Share

Chapter 3 - The President's Power

"Itigil niyo 'yan!" sigaw ng isang lalaki sa hindi kalayuan.

Sabay-sabay na napalingon ang mga tao sa pinanggalingan ng boses. Nakatingin ito sa direksyon nina Luke habang magkasalubong ang kilay. Matangkad ito na marahil ay nasa singkwenta pataas na ang edad dahil sa medyo mauban nitong buhok. Ang maayos na kulay-abo na suot nitong suit at makintab na itim na sapatos, kasama ang kanyang postura ng katawan, ay nagbibigay ng impresyon ng isang makapangyarihang negosyante.

Siya si Bernard Bautisa, ang Presidente ng ENDX Corporation. Ang isa sa tanyag at pinakaiginagalang na negosyante sa buong mundo.

"Is that really Mr. Bautista?" tanong ng isa sa mga nakikiusisang empleyado.

"Omg! Ang gwapo niya pa rin kahit may edad na!" mahina at kinikilig na bulalas naman ng isa pang babaeng empleyado.

"Totoo ba ito o baka nananaginip lang ako? Siya ba talaga si Mr. Bautista?" hindi makapaniwalang saad naman ng isa pa habang kinusot-kusot pa ang kanyang mata.

Lahat sila ay hindi makapaniwala sa kanilang nakikita. May iilang sumubok kumuha ng litrato pero pinigilan ang mga ito ng dalawa sa apat nitong bodyguard.

Bahagya ding nakaramdam ng pagkagalak si Luke matapos makita si Bernard. Minsan niya na itong inidolo. Pero matapos malaman mula sa kanyang lolo na tauhan lang din pala nila ito at kanila lang din naman ang ENDX Corp, bahagyang nabawasan ang kanyang paghanga dito.

Ang dalawang security guard ay agad na sumaludo nang makalapit si Bernard sa kinaroroonan nila. "Sir, good morning Sir!" sabay na bati ng dalawa.

Kinabahan sila nang makita ang nakasimangot na mukha ni Bernard. Galit kaya ito dahil hinayaan lang nilang may pulubing palaboy-laboy sa tapat ng kanilang building?

Hindi sila pinansin ni Bernard sa halip ay dumiretso lang ito sa kinatatayuan ni Luke. Nasa likod nito ang isang matanggad din na babae. Natural lang ang make-up nito at hindi gaano kakapal. Napakaganda nito kung pagmasdan. Ang makinis at maputi nitong balat ay bumabagay sa damit nitong kulay pula na naka tucked in sa kulay itim nitong pencil skirt. Para itong model kung titingnan. Siya si Pauline Lee, ang Executive Manager ng ENDX Corporation, Quezon branch.

"Young Master! It's my pleasure to finally meet you!" bati ni Bernard habang bahagya pang napayuko ang ulo. Pero nasa tono ng boses nito ang matinding pagkadismaya dahil sa pagtrato sa kanya ng dalawang security guard kanina.

Nagulat ang lahat sa kanilang nasaksihan. Napanganga ang mga empleyadong nasa paligid. Hindi nila akalain na si Mr. Bernard Bautista, ang negosyanteng may napakataas na reputasyon, ay magalang na binati ang isang binatang mukhang pulubi! Maging ang dalawang gwardya ay gulat na gulat din sa kanilang nakikita. Hindi ito maaari!

"Salamat Mr. Bernard. Pero kung maaari lang ay Luke nalang itawag mo sa sa'kin." natatawang wika ni Luke habang napapakamot sa ulo.

Medyo hindi siya komportable sa pagtawag sa kanya ni Bernard ng Young Master. Hindi na siya sanay sa ganung tawag lalo na't matagal-tagal na din siyang hindi nakakauwi sa kanyang pamilya.

Agad namang naunawaan ni Bernard ang ibig-sahihin ni Luke. Pero hindi pa rin siya papayag na ang isa sa tagapagmana ng pamilya Cruise, ay tatawagin niya lang sa pangalan nito. Para sa kanya, isa itong napakalaking insulto para sa pamilya Cruise.

"Ipagpaumanhin niyo ginoo at nauunawaan ko kayo. Pero hindi ako papayag na tatawagin lamang kita sa pangalan mo. Kung maaari, tatawagin nalang kitang Mr. Cruise." magalang na wika ni Bernard habang bahagya pa ring nakayuko ang ulo nito.

Sumang-ayon naman si Luke habang tipid na nakangiti.

Namangha ang lahat sa pagiging magalang ni Bernard sa binatang akala nila kanina ay pulubi.

"Totoo ba 'to?" tanong ng isa sa mga empleyado.

"This can't be happening! Sino ang binatang 'to? Bakit napakagalang ni Mr. Bautista sa kanya?" hindi makapaniwalang sambit naman ng isa.

