Share

ANG LIHIM NA ASAWA NG BILYONARYO
ANG LIHIM NA ASAWA NG BILYONARYO
Penulis: MikasaAckerman

Chapter 0001

Napalingon siya sa pinto ng banyo nang marinig niya ang tunog ng lagaslas ng tubig na nagmumula roon at alam niyang si Lucas ay naliligo. Tumayo si Annie mula sa kama habang hawak- hawak niya ang kumot at bahagyang namula pa ang kaniyang mukha ng maalala niya ang mga nangyari kagabi sa pagitan nila ng kaniyang asawa.

Bagamat dalawang taon na silang kasal ay hindi pa rin niya maiwasan ang hindi makaramdam ng hiya tuwing nagniniig sila. Napatayo siya ng tuwid at binitawan ang kumot na hawak niya nang bigla na lamang tumigil ang tunog ng gripo sa banyo.

Ilang sandali pa nga ay mabilis na lumabas mula sa banyo si Lucas na nakatapis lamang ng towel sa ibabang bahagi ng katawan nito. Hindi niya maiwasan ang hindi pamulahan ng mukha nang mapatitig sa hubad na katawan nito lalong- lalo na sa mga abs nito. Iniiwas niya ang kaniyang tingin mula rito.

Nang makita siya nito na nakatayo sa tabi ng kama ay biglang napatanong ito sa kaniya.

“May kailangan ka ba?” tanong nito sa kaniya habang nagpupunas ng basa nitong buhok.

“Wala naman. Gusto ko lang sabihin sayo na handa na ang almusal, hihintayin na lamang kita sa baba.” mahinang sabi niya na lamang rito at pagkatapos ay mabilis an lumabas na ng silid at hindi na inantay ang magiging sagot nito.

Hindi niya maiwasan ang hindi makaramdam ng excitement para sa surpresa niya rito. Pagkababa niya ay mabilis siyang dumiretso sa kusina at pagkatapos ay maingat na inilabas ang inihanda niyang cake at inilagay sa gitna ng hapag- kainan.

Hawak- hawak niya sa isang kamay niya ang ultrasound picture at hindi niya maiwasan ang hindi makaramdam ng matinding kaba.

Sa araw na iyon ay ang kanilang pangalawang anibersaryo ng kasal at iyon ang naisip niyang pinaka- magandang oras para sabihin sa kaniyang asawa na siya ay nagdadalang- tao na. Ilang araw na rin siyang naghihintay ng tamang oras para ipagtapat rito ang tungkol sa pagbubuntis niya pero naisip niya na malapit na nga pala ang anibersaryo nila kaya hinintay niya na lamang ang araw na iyon.

Nang bumaba si Lucas sa kusina ay hindi niya maiwasang hindi mamangha sa kagwapuhang taglay nito, nakabihis na ito nang makababa at nakasuot ito ng hand- tailored black suit na mas lalo lamang nagpagwapo pa rito.

Hindi niya muna kaagad sinabi rito ang tungkol sa kaniyang surpresa dahil hinayaan na lamang niya munang makakain ito at nang matapos sila ay inihanda na niya ang kaniyang sarili sa kaniyang pagtatapat. Hinawakan ni Annie ang ultrasound picture sa kaniyang kamay at pagkatapos ay huminga ng malalim.

“Lucas may sasabihin ako sayo…” kinakabahang saad niya rito.

“Just in time, may sasabihin rin ako sayo.” sagot nito at pagkatapos ay nagpunas ng bibig.

Bahagya siyang nagulat dahil sa sinabi nito at pagkatapos ay sinabing, “ikaw muna ang mauna…” nangingiting sabi niya rito.

Hindi naman ito sumagot sa kaniya bagkus ay tumayo at pagkatapos ay binuksan nito ang drawer at may inilabas doong dokumento gamit ang kamay nito. Humarap ito sa kaniya at pagkatapos ay iniabot nito ang hawak nitong papel sa kaniya.

“This is the divorce agreement. Please take some time to read it.” walang emosyong sabi nito sa kaniya.

Natigilan siya nang marinig niya ang sinabi nito at pinigilan niya ang sariling magpakita ng kahit na anumang emosyon kundi tanging pagkagulat lamang. Pilit niyang kinalma ang kaniyang sarili. Huminga siya ng malalim ngunit pakiramdam niya ay tila ba daan- daang kutsilyo ang tumarak sa dibdib niya ng mga oras na iyon.

Divorce agreement? Parang tinangay ng hangin ang utak niya ng ilang sandali pagkatapos niyang marinig ang sinabi nito. Walang lumabas na kahit na ano sa kaniyang bibig dahil wala siyang maapuhap na isagot rito hanggang sa mabilis din naman siyang nakabawi mula sa kaniyang pagkagulat.

“Gusto mo akong hiwalayan?” hindi makapaniwalang tanong niya rito.

“Uhmm…” tinanggal lamang nito ang bara sa lalamunan at walang ibang sinabi.

Habang hawak- hawak niya ang ultrasound picture ay gusto niya sana itong tanungin ito na wala bang paraan para mabag ang desiyon nito? Paano kapag sabihin niya rito na nagdadalang- tao na siya may mababago kaya? Pag- iisipan kaya nito ulit ang desisyon nito?

