Share

Chapter 2 - ENDX Corporation

Bumalik si Luke sa kanilang dormitoryo. Pagkatapos niyang pumasok sa kanilang kwarto ay dumiretso siya sa kanyang kama at naupo. May pasok dapat siya ngayon pero dahil sa nangyari sa cafeteria ay nawalan na siya ng gana.

Mamasa-masa ang mga matang ibinaling niya ang kanyang tingin sa isang picture frame na nakapatong sa maliit na drawer sa gilid ng kanyang kama. Picture nila iyon ni Veronica noong unang anniversary nila. Ang kalungkutan sa kanyang puso ay mas tumindi pa nang makita niya ang nakangiting mukha ni Veronica sa larawan. Kinuha niya ito at ilang segundong pinagmasdan. Pagkatapos ay binuksan niya ito mula sa likod saka kinuha ang mismong laman nitong litrato at itinapon sa basurahan ang frame.

Mapait siyang napangiti habang hinahaplos niya ang mukha ni Veronica sa litrato. Matapos ng ilang saglit, ay pinunit niya ito at itinapon din ito sa basurahan. Kasabay nito ang kanyang pangako sa sarili na sisimulan na niyang kalimutan ang tungkol sa kanilang dalawa. Kahit na alam niyang hindi ganun magiging kadali iyon.

Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga habang inihihiga ang sarili sa kama. Halos kalahating oras niya ding pinagmasdan ang kisame ng kwarto habang malalim na nag-isip. Pagkatapos ay napagdesisyunan niyang dukutin sa kanyang bulsa ang kanyang cellphone at hinanap sa contacts ang numero ng kanyang lolo na si Duncan. Tinawagan niya ito.

Ilang saglit lang ang nakalipas, sinagot ito ni Duncan. "Apo! Kamusta ka na? Napagdesisyunan mo na bang bumalik dito sa Manor?" bulalas nito sa kabilang linya.

Hindi man nakikita ni Luke ang mukha ng kanyang lolo, alam niya kung gaano ito kasaya sa kanyang pagtawag at alam niya kung gaano siya nito nami-miss. Napangiti siya. Nami-miss niya rin nang husto ang kanyang lolo.

"Ayos lang po ako." tugon ni Luke. Pero mababakas sa kanyang tono ang kalungkutan. Napuna iyon ni Duncan.

"Apo, alam mo naman 'di bang hindi ka makakapagsinungaling sa lolo mo? Alam kong hindi ka ayos." sambit ni Duncan pagkatapos ay tumawa ito. Ang totoo ay alam na ni Duncan ang nangyaring paghihiwalay nila ni Veronica kanina.

Naningkit ang mga mata ni Luke. 'Nabanggit na kaya ni Zachary ang tungkol sa nangyari kanina?' tanong niya sa kanyang isip.

Si Zachary ay anak ng kanilang family butler na si Sigmund at isa ito sa top security personnel ng pamilya. Ipinadala ito ng lolo ni Luke upang maging personal niyang tagapagbantay at magpanggap na janitor sa unibersidad na kanyang pinapasukan para mas mabantayan siya nito.

Bumuntong-hininga siya at sinabing, "Paumanhin po kung nabigo man po kita 'lo."

Ang pagpili ng tamang babaeng papakasalan ay isa sa pinakaimportanteng alituntunin ng kanilang pamilya. Ayos lang kahit hindi nila kasingyaman ang pamilya ng babae, ang mahalaga ay mamahalin nito ang kanyang asawa ng buong puso, hindi sa kung anong yaman meron ito. Lalo pa't si Luke ang nangungunang kandidato na magiging tagapagmana ng yaman ng kanilang pamilya.

"Hindi apo, ayos lang. Napakarami pang oras para pumili ng tamang babae. 'Wag mong madaliin ang sarili mo. Byente anyos ka palang." sambit ni Duncan. Nasa boses nito ang pagsuporta sa kanyang apo.

"Thank you po 'lo." sambit ni Luke habang nakangiti saka nagpatuloy. "Ang rason po kung bakit ako napatawag ay para sabihin po sa'yo na gusto ko na pong simulan ang pag-iensayo ko sa pamamahala ng ating negosyo."

Sa totoo lang ay tapos na si Luke sa kanyang tatlong taong poverty training, ilang buwan na ang nakakalipas at pinapabalik na siya ng kanyang lolo sa kanilang Family Manor para sa sunod na training. Pero dahil sa alanganin ang sitwasyon ay mas pinili ni Luke na manatili muna sa unibersidad at ipagpatuloy ang kanyang pagpapanggap na mahirap at pati na rin ang kanyang pag-aaral.

