Share

Capitulo Veinticuatro: Pupuntahan

“At naniwala ka rito?”

“Bakit hindi? Masiyadong kapani-paniwala ang pagkakasulat. Nais kong linawin at hanapin ang mga katibayang magtuturo sa katotohanan. At ikaw lamang ang naisip kong makatutulong sa akin, Cielo.”

             Tatlong araw, sapat na upang makapag-isip si Vahlia sa magiging tugon. Sa mga nakalipas na mga araw ay ninais nitong mapag-isa at tumitig sa kawalan habang mahigpit na hinahawakan ang pulang kuwintas sa kan'yang leeg. At ngayon ay inanyayahan nito si Cielo, sinabing ang dahilan ay ukol sa pagpipinta. Ngunit ang katotohanan ay hihingi siya ng tulong, “Masasamahan mo ba ako?”

“Ano namang naisip mo at sa akin ka lumapit? Kapatid ko ang inaakusahan at sinisira ng kung sino mang nagpadala ng liham na iyan. Inaasahan mo bang lilinisin ko ang kan'yang pangalan sa iyong harapan?” Tulad ng pakikitungo nito ay nakataas pa rin ang isang kilay ni Cielo sa kaniya habang ang isang kamay ay nilalaro ang ilang hibla ng kan'yang mga buhok. Suot ang simpleng asul na traje de mestiza at ang kuwintas na hugis palaso.

“Anong masama sa paghingi ko ng tulong? Hindi mo ba nais malaman kung sino si Milagros? Hindi ba’t nais mong pangalanan ang magiging unang anak ni Mateo? Bakit hindi natin sila—”

“Si Milagros ang kababata nina kuya Mateo at ni Clara, kinakailangan na ni Kuya na magpunta noon sa Madrid. Ngunit sa araw ng kan'yang paglisan ay iyon din ang pagkamatay ni Clara. Hindi man masabi ni Kuya ay batid kong sinisisi nito ang sarili sa nangyari sa kasintahan. Sa tatlong taon niyang pamamalagi sa Madrid ay marami ngang usap-usapang nagkalat tungkol kay Kuya at Milagros,” saad ni Cielo habang hinihigop ang nakahain na tsaa.

              Sa narinig ay napatikhim si Vahlia, “Kung gayon ay maaaring mayroon ngang katotohanan ang nakasaad sa sulat.”

“Paniniwalaan mo ba?”

“Ikaw? Paniniwalaan mo ba?” Nanatili silang magkatitigan na kaunti na lang ay may mamumuong kidlat sa harapan nila sa talim ng mga pinapakawalan nila.

“¿Dónde está Victoria? (Nasaan si Victoria?) Dalhin mo ako sa inyong Señora, Tagapagsilbi!” boses na bumasag sa katahimikang namutawi sa buong azotea. Boses pa lamang ay mahihinuha na kung sino.

“S-Señora, nasa baba po  si binibining Dulce Gonzales,” sabi ni Karolina na ngayo’y nagmamadaling lumapit sa kinauupuan nina Cielo at Vahlia.

“Inimbita mo ba siya?” Nagtatakang nilingon pabalik ni Cielo si Vahlia na siya namang ikinailing nito. Maya-maya pa’y isang babaeng bihis na bihis ang pumasok, suot ang magkakaparehas na kulay ng kan'yang hikaw at mga pulsera.

“Buen dia, Victoria (Magandang araw, Victoria),” bati nito sabay upo sa isa pang upuang katabi ni Cielo.

“¿Qué comiste y viniste aquí, Dulce? (Anong nakain mo't naparito ka, Dulce?)” tanong ni Cielo.

“¡Oye! Aquí tienes, Cielo (Oye! Narito ka pala, Cielo) Isang dahilan lang naman ang mayroon ako kung bakit ko napag-isipang bisitahin itong si Victoria,” nakangiting sambit ni Dulce at nilingon ang entrada. “Nais kong ipakilala sa inyo si ginoong Javier,” sa pagkakasabi niyang iyon ay pumasok ang isang pamilyar na tindig at pagmumukha ng isang lalaki.

             Napatitig na lamang ito sa ginoong ngayo’y naglalakad papalapit sa kanila. Kung hindi siya nagkakamali’y ito ang lalaking tinulungan niya sa ilog ng Tarok noong isang araw, ang lalaking nagkasugat sa binti.

