Share

II: BAKIT...

“BAKIT KAYA WALA pa sila nanay?”

Nagtataka ako noong umuwi ako galing sa kubo. Inabutan kami ng hapon sa paa-aaral at pagkukuwentuhan namin ni Yamilet at pangangasar ni Hugo habang nagsasaulo ng mga teorya sa kanyang asignatura. Maliwanag naman ang loob ng bahay, nakakabingi ang katahimikan ng kusina at sala.

Umakyat na ako sa ikalawang palapag. Naabutan kong tulog si ate. Nakasabit na sa dingding ang ilang medalya at nakapatong sa ibabaw ng maliit na aparador ang kanyang mga sertipiko't diploma na natanggap kaninang tanghali.

Inilagay ko na lamang sa bag na nasa gilid ng higaan ang bolpen, papel at modyul upang bumaba at tumungo sa kusina. Sinilip ko ang kawaling nasa mesa upang tingnan kung may natitira pang carbonara o pancit. Nagugutom na akong noong oras na iyon.

“Andito ka na pala”, humahangos na pumasok ng bahay si Nanay habang kumukuha ako ng plato at kutsara.

“Gutom ka na ba?”

Tumango lamang ako noon.

“’Wag mo na itong kainin. May dala ako galing sa handaan sa kabilang sitio”.

Nagulat ako kay Nanay sapagkat nagawa pa niyang dumalo sa isang pista sa kabilang sitio pagkatapos ihatid si ate sa araw ng pagtatapos.

May dala siyang lechon manok, spaghetti, kalahating chocolate cake at mainit na menudo.

“May kanin pa tayo diyan, hindi ba?”

“Opo 'Nay”.

“O siya ayun na lang ang kunin mo”, tinuro ng kanyang nguso ang kinaroroonan ng kanin.

Nasasabik akong kumain noon hindi dahil sa mainit na menudo, kundi sa chocolate cake. Minsan lamang iyon kainin sa isang taon.

Nakatikim naman na ako ng Lemon Square Brownies at Nissin Special Mamon na tsokolate kapag may sobrang kita ako sa pagsa-sideline ng pagtitinda ng mga lumpia at turon sa aming klase. Mabuti na lamang hindi ako pinapagalitan noon ng ilang propesor dahil sa nakalatag na paninda. Maging sila'y lumalapit at bumibili ng turon bago mag-umpisang magturo sa klase.

Ang chocolate cake na dala ni Nanay ay marahil na ikaapat na cake na nakain ko sa talambuhay ko. Minsan lamang makatikim ng ganito dahil sa kamahalan ang pagbili nito sa merkado. Wala ni isa sa amin ang nakakain nito sa aming kaarawan kaya ang mga handaan sa pista at paanyaya sa mga kaarawan ng kapitbahay ang tulay ng pagkain ng cake.

Kasama na rito ang cake na binigay nila Hugo at Yamilet kanina.

Ang unang tatlong cake na nakain ko ay galing din sa pamilya ng kambal.

Tuwing nagkakaroon ng programa ang kanilang pamilya, nagkakaroon ng masarap na salo-salo ang mga magsasaka, kasama ang aming magulang. Palaging kasama ang malaking cake na kakainin ng lahat at babaunin ang matitira pagkatapos ng programa.

“NAKATULALA KA!”, GULAT ako sa puna ni Nanay.

“A wala po, hahahaha! May tatapusin pa kasi akong assignment mamaya kaya iniisip ko lamang ang ibang gagawin”, nahihiya pa rin ako noon sa puna ni Nanay.

Ninanamnam ko na lamang ang sarap linamnam ng pagkaing kinakain ko. ‘Di pa rin ako maka-move on sa pangangasar ni Hugo kanina sa kubo.

Sinasaway na siya noon ni Yamilet sapagkat naiingayan na siya. Ngunit, tuloy pa rin si Hugo sa pangangasar.

“Palibhasa’y matalino ka at madali mong maisaulo ang mga political theory diyan kaya nangangasar ka na lang sa akin…hmmp!” Pagtatampo ko kay Hugo kanina.

Pinagtatawanan na lamang ako ni Hugo at patuloy pa rin siya sa pangangasar.

“Panda!”

“Maeco!” Tinawag ni Yamilet ang unang pangalan ni Hugo.

Tumahimik lamang ang mapang-asar na nilalang. Patuloy na lamang siya sa pagbabasa ng kanyang libro. Tinitingnan na lamang niya ako nang tahimik habang nagkikinig ako sa pagtuturo ni Yamilet.

Kailangan ko munang ituon ang aking sarili sa walang hanggang sumpang hatid ng paggawa ng free body diagram. Kailangan kong pagbutihan ang paggawa ng takdang-aralin sapagkat kailangan itong sanayin ang isip alang-alang sa propesyon sa hinaharap. Hindi dapat mapahiya sa mga aaplayang trabaho, lalong-lalo na ang opportunidad na hatid ng programa ni Gng. Sebastian.

“KUMUHA KA PA ng kanin sa kaldero”, pakiusap iyon ni Nanay. “Bawi ka ng kain ngayon dahil puyat ka kahapon”.