Dahil tapos na rin naman siya sa ikaapat na training, ay pwede niya nang simulan ang ikalima niyang training, ang 'family business training'.

"Ganun ba?" napatango-tango si Duncan. "Well, that's good! Ang totoo ay naihanda ko na rin naman ang kompanya kung saan ka magsisimulang mag-ensayo." natutuwang sambit ni Duncan pagkatapos ay muling nagpatuloy. "Ang ENDX Corporation ay isa sa ating mga kompanya at meron din tayong branch dyan sa Quezon. Doon ka magsisimula ng training mo."

Bago pa man matapos ang poverty training ni Luke ay napaghandaan na iyon ni Duncan. Napagdesisyunan niyang magtayo rin ng branch ng kompanya sa syudad kung saan nag-aaral si Luke.

Nagulat si Luke sa kanyang narinig. Hindi niya inaasahan na ang sikat na kompanyang pinagkakaguluhan ng mga nasa middle class hanggang upper class na pamilya, ay pag-aari pala nila. Noong bata pa siya, bago niya pa man simulan ang kanyang mga pag-iensayo, ni minsan ay hindi sumagi sa kanyang isipan na alamin man lang kung gaano kayaman ang kanilang pamilya. Ang tanging alam niya lang ay mayaman ang kanilang pamilya, yun lang.

"Seryoso ka po ba? Hindi ka po ba nagbibiro?" gulat na tanong ni Luke. Ang mismong branch na iyon sa Quezon ay mayroong net worth na nagkakahalaga ng tatlong bilyong dolyar! Lalo pa kaya ang kabuuang net worth ng buong kompanya!

Gumawa noon si Luke ng research patungkol sa ENDX Corporation dahil sa hilig niya sa mga sasakyan. Ang ENDX Corp ay isang Automotive Company na nag top 1 sa Automotive Industry sa loob lamang ng limang taon. Maraming branch ang ENDX Corp sa iba't-ibang bansa pero ang main company ay nasa Manila. Hindi niya lubos maisip nang sabihin ng kanyang lolo na kanila ang kompanyang ENDX Corp. Gaano nga ba kayaman ang kanilang pamilya?

"Syempre naman hindi ako nagbibiro. Bakit naman ako magbibiro patungkol sa bagay na ito?" tumatawang wika ni Duncan saka nagtanong. "Kailan ka ba pupunta?"

Saglit na nag-isip si Luke. Dahil sa hindi naman siya pumasok ngayon, bakit hindi nalang siya ngayon pumunta?

"Pwede po akong makapunta ngayon 'lo." tugon ni Luke.

"Mabuti 'yan. Ipapaalam ko agad kay Bernard na pupunta ka ngayon. Kilala ka na rin naman niya kaya makikilala ka niya agad kapag nandun ka na. ifo-forward ko rin sayo ang kanyang numero, para matawagan mo siya sakaling makarating ka na sa kompanya." wika ni Duncan.

Muli, nagulat si Luke sa kanyang narinig. Ang tinutukoy ng kanyang lolo ay si Bernard Bautista! Ang kasalukuyang Presidente ng ENDX Corp! Makikita niya na din sa wakas sa personal ang iniidolo niya at pinakasikat na negosyante sa buong mundo.

Hindi akalain ni Luke na si Bernard, na isang bilyonaryo at tinitingala ng lahat, ay nagtatrabaho lang din pala sa kanilang pamilya. Ang buong akala niya noon ay mas mayaman pa ito kaysa sa kanila.

Nasa estado pa rin ng pagkagulat si Luke nang matapos ang tawag. Ganun ba talaga kayaman ang kanilang pamilya? Ibig din ba nitong sabihin ay mas mayaman pa sila sa pinakamayamang pamilya sa buong bansa? Nabanggit din ng kanyang Lolo na ang ENDX Corp ay isa lamang sa kanilang mga kompanya kaya nangangahulugan lamang ito na may iba pa silang kompanya hindi lamang marahil dito sa Pilipinas, kung hindi na maging sa iba pang bansa!

Ang kaninang lungkot na kanyang nararamdaman ay napalitan ng pagkagalak. Agad na napatayo siya at lumabas ng campus. Pagkatapos ay sumakay siya ng dyip papuntang ENDX Corp sa Downtown.

Pagkababa ng dyip ay ilang minuto pa ang nilakad ni Luke papunta sa mismong building ng ENDX Corp. Muling nakaramdam ng pagkagalak si Luke nang makita ang napakalaki at napakagandang building sa kanyang harapan.

Ito ang unang pagkakataon na nakapunta si Luke rito. Agad na namangha siya sa ganda ng disenyo at istraktura ng building. Sa tantya niya ay nasa mahigit limampung palapag meron ang building na ito.

