Share

Sorella Series: Celestine's Sorrowful Heart
Sorella Series: Celestine's Sorrowful Heart
Author: Carmela Beaufort

Kabanata 1

SORELLA SERIES: Celestine's Sorrowful Heart

by Carmela Beaufort

Kabanata 1

Tulak-tulak pababa ni Celestine ang kaniyang maleta na naglalaman ng lahat ng damit at gamit na dadalhin niya sa pupuntahang bahay na pagtatrabahuhan sa Maynila.

Umiiyak na nilapitan siya ng kaniyang bunsong kapatid na si Mila upang yakapin. Ramdam niyang wala itong balak na paalisin siya. Nanginginig ang buong katawan nito marahil pinipigilan ang sariling paluin siya. Natural na iyon dito na mamalo sa tuwing naiinis subalit hindi nito magawa ngayon marahil natatakot na magalit siya at hindi na maisipan pang bumalik.

"Ate, sigurado ka na po bang aalis?" garalgal ang boses na tanong nito.

"Hindi ba, sinabi ko ng sigurado na 'ko? Tumawag na rin ang amo ko na magpunta na ako ro'n. Saka natanggap ko na rin ang pera na pamasahe na gagamitin ko," paliwanag niya.

Nagsimulang mag-init ang sulok ng kaniyang mga mata nang humagulgol na ang bunsong kapatid sa pag-iyak. Balak niya sanang umalis kanina habang tulog pa ang mga kapatid subalit hindi niya namalayan ang alarm ng cellphone. Nadaganan niya kasi iyon noong natutulog siya. Sising-sisi siya tuloy nang maabutang nakaabang na ang mga kapatid niya upang pigilan siya na makaalis.

"Ate..." Maging si Kristine, ang sumunod sa kaniya ay lumapit na rin. Humawak ito sa kaniyang balikat, humihikbi pa itong pinipigilan lamang na umiyak sa kaniyang harapan. Limang taon lang ang tanda niya rito kaya batid nitong kailangan nitong magpakatatag bilang papalit sa kaniyang ate habang wala siya.

"Ditse naman..." usal niya sa pagitan ng pagpipigil niyang huwag gumanti ng yakap sa bunsong kapatid. Baka kasi oras na bumigay siya ay hindi na naman matuloy ang plano niyang pagtatrabaho sa Maynila gayong malaki na ang mga utang nila sa kanilang mga kamag-anak maging sa kanilang mga kapitbahay.

Mariing napapikit siya at bahagyang itinulak si Mila palayo sa kaniya. Batid niya kasing bumibigay na ang lakas ng loob na inipon niya buong gabi.

"Alagaan mo si bunso," bilin niya kay Kristine na ngayo'y nakahawak na sa magkabilang balikat ni Mila.

Madilim ang anyo ng mukha nito na bakas ang pagtatampo sa desisyong na kaniyang ginawa. Wala naman kasi siyang ibang pagpipilian. Hindi yata niya maaatim na makitang nagugutom ang dalawang kapatid na mayroon na lamang siya. Sumakabilang bahay na kasi ang kanilang mga magulang at ayaw na niyang umasa pa sa mga ito dahil na rin siguro sa takot niya na makaalitan ang bagong pamilya ng mga ito.

Noong nakaraan lamang ay muntik na niyang makaaway ang panganay ng ina sa palengke, hindi niya kasi ito nakilala kaya ang buong akala nito ay sinasadya niyang iwasan ang mga ito dala nga na ang mga magulang niya ay pinili ang bagong pamilya kaysa sa kanila.

Ayaw na niyang maalala ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga ngayon ay maipaalala niya sa mga kapatid ang dapat ng mga itong tandaan habang wala siya.

"Tin, mag-aral kang mabuti. Ibibili kita ng pinangako kong cellphone oras na makaipon ako," aniya.

Subalit nang mapagmasdan niya ang mga umiiyak na kapatid doon unti-unti nang bumibigay ang bakod na nilikha niya. Hanggang sa hindi na niya mapigilan pa at tuluyang napaluhod sa sementadong kalsada sa tapat lamang ng kanilang bahay.

