Share

Chapter 4

CHAPTER 4

KINAUMAGAHAN ay masigla at magaan ang pakiramdam ni Syler pagmulat niya ng kanyang mata. Para bang ang tagal niyang hindi natulog at ngayon lang siya nakapagpahinga nang matagal. Ni ayaw na nga niyang bumangon pa mula sa pagkakahiga. Gustong-gusto niya ang lambot na kama na kanyang hinihigaan. 

Napangiti siya bago niyakap ang unan sa kanyang tabi. Naalala niyang nagpunta siya sa isang bar kagabi. “Buti na lang nakauwi pa ako.” Biglang kumunot ang kanyang noo. “Pa’no kaya nangyari ‘yon?”

Unti-unting niyang inilibot sa kabuuan ng silid ang kanyang mata. Naalarma siya at biglang napabalikwas ng bangon nang mapansing hindi pamilyar ang lugar na kinaroroonan niya.

Muli niyang hinagod ng tingin ang kabuuan ng silid na iyon. Halos manliit siya nang mapagtantong hindi talaga sa kanya ‘yon. Ibang kuwarto iyon. Base sa kulay at sa mga kagamitan na kanyang nakikita ay lalaki ang nagmamay-ari ng silid. It was definitely not hers! 

Dumako ang tingin niya sa kanyang tabi at napasinghap siya nang malakas nang makita niyang may katabi siyang lalaki sa kama. Mas lalo pa siyang nawindang dahil nakadapa pa ito habang natutulog nang mahimbing. Para bang napagod ito nang husto. 

“Oh my God!” bulalas niya sabay yakap sa kanyang katawan, nang mapagtanto niyang hindi sa kanya ang suot niyang damit. Mas lalong nanlaki ang kanyang mata nang mapansin na walang suot na pang-itaas ang lalaking katabi niya. Para bang bigla na lang siyang tatakasan ng bait. 

She gulped loudly. Did they do it? Kinilabutan siya sa kanyang naisip dahil hindi iyon maaari. Hindi niya puwedeng isuko ang Bataan sa kung sino lang pero napaisip siya. Paano kung ginawa nga nila ‘yon?

Her eyes widened. “Oh! Noooo!” Bigla siyang napatili nang malakas at walang habas na pinagpapalo ang lalaki sa kanyang tabi para magising ito. “Hoy kumiraw ka! Bumangon ka riyan, kung ayaw mong sirain ko ang reproductive system mo!” nanggigigil na banta niya habang hindi tinitigilan ang pagpalo rito.

“Hey! Stop it!” daing nito na sinasalag naman ang bawat hampas niya.

Nagulat na lang siya nang bigla itong bumangon habang pupungay-pungay pa ang mga mata. “You’re so noisy, Sy.”

She doomed. Halos mawalan ng kulay ang kanyang mukha. “R-rusty?”

Umunat-unat ito. “Hmm?” Hindi niya alam kung bakit pero kinilabutan siya dahil sa bedroom voice nito. 

Kilalang-kilala niya ang lalaki sa kanyang tabi. Ito si Rusty Vergara, ang kaisa-isang lalaking naging kaibigan niya mula pa noong nasa huling taon siya ng highschool hanggang sa kolehiyo. Nawalan lang sila ng komunikasyon nang biglaan itong mag-migrate sa France at doon na ipinagpatuloy ang pag-aaral ng kurso na kapareho ng sa kanya. Kamakailan lang nanumbalik ang kanilang komunikasyon nang muling magtagpo ang kanilang landas sa isang private party ng kaibigang negosyante ng kanyang ama. Maliit nga lang talaga ang business world dahil nalaman na lang niyang kilala rin pala ito ng kanyang Daddy. Isa na itong magaling na businessman ngayon. Hindi na siya nagulat doon dahil kahit noon naman ay alam niyang iyon talaga ang gusto ni Rusty. 

Ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang huli silang nagkita dahil pareho na silang abala ngayon sa kani-kanilang trabaho. Bigla tuloy siyang napaisip kung paano nangyari na naging kaibigan niya ito noon. Hindi kasi siya malapit sa mga lalaki. Siguro’y magka-vibes lang sila kaya mabilis silang naging magkaibigan. Natatandaan niyang ito rin ang kaisa-isang lalaki na naging dahilan kung bakit maraming umaaway sa kanya noong nasa kolehiyo na sila. Noon pa man kasi ay hindi niya maitatangging habulin na ito ng mga babae at madalas lang naman siyang napagkakamalan na girlfriend nito. 

Buwisit na buwisit nga siya noon dahil ang tahimik niyang buhay ay biglang nagulo dahil sa lintik na Rusty na ‘to. Panay kasi ang buntot nito sa kanya kaya naman palagi rin siyang nagkakaro’n ng kaaway. Maraming kumukompronta sa kanya na tigilan na ang binata. Pero ang kinakabuwisit niya ay hindi man lang nito sinasabi sa mga babaeng umaaway sa kanya na wala naman talaga silang relasyon. Para bang tuwang-tuwa pa ito sa tuwing napagkakamalan silang magkasintahan. Kung hindi nga lang niya ito kaibigan, siguro ay itinulak na niya ito sa Pasig River noon. O ‘di kaya naman ay pinakain na niya sa pirahna. Siya kasi napagbubuntunan ng inis ng mga babaeng nagkakandarapa rito kahit wala naman siyang ginagawang masama.