“Magandang umaga, mga Binibini,” bati nito sa kanila. Akmang magsasalita sana si Cielo nang biglang unahan ito ni Dulce, “Nasaan nga pala si Mateo?”

“At bakit mo siya hinahanap?” tanong ni Vahlia.

“Mangangamusta lamang kami, ang alam ko’y ngayon siya babalik mula Maynila. Nasaan na siya?”

“Matatagalan pa siya roon sapagkat marami pa siyang kinakailangang ayusin, maaari na kayong umuwi,” nakangiting sumbat ni Vahlia sabay inom ng tsaang nasa kan'yang tasa.

“Eh? Umuwi? Bakit mo naman kami pauuwiin gayong naririto lang naman kami upang mangumusta?”

“Batid kong si Mateo lamang ang ibig mong kamustahin, gayong wala siya rito ngayon ay siguradong iinit lamang ang iyong ulo sa akin.”

“Aba, talaga. Sa katunayan ay hindi naman ako ang may ibig kumausap sa iyo, naririto si Javier dahil may importante siyang sasabihin sa iyo. Ang mabuti pa nga ay mauuna na ako sa kalesa pagka’t sumasakit ang aking ulo sa tuwing kaharap ang babaeng ito,” naiiritang tugon Dulce bago tumayo at maglakad palayo sa kanila. Sa kalesa marahil ang tungo.

“Kung hindi ako nagkakamali ay kasama mo si kuya Mateo sa pag-aaral ng matematika, si señor Alejandro Abades ang inyong guro.”

“Tama ka nga, Binibini. Nais kong tulungan kayo, batid kong alam ni'yo na ang tungkol sa hindi pagbabalik ni Mateo.” Sa sinabing iyon ni Javier ay biglang nabitawan ni Vahlia ang munting tasa, dahilan upang mabasag ito sa sahig. Ngunit hindi ito pinansin ni Vahlia na ngayo’y nakaharap kay Javier, “Anong nalalaman mo tungkol kay Mateo?” Ipinupukol ang matalim na tingin sa binata.

“Kapatid ko si Milagros, at dinadala niya ang anak nila ni Mateo,” sagot ni Javier. Masasalamin ang galit sa kan'yang mga titig at nakakuyom na mga kamao. “Ipinagkasundo ang kapatid kong si Milagros kay Alvaro, ngunit heto at walong buwan na pala niyang dala-dala ang anak nila ni Mateo. Nilinlang niya si Alvaro at ngayo’y pareho silang nagtatago ni Mateo sa norte, may sakit ang aming ina at mas lalo pang lumala nang malaman ang ginawa nina Mateo at Milagros. Humihingi ako ng inyong tulong, batid kong alam ninyong mas malaking suliranin ang darating sa puntong malaman ito ng inyong mga pamilya.”

“Bigyan mo kami ng mga patunay ng iyong sinasabi,” matapang na utos ni Vahlia dito. Seryoso ang pagmumukha ni Javier nang ilapag sa lamesita ang isang maliit na supot, gawa ito sa seda na kinulayan ng pula. Inabot naman ito ni Vahlia at nakita ang isang singsing nang buksan niya ito.

“Ibinalik ni Milagros ang singsing nila kay Alvaro kasabay ng isang sulat pamamaalam. Ang nakatuping papel ay ang sulat na nagmula kay Mateo nang tumakas sila. Nariyan din ang reloj de bolsillo (pocket watch) ng iyong asawa. Sa aking pakiwari ay nahulog niya ang bagay na iyan sa silid ng aking kapatid.”

               Mahigpit na hinawakan iyon ni Vahlia at tinitigang mabuti. Iyon nga ang huling nakita niyang isinilid ni Mateo sa kan'yang bulsa nang araw na umalis siya sa Isla Oriente. Ngunit hindi pa rin sasapat sa kaniya ang mga bagay na ito para patunayan ang akusasyon kay Mateo.

“Kinakailangan ko ng inyong tulong, alam kong marami kayong koneksiyon sa norte. Lalo na ikaw, binibining Cielo pagkat tubong Ilocos ang iyong ina,” dagdag ni Javier at nilingon si Cielo na pareho ni Vahlia ay nakatitig sa relo. Mariin siyang napapikit at napahinga nang maluwang.