Agad siyang dinaluhan ng dalawang kapatid at mabilis na niyakap ng mahigpit.

"A-ate, hindi mo kailangang umalis. Titigil na lang ako sa pag-aaral para makatulong sa 'yo..." biglang usal ng kapatid niyang si Kristine.

Tuloy-tuloy ang pagbagsak ng kaniyang mga luha nang balingan niya ang kapatid. "Hindi, hindi ka titigil ng pag-aaral. Alam mo naman na ikaw lang ang inaasahan ko na makatulong sa akin..." agad niyang saway sa kapatid. Totoo naman iyon na ito lamang ang kaniyang inaasahan na oras na makatapos ng kolehiyo ay tutulungan naman ang bunso nilang kapatid na makapagtapos din ng pag-aaral.

Aminado kasi siyang kahit ano'ng gawin ay hindi makapasa-pasa sa ano mang entrance exam ng mga pampublikong kolehiyo na malapit lamang sa kanilang bayan. Kaya ano pa't mag-aaral siya kung aksaya lamang iyon ng pera at oras kung puwede naman na siyang magbanat ng buto upang makatulong sa araw-araw nilang gastusin na magkakapatid, lalo na sa baon at bayarin sa paaralan ni Tin na ngayon nga'y nasa unang taon na sa kolehiyo.

"Pero ate, hindi naman natin sigurado kung magiging ligtas ka roon!" sikmat ng kapatid sa kaniya.

"Ano ka ba? Dati nang nagtrabaho roon si Manang Rene. Mabait daw ang kaniyang mga naging amo," katwiran niya habang muling hinuhulma ang sarili. "Tin, ikaw na lang ang inaasahan ko para mag-alaga kay bunso. 'Wag n'yo pababayaan ang isa't isa. Magpapadala agad ako ng pera oras na sumahod ako."

Tumango-tango naman ito kahit patuloy ang pagluha.

Tinitigan niya itong maigi sa mga mata bago mariing pumikit. "Mag-aral kang mabuti ha..."

Marahan niyang tinapik-tapik ang likod ni Mila. Hindi niya maiwasang magalit sa sarili, masyado pang bata ang kapatid subalit saksi na ito sa lahat na marahil ng problema sa mundo na puwedeng harapin ng isang pamilya. Samantala, heto naman siya ipinapakitang napakahina niya bilang nakatatandang kapatid.

Mayamaya'y tumayo siya.

"Ate!" sigaw ni Mila nang simulan niyang humakbang palayo. Tamang-tama naman nang mamataan niyang may malapit na jeep na nakaparada sa hindi kalayuan.

Kumuway siya bilang pamamaalam sa mga kapatid. Nabanggit na niya na medyo matatagalan siya bago makabalik ngunit nangako siyang tatawag palagi upang mangamusta.

Kinuha niya sa loob ng kaniyang bag na nakasukbit ang isang panyo at agad pinunasan ang kaniyang mga luha. Pumaskil sa kaniyang mga labi ang isang pekeng ngiti. Suminghot-singhot pa siya nang muling balingan ang direksyong pinanggalingan. Wala na roon ang dalawang kapatid marahil ay pumasok na sa loob ng bahay.

"Babalik agad ako, pangako 'yan!"

***

DALAWANG taon na nang huling makita ni Celes ang mga kapatid. Minalas pa siya ng masira ang gamit na de-keypad na cellphone noong nakaraang linggo matapos niyang makalimutang tanggalin iyon sa bulsa nang magbanyo siya. Saktong-sakto kasi iyon na nahulog sa timba, nagswimming mula roon ang pinakamamahal na cellphone na pamana pa ng kaniyang Lola Ping bago pumanaw.

Marahas na napabuntong-hininga siya at padabog na inilagay sa mesa ang cellphone na magmula niyon ay hindi na muling bumukas. Alalang-alala na siya. Wala pa siyang balita kung nakapasa ang kapatid sa final examination nito.

