Share

ᴄʜᴀᴘᴛᴇʀ ᴏɴᴇ: ᴛʜᴇ ᴄʜᴏsᴇɴ

Axelle's POV

Nakatutok ang lahat sa bunutan, sa walang kwentang bunutan. Anong kabaliwan ba ang sumanib sa mga namamahala para magsagawa ng ganitong klase ng kalokohan?

"Ax, 'di ka ba manonood?"

Napatingin ako sa pabibong nagsalita at sarkastikong sumagot. "Para saan? Magiging kriminal din naman ang mga mabubunot diyan, walang kwenta."

Itinuon ko ang na lang atensyon ko sa pagguguhit ng kung ano-anong bagay. Kung pwede lang lumabas sa classroom ay ginawa ko na. Ngunit dahil sa 'tradisyon' kuno nila, dapat daw lahat ay abangan ito.

 

Wala naman talaga akong pakialam, basta hindi ako mabunot. Saka sa milyon-milyong mag-aaral mula sa buong bansa, malabong mabunot ako sa isang daan na 'yan.

 

Hindi talaga ako masyadong nangingialam sa mga bagay-bagay na hindi ako intersado. Normal na sa akin ang pagiging matapang, hindi pala-salita at pagiging committed sa mga ibinibigay na gawain sa akin.

Wala namang kakaiba sa akin, normal lang naman ako. Sadyang tahimik lang at straighforward kung magsalita.

Nakatutok ang lahat ng estudyante pati na rin ang mga guro. Ngayon kasi 'yong bunutan para sa mga bagong mag-aaral sa AU nila. Pero para sa akin, AUSOM talaga 'yon. Allison University-School of Nonsense.

Nakatira ako sa siyudad, pero malayo ito kung ikukumpara sa pinaka kapitolyo ng bansang ito; ang Dis. Doon ay talamak masyado ang mga krimen, maraming assasin at licensed killer ang nagbabantay upang makakuha ng papatayin at kumita. Moderno ang siyudad na iyon at maraming oportunidad.

"34. Kaye Horrie from Lockwood University."

Lahat ay tumingin kay Kaye nang mabunot siya, yung pabibong nagtanong sa akin kanina. 'Yan kase, nood-nood ka pa.

Nakita ko yung takot at kaba sa mukha niya, hindi nagtagal ay umiyak na siya kaya nagsilapitan ang karamihan sa kaniya. Mga etchosera, mga plastik din naman kayo.

Habang ang iba ay abala sa panonood at ang iba naman ay abala kay Kaye, mag-isa lang akong nakaupo sa hulihan habang suot ang earphone sa isang tenga at ang isang tenga ay malayang nakikinig sa TV at mga usap-usapan sa loob ng silid.

Loner talaga ako or introvert ba, basta gano'n. Madalas lang akong mag drawing ng kung ano-ano kapag nag-iisa. Pero ngayon habang naririnig ko ang iyak ni Kaye, iniisip ko rin kung gan'yan din kaya ang reaksyon no'ng mga natawag sa ibang lugar?

 

Tumagal nang ilang minuto ang pag-aanunsyo dahil nagbibigay pa sila ng mga impormasyon tungkol sa mga nabubunot.

"2. Axelle Esguerra from Lockwood University."

Tama ba yung narinig ko? Nung una ay hindi ako makapaniwala ngunit no'ng tumingin sa akin ang lahat ay alam kong ako na nga yung nabunot. May ID picture ring naka-flash sa screen.

"The f.."

Fine. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Sa pagkakaalam ko kapag tumanggi ka ay buhay ka nga, pero patay naman lahat ng konektado sa dugo at apilyedo mo. Gano'n ang paraan nila para mabawasan ang populasyon sa bansa.

"Congratulations and goodluck to our new students! See you all next week here at Allison University. Let's save our beloved country," walang kwentang ending speech nung speaker. 

Congrats talaga? At ano raw? Save our beloved country?

Nagpapatawa ang mga gago.

Nagsi-alisan na ang lahat habang ako ay nakaupo pa rin sa kinalalagyan ko mula kanina. Maya-maya ay lumapit at tumabi sa akin si Kaye.

 

"Please protect me. Natatakot ako, Ax. Ayoko namang mawala mga mahal ko sa buhay kaya..."

Naputol ang pagsasalita niya nang tumayo ako at naglakad papunta ng pintuan para umalis.

"Kung may magpoprotekta man sa 'yo, hindi ako 'yon. 'Wag kang basta-bastang magtitiwala lalo na't sarili mo lang ang kakampi mo sa loob ng impyernong iyon."

Nakatingin lang siya sa banda kung saan ako naroroon habang namumugto ang mga mata sa pag-iyak.

Hindi man gano'n kalambot ang puso ko, pero naiinis ako sa gobyerno! Bakit kailangan maging ganito?

"'Wag kang matakot," matipid na sambit ko. Sa totoo lang, hindi ako marunong mag-comfort o magsabi ng malalambot na salita na makakapagpagaan ng loob niya. Sana nakatulong yung sinabi ko kahit papaano.

