Share

Agam ng Kahapon
Agam ng Kahapon
Author: Ukiyoto Publishing

Una

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Halumaling

 

PAWIS na pawis, tila nasa loob ako ng isang kubol na ‘di iniikutan ng kahit anong presensiya ng hangin, sumisiksik at pinipilit makisama sa kakayahan ng isang sisidlang limitado ang liwanag upang maaaninag nito ang kapaligiran at tila sabay-sabay umaangat ang hamog mula sa aming mga katawan. Lahat kaming apat na yaon ay nagkukumpulan sa sisidlan na iyon habang hawak ang isang palarang nakatupi nang pahaba at niluluto ang ilalim nito na siyang naglilikha ng puting usok sa ibabaw na tila diyamante para sa mga gaya kong hayok dito.

Bawat isa sa amin ay nilalanghap ang bagay na yaon na parang mga biik kung humigop upang direktang ipasok ito sa mga utak namin na awang na at dapat nang lagyan ng krudo upang umandar ulit ang mundo. Tila, naghahapunan kami sa kawalan, pansamantalang gumagawa ng sariling mga teatro na kami ang siyang mga bidang ganap, nagtatampisaw ang aming mga dugot laman sa gaan at naghihimlay ito na sing gaan ng bulak na itinataboy ng masarap na hangin at lumalangoy sa di maipintang guhit ng ligaya.

Sa gitna ng pagkakalutang, tila nahulog ako sa tuktok nito at nagulantang sa sorpresang dagundong mula sa pintuan ng apat na sulok ng kinakandungan namin, at narinig ang isang malakas na boses na tila galing kay Damocles at may sandatang lumalarawan kay Zeus na handang pumatay sa susuway dito.

Tila nakapon kami ng mga sandaling iyon. Tila ba dinagit ng gutom na agila ang pugad ng mga ibang ibong walang nagawa kundi magpaubaya sa ilalim ng mga matatalas at mahahabang kuko nito, isang salita na lubos na kinatatakutan ng lahat ng gaya ko, isang salitang nag-uutos samin upang isuko ang lahat samin na nagpapahiwatig nang katapusan ng aming sandali at papunta sa tinatawag nilang oblo, at kung mamalasin ka ay sa ilalim ng anim na ka-paang lalim na hukay na pagsasaluhan ng mga lamang buhay ng lupa.

"Dapa! Putang-ina! Sabi nang dapa!"

Isang utos na sigaw na siyang nagbigay sa amin ng takot at gulantang sa aming mga dugong dumadaloy sa aming mga ugat. Mabilis kaming sumunod agad at dumapa kung saan maikakasya ang aming buong katawan at mailapat ito sa sahig. Napapalinga ako at napapasulyap sa mga taong nag-uutos sa amin at tanaw ko ang kanilang mga bakal na handang bumuga ng nagbabagang tingga oras na may magkamali sa amin.

Tila nagbalik ako sa tunay na mundo at biglang naalala lahat ang mga mahal sa buhay, ang aking mga anak lalo na ang panganay na si Gemma, sa kabila ng hirap sa kanyang pag aaral ay nagbabakasakali sa pagtitinda ng mga segunda-manong damit sa internet upang may pantustos sa kanyang pag aaral at makapagtapos at maging magaling na guro balang araw. Ilang linggo lang ang nakararaan nang kami ay magtalo dahil kinuha ko ang perang kanyang kinita sa pagtitinda. Sa gitna ng aming pagtatalo ay nasampal ko siya dahilan upang sumubsob siya sa sahig na nagdurugo ang bibig.

Tanda ko ang larawan ng pagkasubsob niya sa sahig. Iyong galit at hinagpis niya ng mga sandaling iyon ay nandoon ng mga oras na iyon. Nakikita ko ngayon ang lahat ng nasa isip niya at puso gaya ng pagkakasubsob ko ngayon sa sahig. Tila isang librong panunumbalik ng lahat ng mga ginawa kong masama sa kanila at ang kahalagahan nang gaya nila at mas pinili ang ligaya ng ilegal na droga.

 

Kinapkapan ako ng pulis, nakuha sakin ang aking pitakang naglalaman ng tatlong daan at singkwenta pesos na sa totoo lang ay nakatabi para sa paggamit kong muli bukas ng umaga. Maya't maya ay pilit akong pinapaamin ng pulis kung saan namin nakuha ang mga shabu na ginamit namin. Umiiyak ako habang inuundayan ng malalakas na kabig sa sikmura, di ko maipinta ang sakit at hapdi nito na nagbigay sakin kakapusan huminga.

