Kapag Naniwala Ka (Filipino/Tagalog)
Kapag Naniwala Ka (Filipino/Tagalog)
Author: Youniqueen
Kabanata 1

KABANATA 1

INISANG hithit ko ang maliit na sigarilyong hawak ko bago ikiniskis ang dulo nito sa isang ashtray na hugis ari ng lalaki. Ibinuga ko rin ang usok sa kawalan bago dinampot at pinintahan ang barahang ibinigay sa akin. 

“Sino’ng hitter ngayon?” tanong ko sa tatlong kalaban.

“Ako!” nakangiwing sagot ni Aling Barba, saka niya siniko ang asawang si Mang Isko na nasa tabi. “Lumayas ka nga sa tabi ko, Isko! Simula nang umupo ka rito, minalas na ‘ko.”

Napakamot na lang ng ulo si Mang Isko at tumayo. “Sinisi mo pa ‘ko. Ang sabihin mo malas ka lang talaga.”

“Gago!” bulyaw ni Aling Barba.

Napangisi ako at dinampot ang isa pang bote ng alak sa aking tabi at walang kahirap-hirap na nilagok iyon. Sa tuwing nagsusugal kami ni Aling Barba, kalaban ang dalawa pa niyang kapitbahay na sina Aling Pasing at Aling Metring, palagi ko silang natatalo. Katulad na lang ngayon. Halos nasa akin na ang lahat ng pera nila. 

“Elyne, halos maubos mo na ‘yong isang kaha ng Marlboro Lights at nakakatatlong bote ka na rin ng Red Horse. Hindi ka pa ba uuwi sa inyo? Gabi na,” pabulong na sabi ng kaibigan kong si Roan.

 Nilingon ko siya suot ang isang seryosong tingin. “Pinapauwi mo na ba ‘ko, Roseangela?”

Napailing siya. “Hindi naman sa ganoon. Naisip ko lang na baka nag-aalala na sa ‘yo sina Tito’t Tita.” 

“Ano ba, Roan!” biglang bulyaw ni Aling Barba. “Hayaan mo nga siya!” Pinandilatan nito ng mga mata ang anak. “Hindi pa nga ako nakakabawi. Malaki-laki pa ang talo ko!” 

Napayuko si Roan at walang nagawa kundi ang manahimik na lang sa isang tabi. Mas lalong gumuhit ang isang ngisi sa aking mga labi. “Narinig mo naman siguro,” sabi ko at nagtapon ng baraha. 

Nakikipaglaro ako ng tong-its sa nanay ni Roan sa tuwing pupunta ako sa kanila. Nakakatawa nga lang dahil sa tuwing nalalaman ni Aling Barba na pupunta ako, naghahanda pa talaga siya ng perang pangsugal para lang makalaban ako. Kahit minsan ay galing pa sa utang iyon. 

“Elyne!” 

Isang pamilyar na boses ang umagaw ng atensyon ko. Nilingon ko ang pinanggaling nito at nakita ko ang paghinto ng mga mata niya sa baraha, bote ng alak, at sigarilyo na nagkalat sa ibabaw ng hanggang tuhod na lamesa. Matalim ang ibinato niyang titig sa akin, ngunit nanatili akong kalmado. Nakita kong nag-igting ang panga niya at para bang handa nang sumabog ano mang oras.

“E-Elyne… ang papa mo,” nauutal sa takot na sabi ni Roan. 

Isang mapaglarong ngiti ang gumuhit sa aking mga labi. “Papa? Seryoso ka ba, Roan? Hindi ko siya Papa.”

Kitang-kita ko ang paggalaw ng panga ng “papa” ko raw na para bang may kung anong pinipigilan. “O, ano’ng ginagawa mo rito?” simpleng tanong ko.

“Hindi ba’t ako dapat ang nagtatanong sa ‘yo niyan?” Mas lalong umigting ang panga niya sa galit. “Uuwi na tayo,” maawtoridad na utos pa niya.

