Share

DW - I.I

          Nabigla ang lalaki sa itinanong niya, pero mukhang inaasahan na rin naman nito ang ganoong tanong. Ibinaba nito ang kamay at inilagay sa bulsa ng pantalon. "Hindi mo alam?" balik na tanong nito.

          Umiling siya. Nag-isip ang lalaki. "Hmm. Paano ko ba ipaliliwanag? Sabihin na lang nating nandito ka sa isang kakaibang mundo."

          "Kakaibang mundo?" pagtataka niya.

          "Oo! Kakaibang mundo!" sagot ng lalaki nang may pagmamalaki.

          "Kakaibang planeta?" tanong niyang muli. Hindi siya sigurado.

          "Hindi naman ganoon. Pero sa mundong ito, may kapangyarihan ka," pagbibida nito.

          Naguluhan siya. "Ano?! Anong kapangyarihan?!"

          Inilabas ng lalaki ang kamay na isinuksok nito sa bulsa ng pantalon. "Gaya nito," sabi nito. At mula sa kamay nito, may lumabas na itim na usok. Umikot-ikot iyon sa ibabaw ng palad ng lalaki. Pagkatapos, itinapon nito ang usok sa isang sulo na nasa pader.

          Nakita niya kung paano unti-unting nawala ang kinang ng sulo. Namatay ang ilaw nito at nabawasan ang liwanag sa paligid. Nahintakutan siya, pero namangha rin naman sa ipinakitang "kapangyarihan" ng lalaki.

          "Anong lugar ba ito?" tanong niya.

          "Sabihin na lang nating hindi ito langit. Hindi rin impyerno. Ito yung lugar sa gitna."

          Napailing siya, "Hindi ko maintindihan."

          Lugar na hindi impyerno at hindi langit. Purgatoryo kaya? Gusto niyang magtanong sa lalaki kung iyon nga, pero pinili niya na lang ang manahimik. Hindi niya rin sigurado kung mayroon nga ba talagang purgatoryo.

          "Wala naman kasing tawag sa lugar na ito e! Wala naman kasing naniniwala na may lugar ngang gaya nito," sabi ng lalaki.

          Kung nasaan man siya ngayon, isa lang ang malinaw. Wala na siya sa mundong ibabaw! O baka naman panaginip lang ito?

          "Sige, hindi na ako magtatanong tungkol diyan kasi parang hindi ka naman nakatutulong," sabi niya. Napataas ng dalawang kilay ang lalaki, tila nasurpresa sa sinabi niya. At nagpatuloy siya sa pagtatanong, "Paano ba ako makaaalis dito?"

          "Aalis ka?" Natawa ang lalaki.

          "Oo! Aalis ako!" may pagmamalaki niyang isinagot para tapatan ang kausap.

          "Bakit ka aalis? At paano ka aalis?" tanong nito sa kanya.

          "Aalis ako kasi kailangan ko nang umuwi. Baka hinahanap na ako ni —" Natigilan siya. Hindi niya sigurado kung may naghahanap nga sa kanya. Wala siyang maalala. "'Di bale na, kailangan ko nang umuwi. Nasaan ba yung labasan?" May kumpiyansa sa tono niya.

          Napahawak ang lalaki sa baba niya at hinimas iyon. Hindi nito alam kung paano sisimulan ang pagpapaliwanag sa kausap. Kahit na marami na itong nakasalamuhang kagaya ng babaeng kaharap ngayon, sa totoo lang, hindi talaga ito magaling sa paliwanagan. Hindi rin ito sigurado kung paniniwalaan ba siya ng babae.

          "Kung ako sa iyo, hindi na ako mag-aaksaya ng panahon para gawin iyan," sabi nito.

          "At bakit naman?" tanong niya.

          "Hindi ka naman kasi makaaalis dahil ito lang naman ang tanging lugar na mapupuntahan mo."

          "Niloloko mo ba ako? O sige, baka naman panaginip lang ito. Alam mo bang minsan nako-control ko yung mga panaginip ko? Kaya ko sigurong hanapin yung daan palabas kahit wala ang tulong mo."

          Ibinaba ng lalaki ang kamay at inilagay muli sa bulsa. Hindi na nito matiis ang pagiging "ignorante" ng kausap kaya ginawa na nito ang dapat gawin. "Ok, makinig kang mabuti. Sa lugar na ito, wala kang ibang makikita kundi walang hanggang kadiliman, pero masasanay ka rin pagdating ng panahon. Maliban na nga lang pala sa palapag na ito, kasi may ilaw rito. Mayroon ding mga pagala-gala rito. Ito nga yung pinakapaborito kong lugar e! Ang ganda kasi. Pero pagbaba natin, wala ka nang ibang makikita. Huwag kang mag-alala, aalalayan naman kita e! Saka pag nabigyan ka na ng batong gaya nito," ipinakita nito ang kwintas na nasa leeg, "pupuwede ka nang makakita sa dilim. Kung alam mo lang kung paano gamitin! Sasabihin ko sa iyo, hindi ka puwedeng tumakas dahil lahat ng nandito, hindi na nakaaalis."

