Share

Capitulo Veintiséis: Babalik

                   Masiyadong madilim ang malamig na gabi, idagdag pa ang malakas na buhos ng ulan ngunit hindi ito alintana ni Vahlia. Patuloy na tumakbo ang kabayo hanggang sa makatapat na nila ang malawak na dagat. Malakas ang hampas ng alon, maging ang kulog at kidlat ay nakikiayon sa pangyayari. Pagbaba nito sa kabayo ay agad itong lumapit sa mataas na bangin, sa ibaba na nito ay ang dagat.

“Ito ba? Ito ba ang dahilan kung bakit ako napunta sa panahong ito? Para masaktan?” sigaw niya sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Umihip ang hangin sa direksyon nito, dahilan upang matanggal nang tuluyan ang balabal na kan'yang suot. Patuloy pa rin ang mga luhang rumaragasa mula sa kan'yang mga mata, napapaluhod na siya sa sobrang panghihina.

                  Magkahalong galit at pighati an gang namumutawi sa buong kalooban niya. Tanging pag-iyak sa harapan ng galit na karagatan ang kan'yang nagagawa. Walang ibang pumapasok sa kan'yang isipan kung hindi ang ilabas lahat ng sakit at humagulhol kasabay ng pagbagsak ng nagbibigatang butil ng ulan.

“Nagpadala ako ng sulat, hindi ka na dapat pumunta pa rito. Ito na ang magiging huling pagkikita natin, Victoria. Paumanhin ngunit hindi ikaw ang tunay na itinitibok ng aking puso. Babalik ako, ngunit hindi upang makasama ka.”

                    Malabong lahat sa kan'yang paningin, ngunit ang lalaking kaharap niya ngayon ay batid niya kung sino. Mula sa buhok nito at suot na mga damit, hanggang sa tindig at boses ay hindi maipagkakaila.

“M-Mateo?” nanghihinang banggit niya bago bumigat at magsarang tuluyan ang kan'yang mga mata.    

*****

“Victoria? Victoria! Mabuti’t nagmulat ka na, dalawang araw kang walang malay at napakataas din ng iyong lagnat. Maayos na ba ang pakiramdam mo ngayon?” tanong ni Cielo nang mapansing gumagalaw na nga si Vahlia na maya-maya pa’y nagmumulat na rin ng mata.

                ‘Anak ng—Bakit nandito pa rin ako?’  nagtatakang tanong niya sa kan'yang isipan. Nanlalaki ang mga mata na hindi makapaniwala sa nakikitang ito, pagkat nasa sinaunang panahon na naman siya gayong kanina lang ay nakabalik siya sa taon kung saan siya nanggaling.

“Vahl! Saan ka ba nanggaling? Ano bang pinag-usapan ninyo ng babaeng ‘yon?” tanong ng kaibigan niyang si Skye nang makita si Vahlia na kalalabas pa lamang ng silid. Agad namang tinignan ni Vahlia ang sarili sa salamin na nasa estante at sinipat-sipat ang mukha, maging ang ayos ng buhok at suot na mga damit.

                Walang pinagbago ang kabuoang anyo niya. Suot niya pa rin ang itim na leather jacket, berdeng t-shirt, , maong na pantalon, at ang combat boots nito. Nakalugay ang umaalon-alon nitong buhok at tanging isang pulang clip ang humahawak sa ilang hibla ng kan'yang buhok.

“S-Skye?” Nang lingunin niya ang pinanggagalingan ng boses ng kaibigan ay agad itong napatakbo papalapit sa kaniya na siya namang ikinagulat ni Skye, “V-Vahl, Bakit? Parang di tayo nagkita ng limang taon ah. Ano bang meron?”

“I-I just don’t—Oh my, hindi lang ako makapaniwalang n-nakabalik na ako.” Isang mahigpit na yakap ang ginawa ni Vahlia nang makalapit na siya kay Skye na ngayo’y kunot na kunot ang noo sa hindi maipaliwanag na asta ng kaibigan.  “Eh? Nakabalik? Wala pa ngang kalahating oras kayo nag-usap ng ate Sol na iyon, ano bang nangyayari sa’yo?”