“Bakit ikaw ang nagpunta rito upang humingi ng tulong at hindi ang sinasabi mong asawa ng iyong kapatid?” biglaang tanong ni Vahlia.

“Nauna si Alvaro sa Ilocos Sur, nagpakalat na rin kami ng mga guwardiyang maghahanap sa buong Ilocos. Ngunit hihilingin kong sana ay hindi muna maaaring malaman nina don Gonzalo at don Lorenzo ang patungkol sa paghahanap nating ito. Nais kong maayos natin ang sigalot na ginawa ng aking kapatid at ni Mateo nang walang bahid ng dugo sa ating mga kamay.”

“Gusto kong malaman ang katotohanan, nais kong patunayang hindi magagawa ng aking kapatid ang mga sinasabi ninyo. Inaamin kong palikero nga si Kuya ngunit hindi niya magagawa ang kapangahasang iyon sa isang binibining hindi niya asawa,” sabat ni Cielo.

“Pupunta ako ng Ilocos, pupuntahan ko si Mateo.”

                Gulat na napalingon si Cielo sa sa sinabing iyon ni Vahlia. “Maging ikaw pala ay may agam-agam. Bakit? Sabihin mo. Nawawalan ka na ng tiwala sa aking kapatid, hindi ba? Ano nga bang magagawa ng isang katulad mong ipinagkasundo lamang? Ni hindi mo nga siya nakasama nang higit sa isang taon, kaya’t hindi mo nakilala nang lubusan ang aking kapatid.”

“Malaki ang tiwala ko sa kaniya, Cielo!” Hindi na napigilang magtaas ng boses ni Vahlia sa paratang ng kaniya ni Cielo. “At oo, aaminin kong hindi ko nga siya kilala nang lubusan. Ngunit sino ba ako? Asawa niya ako, Cielo! Anong gusto mong gawin ko? Ang manatili rito at hintayin na lamang siya? Paumanhin ngunit hindi ako ganoong tao, hindi ko ibig maghintay lamang nang maghintay. Kung kaya kong tuklasin at malaman ang katotohanan, gagawin ko. Pupunta ako sa Ilocos.”

“Gawin mo ang nais mong gawin, Victoria.” Pagkasabing iyon ni Cielo ay tumayo ito at naglakad papalabas ng mansiyon.

                    Mariing pumikit si Vahlia at bumuntong-hininga bago harapin ang ginoong nasa kan'yang harapan, “Kailan ka tutungo sa Ilocos, Javier?”

“Bukas na mismo.”

*****

                   Tulalang bumaba mula sa kabayo, naglakad papalapit sa payapang agos ng malinaw na tubig ilog. Naghahalong pula at kahel ang kalangitan, tahimik ang buong kagubatan na tanging mga awit ng ibon ang nagiging musika. Hawak-hawak ang pulang kuwintas sa kan'yang leeg.

“Quiero conocerte mejor, señorita. (Nais kong makilala ka pa, Binibini.)”

      

“Tss, in denial ka pa.”

Mujer impaciente.”

“Ha? Ano ka’mo? Narinig ko ‘yon. Anong impasyente?”

“Makinig ka muna sa sasabihin ko, Binibini. Una sa lahat, wala akong sinabing iiwan kita rito. Kaya hindi naman kita pinaasa tulad ng iyong inaakusa sa akin. Pangalawa, bilang isang binibini, dapat ay nalalaman mo nang isang kapangahasan ang isama ka sa aming tirahan. Lalo na’t hindi kita kasintahan o kapatid.”

“Bakit namumula ang iyong labi? Sabihin mo nga… nagpapaganda ka ba para sa’kin?” pang-aasar ni Mateo na may namumuong ngisi sa mga kan'yang pagmumukha nang mapansin ang labi ni Vahlia na pilit dinampian ng atsuete kanina ni Estrella.

“Isipin mo ang gusto mong isipin. Ano? Saan mo na naman ako dadalhin ngayon?”

