Share

04: Unang Kudlit Sa Puso

Dahil sa hindi inaasahang pagsalanta ng malakas na bagyo ay napilitang manatili sa evacuation center ang maraming pamilya at kabilang na ang pamilya nila Bea.

Hindi mapigilang lihim na maghinanakit si Bea hindi lang sa panahon kundi pati na sa Itaas dahil ilang araw na lang ay sasapit na ang kanyang sixteenth birthday. Pero sa halip na masaya siyang namamasyal ay naroon siya at nakikipagsiksikan ng higaan sa ibang tao.

Tanging karton lang ang naisapin sa hinihigaan ng ilang naroon habang sila ay may naisalbang isang kumot na naisilid pala ng nanay niya sa bayong. At iyon ang kanilang ginawang sapin sa malamig at mamasa-masang semento ng covered court.

Gusto man niyang makiusyoso sa mga nagkakagulong mga tao kung saan naroon ang nanay at tatay nila ay hindi niya magawa dahil bukod sa kailangan niyang bantayan ang pwesto nila ay binabantayan din niya ang kambal at si Robert dahil inaapoy ng lagnat. Habang sumama naman sa mga magulang nila ay si Cristina at Manuel para kung may pinamimigay na pagkain ay may katulong ang mga ito sa pagdadala.

Halos maghapon nang walang patid ang pagbuhos ng ulan at kahit umaga pa lang ay parang magdidilim na dahil sa makapal na mga ulap.

Dahil sa nararamdamang takot hindi lang para sa sarili kundi maging sa pamilya at sa mga taong kasama niya evacuation center ay wala sa sariling pasimple siyang napa-sign of the cross at nagdasal na sana ay huminto at umalis na ang bagyo dahil ang hirap ng lagay nila.

Nahihirapan din siyang sa sitwasyon dahil iyon ang unang pagkakataon na kinailangan nilang lumikas dahil sa malakas na bagyo. Matapos niyang magdasal ay tumabi siya ng higa sa isa sa mga kambal at dala ng pagod ng katawan at kalooban ay hindi na niya namalayang nakatulog na siya.

                                       ***

Nang muli siyang magising ay katabi na rin niya sa higaan ang mga magulang at iba pang kapatid. At nang tanawin niya ang paligid ay doon lang niya napansing pagabi na pero manaka-naka pa ring bumubuhos ang malakas na ulan na sinasabayan ng malakas na hangin at madalas na pagkulog na may kasamay matatalim na kidlat.

Dahil sa takot na baka matamaan siya ng isa sa mga iyon ay muli siyang nahiga. Pero dahil kagigising lang ay hindi na siya dalawin ng antok kaya nanatili siyang dilat at nakatitig sa bubong ng covered court.

At muli ay nilunod niya ang sarili sa pangangarap ng mga bagay na gusto niyang gawin kapag isa na siyang sikat na artista at marami nang pera.

Unang-una niyang gagawin ay bibili ng malaking bahay para doon na sila titira ng mga magulang mga kapatid niya. Bibili siya ng malaking t.v. , magagandang mga damit at kasangkapan. At bibili rin siya ng kotse.

Pagkatapos ay magtatayo siya maraming negosyo katulad nang napanood niya. Bibili rin siya ng tig-i-sang cellphone.

Napakarami niyang plano na nakahanda na sa oras na matupad niya ang kanyang pangarap pero ang pinakauna at pinakamahalagang hakbang para matupad ang lahat ng iyon ay ang makaalis sa lugar na iyon. Ang makapunta ng Maynila, dahil sa lugar na iyon niya sisimulang abutin ang kanyang pangarap.

                                    ***

Tatlong araw na silang nasa evacuation at halos lahat sila na naroon ay nahihirapan na dahil hirap silang makahanap ng maiinom na malinis na tubig. Nagkakaubusan na rin ng mga rasyong lutong pagkain. Kahit gustuhin ng karamihan na magluto na lang ay hindi rin magawa dahil walang mahahanap ng gatong lalo pa at pabugso-bugso pa rin ang ulan. Nahiling niyang sana ay makauwi na sila lalo na a birthday na niya sa susunod na araw at pagkatapos ay magpapasko pa. Ayaw niyang doon pa sila magpasko sa evacuation center at mas lalong ayaw niyang doon pa siya abutan ng birthday niya.