              Hindi naman sumagot si Vahlia nang alisin na nito ang mga kamay at humakbang papalayo, ngumiti ito at umiling na lamang. “Bahala ka, Vahl. Pero mauuna na ako kung ayaw mong sumabay sa’kin. Hihintayin ka namin sa baba nila Jude.”

“S-Sige, may titignan lang muna ako,” sagot ni Vahlia bago tumalikod at maglakad papunta sa isang pasilyo ng silid-aklatan. Nang makalayo na si Skye ay isang bagay ang sumagi sa kan'yang isipan. 

              Ito ang silid-aklatan ng mga Villamarquez, at wala siyang nalalaman tungkol rito. Ni hindi niya napuntahan ang parteng ito noong nananatili pa lang siya sa sinaunang panahon. Napapatanong na siya kung kailan napagawa at naipatayo ang silid-aklatang ito. Isang naiibang pinto ang bumungad sa harapan ng pasilyong tinatahak niya, kakaiba ang pagkakalilok sa disenyo ng pintong iyon.

             Wala sa sariling hinawakan niya ang busol (doorknob) at marahang pinihit ito hanggang sa tuluyang bumukas ang entrada ng silid na iyon. Sa isang iglap ay tila napako siya sa kinatatayuan, nakatungo ang kan'yang mga mata sa isang painting sa pader. Dalawang taong kapwa nakapustura at napakaaliwalas, sa gitna ay isang sanggol, si Mateo at Milagros ang nasa larawan!

“Hindi pa ito ang takdang oras, binibining Vahlia. Siguro’y kinakailangan mo ng kaunting pahinga, ngunit aking ipinapabatid na hindi pa ito ang kasukdulan ng inyong kuwento. Ang nakikita mong ito ngayon ay dulot ng iyong pilit na pag-alis mula sa iyong misyon. Maaari mong mabago ang kinahinatnang ito kung babalik ka’t aayusin ang lahat,” boses na nagmula sa isang babaeng nakaupo sa isang upuang nakaharap sa bintana. Hindi man nito makita ang mukha ng babaeng iyon ngunit sa boses pa lamang ay alam na niya kung sino.

“Bakit? Ano po bang kinalaman ko sa kuwento ni Victoria at Mateo? H-Hindi naman po ako kabilang sa panahon nila, w-wala akong karapatang manatili. Kahit hindi ko man tanungin ay imposibleng maipagpatuloy ko pa ang misyon.” Sa bawat paghakbang ni Vahlia papalapit kay ate Sol ay ang panginginig ng kan'yang katawan sa hindi maipaliwanag na dahilan. Hindi ito pinansin ni Vahlia at nagpatuloy sa paglalakad kahit pa nagsisimula na namang manlabo ang kan'yang paningin at nagbabadya ang mga luhang ano mang oras ay papatak mula sa kan'yang mga mata.

“Kahit saang anggulo tignan ay ako ang magiging hadlang sa buhay ni Mateo, madudurog ako nang tuluyan kapag bumalik pa ako doon! Nagtitiwala akong hindi niya magagawa ang bagay na iyon ngunit tila ako’y nasa isang nakalathalang nobela. Bakit parang sinasadya ng tadhanang sirain ang lahat ng tiwala ko sa kaniya?”

              Nanatiling nakatungo ang tingin ni ate Sol sa malawak na hardin sa labas, animo’y walang pakialam sa lumuluhang babae sa kan'yang tabi. Akmang hahawakan na ni Vahlia ang balikat ng nakaupong si ate Sol nang biglaan siyang napaluhod sa tindi ng panginginig ng kan'yang katawan. Tila nilalamig na mabigat ang pakiramdam, pinagpapawisan at nanghihina. Gayunpaman ay pinilit niyang magsalita.

“I-Ibabalik ni'yo pa po ba ako? B-Bakit pa?” nanghihinang tanong ni Vahlia nang mapansin ang muling pagsilay ng liwanag mula sa suot niyang pulang kuwintas at ang pagkumpas ng kamay ni ate Sol. Maya-maya pa’y nandidilim ang dati’y marilag na sikat ng haring araw sa labas. Sa puntong ito ay kinabahan si Vahlia, nang iniangat niya ang ulo ay sumalubong ang nakangiting mukha ni ate Sol sa kaniya.