_______

"Anak, napanood ko yung announcement kanina. Nabu-"

"Alam ko," pagputol ko sa sasabihin ni mama sabay lapag ng bag sa upuan.

Kahit na ganito ako ay mahal na mahal ko si mama. Kaya hindi ako papayag na madamay siya sa kabobohan ng Allison University.

"'Wag mong sabihin na talagang sasama ka?" nag-aalalang tanong niya.

"Ano pa nga ba? Kesa naman kayo ang punteryahin nila."

"Pero kase, anak naman!" Agad siyang lumapit at hinimas ang buhok ko.

"Ma, kaya ko ang sarili ko. Magtiwala ka lang, ako na bahala. 17 na ako kaya alam ko na ginagawa ko," pagpapakalma ko sa kaniya. Sana nga ay alam ko ang gagawin ko roon.

"Basta 'wag mong kalimutan magdasal ah, mag-iingat ka. Mahal na mahal ka ni mama, uuwi ka dito ah, babalik ka."

Agad niya akong niyakap, niyakap ko rin siya pabalik. Naramdaman kong tumulo ang mainit na luha ni mama sa balikat ko. Hinalikan niya ako sa noo kaya agad ko naman pinunasan ang luha niya.

"Kumain na tayo, gutom lang 'yan, ma."

Tinulungan ko siya sa paghahanda ng hapunan. Bakas pa rin sa mga mata niya ang takot at lungkot. Natatakot siyang maiwan ko siya lalo na't kami na lang dalawa ang magkasama sa buhay.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin sa paaralan na iyon pero kailangan kong kayanin. 

___

Habang naglalakad papunta ng school ay tinawag ako ni Kaye. Ngunit imbes na tumigil ay binagalan ko lang ang paglalakad ko para makahabol siya.

"Bakit?" walang gana kong tanong.

"Hindi ko talaga kaya," sambit niya habang nakayuko at patuloy sa paglalakad.

"You have to."

Hindi siya nakapagsalita. Halata sa mga mata niya na buong gabi siyang umiyak. Nagpatuloy ang katahimikan hanggang makarating kami sa gate ng Lockwood.

Napansin ko ang mga estudyanteng nagsitakbuhan papasok ng University at narinig ko rin ang ilang bulong-bulungan.

"Nandito na sila."

"Bilisan niyo, sabihin niyo na nandito na sila."

"Magkasama talaga sila?"

Kumunot lang ang noo ko at naglakad papasok. Halata naman sa itsura ni Kaye ang pagtataka. 

Isang musika galing sa drum at xylophone, pati na ang nagsasayawang drum major at cheer dancers ang sumalubong sa amin sa may covered court ng school.

Lahat din ng estudyante ay nakapalibot sa court, tila ba hinihintay nito ang pagdating namin. Sa gitna ng mga nagsasayawan ay ang mga guro at principal. May hawak silang tarpulin na may nakasulat na, 'Goodluck to our new heroes, Kaye and Axelle!'

"Ano 'to?" mangha at nagtatakang tanong ni Kaye. Nanatili ang inip kong ekspresyon. 

"Binabati ko kayo, sa kauna-unahang pagkakataon may mag rerepresenta na ng ating paaralan sa Allison University, at hindi lang isa, kundi dalawa!" masayang saad ng principal. "Congratulations to our future heroes. Goodluck on your journey at AU."

 

Pati ba naman sila? Anong nagyayari rito?

Nakita ko ulit ang kaba at takot sa mukha ni Kaye. Magsasalita na sana siya ngunit hinawakan ko ang kamay niya.

Alam ko ang sasabihin niya, alam kong balak niyang umurong. Ngunit alam ko rin na kapag ginawa niya 'yon ay mas lalo lang siyang mapapahamak, pati na ang pamilya niya. 

Tumingin siya sa akin at tinignan ko rin siya. Sa mga tinginan pa lang namin ay may namuo nang koneksyon, na tila ba nag-uusap kaming dalawa.

Nagpalakpakan ang lahat. Wala sa pagkatao ko ang ngumiti kaya naman nung matapos sila ay naglakad na kami ni Kaye papunta ng room.

"Porke nakapasok sa AU akala mo na kung sino, ang yabang-yabang!" bulungan ng dalawang babaeng nadaanan namin. Huminto ako at umatras nang kaunti para makatapat ko sila. Tinignan ko sila nang matalim, sila naman ay nakataas ang kaliwang kilay sa akin.

"Alam mo, pag nakalabas ako sa AU, uunahin kita."

Nakita kong nagulat sila sa sinabi ko. Nag walk out sila na may kasamang pagpitik ng buhok na akala mo naman ay ikinaganda nila.

"Sana lahat kasing tapang mo," sambit ni Kaye. Hindi ko siya pinansin at naglakad na  papasok ng room. Para sa akin normal lang ang araw na 'to pero para sa iba, mukhang hindi. Dahil ba bukas ay pupunta na kami sa AU?