“Hindi tayo hahantong sa ganito kung tunay nga ang iyong pagdududa sa totoong nararamdaman ko sa iyo, hindi ko alam kung ano ang gayumang ginawa mo sa akin noong una tayong magkita. Sa puntong nasilayan ko ang iyong magagandang mga mata ay hindi ko na magawang lumingon pa sa iba, kakatuwang nang sinaktan mo ako at batuhin ng bato ay hindi ko na alam kung papaano pa lumayo sa iyo. Mahal kita, iyon ang tanging isinisigaw ng aking puso, hindi ako nangangarap na ako’y mahalin mo pabalik ngunit patuloy akong aasa’t maghihintay sa iyong tugon. Hindi ako mapapagod, mi Tigresa.”

                Mga salita at boses ni Mateo na nagpapaulit-ulit sa isipan ni Vahlia, kasabay ng patuloy na pagtulo ng mga luha mula sa mga mata nito. “Nagtitiwala ako sa iyo, Mateo. Alam kong hindi mo ito magagawa sa akin.” Sa pagpikit ng kaniyang mga mata ay ang paglalakad niya pabalik kay Morticia. Nang makasakay na siyang muli sa kabayo ay sinulyapan niya sa huling pagkakataon ang isang palumpong ng gumamela na sabay nilang itinanim noon tabi ng puno kung saan sila unang nagkita.

“Kapag sumibol at namulaklak ito, ang ibig sabihin niyon ay maaari kang humingi ng isang kahilingan mula sa akin,” nakangising sambit ni Mateo sa kan'ya nang tuluyan na nilang maitanim ang gumamela. Nakataas naman ang kilay ni Vahlia nang harapin niya ang asawa, walang anu-ano’y ipinahid nito sa kaliwang pisngi ni Mateo ang putikang kamay.

“A-Ahh, napakarumi naman ng kamay mo. Kahit kailan talaga,” napapailing na reklamo ni Mateo habang naglalakad papalapit sa ilog at hugasan ang putikang pisngi.

“Eh? Kasalanan ko bang nagmumukha kang taong putik?” Tumayo si Vahlia at sumunod kay Mateo. “Sigurado ka? Kahit ano?”

“Pinagdududahan mo ba ang katapatan ko?”

             Inilapit ni Vahlia ang kamay sa malinaw na tubig at hinugasan ito. “Hindi naman. Nga pala, hindi ka pa yata nakaliligo ngayong araw,” puna nito.

“Hindi pa nga, ngu—ahhh!” Napasigaw na lamang si Mateo nang bigla siyang hilahin ni Victoria sa tubig. At sa malalim na parte pa!

“Huwag ka ngang ngumawa, alam ko namang marunong kang lumangoy.” Nakalublob ang buong katawan ni Mateo sa tubig at nagpupumiglas na tila nalulunod, napapatawa na lamang si Vahlia sa pag-aakalang pagkukunwari lamang iyon ni Mateo ngunit maya-maya pa’y tila hindi na gumagalaw ang katawan nitong nasa ilalim ng tubig. Sa pag-aalala ay agad na pumailalim si Vahlia at iniahon paitaas si Mateo.

             Mas lalong itong kinabahan nang makitang tila hinimatay si Mateo. Sa pagkataranta ay agad niyang ipinosiyon ang dalawang kamay sa may dibdib ni Mateo upang simulan ang cardiopulmonary resuscitation, ngunit nang umabot na siya sa puntong itataas na niya ang baba ni Mateo at ilapit ang sarili ay biglang nagmulat ang lalaki kasabay ng paglabas ng mapaglarong ngisi sa kan'yang labi. “Anong ibig mong gawin? Pinagsasamantalahan mo ba ako?”

“Anak ng tokwa! All this time you were just pretending?” pasigaw na protesta ni Vahlia at akmang sasampalin si Mateo nang mabilis itong nahagip ng lalaki.

“Sandali, bakit ikaw pa ang galit? Hindi ba’t ikaw ang siyang nauna? Kung hindi mo ako hinila sa tubig ay—”

“O-Oo, paumanhin,” nakayukong tugon ni Vahlia. “Tungkol nga pala sa hiling na sinasabi mo,” muli ay nag-angat siya ng tingin at salubungin ang mga tingin ng lalaki. “Maaari bang ipangako mong hindi mo ako kalilimutan kahit anong mangyari, Mateo Villamarquez?”

Whiteknight Magico

hola! magandang gabi! mayroon lamang po akong kaunting kahilingan... kung maaari lang naman huehue... please vote, leave a gem for this story.... Maraming salamat!

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status