“Wala pa sa sukdulang kabanata ang lahat. Kinakailangan mong maging matatag, hindi ikaw ang siyang nakikita kong mahina at duwag na Binibini sa aking harapan. Hindi ikaw ang kaharap ko ngayong umiiyak at nagmamakaawa. Hangga’t sumisikat ang araw ay hindi pa nawawala ang natitirang pag-asa. Hanapin mo ang katotohanang ikinukubli ng kabanatang ito. Matutulungan ka niya at matutulungan mo siya. Hasta nuevamente, Vahlia Medrano. Confío en ti. (Hanggang sa muli, Vahlia Medrano. Nagtitiwala ako sa iyo.)”

“H-Huwag! P-Pakiusap—” Kahit gaano pa piliting magsalita ni Vahlia ay wala ng boses ang lumalabas sa kan'yang bibig na tila namamaos. Ang kabuuan niya ay unti-unting naglalaho kasabay ng paglakas ng liwanag na nagmumula sa pulang kuwintas. Sa tuluyang pagbabalik ni Vahlia sa nakaraang taon ay isang patak ng kan'yang luha ang tumulo sa kinatatayuan niyang kahoy na sahig.

“Dalawang araw? Paanong dalawang araw?” nagtatakang tanong ni Vahlia habang inaayos ang pagbangon mula sa higaan. Inilibot nito ang buong paningin sa silid na kinaroroonan, mukhang nasa bahay-panuluyan pa rin sila.

“Oo, kanina ay nagpaalam na si ginoong Javier. Tutungo silang dalawa ni Milagros sa Mexico. Maiiwan naman daw pansamantala si ginoong Andrada at aasikasuhin ang mga papeles. Isang sulat naman ang ibinigay ni Milagros, hindi ko alam ngunit tila may kung anong mahalaga sa sulat na iyan. Ibinigay iyan ni Milagros sa akin, para sa’yo raw ngunit kalagitnaan na ng gabi nang iabot niya itong sobre.”

“Kailan niya ito ibinigay?” mahinang anas niya habang inaabot ang kayumangging sobre. Nanghihina pa rin siya dala ng pagkakasakit niya nitong nagdaang dalawang araw. Sinisipon at namamaos ang boses.

“Kagabi lamang,” sagot naman ni Cielo. “Sa mga bagay na isiniwalat ni Milagros nang gabing iyon, ano na ang sunod ng gagawin, Victoria?”

              Nag-angat ng tingin si Vahlia sa tanong na iyon ni Cielo, “Babalik… Uuwi na tayo ng Isla Oriente. Kung kagustuhan ni Mateo na bumalik, babalik siya. Maghihintay ako.” Kasabay niyon ay ang pilit na pagngiti ni Vahlia. ‘Hihintayin ko ang tunay na katotohanang ikinukubli ng kabanatang ito,’ aniya sa kan'yang isipan.

“Ibig mo bang sabihin ay mananatiling lihim ang tungkol sa bagay na ito?” Tumango naman si Vahlia bilang tugon sa katanungang iyon ni Cielo, “Nais kong makitang muli ang kan'yang mga mata, sagot na manggagaling sa kaniya ang nais kong dinggin. Ang mga matang iyon ang siyang paniniwalaan ko at hindi isang liham at tanging boses niya lang ang aking naririnig. Nagpakita siya sa akin nang gabing iyon.”

“Sino?”

“Si Mateo… kinausap niya ako. Ang mga katagang lumabas sa kan'yang bibig ay tulad ng mga pangungusap na nakasulat sa liham na kan'yang ipinadala. Nakapandududa ang lahat ng ito, Cielo. Hindi ba?” Sa labis na panghihinang dulot ng trangkaso ay napapikit na lamang si Vahlia. “Uuwi tayo ng Isla Oriente mamayang hapon.”

