III: GISING...

GISING NA AKO ng ala syete ng umaga noong nagtatampisaw na ang alaga naming pusa sa batyang nasa labas ng aming bahay.

“Ayaw mo bang umalis?”

Tinig iyon ni Nanay sa labas habang sinesermunan ang alaga naming pusa. Isang oras na palang nagtatampisaw iyon sa malinis na tubig. Marahil, naiinitan siya sa paligid.

“Alis na!”

Balewala lamang sa aming alaga ang tinig ni Nanay. Tumingin ako sa kabilang bahay baka lumabas muli ang matandang lalaking galit sa kanyang tinig.

Sarado ang pinto at bintana ng kanyang bahay. Mukhang dumalo ito sa pista ng kabilang sitio kagabi kung saan pinuntahan din ni Nanay. Nasa kabilang sitio ang kanyang mga anak na may sarili nang pamilya. Marahil, doon muna natulog dahil hindi kaya ng kanyang mga balakang at tuhod ang mahabang lakaran pauwi.

May sakayan o terminal man ng traysikel ang bawat sitio ngunit hanggang alas otso ng gabi lamang ang pag-aabang ng ilang nagmamaneho. Marahil, nakidalo na rin ss nasabing pista at maagang umuwi sa kani-kanilang pamilya dala ang mga nakuhang pagkain.

“Si Tatay po?” Tanong ko kay Nanay na pumasok na sa kusina.

“Nasa anihan pa rin ang Tatay mo. Kumain ka muna”.

Binuksan ko na lamang ang takip ng kalderong nakapatong sa ibabaw ng plato sa mesa. May natira pa palang menudo, lasagna, margherita pizza at may bagong saing na kanin.

“Kinain ng kuya mo 'yong focaccia bread kagabi”.

“May tinira bang ganoon Kay Tatay?”

“Meron. Naihatid ko na kaninang umaga para sa almusal niya.”

Binilisan ko na ang pagkain ng almusal. Kailangan ko nang maligo at magbihis para makapunta na sa kubo. Alam iyon ni Nanay kaya hinanda na niya para sa akin ang natirang almusal.

“Baunin mo na ito,” binigay ni Nanay sa akin ang isang lagayang may takip kung saan nasa loob nito ang chocolate cake na nakuha niya sa isang pista kagabi.

“Kumain ka na nito 'Nay?” Mukhang wala pang bawas ang cake.

“Ku, e matanda na ako para kumain niyan. Tumikim lang ako ng limang kutsara. Naumay ako sa tamis.”

“Salamat po,” niyakap ko lamang si Nanay bago umalis ng bahay.

Tinungo ko na ang kubo at naabutan ko si Hugo at si Salome na masayang nagkukuwentuhan.

“Hindi ka ba pumunta sa kabilang sitio?” Tanong ni Salome kay Hugo.

“Hindi”.

“Bakit?”

“Nagsasaulo ako ng political theories para sa darating na pagsusulit sa susunod na linggo. Si Mavie kasi….”

“Aba! Bakit ako? Kararating ko lang, ako na naman aasarin mo”, nakasimangot ako noon sa kanya.

“Mars, hayaan mo na baka stress siya sa political theories,” pinapakalma ako ni Salome.

“Naku, baka nga”, natatawang sagot ko.

Masyado pang maaga para sa pangangasar. Abala ako sa pagbubuklat ng mga pahina sa kwaderno ng aming listahan. Ibibigay ko na kay Salome ang budget ng darating naming event na ipapasa niya sa student council.

“Siguro, happy pill ka niya”, bulong ni Salome.

“Hmmp! Kumain na lang siya ng mansanas sa bahay nila”.

“Galit agad Mars?! Nakakaloka ka! HAHAHA!”

“Ako ba pinagtatawanan ninyo?” Nakangising tanong ni Hugo sa amin.

“Feelingero 'to!”

Tumigil ang pangangasar naming dalawa noong dumating ang tatlo pa naming kasama. Ang isa sa kanila'y pinapawisan ang damit na tila galing sa isang labanan.

“Anong nangyari sa 'yo?” Tanong ni Salome kay Guevarra, auditor ng samahan.

“Hinabol 'yan ng kalabaw ni Mang Tonio dahil pula ang damit niya,” saad ni Lenina, bise presidente ng samahan, habang tinitiklop ang kayungmangging tuwalya.

