ako ang kawawa kung hindi pati na rin mga kapatid kong umaasa sa akin.

"Huwag mong subukang tumakas ngayon dahil mas maraming guwardiya ang pwedeng bumaril sa'yo rito," bilin nito bago kami bumaba ng sasakyan.

Tuloy-tuloy itong pumasok sa mansiyon na nag-iwan ng putik sa malinis na sahig dahil sa kanyang suot na bota. Habang ang mga katulong naman ay halatang kabado sa kanyang pagdating.

"Ihatid ang almusal sa aking opisina," simpleng sabi niya na hindi mababakasan ng anumang kabaitan.

"Mang Tasyo dalhin mo rin siya sa opisina ko. Mag-uusap kami," utos naman niya kay Mang Tasyo bago umakyat sa magarbong hagdanan.

"Mang Tasyo anong gagawin ko?" naiiyak na tanong ko sa matanda pagpasok namin sa opisina kung saan kami mag-uusap.

"Pasensiya na, hija, mukhang hindi kita matutulungan ngayon. Pati ako mukhang mawawalan pa ng trabaho," naiiling na saad ng matanda.

"Hindi ko po talaga alam na may ibang magbabantay ngayon sa palaisdaan. Kung alam ko lang po na hindi ikaw ang madadatnan doon sana hindi na muna ako nagpunta. Pasensiya na po talaga, Mang Tasyo, dahil sa 'kin nadamay ka pa."

"Ang alam kasi namin sa susunod na linggo pa ang dating ng may-ari nitong hacienda. Kaya lang bigla siyang dumating kagabi kaya hindi lang ikaw, kung hindi pati kami ay nasorpresa. Kaya hindi kita nasabihan kahapon kasi napaaga talaga 'yong dating niya."

"May ari?" nagtatakang tanong ko. Simula noong may nangyaring trahedya sa pamilya nila ay wala ng kahit sinong nakakita sa kanila na bumalik sa bayan namin. Ngayon pa lang.

"Hindi mo na siguro sila natatandaan pa. Masyado ng matagal 'yon. Siguro mga limang taong gulang ka pa lang nang umalis sila," paliwanag ng matanda.

"Ang lalaking nakahuli sa'yo kanina ay si Lance Natividad. Siya ang nag-iisang anak ng dating gobernador. At ngayon ay nagbabalik na siya," dugtong ni Mang Tasyo na nagpatahimik sa akin.

Pagkatapos ng sinabi ni Mang Tasyo ay bumukas ang pintuan ng opisina. Pumasok doon si Lance na bagong ligo. Dala ng matinding takot, bigla akong napatayo mula sa inuupoang sofa. Nabalot ng kanyang mabangong amoy ang buong kuwarto. Umupo ito sa kanyang swivel chair at madilim ang mukhang tiningnan kami.

"Makakalabas ka na, Mang Tasyo," sabi nito.

Hindi ako nakapagsalita. Sinusundan ko lang ng tingin ang papalabas na si Mang Tasyo hanggang sa tuluyan na niyang isinarado ang pinto.

Pinipisil ko ang mga daliri dahil sa matinding kaba. Nakayuko lang ako dahil hindi kayang salubongin ang kanyang titig. Ganito pala ang pakiramdam kung tinititigan ka ng isang gwapo at istriktong lalaki. Nakaka-conscious.

"Anong pangalan mo?" tanong niya sa akin. Pati tinig niya'y sobrang sungit. Parang lahat ng tanong niya ay dapat talagang sagutin.

"Sa-Sabrina po," nabubulol kong sagot.

"Sabrina?" ulit na sambit niya sa pangalan ko.

"Sabrina Escalante po, Sir," inulit ko ang kompletong pangalan.

"Pwede ko bang malaman kung ilang beses ka ng nagnanakaw sa aking palaisdaan?" tanong niya na nakahilig sa kanyang upoan.