"Ang ganda!" mahinang sambit niya sa manghang-manghang tono. Hindi niya mapigilang puriin kung sino man ang arkitektong itinalagang gumawa ng disenyo ng gusali.

Maya-maya lang ay isang security guard ang lumapit sa kanya. Hindi niya pa sana mapupuna ito kung hindi pa ito nagsalita. "May kailangan ka ba bata? Ngayon palang sinasabi ko na sa'yo, bawal mamalimos dito." sambit nito habang pinagmamasdan si Luke mula ulo hanggang paa.

Agad na nawala ang saya sa mukha ni Luke. Bahagya siyang nadismaya sa bungad ng security guard. "Hindi ako naririto para mamalimos. Nandito ako para makipagkita kay Mr. Bernard." wika niya.

"Talaga ba? Sino namang santong Bernardo hinahanap mo aber?" tanong ng gwardya na may halong pangungutya sa tono ng boses nito.

Hindi mapigilang mairita ni Luke sa inaasta ng gwardya. "Ang tinutukoy ko ay ang Presidente ng kompanya." walang ganang tugon ni Luke. Pagkatapos ay dinukot niya ang kanyang cellphone mula sa kanyang bulsa upang tawagan ang numero ni Bernard.

Tumawa ng malakas ang gwardya. Dahilan para maagaw ang atenyon ng mga dumaraang empleyado. "Ano kamo? Pakiulit? Isinilang ka bang payaso? Napakaimposible naman ng sinasabi mo bata." sambit ng gwardya habang nakapameywang na tumatawa.

Isang security guard pa ang lumapit sa kinaroroonan nila. "Anong nangyayari dito?" agad na tanong niya nang makalapit siya kina Luke. Nakita niya kung sino ang kausap ng kanyang kasamahan. Base sa pananamit nito ay malamang naparito lang ito upang mamalimos sa mga dumadaang empleyado tulad ng ibang pulubing napapadpad dito o baka naman ay mag-aapply lamang ito bilang janitor. Pero wala naman itong dalang dokumento o ano pa man para masabing mag-aapply ito ng trabaho kaya mas may posibilidad yung nauna niyang naisip.

"Sinasabi ng batang ito na naririto daw siya para makipagkita kay Mr. Bautista. Biruin mo nga naman o." paliwanag ng naunang gwardya na sinundan ng malakas na tawa. Natawa rin ang ibang empleyadong nakakarinig ng kanilang pag-uusap.

"Ano raw? Makikipagkita raw siya kay President Bernard?" hindi makapaniwalang pabulong na tanong ng isang empleyado sa katabi nito.

"Napakaimposible. Tayo nga na mismong empleyado ng kompanya ay hindi magawang makalapit kay Mr. Bautista, siya pa kayang isang hamak na pulubi lang?" tugon naman ng isa sa kausap.

"Marahil ay nasisiraan lamang 'yan ng bait. O hindi kaya ay gumagawa lamang ng dahilan para makalusot sa mga gwardya at makapamasyal sa loob." naiiling na sabat naman ng isa pa.

Napailing-iling ang gwardyang kakarating lang at inisip na baka isa lamang naliligaw na baliw si Luke.

Oo nandito nga si Mr. Bernard Bautista sa branch nila ngayon. Bibihira lang din itong bumisita dito dahil madalas nasa ibang bansa ito para asikasuhin ang iba pang branch ng kompanya. Kung nandito man siya sa Pilipinas ay namamalagi naman ito sa main branch sa Manila. Nakakapagtaka lang na alam ng binatang ito na nandito ngayon si Mr. Bautista. Isa pa, nabanggit din nito na makikipagkita raw siya kay Mr. Bautista.

Kahit na minsan ay hindi nagtuon ng atensyon si Mr. Bautista sa kanila kahit na empleyado sila ng kompanya. At ito? Sinasabi nitong makikipagkita siya sa Presidente ng ENDX Corp? Ang pinakasikat na negosyante sa buong bansa? Napakaimposible!

"Sige Mr. Bernard, Salamat." Sa puntong iyon ay kakatapos lang makausap ni Luke si Bernard sa kanyang cellphone. Napansin niyang natigilan ang dalawang gwardya habang nakakunot ang noong nakatitig sa kanya. "Bakit?" takang tanong niya.

Nagkatinginan ang dalawang gwardya pagkatapos ay magkasabay na humalakhak. Baliw nga ang isang ito! Nakuha pa ng binatang ito na magpanggap na kausap niya si Mr. Bautista sa cellphone. Kahit nga siguro janitor ng kanilang kompanya ay hindi nito kilala sa personal, si Mr. Bautista pa kaya? Ang mas nakakatawa pa ay may cellphone number ito kay Mr. Bautista at tinawagan niya iyon gamit ang kanyang cellphone na de-keypad! Ang lakas ng tama!

