Share

CHAPTER 4

Pagpasok ni Yolly sa silid-aralan nila ay upuan agad ni Andy ang tiningnan niya, at syempre bakante pa rin iyon dahil maaga pa.

Ang aga niyang pumasok dahil ayaw niyang pumasok na naman na maraming estudyante. Siguradong ibu-bully na naman kasi siya. Umiiwas siya sa gulo.

Napapabuntong-hininga siya nang umupo siya sa kanyang upuan pagkuwa'y napalingon na naman sa upuan ni Andy. Pangatlong araw na na absent ang binata kung hindi na naman papasok ito ngayon. At guilting-guilty na siya.

Hindi kaya totoo na ikinahihiya ni Andy ang picture nila kaya hindi ito pumapasok?

Nakakakunsenya naman.

Kasalanan niya talaga ang nangyayari. Sana pala ay hindi na lang niya hiniling na mag-selfie silang dalawa noong araw na 'yon. Wala sanang problema na ganito. Sana hindi mag-a-absent si Andy. Tuloy ay napapabayaan na ni Andy ang pag-aaral dahil sa kahihiyan, dahil sa kagagahan niya.

“Hindi ka kasi nag-iisip, Yolly. Kainis ka talaga,” paninisi niya pa sa kanyang sarili. Natampal-tampal niya ang kanyang noo.

Ilang minuto siyang nakukonsensiyang mag-isa sa classroom nila. Nag-iisip. What if puntahan niya na lang si Andy? What if kakausapin niya na pumasok na, na gagawa na lang siya ng paraan para mawala sa isip ng mga kapwa nila estudyante ang nakakahiyang picture nilang iyon?

"Tama." Tiwala sa sariling napatayo siya sa pagkakaupo. "Kakausapin ko siya. Pupuntahan ko siya sa bahay nila. Magsu-sorry ako sa kanya."

Muli niyang isinukbit ang bag niya at kinipkip ang kanyang mga libro nang mapagdesisyunan ang gagawin. Akmang aalis na siya.

"Ay, multo! Este guwapo pala! Este ano!” Subalit para siyang nakakita ng multo nang makita niya si Andy na nakatayo sa may pintuan. Nagkabulol-bulol tuloy siya sa gulat. Paano'y ang seryoso nang pagkakatingin sa kanya ng binata habang nakapamulsa ang dalawang kamay.

"A-Andy?" Humigpit ang pagkakayakap niya sa kanyang mga libro.

Oh, Lord, huwag naman sana siyang kainin ng buhay ni Andy. Hindi siya masarap. Promise!

Kumurap ang guwapong binata. Ang sama pa rin ng tingin sa kanya. Hanggang sa maangas na humakbang palapit sa kanya.

"Iyong picture, delete it," at saka kaswal nitong sabi sa kanya.

"H—hindi ako ang... ang nag-upload niyon. M—maniwala ka,” nanginginig niyang sabi. Ang lakas ng tibok ng kanyang puso niya. Ngani-ngani ay atakihin na siya’t maglupasay sa sahig.

"I know. Pakisabi na lang sa nag-upload na si Cristine na burahin na niya 'yon. Hindi kamo nakakatuwa." Pagkasabi niyon ay tumalikod na ang binata. Tinungo na ang upuan nitong ilang araw ring bakante.

"Sorry sa nangyari. Hindi ka tuloy nakapasok ng ilang araw,” natigilan man at natatakot ay senserong paghingi niya pa rin ng paumanhin sa binata.

Ang kaso ay hindi na siya pinansin ni Andy. Umupo na ito at hindi na umimik pa. Naging busy na sa pagge-games sa cellphone nito.

Napapalabi na lang si Yolly na bumalik na rin sa kanyang upuan. Panaka-naka ay napapalingon siya sa binatang suplado. Lihim na nagpapasalamat siya dahil pumasok na ito. Kahit paano ay gumaan na ang bigat na dinadala niya sa dibdib gawa ng guilt.

At ilang minuto rin na sila lang dalawa ang nasa loob ng classroom. Ang daming gusto niyang sabihin o itanong sa binata ngunit nauunahan siya ng hiya kaya pinipigil niya ang sarili. Bandang huli, nakontento na lang siya sa paglingon-lingon dito.

"What?” Kaya lang ay nahuli siya ni Andy nang minsan pa ay lingunin niya ulit ito.

"Ah, eh, wala. Nagtataka lang ako bakit ang aga mo." Alam niyang nag-blush siya. Sh*t, nakakahiya.

"Ayoko lang mapag-tsismisan nang kay aga-aga," nanunumbat ang tinig ni Andy na sagot.

"S—sorry talaga. Hindi na mauulit." Kagat ang labing napayuko siya ng ulo.

Tumirik naman ang mga mata ni Andy bago itinuloy ang paglalaro sa cellphone. Hindi na nito pinansin talaga ang dalaga. Masakit na sa tainga ang paulit-lit na sorry ni Yolly. Unlimited na sorry na kasi.

Mayamaya pa'y isa-isa nang dumating ang mga kaklase nila.