Napapikit ako at naalala ang anak kong bunsong umiiyak nang isang gabi habang kami ay nagtatalo mag-asawa dahil sa 'di ako nakakapagbigay ng panggastos araw-araw, tila nakasanayan narin ni misis ang mga pasa sa kanyang katawan at mukha, habang walang magawa ang pobreng bata kundi umiyak ng umiyak sa sulok at minsan ko pang nasipa dahil sa inis at ingay nito. Isa akong demonyong dambuhala sa aming tahanan, larawan ako ng mapinsalang sumpa na siyang sumisira unti-unti sa aming tahanan at mga pangarap, pinapatay unti-unti ang lahat ng pag asa at pananampalataya at kapangyarihan ng pag ibig o pagmamahal. Tila isa akong tulisan sa sarili kong kaharian, ninanakaw ang sariling ari-arian at sinisira ang lahat ng mga nagpapatakbo nito pero ang masaklap ay hindi ko namamalayan pati pala ang aking pamilya,

"Marami akong kinalimutan.

Marami akong sinayang.

Marami akong tinalikuran.

Marami akong sinaktan."

Dinala kami sa himpilan at nakulong ako sa rehas na nakikita ko lamang noon sa telebisyon, masangsang, masikip at napaka-init. Magkakatabi kami at halos di makagalaw sa aming kinauupuan,katabi ko dito ang mga taong nagdurusa sa mga sakit, mga sakit sa balat na sinumpa na mababasa sa bibliya tungkol kay job, tila isang sakit na walang lunas, mga nagkakabulok na balat at laman at tila mga buhay na patay na nang ngangawa, mula dito ay sumisingaw ang amoy ng nanang walang ibang mapuntahan dahil kulob ang maliit na rehas na yaon. Napapikit ako tila naghahabol ng hangin pinipilit kong mai-angat ang aking ulo upang lumuwag ang aking baga at makagahol sa hinga at magpatuloy sa sumpang kinatitirikan ko.

Wala akong ibang nais kundi ang matupad ang nasa isipan at puso ko gaya ng mga kasamahan ko sa oblo, yun ay ang pagdalaw sayo ng iyong mga mahal sa buhay, oras ng dalaw iyon, unti-unting nagsidatingan ang mga ito, at tila humahaba ang aking leeg upang matanaw ang mukha ng aking asawa, at di ako nagkamali, sa di kalayuan nasulyapan ko ang aking misis, kinakausap nito ang bantay at may sinusulat sa isang kuwaderno.

May bitbit itong isang plastic at isang boteng tubig, ng makalapit siya ay bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala at nakatago dito ang galit dahil nanaig parin ang pagmamahal niya sakin.

"Sinabi ko naman sa iyo, hindi ba?" Iyon ang una niyang bigkas

‘Di ako nagpakita ng lungkot at bagkus nagyabang pa ako at nagsabing nadamay lamang ako at wala akong ginawang masama. Tinanong ko agad sa kanya na nasaan ang mga bata... Inasahan ko na ang sagot niya, mas pinili raw ni Gemma na pumasok at nagpaabot ng halagang dalawang daang piso galing sa benta sa mga damit at iyonang ibinili ni Misisng pagkain ko. Hinawakan niya ang aking mga kamay at tila nahahabag sa aking kalagayan.

Tahimik kaming dalawa habang maingay ang buong paligid sa dami ng dalaw. Hindi ako makatingin nang maayos sa mukha niya. Pasulyap-sulyap ako kung saan saan at tila humikbi na siya at naluluha.

"Ano’ng gagawin natin, paano na kami ng mga bata?” wika niya

"Lakasan mo ang loob mo Gina, makakalabas din ako dito, magkakasama sama din tayo,at pangako magbabago na ako." - sagot ko

Ilang saglit pa ay sumigaw na ang bantay hudyat na tapos na ang dalaw, isa isa ng nagpapaalam ang mga dalaw at parang nauubusan ako ng upos at hinigpitan ko pang mabuti ang pagkakahawak ko kay misis at nagsabing

" Ikaw na muna bahala sa mga bata, mag-iingat kayo."

Wala ng salitang pumukaw sa kanyang bibig kundi halikan ang aking mga kamay at biglang talikod ng hindi namagawang lumingon. Ramdam ko ang sakit na siyang humihiwa sa aking puso at kalamnan, biglang nilamig ako at sa di inaasahan ay napahagulgol ako sa sulok at tila gustong kumawala sa mula sa pagkakabihag ko sa sarili kong anino, huli na ang lahat at wala na akong magagawa pa.