“Bumalik na si Trisha. Gusto ko ng tapusin ang kasal natin ng mas maaga kaysa sa pinagkasunduan. Tapusin na natin ito ng mas maaga ng isang taon.” sabi nito na wala man lang paligoy- ligoy. “Alam kong medyo mabilis pero, yang hawak mo ay isang draft agreement. Basahin mo muna ang mga nakasaad diyan at humingi ka ng kahit anong gusto mo, basta kaya kong ibigay ay ibibigay ko.” dagdag pa nito sa kaniya.

“Sige. babasahin ko ito mamaya.” sagot niya rito at pagkatapos ay nilukot niya ang hawak ultrasound picture sa isa niyang kamat at inilagay sa kaniyang likod. Dahil sa pagpipigil niya na magpakita ng kahit anumang emosyon rito ay namuo ang mga butil ng pawis sa kaniyang noo.

Alam niya na hindi na niya kailangan pang ipakita rito ang hawak niyang iyon dahil wala ng silbi pa iyon.

“May sasabihin ako sayo.” sabi nito sa kaniya na nagpaangat ng tingin niya rito at pinilit niya ang sarili niyang ngumiti sa harap nito.

“Ano iyon?” tanong niya rito.

“Ikaw ang magsabi kay Lolo na maghihiwalay na tayo dahil kapag ako ang nagsabi ay paniguradong hindi siya papayag.” sabi nito sa kaniya.

“Sige naiintindihan ko.” sagot niya rito.

Isa lamang siyang ordinaryong babae at ang kaniyang pamilya ay ganuon din naman. Ang kaniyang ina ay isang nurse at ang kaniyang ama naman ay wala ng ginawa kundi ang mag- inom at ang magsugal na lamang sa araw- araw.

Ang isang katulad niya na nanggaling lamang sa isang mahirap na pamilya ay hindi kailanman makakapantay sa antas ng pamumuhay ng pamilya ng mga Montenegro kahit na katiting lamang ngunit dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari ay nagkakilala ang kanilang mga pamilya.

Isang araw ay pinagplanuhan ng mga karibal sa negosyo ang ama at lolo ni Lucas na nagresulta ng isang aksidente sa sasakyan. Ang aksidenteng iyon ay naging resulta ng pagiging magkakilala ng lolo ni Lucas dahil hindi inaasahang mapadaan ang kaniyang ina sa naturang pinangyarihan ng aksidente at bilang isang nurse ay tinulungan niya ang mga ito na naging dahilan kung bakit nakaligtas ang mga ito sa bingit ng kamatayan.

Pagkalipas ng ilang taon ay namatay ang kaniyang ina dahil sa cancer. Dala ng pag- aalala nito sa kaniya dahil ang kaniyang ama ay isang sugarol ay lihim pala itong nakipag- ugnayan sa pamilya Montenegro pagkatapos ng maraming taon at hiniling sa mga ito na bigyan siya ng tulong pagkatapos nitong malaman na ilang taon na lang pala ang itatagal nito sa mundo.

Nang malaman nito ang sitwasyon ng kaniyang ina ay agad na gumawa ng isang desisyon ang Lolo ni Lucas at hindi na ito nagdalawang isip pa, iyon nga ay ang pagpapakasal ni Lucas sa kaniya sa sandaling maka- graduate na ito sa kurso nito. Noong mga panahong iyon ay tandang- tanda pa niya ang mga salitang binitwan ni Lucas sa kaniya.

“Pwede kitang pakasalan at pwede kong ibigay sayo ang apelyido ko ngunit hindi ang puso ko. Tatagal ang pagiging kasal natin ng tatlong taon ngunit pagkatapos ng tatlong taon ay gusto kong ikaw na mismo ang magsabi kay Lolo na gusto mo na ng diborsiyo upang hindi kami magkaproblema.”

Sumang- ayon siya sa gusto nito at gumawa rin ng pangako na pagkatapos ng lahat ay kusa siyang aalis. Hindi nga nagtagal pagkatapos ng engagement ay ikinasal sila. Ginampanan nito ang lahat ng responsibilad bilang asawa sa kaniya ang alagaan siya, protektahan at tratuhin siya ng mabuti.

Naiinggit ang lahat sa kaniya nang magpakasal siya sa isang mabuting lalaki at mabuting asawa. Ngunit tanging siya lamang ang nakakalam ng tunay na dahilan kung bakit sila nagpakasal na dalawa, hindi dahil sa pag- ibig kundi dahil sa kasunduan lamang.

Alam niya sa sarili na ang lahat ng ibinigay sa kaniya nito na mga mamahaling mga bagay at mga damit ay walang kinalaman ang pag- ibig kundi dahil sa pagtupad lamang nito ng obligasyon bilang asawa niya. Kung may minahal man ito ay ang katawan niya lamang ngunit siya sa sarili niya ay alam niya kung ano ang tunay na nararamdaman niya para rito.

Komen (2)
goodnovel comment avatar
MikasaAckerman
Annie po:)
goodnovel comment avatar
Jhunjie Madera
ano po panagalan ng babae
LIHAT SEMUA KOMENTAR

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status