Share

Kabanata 3

NOON naalala ni Lorenzo ang nakasukbit na bag sa balikat. Sa sobrang galit nang makita ang dating kaibigan at ang asawa ay nalimutan na niya ang nakuhang pera mula kay Vicente. Ngayon lang niya naalala ang perang resulta ng kasunduan nilang pag-ako ng responsibilidad sa negosyo ng mga Villaverde.

"Heto na ang perang ipinautang mo!" Mahina man ang boses para hindi magising si Lorena ay siniguro ni Lorenzong may diin at anghang ang pagkakabanggit ng bawat kataga. Ihinagis niya ang maliit na bag sa mukha ni Peter. Nasalo naman agad iyon ng lalaki.

"Nagnakaw ka?! Saan galing ang pera?" Hinablot ni Princess ang bag na hawak ni Peter at sinilip ang laman.

"Sabi ko naman sa 'yo, pwedeng ako na ang magpahiram. Baka kung kanino mo na naman inutang itong pera at mabaon pa kayo lalo--" Sadyang kinapalan ni Peter ang mukha niya para malumanay na sabihin ang mga salitang iyon. Seryoso ang ekspresiyon at nagpapanggap na mabait para mas mahumaling sa kanya ang inaakit na si Princess. Alam niyang kaunting udyok na lang ay bibigay na ito sa gusto niya, ang hiwalayan ang asawa. Handang ampunin ni Peter si Lorena para lang makuha si Princess kay Lorenzo.

"Kita mo na, matulungin ang kaibigan mo. Ikaw lang itong mapaghinala."

Napapikit si Lorenzo sa tinuran ni Princess. Bigla siyang nanghina at pinili na lang lumakad papunta sa tabi ng anak at haplusin ang buhok nito. Nang mapansin na nakatingin sa kanya ang dalawang kasama sa silid ay saka lang siya muling nagsalita. Tinitigan si Peter na kung nasa ibang lugar lang sila at sitwasyon ay baka tuluyan na niyang napatay.

"Kuhanin mo na 'yang pera at umalis ka na. Sana huwag na tayong magkita ulit, Peter."

"Ihahatid na kita," bulong ni Princess nang hindi na tumanggi pa ang bisita.

Hindi na pinansin ni Lorenzo ang dalawa. Alam niyang wala ng pag-asa ang relasyon nilang mag-asawa pero para sa anak ay pilit niyang nilalabanan ang udyok ng isip at pusong tapusin na ang lahat.

"Anak, pasensiya ka na, marami lang inasikaso si Papa. Malapit ka nang gumaling, Baby ko," bulong ni Lorenzo habang tinititigan ang mala-anghel na mukha ng unica hija. Magkahalong features nilang mag-asawa ang nakuha ng bata kaya't maraming nagsasabing mukha raw itong anghel at manika. Napakagandang bata ang laging sinasabi ng mga taong nakakakita kay Lorena.

Ang anak niyang miss na miss na niya ang boses at tawa. Dahil sa tuwing magigising ang bata ay umiiyak ito at d*******g ng sakit, palaging nilalagyan ng pain reliever at pampatulog ang swero niya. Naramdaman ni Lorenzo ang pagtulo ng mga luha. Pinigilan niyang tuluyang maiyak dahil ayaw niyang magpakita ng kahinaan ngayon kay Princess pagbalik nito. Masyado nang nayuyurakan ang pagkatao niya ng babaeng pinakamamahal niya. Nang bumalik na ito ng silid ay walang pagaalinlangan pa siyang pinagsabihan.

"Hindi mo ba sasabihin sa 'kin kung saan galing ang pera? Kung magmakaawa na lang tayo at bumalik sa poder nila Papa at Mama baka makahiram pa tayo ng pera. Siguradong mataas ang interes niyang inutangan mo. Saang lupalop ng mundo magpapautang ng kalahating milyon ng gano'n lang? Renzo, makinig ka naman sa 'kin. Sana humingi ka na lang ng tawad sa mga magulang ko para tanggapin na tayong muli."

Napatingin si Lorenzo kay Princess. Matapos ang lahat ng pinagtalunan nila sa araw na iyon ay dadagdagan pa niya ng pangungulit sa isang bagay na wala siyang planong gawin kahit putulan pa siya ng kamay at paa. Hindi siya kumibo at pinagtuunan lang ng pansin ang anak.

"Sige kung 'yan ang gusto mo. Pagkatapos ng operasyon ni Lorena, maghiwalay na tayo."

Hindi pa rin sumagot si Lorenzo. Ilang beses na ba siyang hinamon ng hiwalayan ni Princess? Hindi na niya mabilang.

Napagtanto niyang naka-casual wear lang ang asawa, senyales na hindi ito aalis sa ospital.Dahil dito kaya't napagpasiyahan niyang pumunta ng opisina. Nakauniporme naman na siya at wala na rin naman siyang magagawa sa ospital kung hindi maghintay. Magkakairingan pa silang dalawa kung mananatili siya roon.

Lumabas siya ng silid at sumakay ng taxi papunta ng opisinang pinagtatrabahuhan niya bilang Delivery personnel.