"Bakit kasi hindi ka na lang bumili ng bago?" biglang tanong ni Sabel, isa ring kasambahay tulad niya. Magkasama sila ngayon sa maid's quarter, ngunit imbes na magpahinga ay ang pobreng cellphone agad ang inatupag niyang tingnan kung magbubukas na iyon. Ngunit laking dismaya niya na wala na talagang iyon na pag-asa na magamit pa.

"Hindi puwede, nangako kasi ako sa kapatid ko na ibibili ko siya ng laptop," anang niya nang muling pagdiskitahan ang cellphone.

Naupo naman sa kaniyang tabi ang naging matalik na kaibigan ang palagi niyang kasa-kasama sa tuwing umiiyak siya sa sobrang pagka-miss sa mga kapatid na naiwan.

"Wala ka ng nabili para sa sarili mo. Puro na lang ang mga kapatid mo ang iniisip mo. Sana maalala mo rin ang sarili mo na hindi palaging sila ang uunahin mo. Ngayon pang wala ka ng cellphone, ano na ang gagamitin mo para makausap sila," wika nito.

Nagulat siya ng agawin nito ang hawak na pobreng cellphone at ibalik iyon sa box na dating pinaglalagyan niya.

Malalim na napabuntong-hininga siya at dahan-dahan na sumandal sa kaniyang kinauupuan. "Malapit na akong makaipon para sa laptop eh, nakakapanghinayang kung maghihintay pa si Tin ng isa pang buwan. Alam mo naman marami ng pinapagawa mga titser niya. Ayoko naman na palagi siyang nakatambay sa computer shop para lang magawa ang mga assignment niya," mahabang saad niya.

May iba pa naman siyang ipon na naunang naitabi. Pero inilaan niya na iyon upang oras na magpasya siyang umuwi ay agad niyang ipambibili iyon ng lupa para mapatayuan ng sarili nilang bahay na magkakapatid.

"Kaya naiinggit ako sa mga kapatid mo Celes eh. Ang sipag-sipag ng ate, lahat-lahat isinasakripisyo para sa mga kapatid."

Natawa naman siya ng pagak sa kaniyang narinig. Wala pa nga iyon sa kalingkingan ng lahat ng ipinangako niya sa bunsong si Mila. Siguradong masama ang loob niyon nang hindi siya nakapagpadala ng pera pambayad sa field trip nito na ilang gabi ring iniyakan. Nagkataon kasing maulan ng araw na iyon at baha sa lahat ng daan patungo sa mga outlet ng pera padala.

Ipinatong niya ang isang braso sa kaniyang mga mata. Naiinis siya sa sarili na kahit ano'ng gawin niya ay hindi pa rin maibigay ang mga gusto ng kapatid. Lungkot na lungkot tuloy siya tuwing hindi sumasagot ang bunso sa kaniyang mga tawag.

Mayamaya'y binalingan niya sa kaniyang tabi ang mabuting kaibigan na sinimulang kalasin na ang cellphone niya.

"Sagot ko na kalahati," anito.

Kumunot naman ang noo niya. Nang mapagtanto ang nais nito ay agad siyang umiling. "Hindi na, ano ka ba?!" mabilis niyang tanggi.

Naku, heto na naman ang kaibigan niyang lahat ba yata ng problema niya sa pera ay hindi nangingiming bigyan siya. "'Wag ka na tumanggi. Saka para naman may pang-selfie ka na tuwing palihim tayong nag-swimming habang wala sila Ma'am."

Lumalim ang pagkakakunot ng noo niya. Siguradong nahalata na ng kaibigan ang dahilan.

"Wala naman kasing camera de-keypad mong cellphone. Panahon pa yata 'yan ni Kopong-kopong noong binili. Kapag may touchscreen ka ng cellphone puwede mo na maka-video call sina Tin at Mila. Hindi ka na sisilip sa akin kapag nakaka-video call ko ang asawa't anak ko."

"Paano si Abegail? Hindi ba magha-hayskul na siya sa susunod na buwan?"

Umiling ito. "Si Miguel na raw ang bahala sa mga kailangan ni Abby sa pasukan."

"Sigurado ka ba?"

Sunod-sunod ang pagpalatak nito sinabayan pa nang pag-iling. "Ako pa ba? Kahit bilhan pa kita ng sampu. Sabihin mo lang."