"Hoy bata, napakagaling mong magpatawa. Saludo kami sayo. Ngayon, makakaalis ka na." wika ng gwardyang kakarating lang. Iminuwestra nito ang kanyang kamay upang paalisin si Luke sa lugar.

"At bakit ko naman kailangang umalis? May nagawa ba akong mali?" naiinis pero kalmadong tanong ni Luke.

"Oh c'mon kid! Tigilan mo nang magpanggap. Masasabi ko na isa ka rin sa mga pulubing madalas na pumupunta rito para mamalimos sa mga empleyado dito. Tingnan mo nga ang sarili mo. 'Yan na ba ang pinakamaganda mong damit na masusuot para makapanloko? At anong karapatan mo para gamitin ang pangalan ni Mr. Bautista para manloko?" tanong ng naunang gwardya habang may nakapanlolokong ngisi.

Napasimangot si Luke. Ganito ba ang mga empleyado ng kanilang kompanya? Tinatrato ang mga tao base sa kung paano sila manamit? Paano pala kung isa pala talaga siyang mahirap pero nakasuot siya ng pang mayamang damit? Igagalang ba siya ng mga ito? At paano rin kung isa pala siyang kriminal at magpanggap siyang mayaman sa pamamagitan ng pagsuot ng magarang kasuotan? Papatuluyin ba siya ng mga ito?

Napabuntong-hininga na lamang si Luke. Kung ganun, alam na niya kung anong una niyang gagawin kapag nagsimula na siyang magtraining. Ang mga empleyadong katulad ng dalawang gwardyang ito ay hindi nararapat na magtrabaho para sa kanilang kompanya dahil wala silang magandang maidudulot. Baka makarating sila sa punto na makainsulto ng isang taong nagmula sa napakarangyang pamila na pareho niya rin kung manamit at baka maging dahilan pa iyon ng masamang epekto sa kanilang kompanya. Kakausapin niya si Bernard patungkol dito.

"Bingi ka ba? Ang sabi namin, umalis ka na! Kung hindi ay mapipilitan kaming gumamit ng dahas." pananakot na sambit ng naunang gwardya. Nakahawak na ang isang kamay nito sa kanyang b****a na nakasukbit sa kanyang tagiliran.

Hindi umimik si Luke. Sobra siyang nadidismaya sa inaasta nila. Ni hindi man lang siya tinanong ng mga ito kung anong pangalan niya o inalam man lang kung anong tunay niyang pagkakakilanlan. Bagkus ay hinusgahan agad siya ng mga ito dahil lang sa paraan ng kanyang pananamit.

"Sinusubukan mo ba kami?" Nakaramdam ng pagkainis ang pangalawang gwardya nang hindi kumilos si Luke. Anong karapatan ng binatang ito na hindi sumunod sa utos nila? Security guards sila ng pinakasikat na kompanya! Maraming security guards ang nagtatrabaho sa ibang kompanya ang naiiinggit sa kanila lalo pa't mas malaki ang kanilang sinasahod kumpara sa iba.

"Gawin niyo kung anong gusto niyo, pero hindi ako aalis hangga't hindi pa kami nakakapag-usap ni Mr. Bernard." kalamadong wika ni Luke.

Nagkatinginan muli ang dalawang gwardya. Aba talagang sinusubukan sila ng binatang ito! Kung ganun, bibigyan nila ito ng matinding leksyon!

"Ah! Gusto mo munang malumpo bago ka umalis, tama ba?" sambit ng naunang gwardya na sobra nang naiiinis sa inaasal ni Luke. Hindi sila papayag na maliitin lang sila ng isang aroganteng pulubi.

Napagdesisyunan nilang pipilayin muna si Luke bago nila ito tuluyang itaboy nang sa ganun ay hindi na ito makakagala pa. Kapag nalaman ng Chief Security nila at tinanong sila kung bakit nila ginawa iyon, sasabihin lang nila na ayaw magpaawat ng baliw na pulubing ito kaya wala silang nagawa kung hindi ang gamitan na ito ng dahas.

"Hah! Tingnan natin kung magiging arogante ka pa pagkatapos nito." sabi ng naunang gwardya.

"Tama! Ikaw mismo ang may kagustuhang mangyari sa'yo 'to! Tutulungan ka lang namin makamit ang hinahangad mo." sarkastikong sambit naman ng pangalawa.

Pagkatapos ay sabay nilang tinangkang sunggaban si Luke habang hawak-hawak ang kanilang mga b****a. Pero bago pa man sila makalapit, isang sigaw ng lalaki mula sa kanilang likuran ang nagpahinto sa kanila.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status