“Hindi ako uuwi,” mariing sabi ko nang hindi tinatanggal ang palaban na titig sa kan’ya. 

Ano ang karapatan mo para utusan ako?

Biglang pumagitna sa amin si Aling Barba nang magsimulang tumaas ang tensyon. “Mr. Devera, hayaan na ninyo si Elyne kung ayaw niyang umuwi—”

“Uuwi na tayo sa ayaw at sa gusto mo!” malakas na sigaw ni Papa. Umugong sa apat na sulok ng maliit na bahay nina Roan ang malakas na boses niya, dahilan para mapaatras sa takot si Aling Barba. 

Maging ako ay nanigas na lang sa kinauupuan ko. Sanay na ako sa masamang tingin na ipinupukol niya sa akin. Sanay na ako sa panenermon niya. Sanay na ako sa mga sigaw at bulyaw niya sa akin. Sanay na ako sa nakakatakot niyang presensya. Pero ngayon, kumalabog nang husto ang puso ko at muling nakaramdam ng takot sa pagtaas ng boses niya. Kung tingnan niya ako, parang gusto akong balatan nang buhay.

Isang seryosong tingin ang isinagot ko. Ilang saglit pa, dinampot ko ang mga gamit ko at dali-daling lumabas ng bahay nina Roan. Naikuyom  ko ang isang kamay ko sa sobrang inis. “Buwisit!”

Hindi ko inaakalang matutunton na naman niya ako. Na siya pa mismo ang susundo sa akin. Mas sanay akong wala siyang pakialam. Mas sanay akong wala kaming pakialamanan.

Nang matanaw ko ang pulang kotse niya sa hindi kalayuan, dumiretso ako roon at padabog na isinira ang pinto sa may likod. Kaagad din namang sumakay si Papa na nakasunod pala sa akin. Hindi pa man ako nakakaupo nang maayos ay napansin ko ang matalim niyang tingin sa salamin. 

“Maaga kang umaalis sa bahay. Humihingi ng baon pero hindi ka naman pala pumapasok sa eskuwelahan! Bata ka!” Halos mabingi ako sa lakas ng boses niya. “Puro sugal, alak, at sigarilyo ang inaatupag mo! Iyan ba ang gawain ng matinong estudyante?” Mas tumaas ang boses niya pero nananatili lang akong seryoso. “Labingpitong taong gulang ka pa lang pero iyan na ang iniintindi mo!”

“Wow naman,” bulalas ko suot ang isang hilaw na ngisi. Hindi ko maiwasang mainis dahil kung magsalita siya, para bang may pakialam talaga siya sa akin. Napakagaling niyang magpanggap! “Kailan ka pa natutong magmalasakit sa ‘kin?”

Mas lalong umigting ang panga ni Papa. Naging sunod-sunod na ang paggalaw nito, tanda na malapit nang maubos ang pasensya niya. At iyon ang gusto kong mangyari ngayon. 

“Huwag mo akong sinasagot nang gan’yan!” malakas na singhal niya. “Nagpapakahirap ako para lang may ipalamon sa ‘yo at mapag-aral ka sa magandang eskuwelahan, ‘tapos iyan lang ang gagawin mo? Kung ako lang, hindi na kita hahanapin! Tutal sakit ka lang naman ng ulo namin! Wala ka talagang kuwentang anak!” 

Napahinto ako at biglang natahimik. Dapat ay sanay na akong marinig ang mga ganoong salitang galing sa lalaking itinuring kong papa. Totoo naman talagang wala akong kuwentang anak. Perwisyo lang ako sa buhay nila. Daig ko pa ang peste na pilit na sumisira sa buhay nila. Wala akong ginawa kundi ang bigyan sila ng kahihiyan. Dapat ay sanay na akong marinig iyon. Pero hindi, e. Parang patalim ang mga salita niya na kaagad na sumaksak sa puso ko. 

Ang sakit. Ang sakit pa rin pala. 

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Halimah L
ada viedio
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status