Ito na naman ang pagiging mahangin ng kaibigan. Ngunit iyon din ang dahilan kaya mabilis niyang nakagaanan ito ng loob.

Nagtaka siya nang tumayo ito at magtungo sa kabinet kung saan nakalagay ang mga damit. "Halika na!" masayang wika nito.

"Saan?" takang tanong niya.

Nagtaas ito ng isang kilay. "Syempre, saan pa ba?" Kumuha ito ng damit na nakahanger. Niladlad niyon ang susuotin, at sandaling tinapunan ng tingin sa malaking salamin. "Mall, mall, mall!"

Mukhang nagkaroon na siya ng ideya na ginawa lamang siya nitong rason upang makapunta ng mall. Iiling-iling siyang kumuha na rin sa loob ng kabinet ng masusuot na damit.

Napaigtad siya nang marinig ang marahas na pagbuga ng hangin ni Sabel. Agad niyang binalingan ito sa kaniyang tabi. Bumungad naman sa kaniya ang magkasulubong nitong mga kilay sa hindi niya mawaring dahilan.

"Iyan lang ba ang susuotin mo?" tanong nito.

Sandaling pinasadahan niya ng tingin ang kaniyang suot na puting t-shirt at navy blue na jeans. Wala naman siyang makitang masama sa kaniyang suot.

"Bakit?" nagtatakang tanong niya habang itinatali ang buhok.

Napamaywang ito. Taas na ang nga kilay. "Ano ba 'yan? Wala ka man lang bang maayos na damit Celes?"

Disente naman ang suot niya. Mabango nga ang amoy niya, binabad niya nga ang t-shirt niya ng halos isang oras sa fabric conditioner para hindi mahalatang napagdaanan na ng panahon.

Pumalatak muli ang kaibigan at binalikan ang nakabukas pa ring kabinet. Mayamaya'y bumalik ito, inabot nito sa kaniya ang isang dress.

Bumanaag sa mukha niya ang kalituhan.

"Baka isipin ng mga tao muchacha kita."

Napakunot-noo siya sa narinig saka tiningnan ang hawak na ibinigay ng kaibigan. "'Di ba binanggit mo no'ng nakaraan na paborito mo 'tong dress?" aniya bakas ang pag-aalinlangan.

"Paborito ko nga 'yan pero kung 'di ko naman mapapakinabangan, mabuti pang sa 'yo na lang. Baka mabulok lang 'yan," katwiran nito.

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at halos kaladkarin patungo sa banyo.

"Dalian mo na, baka maabutan tayo ng traffic. Mahirap ng mabungangaan ni Mayordoma Lorena..."

Nagpatianod din siya kalaunan dahil batid niyang ano'ng oras na rin. Totoo ang tinuran nito na baka lumagpas na sila sa curfew ng mansyon sapagkat limitado lamang ang pananatili nila sa labas.

***

"TINGNAN mo, maganda at malinaw ang camera!" excited na wika ni Sabel kay Celes.

Sandaling pinagmasdan niya ang kasalukuyang hawak ng kaibigang cellphone. Pero sa tuwing magagawi ang mga mata niya sa nakalagay na tag price niyon para siyang hihimatayin. Pagbilang pa lang kasi niya ng numero mula sa tuldok tila may umuukilkil sa kaniyang lumabas na mula roon.

Ngunit wala na yatang makakapigil sa kaibigan niya nang tawagin nito ang saleslady na bantay ng store na iyon. "Wala na bang ibang kulay neto?" tanong nito sa saleslady na lumapit.

"Mayroon po ma'am, halika po kayo," anang ng saleslady na may ngiti sa mga labi.

Inuwestra nito ang bahagi ng store malapit sa cashier. Nang akmang susunod ang kaibigan sa saleslady na naunang maglakad. Mabilis niyang hinablot ang braso nito, tila naglaho kasing bigla ang kagustuhan niyang bumili ng cellphone kung ganoon naman pala ang presyo niyon.

Pang-ilang buwan na rin kasi niya iyon na budget para sa gastusin ng kapatid. "'Wag na kayang touchscreen na cellphone," usal niya.