Halos pare-pareho sila ng tanong sa kanilang mga isip. Yung iba ay hindi maiwasang makaramdam ng pagka-awkward sa kanilang sarili matapos isiping baliw lamang si Luke kanina. Hindi nila lubusan akalain na isa palang importanteng tao ang binatang ito.

Ang dalawang gwardya naman ay nanigas na sa kanilang kinatatayuan. "Y-Young Master? Mr. Cruise?" pabulong at nauutal na pag-uulit ng isang gwardya sa sinabi ni Bernard.

Ang kaninang hinarang nila na sinabihang pulubi at inakalang mamamalimos lang, ay mas mataas pa pala ang estado kaysa kay Mr. Bautista! Higit pa doon ay binalak pa nilang lumpuhin ito!

Halos manginig ang dalawa sa isiping baka kamatayan ang kaparusahan nila sakaling sinaktan nila ito.

Sa puntong iyon, matalim na nakatitig na sa kanila ang mga mata ni Bernard. Ang kanyang titig ay punong-puno ng pagkadismaya. Pagkatapos ay ibinaling nito ang kanyang tingin kay Pauline.

"Ms. Lee, I'm very disappointed of your incompetence of managing this branch! Bakit may mga ganitong empleyado dito?" galit na singhal ni Bernard kay Pauline.

Napayuko si Pauline. "I-I'm so sorry Mr. Bautista. I didn't expected—" Sinubukan ni Pauline na magpaliwanag pero pinahinto siya ni Bernard nang mag-angat ito ng kamay hudyat na hindi nito gusto marinig ang paliwanag nya.

Ibinaling nito ang kanyang tingin sa dalawang gwardya na ngayon ay nangangatog na ang mga paa. Hindi nila alam ang kanilang gagawin.

"May mga magulang ba kayo?" kalmado ang boses ni Bernard pero hindi maintindihan ng dalawang gwardya kung bakit nakakahilakbot iyon pakinggan. Ang kabog ng kanilang dibdib ay mas bumilis pa. Mabilis na tumango-tango ang mga ito.

"Kung ganun, hindi ba kayo tinuruan ng mga magulang niyo kung paano ang tamang pagtrato sa mga tao, mahirap man o mayaman?" tanong ulit ni Bernard sa kalmado pa ring tono. Pero ang totoo ay galit na galit ito. Saan nahugot ng dalawang gwardyang ito ang lakas ng loob para subukang saktan ang tagapagmana ng pamilya Cruise? Pagod na ba silang huminga?

Hindi sumagot ang dalawang gwardya sa halip ay nagkatinginan lamang sila sa isa't-isa. Hindi nila alam kung anong isasagot. Kahit na hindi sila tinuruan ng kanilang magulang, alam nila sa kanilang sarili na mali ang kanilang ginawa.

Isa sa mga security guard ang nagsimulang lumuhod at maluha-luhang sinabi, "Patawarin niyo po kami Mr. Bautista, hindi namin sinasadya. Pinapangako namin na hindi na po ito mauulit."

Inis na napangisi si Bernard. 'Talagang hindi na ito mauulit.' sambit niya sa kanyang isip. Napagplanuhan niya nang tanggalin sa kompanya ang mga matapobreng empleyado at sisimulan niya ito sa dalawang ito.

Napaluhod din ang isa pang gwardya. "Mr. Bautista, patawad po! Kung alam po namin na isang importanteng tao pala ang binatang—"

*Smack!*

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ng pangalawang gwardya dahilan para mapahinto ito sa kanyang sasabihin. Napahawak lang ito sa namumula nitong pisngi at napatahimik.

"Mga hangal! Hindi mahalaga kung isang importanteng tao man si Mr. Cruise o hindi! Ang mali ninyo ay hinusgahan niyo kaagad siya sa kung paano siya manamit! Binase niyo sa panlabas niyang anyo ang katauhan niya at hindi niyo man lang siya kinalala muna! Yun ang problema dito!" galit na sigaw ni Bernard na tila isang galit na leon na parang anumang segundo ay kakainin niya nang buhay ang dalawang gwardya. Talagang ayaw niya sa pag-uugaling meron ang mga taong katulad ng dalawang ito.

Maging ang ibang mga nakikiusisa ay natahimik sa sinabi ni Bernard. Totoo ang kanyang sinabi. Aminin man nila o sa hindi ay maging sila ay hinusgahan din nila kaagad si Luke.

Napahanga naman si Luke sa sinabi ni Bernard. Mukha atang hindi na niya kailangang kausapin pa si Bernard patungkol sa bagay na ito.