“Grabeng kalabaw 'yon! Ayoko na ulit dumaan do'n!” Hinahabol ni Guevarra ang paghinga niya. Ramdam mo ang takot at inis sa kanyang wangis at pawis.

“P’re”, lumapit si Ranilo, taga ingat-yaman ng samahan, kay Guevarra.”Hindi natin maiiwasan ang kalabaw ni Mang Tonio dahil iisa lang ang daanan natin pauwi at papunta dito”.

“Ano ba yan!”

“O ito”, binigay ni Hugo ang asul na sako.

“Anong gagawin ko d'yan?” Pagtatakang tanong ni Guevarra.

“Ibalot mo ang sarili mo kapag uuwi ka na mamaya”.

Nagtawanan kaming lahat nang sinubukan ni Guevarra na isukat ang sariling pangangatawan sa asul na sako.

“Pwede naman”, ngiting pangangasar ni Guevarra.

“Kasyang-kasya!” Tuwang-tuwa si Hugo nang sumakto kay Guevarra ang binigay niyang sako.

“Pwede naman 'di ba?” Pagtatanong noon ni Guevarra na tila natutuwa sa ideya ng mga kasama.

“Oo naman, basta hindi ka namin matutulungan p're mamaya”.

“Ano ba 'yan!”

Nagtatawanan kaming lahat pagkakita sa nakasimangot na mukha ni Guevarra.

“Minalas ka na naman p're! Kawawa ka naman,” saad ni Ranilo sa matalik na kaibigan.

“Hindi naman siya minalas,” sabat ko noon. Tumahimik noon si Ranilo at bahagyang tumingin kay Guevarra na noon ay napatingin sa akin.

Patuloy ko naman, “Sadyang nagustuhan siya ng kalabaw ni Mang Tonio kaya pilit siyang hinahabol sa sakahan”.

“Buti ka pa, hinahabol ng iba”, pagbibiro ng Salome.

“Ayaw naman magpahabol ni Guevarra,” sabat ni Ranilo na noo'y abala na ang mga mata niya sa listahan ni Mavie. “Gusto niya siya ang maghahabol”.

Nagulat kaming lahat sa sinaad ni Ranilo.

Aniya, “ang nais niyang habulin hanggang ngayon ay si Ma…”

“Si Mama!” Mabilis na sagot ni Guevarra.

“Ha?” Nakakunot ang noo ng mga kasama ko.

“Ano’ng pinagsasabi nila?” Pabulong na tanong ni Salome sa amin.

Wala kaming alam sa kanilang pinagsasabi. Tila nag-iba ang ihip ng hangin sa kwento ng kanilang mga bibig.

Nalilito na noon si Salome sa mga listahan noon. Inaalam pa niya kung ano ang uunahing pag-uusapan sa pagpupulong ng aming samahan.

“Mukhang hindi pa tayo magsisimula”, saad ni Salome habang hawak pa rin ang listahan. Umupo siya malapit sa kinaroroonan ni Hugo.

“Bakit? Kumpleto na tayo a”,pagtatakang tanong ni Lenina habang papalapit sa kanya.

Nakaturo ang nguso ng aking kaibigan. Nasa direksyon iyon ng nag-uusap na magkumpare.

Tila naguguluhan ako sa nagaganap. Nakasimangot na ako sa inip ngunit hindi ko na lang ipapakita sa kanila dahil hindi pang-professional ang dating sa aming mga trabaho. Kahit mga estudyante pa lamang kami. Sinasanay ko na ang aking sarili sa mga ganitong pagkakataon.

“Hahabulin ko si Mama sa plasa mamaya”, tinutukoy niya noon ang bayan. “May ibibili raw siyang manggang hilaw sa suki niya mamaya”.

“A oo! Si Aling Norma”, nag-iba ang daloy ng kwento ni Ranilo.

“Oo p're”.

Lumapit si Guevarra kay Ranilo noon na hindi karaniwan ang kanyang galaw. Tinatapik sa balikat si Ranilo habang may binubulong.

Nagtataka na ako sa mga mata nila Guevarra at Ranilo. Tila nangungusap sa kwentong sila lamang ang nakakaalam.

Maya Morenang Mangangatha

Tila naguguluhan ako sa nagaganap. Nakasimangot na ako sa inip ngunit hindi ko na lang ipapakita sa kanila dahil hindi pang-professional ang dating sa aming mga trabaho. Kahit mga estudyante pa lamang kami. Sinasanay ko na ang aking sarili sa mga ganitong pagkakataon.

| 1

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status