Kung hindi mo sila aangasan, 'di ka nila titigilan. Hindi ako matapang, ayoko lang na natatapakan ako.

Nagsimula ang klase at bawat subject teacher na pumapasok ay nag g-goodluck sa amin. Hay nako.

"Are you ready for tomorrow? Ms. Esguerra and Ms. Horrie?"

Wala sa loob na tumango si Kaye, habang ako ay walang balak sagutin ang tanong ni ma'am.

"Ms. Esguerra?"

Ang kulit naman nito!

"Kapag ba sinabi kong hindi may maitutulong ka, ma'am?"

Mahinahon lang naman ang pagkakasabi ko no'n. Hindi ko alam kung bakit nakatingin ang lahat sa akin. 

Binalot ng katahimikan ang buong silid. Tumingin sa akin si Kaye na tila ba naiiyak. No one can help us in this kind of situation. We can only trust ourselves.

"Okay, I understand na medyo kinakabahan kayo," basag ni ma'am sa katahimikan. "Let's have a recap about our discussion yesterday."

Mabuti naman.

"Ba't mo naman sinagot si teacher nang gano'n?" tanong ni Kaye na nasa kanan ko. Hindi ko siya sinagot at tumingin sa bintana sa bandang kaliwa ko.

 

Mga normal na estudyante rin kaya ang nasa AU? Natatakot din kaya sila? Marunong ba silang pumatay? Ngayon pa lang iniisip ko na ang itsura ng lugar na 'yon. Malamang malaki ang unibersidad na 'yon. Ano kaya ang mga itinuturo? Malamang walang kwenta rin.

Natigilan ako sa bigla kong naisip. Pagkatapos ba ng dalawang taon ay magiging mamamatay tao na rin ako? Magiging kriminal na rin ba ako?

Hindi, Ax. May sarili kang pag-iisip kaya gagawin mo ang alam mong tama at pupunta ka lang sa paaralan na iyon para mailigtas ang mama mo.

Mahal na mahal ko si mama dahil kahit naghihikahos kami ay pinipilit niya akong pag-aralin. Kaya naman ginagawa ko ang lahat upang galingan ang mga bagay na dapat kong gawin. Siya ang inspirasyon ko. Kahit na nangangalakal lang siya at nakatira lang kami sa barong-barong malapit sa mabaho at makalat na tambakan ng b****a.

Oo, isa 'yon sa dahilan kung bakit ayoko ng nakikipagkaibigan. Alam ko naman kasi na kapag nalaman nila ang trabaho namin ni mama, iiwas sila at pandidirian ako.

Pero kung hindi rin dahil sa pangangalakal ay lumaki rin sana akong duwag kagaya nila. Bata pa lang ako napapasabak na ako sa mga away dahil sa agawan ng mga kalakal noon, kaya natuto akong lumaban para sa sarili ko.

Muli kong inilagay sa isang tenga ko ang earphone at nagsimulang mag drawing, habang ang iba kong kaklase ay bumibili sa canteen at ang iba naman ay nakiki-etchos kay Kaye. Palibhasa binu-bully nila ito noon. Takot silang kapag naging license killer na ito ay unahin sila.

Mabilis na dumaan ang isa na namang walang kwentang araw.

Bukas na.

Hindi ko alam kung malulungkot ako dahil iiwan ko si mama. Kami na lang kasing dalawa ang magkasama, tapos iiwan ko pa siya.

Sana maging maayos ang lahat.

Sinalubong ko si mama ng isang mahigpit na yakap. Alam niya ang ibig kong sabihin kaya hinimas nya ang likod ko. Maya-maya ay naramdaman ko na naman ang pag-iyak niya sa balikat ko.

"'Wag kang mag-alala anak, magiging maayos ako. Ikaw na ang bahala sa sarili mo ha, hindi ko kakayanin kapag may masamang mangyari sa 'yo," aniya habang yakap-yakap ako. 

Hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kan'ya habang pinipigil ko ang pagtulo ng luha dahil ayokong isipin niyang duwag ako.

 "Antayin mo ako, ma. Uuwi ako," bulong ko.

Hindi ko alam ang mga mangyayare sa akin sa loob ng dalawang taon. Ngunit sisiguraduhin kong uuwi ako nang buo kasama si Kaye.

Maski si Kaye ay ayokong mawala. Aayaw naman sana siya ngunit pinigilan ko, kaya naman halos ako ang may responsibilidad sa kan'ya.

Inihanda ko sa bag ang mga gamit ko. Sa isang bag ay mga susuotin at sa isang bag naman ay mga personal na gamit at pangangailangan.

Kaya ko ito.

Sana nga ay kaya ko.

Biglang sumagi sa isip ko ang isang nakakatawang ideya kaya naman napangisi ako. Paano kaya kapag licensed killer na ako ay patayin ko lahat ng may pakana ng AU?

Sandali, paano kung bigla kong magustuhan ang pagpatay?

Hindi maaari!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status