Abala siya sa paghuhubad ng damit ng kambal nang makita niyang nagmamadaling lumapit ang kanyang nanay kasunod ang tatlo niyang kapatid.

Mabuti na lang at gumaling ng halos sabay-sabay ang mga kapatid niyang nagkasakit at ordinaryong trangkaso lang ang tumama na dulot ng pagkababad sa ulan.

"Bea, bilisan mo riyan at dumating ang ang mga Tya Nina mo," sabi nito nang makalapit at doon lang niya napansin na mayroon itong kasamang babaeng kahawig nito.

"Hayaan mo na at hindi naman ako ibang tao," sabi ng tiya niya na hinawakan pa sa kaliwang braso ang kanyang nanay. "Nabalitaan ko ang nangyari mula sa balita kaya halos gusto ko na kayong puntahan dito sa kasagsagan ng bagyo. Napigilan lang ako ng asawa ko. Pero nang tatlong araw na ang lumipas at itong lugar nyo pa rin ang laman ng balita ay pinilit ko ng makapunta. At doon kami nakisakay sa mga nagdadala ng relief goods."

Narinig niya sabi ng tiyahin niya dahil mula na niyang itinuon ang atensyon sa pag-aasikaso sa kambal. Kasalukuyan siyang nangangamot ng tila pugad ng ibon niyang nakapusod na buhok nang tila may sariling isip ang mga mata niyang dumako sa may bandang likuran ng kanyang nanaw. At halos masamid siya sa sariling laway ng masalubong ang tingin ng isang maputing batang lalaki.

Nang mapagtantong nakatingin din ito sa kanya ay nag-iinit ang buong mukhang mabilis siyang nag-iwas ng tingin at nagkunwaring abala sa pagliligpit ng mga hinubad ng kambal.

Hindi niya magawang mag-angat ng tingin dahil pakiramdam niya ay nakatingin pa rin ito sa kanya. Hanggang sa muli niyang marinig ang boses ng tiyahin niya.

"Siya nga pala, kasama ko ang panganay ko para may katulong ako sa pagdadala ng ilang makakain," sabi nito kaya napaangat siya ng tingin sa direksyon ng babae. At nakita niyang hawak nito ang balikat ng batang lalaking nakita niya na naging dahilan para lalong mag-init ang buong mukha niya, na kung maputi lang siya ay siguradong mapapansin ng kahit na sinong makakakita. "Ito nga pala si John Carl, graduating na ng highschool ngayong taon."

"O, mas matanda ka pala ng isang taon dito kay Bea? Akala ko magkaedad lang kayo. E, itong panganay ko mabi-birthday pa lang sa susunod na araw. Ang sama nga dahil nataong nagkaroon ng bagyo," sabi ng nanay niya rito.

"E, di pa'no 'yan? Siguradong nasira na ng bagyo ang bahay ninyo. Ganito na lang, bakit hindi na lang kayo sumama sa 'min pabalik ng Maynila? Malaki naman ang bahay namin pwede kayong tumuloy doon pansamantala habang naghahanap kayo ng malilipatan."

Halos magpanting ang tainga ni Bea ng marinig ang salitang 'Maynila' kaya naman excited siyang naghintay isasagot ng kanyang nanay. Pero ang pagkasabik na naramdaman ay agad ding naglaho ng marinig ang naging desisyon nito.

"Alam mo namang mahihirapan kami lalo kapag lumuwas pa kami lalo na at pagsasaka at paglalabandera lang ang alam naming gawin. Isa pa nag-aaral din ang mga bata kaya hindi rin kami pwedeng basta na lang umalis dito," sagot ng nanay niya.

"'Wag mong madaliin ang pagdedesisyon, pag-usapan ninyo ng asawa mo. Babalik na lang kami sa susunod na araw, kailangan rin kasi naming makauei dahil ang bunso ko lang ang naiwan sa bahay."

"Sige, sasabihin ko sa asawa ko." Tanging naisagot ng nanay niya bago ibaling sa ibang bagay ang usapan.

Nang marinig na babalik pa ang mga ito ay kinalma niya ang sarili. Ang sa kanyang isip ay nabuo na ang isang plano na siyang magiging simula ng pagtupad sa kanyang pangarap na mag-artista.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status