"O, Renzo. Buti pumasok ka. Kumusta ang anak mo?" tanong ng guwardiyang si Esteban nang mag-time in na si Lorenzo.

"Ooperahan na bukas ng hapon. Laging pinapatulog dahil sa sakit kaya hindi na muna ko nag-stay doon."

"Sige buti na rin pumasok ka. Walang magdedeliver ng mga items ngayon. Urgent pa naman ito. Tatawag na nga sana si Boss sa agency ng pandandaliang tauhan dahil wala rin si Isko." Si Isko ang kasamahang delivery at errand boy ni Lorenzo sa kumpanya.

"Sige kunin ko na ang mga parcel sa storage."

Ilang minuto ring inayos ni Lorenzo ang mga pakete at kahon na idedeliver niya para sa araw na iyon na ang mga laman ay mga imported at local na damit at sapatos na inorder mula sa online store ng kumpanya.

Palabas na siya ng storage room ng mga damit at tulak ang trolley kung saan nakapatas ang mga ihahatid na produkto nang makita niyang may pumasok sa katapat na storage room ng mga accessories. Nagtaka siya dahil wala dapat ibang tao roon. Iniwan niya ang trolley at marahang sumilip sa kabilang silid.

Nanlamig ang buong katawan ni Lorenzo nang makita ang nagaganap sa loob. Si Janet na ka-live in at girlfriend ng kaibigan niyang si Arnold ay may kahalikang lalaki sa storage room. Hindi maipagkakailang may relasyon ang dalawa dahil sa kapusukan ng pagniniig ng mga labi.

"Janet?! Anong ginagawa mo? Alam ba ni Arnold 'yan?" Hindi niya natiis kaya't lumapit at sinita niya ang babae. Malaki ang utang na loob niya kay Arnold at hindi niya maatim na hindi aksiyonan ang nangyayaring pagtataksil sa kaibigan. Si Janet naman ay panandaliang natigilan bago itinulak ang lalaking kasama. Hindi kilala ni Lorenzo ang lalaki. Hindi sa opisinang iyon nagtatrabaho ang lalaki. Baka may dinala lang o dinalaw at saka natipuhan nang makita ni Janet. Dali-daling umalis ang lalaking iyon at naiwan silang dalawa ni Janet sa loob ng storage room.

"Wala kang pakialam sa 'min ni Arnold! Huwag na huwag mong sasabihin ang nakita mo kung ayaw mong tuluyan ka nang layuan ng kaibigan mo." Matapang si Janet. Hinding-hindi siya aamin kahit magkabukuhan pa sila. Para sa kanya, wala siyang ginagawang masama dahil sa bahay ni Arnold pa rin naman siya umuuwi araw-araw. Naghahanap lang siya ng fun and excitement sa buhay at nagambala iyon ni Lorenzo.

"Pupuntahan ko si Arnold at sasabihin ko ang ginawa mo. Ang lakas ng loob mong pangaralan ako pero ikaw pala itong umaabuso sa kaibigan ko."

Ngumisi si Janet at saka umiling. Noon napansin ni Lorenzo na sa paglapit niya sa dalawa at paglayo ng lalaking kahalikan ni Janet, paatras na lumakad ang babae papunta sa may pintuan.

"Sige kung mauunahan mo 'ko." Itinaas ng babae ang susi ng storage room at saka mabilis na lumabas at isinara ang pinto. Naikakandado ang storage room mula sa labas at ganoon ang ginawa ng walang hiyang babae.

"Shit naman talaga! Kung mamalasin ka nga naman!" Kumatok si Lorenzo sa pintuan at pilit na binuksan ang door knob, ngunit walang nangyari.

"Tulong! Pakibuksan ang pinto! Tulong!" Ang cellphone niya ay wala ng load kaya't hindi na rin siya makakatawag sa kahit na sino. Walang ibang nagagawi sa lugar na iyon ng storage room dahil nakahiwalay ito ng palapag sa ibang departemanto ng opisina. Nang treinta minutos nang kumakatok si Lorenzo at wala pa ring makarinig sa kanya, naupo siya sa sahig at tinutop ang mukha. Nasa ganoong ayos lang siya nang may magbukas ng pintuan.

"Lorenzo! Nandito ka lang pala. Ano itong nabalitaan kong hindi mo nai-deliver ang mga items ngayon?!"

Napatayo siyang bigla nang makita ang manager niyang nakatayo sa harapan niya.

"Boss Chester, na-lock ako hindi ako makalabas." Tangka niyang magpaliwanag ngunit mukhang umuusok ang tainga at ilong ng lalaking amo sa galit. Kahit obvious namang nakulong nga siya sa silid na iyon ay hindi pa rin tinanggap ang paliwanag niya.

"Lagi ka na ngang wala, pumalpak ka pa! Dalawang daang libong piso ang mawawala dahil hindi mo naideliver ang mga items! Urgent ang mga iyon kaya nga kung hindi ka dumating kahit ako na ang magdeliver! Umasa lang pala ako sa wala! Akala ko nadala mo na dahil dalawang oras na ang nakalipas pero tumawag ang kliyente at galit na galit! Ipu-pull out na ang lahat ng transaksiyon dahil sa kapalpakan mo! Wala ka nang ginawang tama! Lagi ka na lang pabigat sa mga tao sa paligid mo!"