Yes, she had to admit it. Rusty Vergara was really handsome. His killer dimples? His awesome smile? Perfect! Lalo na ang mapupungay nitong mga mata na nagpadagdag sa kaguwapuhang taglay nito. His eyes were the darkest she had ever seen. Kung tumingin pa ito ay para bang palaging nanghihipnotismo. Idagdag pa ang model-type body nito na daan-daang babae ang nababaliw. Naalala nga niya noong college sila ay kulang na lang halikan ng mga babae ang dinadaanan ni Rusty at ilagay siya sa pedestal. Gano’n kalala. At hindi niya maitatangging noong kabataan nila ay minsan na rin tinangi ng puso niya ang binatang ito. Mabuti na lang ay hindi naman siya umabot sa puntong maglulupasay siya sa kilig. Hindi siya kasing over acting mga ibang nagkakagusto rito. Mabuti na lang din at maaga pa lang ay nagising na siya sa katotohanan na hindi sila talo. Dapat manatiling hanggang sa lebel na kaibigan lang ang nararamdaman niya rito. 

Bigla siyang natauhan nang mapansin na nakakunot na ang noo ni Rusty. “Ano’ng ginagawa ko rito? Ouch!” Kaagad siyang napahawak sa kanyang sentido nang gumuhit ang kirot dito. Marahan tuloy niya itong hinilot.

Ayan! Magpakalunod ka pa ulit sa alak, Syler! singhal niya sa isip.

“You okay?”

“Yeah. Medyo masakit lang ang ulo ko,” sambit niya ngunit napatigil siya sa paghilot ng kanyang sentido nang mapansin na nakatitig lang ito sa kanya. “What are you lookin’ at?” She asked in an annoyed tone. Kung tumitig kasi ito ay para bang balak siyang lusawin. Ngunit mabilis siyang kinilabutan at napalunok nang unti-unting sumilay ang isang pilyong ngiti sa labi nito. 

“Don’t you remember anything?”

“A-anything a-about w-what?” nauutal na usal niya. God, she knew exactly what he was trying to say. At hindi iyon nagugustuhan ng isip niya. 

Hindi maari! Hindi! Hindi namin ‘yon ginawa! apela ng isip niya.

Tumaas-baba ang balikat nito. “Iyong ginagawa natin kagabi.”

Bumilis ang kanyang paghinga at mas lalo pa siyang kinilabutan. Pakiramdam niya ay gusto na niyang lumubog sa mga sandaling ito sa paraan nang pagtitig sa kanya ni Rusty habang nakangiti. 

“Iyong ginagawa natin kagabi.”

Kaagad siyang naalarma. Hindi niya alam kung pa’no nito nagagawang ngumiti kung siya ay halos mahimatay na sa sobrang kaba. Ni hindi man lang nito naisip ang nararamdaman niya. 

Ang hinayupak na ‘to! Palibhasa sa kanya balewala lang ang gano’n! Samantalang sa’ming mga babae, malaking kawalan kapag nawala na ang Bataan!

“Ginawa natin ‘yong...” Kaagad siyang napatakip siya ng bibig. Hindi niya alam kung paano idudugtong ang mga salita na nasa kanyang isip.

“Iyong alam mo na,” dagdag nito na para bang wala lang ang nangyari.

Hindi ko pa isinuko ang Bataan o ang Batanes! Oh no! Hindi kay Rusty Vergara! Hindi! sigaw niya sa isip.

Napasabunot siya sa kanyang sarili. Hindi siya makapaniwala. Kahit nga sa mga isinusulat niyang nobela ay hindi pa niya nararanasang magsulat ng love scenes. Hindi niya alam na ginawa na nila iyon. Para bang ayaw tanggapin ng utak niya ang sinabi ni Rusty. Gusto niyang kumalma pero mas nananaig ang pagkataranta sa isip niya. Ngunit lubos siyang nagtataka kung totoo man na mayro’ng nangyari sa kanila, bakit hindi naman masakit ang maselang bahagi ng katawan niya at bakit wala namang nagkalat na dugo sa kama? Alam niya kasi na iyon ang kadalasang nangyayari kapag first time ng babae.

Magaling, magaling, Syler! At iyan pa talaga ang iniisip mo ngayon bruha ka?! bulyaw niya sa isip.

Mariin siyang napapikit at pilit na tinandaan ang mga nangyari kagabi. Ngunit ang naaalala lang niya ay nagpakalasing siya dahil hiniwalayan at niloko siya ng herodes niya ex-boyfriend! Pagkatapos ay natandaan niyang hindi niya sinasadyang tawagan si Rusty pero hindi naman niya nabanggit dito na may problema siya. Hanggang sa dumating ito at sinabi na ihahatid na siya pauwi. Iyon lang. Hanggang doon na lang ang naaalala niya. Hindi na niya matandaan pa kung ano ang mga sumunod na nangyari dahil siguro sa matinding kalasingan.

She runs a hand through her hair. “I can’t believe this.”

Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya alam kung ano ang mukhang ihaharap niya sa kanyang mga magulang kapag nalaman ng mga ito ang nangyari. Baka itakwil siya. Baka kung ano ang magawa ng kanyang ama. Baka magka-altapresyon ito. Hindi niya alam kung ano na naman ‘tong pinasok niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status