Komportabling-komportable siya sa kanyang pagtatanong samantalang ako ay para ng matutumba sa kanyang harapan. Hindi man lang nag-abala na paupoin ako.Tinitingnan pa ako mula paa paakyat sa ulo na may kasamang paglunok. Hindi ko tuloy alam kung ano ang nasa isip niya ngayon. Sigurado akong galit na galit siya sa akin. Pero hindi ang impresyon niya ang importante kung hindi kailan niya ako pakakawalan o kung pakakawalan pa ba niya ako?

"Ma-ma- matagal na po." Nahihirapan pa akong mairaos ang sagot.

"Malaki na pala ang pagkakautang mo sa akin kung ganoon?" malumanay na sabi niya. Pero halata doon ang tinatagong galit.

"Hindi ko na po uulitin, Sir. Hindi na po ako babalik dito kahit kailan. Hindi na po ako magpapakita sa inyo kung gusto niyo po. Pakawalan niyo lang po ako," pakiusap ko.

Pumalatak at umiling ito. Hindi pumapayag sa gusto kong mangyari.

"Walang libre sa panahon ngayon. Siguro'y alam mo 'yan?"

"Ano po bang gusto niyo, Sir? Kung bayad po ang gusto niyo'y mag-iipon ako," naiiyak kong sabi.

"Hindi ako intiresado sa perang ibabayad mo."

"Kung ganoon, ano po ang gusto niyo?"

"Ikaw," mabilis niyang sagot.

Parang hindi ko naproseso ang sinabi niya. Pinagpapawisan ako. Tama ba ang narinig ko?

"Ikaw, magtatrabaho ka sa akin."

Medyo nakahinga ako sa sinabi niya. Mas ayos na siguro 'to kaysa naman ipakulong ako.

"Stay in ka rito," hindi 'yon pakiusap. Utos 'yon na kailangang sundin.

"Pero, Sir, paano ang mga kapatid ko? Wala silang kasama sa bahay kapag gabi."

"Hindi ko na problema 'yan. At sa natatandaan ko, ikaw ang may utang sa akin. Ikaw dapat ang mag-adjust."

Sunod-sunod na katok ang narinig namin na nagpatigil sa mga sasabihin ko pa.

"Tuloy," sagot niya sa kumakatok.

Pumasok ang may edad na katulong na may dalang tray ng pagkain at inilapag ito sa kanyang mesa.

"Salamat, Aling Meldred."

"Walang anuman, hijo," sagot ng babae bago lumabas.

"Makakauuwi ka na pero bago dumilim dapat ay nandito ka na at dala na ang mga gamit mo. Bukas magsisimula ka na sa pagbabayad ng iyong utang," seryosong saad niya at humigop ng kape.

Para akong lumulutang sa hangin habang pauwi ng bahay. Hindi ko alam kong paano sasabihin sa aking mga kapatid ang nangyari. Baka maapektohan ang pag-aaral nila. Baka ikahiya nila ako. Baka magalit sila sa akin.

Paano kung pahirapan ako ng Lance na 'yon? Hindi pa namin napag-uusapan ang magiging suweldo ko. Ang tanong mayroon pa ba akong sweldo? Kung wala akong kikitain habang nagtatrabaho sa kanya paano na ang pangangailangan ng mga kapatid ko?

Naririnig ko sa iilang mga taong nakakasalubong na ang muling pagbubukas ng Hacienda Catalina ay bagong pag-asa sa lugar namin.

Pero ang pag-asang sinasabi nila'y problema naman ang idinulot sa 'kin.

Hindi ko alam kong matatagalan ko ba ang isang Lance Natividad. Parang pagmamay-ari niya lahat ng sama ng loob sa mundo. Nakikita ko ang takot ng mga katulong kung tinitingnan nila si Lance. Kung sa kanya ako magtatrabaho kailangan kong magbaon ng maraming tapang.

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Raydan Dave Bayuga
magandang storya
goodnovel comment avatar
Ronie Oadcin
Ganda Ng story chapter 1 palang
goodnovel comment avatar
Capillo Dario Enegue
love it .........
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status