          Nagulat siya sa narinig at napanganga na lang. Alam niyang hindi siya puwedeng manatili rito dahil hindi naman siya taga-rito! At alam naman niyang panaginip lang ito. Ilang sandali na lang siguro "magigising" na talaga siya.

          "Nagbibiro ka ba?" naitanong niya sa lalaki.

          "Bakit naman ako magbibiro?" balik na tanong nito.

          "Sino naman ang may gustong manatili sa lugar ng walang hanggang kadiliman, sabihin mo nga!"

          "Wala! Aaminin ko, ayoko rin sa lugar na ito noong una, pero wala naman akong ibang pupuntahan e! Saka sa tinagal ng panahon, naisip kong hindi rin naman pala ganoon kasama ang lugar na ito. Wala ka rin namang ibang pagpipilian dahil sa oras na mapunta ka sa lugar na ito, para ka nang nakatali rito."

          "Bakit ganoon?"

          "Hindi ko alam. Ganoon lang talaga."

          Nairita siya, "Psss... Ano bang klaseng sagot iyan?"

          "Hmm. Sagot na ayaw mong marinig, siguro, pero wala kang ibang pagpipilian kundi makinig lang kung ayaw mo mang maniwala. Huwag kang mag-alala, ganyan din ako noong una."

          "Noong una? Teka, matagal ka na bang nandito?"

          Tumango-tango ang lalaki. "Mga isandaang taon siguro."

          "Isandaang taon!" bulalas niya.

          "Nagulat ka ba?"

          "Hindi ba halata?"

          "Sabi ko nga!"

          Lalo siyang naguluhan dahil sa mga sinasabi ng lalaki. Papaano naman nasabi ng lalaki na isandaang taon na itong nandito e hindi naman ito mukhang matanda? Sa hitsura nito, nasa dalawampu hanggang dalawampu't limang taon siguro. Magkagayunman man, sinakyan na lang niya kung ano ang sinasabi ng lalaki tutal alam naman niyang panaginip lang ito.

          "Teka, bakit ba ako nandito? Saka, bakit ka nandito? Ang ibig kong sabihin, paano ka napunta rito?"

          "Simple lang. Namatay ako."

          Napakurap siya, "Ano?!"

          "Na-ma-tay a-ko. Namatay ako!"

          Nanlaki ang mga mata niya. "Imposible!"

          "Maniwala ka man o hindi, isandaang taon na akong patay."

          "Kung patay ka na, edi ibig sabihin..."

          "Hindi ka pa patay."

          "Ano?" Napakunot-noo siya.

          "Hindi ka ba naniniwala?"

          "Paano ko naman paniniwalaan iyon e ikaw mismo ang nagsabing patay ka na kaya ka napunta rito, kaya ibig sabihin patay na rin ako kaya ako nandito!" Napatakip siya ng bibig. "Teka, hindi ako nananaginip?!"

          Napangisi ang lalaki, "Nakuha mo rin pala."

          "Patay na ako?" tanong niya. Hindi siya makapaniwala. Pakiramdam niya hihimatayin siya! Teka, may patay kayang hinihimatay?

          "Hindi ba halata? Tingnan mo ang sarili mo."

          Tiningnan niya ang mga kamay niya. Tama ang sinabi ng lalaki. Wala siyang makitang dugo sa mga ito. Hinawakan niya ang mga iyon. Parehong malamig. Tiningnan niya ang kulay ng balat niya. Hindi na iyon kulay kayumanggi, maputla na lang.

          "Patay na ako..." bulong niya. "Paano ako namatay?!" tanong niya sa lalaki.

          "Hindi mo ba matandaan?"

          Umiling siya, "Hindi!"

          "Hindi ko rin alam. Kung ako sa iyo, hindi na ako magtatanong kung paano, dahil kahit ako, hindi ko rin alam kung paano ako namatay. Walang puwang ang mga tanong sa lugar na ito, dahil kung magtatanong ka, madidismaya ka lang kasi wala kang malalamang sagot. Makinig ka sa akin dahil pinagdaanan ko na iyan."

          Hindi siya makapaniwala sa mga naririnig niya. Gusto niyang umiyak, pero wala siyang luhang mailabas.

          "O paano? Tatayo na lang ba tayo rito? Hindi ba gusto mo nang lumabas sa silid na ito?"

          "Saan tayo pupunta?"

          "Ipakikilala kita sa iba. Hinihintay ka na rin ni Cadis."

          "Nino?"

          Hindi na siya nasagot nito dahil lumabas na ang lalaki sa silid. Sumunod siya rito. Sa paglabas nila, biglang sumara ang pinto. Nakita niya pa mula sa siwang sa ilalim ng pinto kung paano nilamon muli ng kadiliman ang kanina'y maliwanag na silid.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status