“Ha? Napakalakas naman yata ng tiwala mo sa iyong sarili. Sa kalagayan mong ito, sa tingin mo ba’y kakayanin mo ang dalawang araw na biyahe?” Tulad ng dating asta ni Cielo ay nagbalik na ulit ang pagiging mataray nito.

“Sabihin mo nga, ano na lamang ang magiging tugon nila kapag nalamang higit limang araw na tayong naririto sa Tayabas?”

“Magpahinga ka na muna. At kapag naging maayos na ang iyong pakiramdam ay saka na tayo uuwi.” Tumayo si Cielo mula sa pagkakaupo sa silya at naglakad papalapit sa pinto palabas ng silid na kanilang inuupahan.

             Tumango naman si Vahlia at kinapa ang kinaroroonan ng sobreng naglalaman ng liham ni Milagros sa kaniya. Nang mapasakamay na niya ito ay hindi na siya nag-atubiling buksan na ang sobre. Kulay ng kahoy ang disenyo ng sobre at mayroon ring ilang tuyong dahon na nakadikit. Kumunot ang noo nito nang makitang apat na linya ng mga pangungusap ang nilalaman ng liham.

“ Mapanlinlang na anino,

Tunay na hunyango’y mailap.

Nagbabadya ang hindi inaasahan

Ang simula ng wakas… ”

*****

“Bienvenido de nuevo. Es bueno que estés aquí porque es muy difícil encontrar una excusa y dar una razón para tu repentina desaparición. (Maligayang pagbabalik. Mabuti't naririto na kayo pagka't napakahirap nang maghanap ng idadahilan at magbigay ng rason sa inyong biglaang pagkawala.)”

             Pagdaong ng bangkang sinasakyan nina Vahlia at Cielo sa pantalán ng Isla Oriente ay hindi inaasahang nag-aabang sa kanila ang bunsong kapatid ni Cielo na si Guadalupe. Isa’t kalahating araw naman ang biyahe nila mula Tayabas hanggang Isla Oriente kung kaya’t higit isang linggo na ang lumipas.

“Narito ka pala, Guadalupe. Mag-isa ka bang pumunta rito?” tanong ni Vahlia nang tuluyan na silang makalabas ng bangka.

“Kasama ko si Ina, naroon siya sa palengke. Masuwerte namang nalaman ko kaagad ang inyong pagdating at nang masabihan ko kayo sa mga nangyari rito sa Oriente,” nagmamayabang na sambit ng bata at pareho silang iginiya sa may dalampasigan.

“Oh? Mayroon bang nangyaring masama nitong mga nagdaang araw?” nagtatakang tanong naman ni Cielo sa kapatid na siya namang nilingon nito.

“Kalat na sa buong bayan ang pagbabalik ng mga Dela Cerna.” Nang banggitin ni Guadalupe ang apilyidong iyon ay kakaibang kaba ang sumiklab kay Vahlia. Lalo na nang matalim na tingin ang ibato sa kaniya ni Guadalupe. “At ang mga Esperanza ang pakay nila. Usap-usapan din ang nakaraang kasunduan ng isa sa mga Dela Cerna kay Victoria Esperanza. Ate Victoria, ibig nilang buwagin ang kasunduan ng mga Esperanza at Villamarquez. Kumakalat na rin sa buong bayan ang patungkol sa inyo ng isa sa mga Dela Cerna, na isa raw po kayong kahihiyan sa inyong angkan.”

“A-Ano? P-Paanong—Saan ba nanggagaling ang mga iyan?” naiiritang anas ni Cielo habang si Vahlia ay nananatiling tahimik at pilit na iniisip ang mga sinasabing iyon ni Guadalupe. Nahihinuhang nabanggit din ni Estrella ang tungkol sa isang Dela Cerna noon na naging parte ng nakaraan ni Victoria. ‘Paano nga kung totoong—’

“Ibinulgar ng isang katiwala ng mga Esperanza ang tungkol sa inyo ng isa sa mga Dela Cerna.”

“Ano ang tungkol sa amin?” tanong ni Vahlia.

“Nababahiran ng madugong nakaraan ang karangyaang taglay ng iyong pamilya, ate Victoria.” Nanlaki ang mga mata ni Victoria sa narinig, paulit-ulit na umiling.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status