"Oy!" Hindi makapaniwalang pansin agad nila kay Andy pero natitigil ang sasabihin nila kapag tinitingnan sila ng masama ng binata.

Mayroon mga sumisilip pang mga taga ibang klase makita lang na totoong pumasok na nga ang guwapong binata. Ang crush nilang binata.

Napapabuga lang naman ng hangin si Andy. Habang si Yolly ay ayun na naman iyong feeling niya na hiyang-hiya. Yukong-yuko ang ulo niya. Buti na lang at sanay na ang leeg niya kakayuko kaya hindi na siya nangangawit.

Hanggang sa dumating sina Patrick at Karen. Sabay ang dalawa na pumasok sa classroom.

"Dude...” Nagkamayan si Patrick at Andy. "Musta? Tagal hindi pumasok, ah?"

Tipid na ngiti lang si Andy bilang sagot. Nawala na siya sa nilalaro kaya ibinulsa na niya ang cp niya. Humalukipkip at padikuwatrong umayos ng upo.

Agad nagpa-cute naman ang maarteng si Karen sa kanya. "Bakit ang tagal mong hindi pumasok, Andy? What happened?"

All eyes na kay Andy ang mga kaklase nila. Gusto ring malaman kung anong dahilan ng binata bakit dalawang araw itong hindi pumasok.

"Wala lang,” ngunit tipid na sagot ni Andy sa ex-girlfriend.

"Nah, I don't believe you.” Humalukipkip si Karen. "Siguro dahil sa picture na ipinost ng isang panget d'yan kaya hindi ka pumasok,” at parinig nito kay Yolly. “I am right, aren't I?”

"True!” sabay-sabay na segunda ng iba nilang kaklase ta's nagtawanan ang lahat.

Lalong napayuko naman ng ulo si Yolly. Halos masugatan na pati ang lower lip niya kakakagat niya.

"Dapat kasi, Andy, huwag kang nagpapakuha ng selfie sa mga pangit. 'Yan tuloy, laman ka ng tsismis ngayon dito sa campus. Hindi raw bagay sa kaguwapuhan mo na dumikit sa mga baduy at panget na babae. Dapat sa tulad ko lang na maganda." Nag-wave pa ng buhok ang papansin na si Karen.

Nagtawanan ulit nang malutong ang buong klase.

Naiiling na lang si Andy. Pasimpleng tinitingnan ang kinakawawang si Yolly. Yukong-yuko ang ulo ng dalaga sa sobrang pagkakapahiya.

Hindi pa talaga nakuntento si Karen. Lumapit pa talaga ito kay Yolly. "Narinig mo ang sinabi ko, Yolly?"

Mangiyak-ngiyak na tumango si Yolly. Wala siyang makakapitan ngayon dahil wala ang pinsan niyang si Cristine. Ang malas talaga niya dahil ngayon pa um-absent ang bruhang iyon.

"Mabuti naman kung gano'n," nakataas ang isang kilay na turan ni Karen. Itinulak ang ulo ni Yolly bago maarte at pakendeng-kendeng ang balakang na bumalik sa upuan nito.

Patuloy ang tawanan at bulungan ng buong klase. Hanggang sa narindi na si Andy. Habang nilalagnat siya ng dalawang araw ay na-realize niyang walang kasalanan si Yolly. Sa halip ay dapat pa nga siyang magpasalamat sa dalaga dahil kung hindi sa payong ni Yolly, as in sa payong na malaki ni Yolly, ay baka hindi lang lagnat ang inabot niya kung mas naulanan siya noong uwian na iyon.

"Shut the f*ck up!" malakas ang boses na awat ni Andy sa mga kaklase nila sabay tayo. Maangas na nakubukol sa kanyang pisngi ang dila niyang pumamulsa.

Natigilan naman ang lahat at napatingin sa binata. Mga nahintakutan.

Tumingin si Andy kay Yolly. "Yolly?" at tawag niya rito.

"Huh?" Napalingon naman si Yolly na takang-taka.

Ngumiti si Andy sa dalaga. "Salamat, ha?"

Nanlaki ang mga mata ng lahat. Hindi mga makapaniwala.

"Salamat kasi nandoon ka noong umuulan. Kung wala ka siguro ay kung ano na ang nangyari sa 'kin," panimula ni Andy para lang maipagtanggol ang dalaga. Yolly doesn't deserve to be laughed at just because of that nonsense picture of them. "Alam mo bang nilagnat ako ng dalawang araw dahil siguro naambunan ako. Iyon ang dahilan kaya hindi ako nakapasok, pero okay lang 'yon kaysa mas malala ang nangyari sa 'kin sana kung hindi mo ako pinasukob sa payong mo. Salamat talaga, Yolly. I’m over the moon grateful to you. Gusto mo mag-selfie ulit tayo?"

Unti-unti ay nagliwanag ang mukha ni Yolly. Hindi niya akalaing ipagtatanggol siya ni Andy sa ganoong paraan. For the first time ay kinilig siya. Ayeii!

Ang mga kaklase nila ay napanganga naman. Sila naman ang napahiya, nagyuko ng ulo, at hindi makatingin sa kanya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status