"Naku, de-keypad ba ang gusto mo? Wala na 'yon ngayon. Mag-iikot ka rito maghapon, wala kang makikitang ganoon."

Ito na ang tumulak sa kaniya palapit sa mga marami pang naka-display na cellphone. Napalagok siya ng laway. Lihim niyang kino-compute ang lahat ng iyon kung sakaling magkamali siya ng kilos at masanggi ang kahit isa sa mga iyon. Kaya maingat ang bawat kilos na kaniyang ginagawa, iniiwasang magdulot ng problema.

Ganoon siya, kahit sa trabaho kaya nga tuwang-tuwa ang mga katrabaho niya sa pagiging maingat at pulido niya sa bawat gawaing ipinag-uutos sa kaniya. Natatakot kasi siyang mabawasan ang sahod na kalkulado na niya ang buwan-buwan na gastusin ng dalawang kapatid.

"Ito, 'di ba maganda?" muling tanong ni Sabel.

Pilit ang ngiting pumaskil sa kaniyang mga labi ng ipahawak iyon ng kaibigan para mabuti niyang makita. Marahil takang-taka sa kaniyang ikinikilos ang mga taong naroon dahil ilag na ilag siya. Ngunit hindi naman kasi siya masisisi ng mga ito sa kadahilanang unang beses pa lang niyang bumili ng high end na cellphone.

Nagkataon lang talagang kinailangan na niyang palitan ang pamana ng kaniyang lola. "O-oo, maganda," pumipiyok na sagot niya.

"Eh, 'di mo pa naman nakikita ng maayos. Check mo muna, malinaw camera saka matagal battery life kahit hindi mo i-charge oras-oras."

Alam niya ang pinupunto nito. Kung matatandaan kasi, halos oras-oras niyang ichina-charge ang dating gamit. Lobo na kasi ang baterya niyon kaya palihim pa niya noon kapag may makitang saksakan na mai-charge.

"Sige, kukunin namin 'to..." Awtomatikong nilingon niya ang kaibigan nang marinig ang mga salitang binitawan nito. "May freebies ba itong kasama?"

Sandaling may kailangan muna siyang i-fill up at saka lamang sila nagbayad. Una ay in-offer na puwede naman daw iyon installment, pero malas lang nang maunahan siya ni Sabel na magbayad ng cash.

Inabot nito ang bagong-bago niyang cellphone. Bagsak ang mga balikat habang simple na niyang ina-adjust ang pera na inilabas ng ganoon-ganoon lang.

Nang akmang kakastiguhin niya ang kasama tila hindi ito mapakali.

"Teka, mag-cr lang ako sandali," paalam nito. Balak niya sanang sumunod nang matigilan. "Diyan mo na lang ako hintayin. Mabilis lang ako," anito na nagmamadali namang umalis.

Mukha ngang imposible na rin niya itong mahabol lalo't napakabilis nitong mawala sa paningin niya. Naghanap agad siya ng mauupuan. Saktong-sakto naman na may bakante na bench sa hindi kalayuan. Kaya bago pa man na may mauna sa kaniya ay walang pag-aatubiling naupo siya roon. Sa katunayan may lalaki nang nauna niyon, pero wala na siyang pakialam dahil kanina pa talaga masakit ang paa niya.

Hindi kasi nakontento si Sabel na ipasuot sa kaniya ang a-line dress na kung noon ay todo ang pag-iingat nitong huwag malukot. Dagdag pahirap sa kaniya ang d'orsay na sapatos na napag-trip-an ding ipasuot sa kaniya.

Hinilot niya ang sumasakit na paa at sandaling sinulyapan ang direksyon kung saan huling nakitang dumaan ang kaibigan.

"Is she not yet leaving?"

Agad niyang binalingan sa kaniyang tabi ang lalaking nagsalita. Napakalalim kasi ng boses nito na nagdulot sa kaniyang batok na magtaas ng balahibo.

"Tawagan mo na lang ako kung tapos na siyang mag-eskandalo sa opisina ko," wika ng lalaki sa kasalukuyang kausap sa cellphone nito. Bakas ang matinding iritasyon sa himig ng boses nito. "What? Did you tell her that I'm here?!"