Lumipas ang ilang taon, ako ay nakalaya, nakapagtrabaho sa isang talyer bilang katulong doon, nag-aabot na ako ng panghain sa lamesa, naging mailap at ilag ako sa lahat ng taong nakakasalamuha ko, nakapag-asawa narin ang aking panganay at lumayo na sa aming piling. Bago iyon ay lumarawan ang isang pangyayaring tagpo kung paano siya umalis sa bahay habang ako ay nakatanaw sa bintana.

‘Di pa nakakalayo ay tinawag ko siya, "Gemma...anak."

Napahinto siya, lumingon ng kaunti habang hawak ang malaking bag na puno na kanyang mga gamit..

"Pa, huwag niyo na ako alalahanin, kaya ko na sarili ko," wika niya

"Sa lahat ng pagkukulang ko.. sa lahat, anak… sa pagkukulang ko..." Hindi pa ako natatapos ay nagsalita ang aking anak.

"Alagaan niyo po ang inyong sarili Pa, mauna na po ako.."

Naglakad papalayo ang aking anak. Sa di maamin na dahilan, pinigil kong iakyat ang namumugtong butil ng tubig sa aking mga mata, daig ko pa ang namatayan na tila nabawasan ako ng pagkatao no’ngmga sandaling iyon. Narinig ko ang isang yabag sa kuwarto at ‘di nagtagal ay isang hagulgol ng kalungkutan mula sa aking asawa natinanaw na lamang ang aking bunsong anak na walang muwang na naglalaro ng mga lumang sapatos sa pintuan.

Naging normal ang lahat. Ang bigat ng buhay sa araw-araw ay nagiging sang-ayon sakin, naging bahagi muli ako ng payapang mundo, mga karaniwang nilalang na sumusunog ng balat upang may ipangsapak sa sikmura, samantalang ang aking misis ay nagpapakakuba sa paglalabada habang bitbit ang anak na may dalang laruan at natutulog nalang kung saan malapit sa kanya at kung saan abutan.

Isang araw habang nagliligpit ng mga gamit sa talyer dumaan si Kulas na dati kong kapareha sa pagsusunog, muli ay tila may isang demonyong nag-udyok sa akin na tumikim muli. Ngumisi lamang ako at nagtungo sa banyo at tila nanginginig ang aking kalamnan, at ang totoo'y nasasabik ako. Pinakita niya sa akin ang isang maliit na plastic na may lamang butil-butil. Tila naglaway ako sa aking nasaksihan, nawala na ako sa tamang pag-iisip at muling inalala ang pakiramdam namaging isang bida sa sarili naming mga teatro. Napangiti lang ako at isinara ang talyer, pagkatapos ay nagtungo kami sa kanyang motor, ilang sandali lamang ay may tumawag saking pangalan...

"Berto.."

Napalingon ako, nakita ko ang aking dukhang asawa, payat, magulo ang buhok at pasak ang mga pisngi gawa ng araw-araw na hapong paglalabada habang karga ang aming bunsong anak na tulog sa kanyang kandungan... Naluluha ang kanyang mga mata, tila sa katahimikang iyon ay alam ko na ang pahiwatig, nakita ko ang maliit nalarawan ng kanyang ngipin na napakagat sa kanyang labi at tuluyang may dumaloy na luha sa kanyang lubog na mga pisnging namumutla. Napabuntong-hininga na lamang ako, at patuloy na umangkas sa motor, habang paalis ang motor ay muli akong lumingon, nakatindig parin ang aking kabiyak at pinagmamasdan ang kanyang asawang muling nagpasakop sa tawag ng demonyo, naiwan siya at ang aking anak na tila wala ng kahit anong kulay sa buhay. Larawan ng isang reynang walang kaharian at umaasa sa pag-asang wala nang pag-asa, walang natirang kahit ano, kahit man kapalaluan.

Habang umaandar ang aming sinasakyan, ramdam ko ang lamig ng hanging sumasalubong sa aking mukha. Napapikit ako't habang nilalanghap ang simoy nito, nagsalita ako sa aking sarili habang ramdam ang gaan ng pakiramdam nang walang kahit anong katiting na pagsisisi.

"Heto ang katotohanan."

Wakas.

Imus City.2019

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status