"Pumunta kayo ngayon sa finance department at kunin niyo na ang sahod niyo. Ayoko nang makita ang pagmumukha ninyo magmula ngayon. Wala sa bansang ito ang tatanggap pa sa inyo sa trabaho. Nauunawaan niyo ba ako?" muling pasigaw na sambit ni Bernard sa dalawang gwardya na naghatid sa kanila ng matinding takot. Maging ang mga empleyadong nakikiusisa lang ay nakaramdam din ng takot.

Talagang napakamakapangyarihan ni Mr. Bautista dahil sa may kakayahan din siyang ilagay sa blacklist ang sinuman para hindi makapag-apply ng trabaho saan mang bahagi ng bansa! Lahat sila ay hindi mapigilang mamangha sa kapangyarihang meron ang Presidente ng kanilang kompanya.

Kahit na ganun ang kinahinatnan ng dalawa, pasalamat pa rin sila dahil yun lang ang inabot nila. Base sa kakayahan ni Bernard, kayang-kaya nitong burahin sila sa mundong ito na wala man lang naiiwan na bakas. Hindi na sila nagpaligoy-ligoy pa, agad na umalis sila sa harapan ni Bernard at nagtungo sa finance department.

Bahagya namang nakaramdam ng pagkaawa si Luke para sa dalawang gwardya. Pero karma na rin siguro nila ito at ito na ang magsisilbing leksyon nila sa buhay.

Nagsimula na ring magsialisan ang mga empleyado at magsipasok sa building sa takot na baka pati sila ay madamay.

"Mr. Cruise, paumanhin kung nangyari man ang bagay na ito. Pinapangako kong bawat empleyado ng ENDX Corporation na katulad nila ay tatanggalin ko sa trabaho anuman ang kanilang posisyon." paghingi ni Bernard ng paumanhin.

"Ayos lang." tugon lamang ni Luke. "Sa tingin ko ay sa opisina nalang nalang tayo magpatuloy ng pag-uusap." dugtong na suhestyon pa nito.

"Of course Mr. Cruise." pagsang-ayon ni Bernard na may banayad na ngiti. Kahit papaano ay gumaan-gaan ang kanyang pakiramdam. Nakaramdam din ito ng kaunting galak dahil napagsilbihan niya rin sa wakas ang Young Master ng pamilya Cruise.

Nauna nang naglakad si Bernard habang nasa likudan naman nila si Pauline. Hindi maiwasan ni Pauline na makaramdam ng hiya sa kanyang sarili dahil sa nangyari.

'Mr. Bautista was right. I'm too incompetent for this position.' inisip nito.

Muntik nang masaktan si Mr. Cruise dahil sa pagkukulang niya sa kanyang trabaho. Paano niya ngayon ito haharapin?

Nakarating sila sa President's office. Pagkapasok nila sa loob ay inalok agad ni Bernard si Luke na umupo sa upuan ng presidente. Napakunot ang noo ni Luke. Naparito lamang siya para pag-usapan ang kanyang training. Hindi ata angkop na siya ang uupo sa upuan ng Presidente dahil sa si Bernard ang Presidente ng kompanya. Hindi ibig sabihin na dahil sa apo siya ni Duncan Cruise ay kailangan na ni Bernard na maging sobrang galang sa kanya. Pwede naman siyang umupo sa sofa lang.

Napangiti si Bernard at mababatid sa mukha nito na may gusto siyang ipaliwanag kay Luke. Binalingan niya ng tingin si Pauline at sinabihang lumabas muna ito saglit ng opisina. May dapat lang muna silang pag-usapan ni Mr. Cruise. Napatango naman si Pauline at agad na lumabas.

"You see Mr. Cruise, Lord Duncan instructed me na kapag umapak ka na sa kompanyang ito, ay ililipat ko na sa'yo ang pagmamay-ari ng kompanya. After all, ikaw naman talaga ang may-ari ng kompanyang ito. This company is one of your own assets." paliwanag ni Bernard.

Natigilan si Luke. Hindi agad nag sink-in sa kanyang isipan ang sinabi ni Bernard. Pagmamay-ari niya din ang ENDX Corp? Bakit walang nabanggit ang lolo niya kanina patungkol dito? Hindi ba family business ito? Kailan pa naging isa sa kanyang ari-arian ang kompanyang ito? Sunod-sunod na tanong ni Luke sa kanyang isip.

Napansin ni Bernard ang malaking pagtataka sa mukha ni Luke kaya mahina itong natawa. "Please Mr. Cruise, have a seat first." magalang na wika ni Bernard habang iminumuwestra ang kanyang kamay na umupo si Luke sa upuan ng Presidente. Dahil sa pagkabigla ay kumusa na lamang gumalaw ang katawan ni Luke papunta sa upuan ng Presidente.

Umupo si Bernard sa harapan ni Luke at sinabing, "I'll explain everything to you, Mr. Cruise."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status