Tila nag-panic ito dahilan upang pati siya ay magpanic na rin. Napayakap siya sa kaniyang paper bag na hawak.

"Sinabi ko naman sa 'yo na 'wag na 'wag mong babanggitin na lumabas lang ako sandali!"

Malalim na bumuntong-hininga ito at marahas na napasuklay ng buhok. Bawat mumuting kilos nito ay lihim na pinapanood naman niya. Tila may nag-uudyok sa kaniyang hawakan ang lalaking puting-puti ang suot na polo, iyon kasi ang type niya sa mga lalaki, malinis kung manamit.

"Where is she?" Nakita niyang luminga-linga ito sa paligid. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataon na kahit sandali ay mapagmasdan ang mukha nito.

Napamaang naman siya nang mapagtanto na napakaguwapong lalaki pala ng nakatabi niya sa upuan. Matangkad ito na may mamula-mulang balat, maganda ang built ng katawan marahil tagtag sa gym. Subalit hindi naman nakaligtas sa kaniyang mga mata na may tila malaking bumabagabag dito. Siguro ay tungkol sa kausap nito sa cellphone na wala rin naman siyang ideya kung sino ang tinutukoy ng kausap nito, isa ang tiyak para sa kaniya may pilit itong tinatakbuhan.

Kitang-kita niya nang mapatiim bagang ito at matuon ang atensyon sa iisang direksyon. Hindi niya maiwasang lingunin iyon saka niya natagpuan ang isang babaeng humahangos na papalapit sa lalaking ngayon nga'y nakatayo na sa kaniyang harapan.

"Damn!" nanggagalaiting wika nito. Nahagip ng paningin niya ang pagyukom ng mga kamay nito at pagtangis ng mga bagang.

Doon na siya kumilos upang bastang hablutin ang isang kamay nito. Nagulat siyang hindi ito nagprotesta ng tangayin niya ito palayo sa lugar na iyon. Wala na yata siya sa tamang katinuan kung bakit niya ginawa ang bagay na iyon ngunit ang mahalaga sa kaniya ngayon ay mailayo niya ang magandang nilalang na ito sa ano mang panganib.

Habol ang hininga ng madala niya ito sa isang sulok malapit sa exit ng mall. Wala masyadong tao sa puwestong iyon.

Sa maiksing sandaling iyon, unti-unti siyang nahimasmasan sa kaniyang ginawang na bastang pagtangay sa lalaki. Saka niya lang din napagtanto na hawak pa rin niya ang kamay nito kaya naman nagmamadaling binitawan niya iyon.

"Pasensya na, hindi ko po sinasadya!" agad niyang hinging paumanhin.

Nakagat niya ang ibabang labi at mariing na naipit ang mga mata. Hindi niya magawang tingnan ang lalaking batid niyang takang-taka sa kaniyang ginawa. Wala naman talaga iyon sa isip niya kaya lang hindi siya sanay na makakita ng mga taong may problema. Ang una agad sumagi sa isip niya ay ilayo ito sa babaeng nakaramdam siyang may dalang panganib para rito.

Ano ba namang kagagahan ang ginagawa niya? Baka bigla na lang itong tumawag ng security guard at ipadampot siya. Hindi ba niya naiisip ang pamilyang sa kaniya lang umaasa.

"Sorry talaga..." aniya nang mapagtanto na walang kapatawaran ang kaniyang padalos-dalos na aksyon. Balak niya sanang iwan na ito upang makatakas. Wala yata sa hinuha niyang makita ng mga kapatid sa loob ng rehas.

Ngunit bago pa man siya tuluyang makatakbo palayo nahawakan na siya nito sa braso.

Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa napakalapit na mukha ng estrangherong lalaki. Hindi nga siya nagkamali, napakalaki ng kinaibahan ng mukha nito sa mga lalaking nakatagpo na niya. Lalong-lalo na ang asul nitong mga mata na kitang-kita niya ang sariling repleksyon mula roon.