Malakas man ang tinig ni Nanay sa umaga, mas malakas ang pakiramdam ko sa pagmamahal na ipinapakita niya sa aming pamilya.

Nagugutom pa 'ko sa kinain kong kanin at menudo kaya kumuha pa ako ng kanin, ayon sa pakiusap ni Nanay. Mas malakas akong kumain ng kanin kaysa sa ulam. Ang isang mangkok ng menudo ay katumbas ng dalawa hanggang tatlong plato ng kanin, depende sa alsa ng bigas at lasa ng kanin.

Muntik ko nang makalimutan ang isang pitsel ng tubig na hinanda ko na sa kusina kanina. Mabuti na lamang naalala ko ngayon. Baka pagalitan ako ni Nanay.

“Tita Pining…” Pamilyar ang narinig kong tinig.

Lumingon agad si Nanay sa tumatawag.

“O ikaw pala 'yan!”

Ang mapang-asar na si Hugo ang nasa pinto. May dala siyang magkakapatong na plato na maingat na binalot sa matibay na plastik. Puno ng pawis ang balot na iyon kaya mahirap makita ang laman nito.

“Nakalimutan ibigay kaninang ala sais ni Mama ito,” ang magkakapatong na plato na iyon ang tinutukoy niya. “Matutulog na po sana siya sa kanyang office room nang makita niya ito.”

“Ku, e maraming salamat. Victoria pakikuha mo na lang sa kanya”, sabik nang kunin iyon ni Nanay ngunit inaasikaso niya ang alaga naming pusa na kanina pa nag-iingay sa kusina.

“Ako na lang”, agad na tugon ni Hugo.

Tuwang-tuwa ako noon ngunit hindi ko maipaliwanag ang nadarama noong oras na iyon. Hindi na ako makasagot noon dahil sa pinagtataka kong damdamin.

“Hindi mo maaaring buhatin ito baka kainin mo lahat”, sabay ngiti na nakakaasar.

“Siraulo ito!”

“Ops!”Tumigil siya sa tapat ng mesa. “’Wag mong itutuloy 'yan dahil dito”.

Hahampasin ko sana ng kamay ko ang balikat niya ngunit naagapan niya. Tila nahuhulaan na niya ang susunod kong gagawin. Pinagtatawanan na lamang niya ako hanggang tumahimik na siya nang dumating si Nanay galing sa kusina. Sumusunod na noon ang alaga naming pusa na maingay pa rin ngayon.

Magaan na tagpo sana iyon sa akin ngunit tila hinampas ako ng alon para magising.

Nakasimangot na ako noon kay Hugo nang nakaalis na ng bahay. Sabik na si Nanay noon na buksan ang tatlong magkakapatong na plato. Pagkaalis ng mga plastik, naamoy ko ang masarap na samyo ng hangin na nagpagaan ng aking loob. Nakalimutan ko ang inis at asar kay Hugo. Gusto ko muling kumain.

Tatlong uri ng pagkain ang nasa tatlong plato. May focaccia bread, margherita pizza na hiniwa na sa maraming hati, at lasagna. Binigyan ako ni Nanay ng ilang bahagi ng mga pagkain iyon. Mabuti na lamang kumain ako ng kaunting kanin sa pangalawang round.

“Mukhang imported ito 'Nay!” Puno noon ang aking bibig.

“Oo, free taste yan ni Gng. Sebastian sa 'min 'yan dahil balak niyang magtayo ng sariling kainan sa bayan.”

“Masarap po!” Parang hindi ako kumain ng kanin at menudo kanina sa pagmamadaling kumain.

Lumipas ang maraming taon, unti-unti nang nagkakaroon ng kaunlaran ang bayan, lugar kung saan matatagpuan ang pinakamalaking simbahan ng aming munisipalidad at ang munisipyo ng lokal na pamahalaan. Minsan lamang kami napapadpad sa lugar na iyon dahil sa mahahalagang pagdiriwang lamang kami dumadayo. Nasasaksihan namin ang sayawan ng mga mag-aaral mula sa iba't ibang paaralan, pagkain ng nakahilerang maliliit na kubo galing sa iba't ibang barangay, at tugtugang pista na sobrang lakas sa pandinig. Naririnig pa namin iyon hanggang sa kabilang baryo.

Nais ko ring magtayo ng kainan na ako mismo ang magdi-design, interior man o exterior.

Isang taon na lamang at magtatapos na 'ko. Sabik ko nang iguhit sa aking kamay ang kabuuang istruktura at disenyo ng pinapangarap kong kainan.

Ngunit…

Bahay pa pala namin ang kailangan kong unahin. Inaasahan ako ni Nanay na ako mismo ang magpapatayo ng bagong tahanan. Walang butas ang bubong. May salamin ang mga bintana. Malaking pinto. Hindi na kailangan ng madilim na kapaligiran sa loob ng tahanan kapag umaga at tanghali sapagkat may mga salamin nang maaaring idikit sa ibaba ng bubong. Isa o kalahating metro ang kapal. Magsisilbing liwanag sa umaga't tanghaling magdadaan.