Nagpantig ang tainga ni Lorenzo. Biglang bumalik sa kanya lahat ng nangyari sa nakaraan. Siya ang nagtayo ng RV Retails. Nalugi lang ito at ibinenta niya sa dating kaklase na ngayon ay Big Boss na niya. Walang kinita si Lorenzo sa pagbenta dahil malaki ang utang niya at interes sa mga bangko nang tangkain niyang mag-expand ng negosyo. Dahil sa ayaw niyang mawalan ng pagkakakitaan ay nag-apply siya bilang normal na empleyado. Tiniis niya ang panghahamak ng iba para lang masigurong may trabaho pa rin siya. Alam niyang walang ibang tatanggap sa kanya dahil fresh out of college ay nagtayo siya ng sarili niyang kumpanya galing sa perang ibinawas sa kanyang pamana. Tiniis niyang manatili sa kumpanyang itinayo niya bilang delivery personnel dahil iyon ang posisyong ibinigay sa kanya ng bagong may-ari.

"Sinadya ko bang ma-lock dito sa loob?! Nakita mo naman siguro na palabas na ang mga items mula sa kabilang storage. Isa pa, may sakit ang anak ko at gugustuhin ko bang tumambay dito ng dalawang oras?!" Napahilamos siya ng mukha sa sobrang inis.

"Aba, malay ko kung anong nangyayari sa buhay mo! Hindi ko obligasyon na alamin ang---"

"Pusang gala! Wala na bang ibang kamalasan pa sa araw na 'to?!" iritableng sigaw ni Lorenzo habang nakasabunot sa sariling buhok. Sa sobrang inis niya at patong-patong na galit ay halos mapuknat na ang anit niya sa pagkakahila niya ng buhok.

"Ano namang drama 'yan? Kung ayaw mo na magtrabaho sabihin mo lang para makahanap na 'ko ng kapalit. Tutal hindi ka naman talaga mapakinabangan!"

"Sige! Humanap ka na ng utusan mo dahil aalis na 'ko rito! Nagre-resign na 'ko. Consider this as my formal oral resignation! Lintek na buhay 'to!" Gigil na gigil na sabi ni Lorenzo. Naiwang nakanganga si Chester sa gulat. Hindi makapaniwala na sinigawan siya ni Lorenzo at nag-resign pa ito sa trabaho.

Habang naglalakad si Lorenzo palabas ng building ay tumunog ang kanyang cellphone. Eksakto sa kailangan niya ang pangyayaring iyon.

"Hello, Vic. Ang RV Retail, bilhin natin ngayon na. Nandito ako at gusto kong maibalik sa 'kin ngayon ang kumpanyang itinayo ko."

Narinig ni Lorenzo ang mahinang tawa mula sa kabilang linya. Hindi iyon tawang nanunuya kung hindi pagkaaliw ni Vic sa sinabi niya.

"Sure! Wait I'll fix this. Mukhang pinainit nila ang ulo mo. They will be very sorry for that. Hold on. I'll call you back in fifteen minutes. I'm also around the area kaya pwede akong magpunta diyan ngayon." 

Ibinaba ni Lorenzo ang tawag at dire-diretsong lumabas ng building na iyon. Tumayo lang siya sa may harapan ng building at tumitig sa fountain na umaagos sa signboard ng building na inuupahan ng RV Retail. Sampung minuto lang ay may pumarada na itim na Range Rover sa harapan niya. Bumaba ang tatlong lalaking nakaitim. Ang isa ay binuksan ang pintuan ng sasakyan kung saan agad na lumabas ang dati niyang tagapag-alaga.

"Vic."

"I bought it already. Mabilis naman palang kausap ang may-ari. Na-wire transfer ko na rin ang pera. I'll be meeting him here now. May meeting lang daw siya."

Alam ni Lorenzo na papayag kaagad ang Big Boss kung may bibili sa RV Retail dahil laging break-even lang ang kumpanya. Hindi pa ito profitable kagaya ng inaasahan.

Papasok na sana sila sa loob nang mag-ring ang phone ni Vic.

"Wait lang. Mauna ka na sa loob sasagutin ko lang 'to."

Tumango si Lorenzo at sinunod ang sinabi ni Vic. Dumiretso siya sa isa sa mga sofa sa lobby ng building. Nakaupo na siya nang eksakto namang lumabas ng elevator ang Manager na si Chester. Sa pwesto ni Lorenzo ay imposibleng hindi siya makikita ng mga taong lalabas mula sa elevator.

"O, akala ko ba lalayas ka na at nag-resign ka na? Bakit nandito ka pa?! Umalis ka na! Bawal ang walang kwenta at palpak dito! Higit sa lahat bawal dito ang tambay!" nakatikom ang kamaong bulyaw ng manager kay Lorenzo.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status