Mahahaba ang pilik-mata nito, matangos ang ilong, idagdag pa ang mapula nito mga labi na hindi rin nakaligtas sa kaniyang mapanuring mga mata. Minsan lang iyon na mangyari na mabighani siya at humanga sa mukha ng ibang tao.

Lubhang nakakapanibago iyon sa kaniyang nakasanayan lang na makakita ng mga artista ay alam na niyang may hitsura. Subalit, ang lalaking nasa kaniyang harapan kasalukuyan niyang nasasamyo ang mabango nitong hininga na animo'y kinikiliti siya ay wala sa kalingkingan ng mga iyon.

Pero imbes na negatibong reaksyon ang matanggap niya mula rito. Isang misteryosong tingin lang ang ibinigay nito sa kaniya. Kaya naman patong-patong na kalituhan ang bumakas sa mukha niya nang mayamaya lang ay binitawan nito ang braso niya at saka naman naglakad papalayo.

Gulong-gulo ang isipan niya na hindi mawari kung ano'ng dapat na maging reaksyon.

"Ano'ng nangyari?" tanong niya sa sarili.

Napapiksi siya sa kaniyang kinatatayuan nang humakbang ang lalaking dahilan ng kalituhan pabalik sa direksyon niya. Awtomatikong kumilos ang mga paa niya para umatras. Kailangan na niyang umalis ngayong may pagkakataon na siyang iligtas ang kaniyang sarili matapos ang ginawa.

Ngunit kahit ano'ng paalala niya sa kaniyang isip na umalis na roon hanggang may oras pa siya ngunit tinraydor siya ng sariling katawan. Tila ba hinihipnostismo kasi siya ng mga mata ng lalaki upang lalo siyang naestatwa sa kaniyang kinatatayuan ng lalo na nang huminto ito sa kaniyang harapan.

Nahigit niya ang sa sariling hininga nang mapagmasdan sa ikalawang pagkakataon ang napakaguwapong mukha ng lalaki. Maputi ang balat nito, halatang hindi pilipino habang nakaakit naman ang bilugang mga mata at mahahabang pilikmata. Marahil half-korean ito. Natural na mamula-mula ang mga labi nitong lubhang natuon ang atensyon niya. Parang gusto niyang tikman ang mga 'yon. Palibhasa'y bihira na lamang ang mga guwapong lalaki sa paligid niya kaya hangang-hanga siya sa taong kaharap.

Maging siya ay nahindik sa ideyang sumagi sa isip niya.

"Joseph," biglang wika nito saka inilahad ang kamay sa kaniyang harapan.

Naguguluhang sinulyapan niya ang kamay nitong nakalahad. Nakikipagkilala ba ito sa kaniya? Paano na lang ang bastang pagtangay niya rito upang ilayo sa babaeng naghahanap dito?

Hindi siya kumilos maski ang tanggapin iyon. Nagdududang tiningala niya ito. Bakas sa kaniyang mga mata ang pagtataka sa pakikitungo nito.

"What's your name?" nahihiyang tanong nito na ikinagulat ng buong sistema niya.

Doon nadagdagan ang pagdududa niya. Wala na siyang dapat sayanging oras, nakita na kasi niya ang grupo ng mga unipormadong lalaki sa hindi kalayuan na patungo sa direksyon nila.

"Wala akong pangalan," aniya dala ng kaniyang pagpapanic. Wala siya rin siyang balak na sabihin 'yon upang protektahan ang sarili.

Kumilos na siya at lumayo na sa lalaking nagngangalang Joseph.

"Wait," habol nito. Ngunit hindi na niya magawang matapunan ito ng tingin nang lumabas siya at agad na sumakay sa dumaan na taxi.

Damang-dama niya ang pagwawala ng kaniyang puso sa kinalalagyan nito. Ito lang ang tangi niyang alam na paraan upang mailigtas ang sarili.

"Saan po tayo Ma'am?" tanong ng driver.

Binanggit niya ang address ng amo na pinapasukan. Sa sobrang takot niya hindi na niya nagawang makapag-isip ng maayos.

Saka niya naalala ang kaibigan na marahil hinahanap na siya sa bawat sulok ng mall.

Hala, pa'no si Sabel?

***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status