TAPOS KO NANG hugasan ang mga plato, kutsara at kawali nang bumaba na si Ate Chuchay galing sa ikalawang palapag.

“Ate naman e!”

Nakikiliti ako sa pagpisil ni ate sa gilid ng baywang ko.

“HAHAHA! O, s’ya, makakain nga muna.”

Binigay ko sa kanya ang bagong linis na plato at kutsara. Kumakain na si ate nang natutulog na si Nanay sa ikalawang palapag. Kailangang maagang gumising bukas si Nanay dahil pupuntahan pa niya ang sakahan kung saan nag-aani ng palay si Tatay. Bibilangin na nila ang mga sako ng palay bago ilagay sa makinang nag-aalis ng ipa (balat ng palay).

Pinag-aralan kong muli ang free body diagram na tinuro sa akin ni Yamilet. Konting aral na lang at matutunan ko nang gumawa. Mahalaga iyon sa pinag-aaralan kong kurso. Mahalagang alamin ko muna ang representasyon ng isang structural element, maglalagay ako ng mga arrow sa bawat sulok ng linya at ituturo kung anong uri ng force ang kailangang hanapin. Sa maikling salita, MODELO. Magsisilbing modelo ito ng totoong structural element. Ang pagguhit ng parihabang hugis ay sapat nang maipakita ang simbolo ng totoong biga o poste ng establishimiyento. Ang linyang letrang T na pahiga ay sapat nang mabigyan ng simbolo ng cantilever beam, makuha lang ang hinahanap na internal force sa iba’t ibang direksyon.

Inaantok na 'ko sa pagbabasa ng modyul. Kailangan ko nang makatulog dahil may pagpupulong kami nang maaga ng aming akademikong organisasyon bukas sa kubo. Ang kubong iyon ay nagsisilbi na ring lugar ng pagpupulong ng mga kamag-aaral. Pinapayagang pumunta kami roon ni Gng. Sebastian.

Wala man kaming pasok bukas ay kailangan pa rin naming maglaan ng oras sa aming responsibilidad. Malapit na kaming magbakasyon sa susunod na tatlong buwan kaya puspusan na ang paghahanda ng ilang programa.

Payo sa akin ni Hugo noon:

Kailangan mo ring sumali sa mga samahan sa inyong kolehiyo. Mahirap man ang trabaho pero sulit naman ang isang taon dahil marami kang matutunan”, tinapik lamang noon ni Hugo ang aking balikat.

Nagdadalawang-isip pa lamang ako noon sa imbitasyon ng aking kaklase at matalik na kaibigan na si Salome, bise presidente noon ng inhinyerong samahan, ang ARC (Arts with Responsibilities Creatives).

Hindi sa lahat ng oras nangangasar lagi sa akin si Hugo. May kalakip din siyang mga payo kung paanong maging aktibo sa kolehiyo, hindi lamang sa pagkamit ng matataas na marka o mapasama sa Dean’s List kundi kung paanong panindigan ang mga prinsipyong matagal nang pinanghahawakan. Binibigyan ang sarili ng mga pagsubok upang lalong makilala ang totoong sarili, kung kaya nang manguna sa impluwensyang integridad at kung kaya nang harapin ang mga dagok habang binabaybay ang tulay ng kinabukasan.

Payo sa akin ni Hugo noon:

“Malay mo pagkatapos ng isang taong-panuruang trabaho sa samahan, may libreng cake ang gurong tagapayo ninyo.”

Nakakaasar na payo, hindi ba?

Batid niyang nasasabik akong kumain ng cake. Batid ko ring sabik na siyang makita akong magtapos ng pag-aaral habang hawak ko ang cake na ihahandog niya sa akin.

“Pupunuin ko ng kwarenta y singkong kandila yung cake na ibibigay ko.”

“Bakit namang kwarenta y singko? Pwede saktong singkwenta a”.

“O sige ikaw na bumili ng lima”.

“Hmmp! Siraulo!”

Pinagtatawanan na lamang ako noon ni Hugo. Ang mahal ng kandilang binibili nila ni Yamilet sa bayan. Kulay ginto na presyong ginto.

Katulad din iyon sa kandilang nasa cake na hinandog ni Gng. Sebastian kay Ate Chuchay. Katulad din ng ibang cake na ibinahagi sa mga magsasaka tuwing anihan at pista.

NAIS KO NANG matulog hawak ang binabasa kong modyul, ngunit kailangan ko muna ng ilang minuto upang maihanda ko na ang ilang agenda ng pagpupulong bukas. Hinanap ko ang aking kwaderno ng listahan para sa samahan. Kailangan ko nang ipatong sa bag para hindi na ako maghahanap pa bukas.

Kalihim ako ng ARC kaya hindi dapat mahuli sa pagpunta sa kubo.

Nagpadala na sa akin ng mensahe si Salome.

“Mars, 'wag mong kakalimutan ang kwaderno ha. Andiyan kasi 'yong nilista kong budget ng event na ipapasa ko sa student council sa makalawa. Thanks!”

“Okay”, tina-type ko sa keyboard ng aking phone.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status