Share

Kabanata 2

KINABUKASAN, nagtungo si Lorenzo sa building ng opisina ni Vic gaya ng napagusapan nila. Galing siya sa ospital at ang damit lang na nadala ng misis niya na pamalit ay ang uniporme niyang pang-delivery man kaya't iyon lang ang naisuot niya.

"Good morning. May appointment ako kay Mr. Vicente Santiago."

Nagulat si Lorenzo nang taasan siya ng kilay ng babae sa reception area ng LV Corporation.

"Ano namang mapapala ng Chairman namin kung makikipag-appointment sa delivery man?" Sarkastikong sagot ng babae.

"Miss, pakitawagan mo na lang. Alam niyang pupunta ako." Sinubukan ni Lorenzo na maging mahinahon ngunit sadyang sinusubukan ng mga tao ang pasensiya niya.

"Wala si Chairman. I bet kung nandito 'yon hindi ka rin kakausapin. Kung may idinideliver ka diyan na mga parcels at sulat, sabihin mo na para makaalis ka na. 'Wag ka na magpanggap na may appointment ka sa Chairman baka kung anu-ano lang ideliver mo."

Napanganga si Lorenzo at saka nakaisip ng paraan para maging maayos ang lahat.

"Manager mo. Pakitawag."

"Nandito na 'ko. Anong kaguluhan ba 'to?" Isang lalaking maliit na malaki ang tiyan ang lumapit sa kausap ni Lorenzo na receptionist.

"Sabi niya may appointment siya kay Chariman Santiago."

Kagaya ng reaksiyon ng receptionist ang naging sagot ng manager.

"Alis na bago ka pa ipadampot sa mga guard."

"Sige. Aalis na 'ko." Tumalikod si Lorenz at kinuha ang cellphone mula sa bulsa. May load pa rin naman iyon. Hinanap ang numero na nilagay ni Vic sa kanyang phone at saka idinial ito.

"Senyorito, nasaan na kayo?"

"Sinabi na ngang huwag na Senyorito. Minsan naman Lorenz lang, bakit ngayon senyorito?" Napalingon pa siya para tingnan kung may nakarinig ba. Nang masigurong wala ay saka muling nag-focus sa kausap.

"Old habits. So, nasaan ka nga?"

"Nasa baba. Hindi ako pinapaakyat."

"Oh my God! Sandali bababa na 'ko."

Habang naghihintay si Lorenzo ilang hakbang mula sa reception area ay nagbubulungan pa rin ang manager at ang receptionist.

"Sir Lorenz! Kanina ko pa po kayo hinihintay sa taas. Sinong nagbawal sa inyo na umakyat?" Malakas ang sigaw ni Vic nang naglalakad na ito palapit kay Lorenzo. May anim na nakaitim siyang bodyguards na kasama. May isang babae na nakasalamin at mukhang iyon ang Executive Assistant nito.

"Chairman--" sabay na bulong ng dalawang nasa Receptionist Area.

"Kayo ba?" Baling ni Vic sa dalawa na tila namumutla na dahil sa takot.

"Sila nga. Baka daw kasi kung anu-anong ideliver ko sa 'yo, Chairman," iritableng sagot ni Lorenzo. Sa mga panahong nagmamadali siya ay saka pa maraming mga sagabal sa landas niya.

"Both of you are fired effective immediately! This man here owns everything here including those uniform and badges that you're wearing! He's the sole owner and heir of LV Corporation! How dare you humiliate and reject our boss!" Dumagundong ang boses ng Chairman.

Hindi na narinig nina Lorenzo at Vic ang gulat na reaksiyon at pagmamakaawa ng dalawang nasisante sa trabaho dahil dumiretso na kaagad sila sa opisina ng Chairman kung saan naghihintay rin ang abugado ng mga Villaverde.

"Here is the final draft of the agreement and your grandfather's last will. We will be sending an official message to the executives that our real CEO and owner of LV Corporation finally accepted the position," wika ng abugado na sinangayunan naman ng Chairman.

"This is my dream come true! Sigurado rin akong nakangiti sa 'yo ang mga magulang mo at Lolo mo," nakangiti at masayang sabi ni Vic.

Alam ni Lorenzo na wala na siyang magagawa kung hindi ang tanggapin ang kapalaran na pilit niyang tinakasan. Lahat ng iyon para maipagamot ang nag-iisang anak. Kaya na niya ngayong dalhin sa ibang bansa para ipagamot si Lorena ngunit mas tatagal pa iyon dahil kailangan ng mga VISA at passport na wala pa sila. Dahil kritikal ang lagay ay itutuloy na lang nila ang operasyon sa St. James Hospital na kilala rin namang magandang ospital sa Pilipinas at Asya.

Nang matapos ang pirmahan nila ng mga dokumentong dala ng abugado, nagmadaling bumalik ng ospital si Lorenzo. Pagdating sa ospital ay may aberya.

"Sir, sira po ang elevator."

Tumango si Lorenzo sa sinabi ng maintenance staff. Under repair ang apat na elevator sa lobby. Sabi sa paskil na notice ay dahil daw sa security inspection and maintenance. Nagpapasalamat siya na nasa ikatlong palapag lang ng ospital na iyon ang silid ng anak. Mabilis lang siyang makakapaghagdanan para makita na si Lorena.

Ang masayang disposisyon ni Lorenzo ay nasira nang makarating siya sa ikatlong palapag ng emergency fire exit. Ang hagdanan sa fire exit ang ginamit niya at hindi niya inaasahang may makikita siyang nagaganap doon.

"Gago ka! Layuan mo nga ang asawa ko! Ang kakapal ng mukha ninyo dito pa kayo naghaharutan sa ospital! Hindi n'yo na binigyan ng kahihiyan ang anak ko!" Hinila niya si Peter gamit ang kwelyo ng suot na polo.

"Renzo! Ano ba! Nakakahiya kay Pareng Peter! 'Wag kang malisyoso! Tinutulungan niya lang ako dahil napuwing ako--"

"Anak ng tokwang puwing 'yan! Nakadikit ang nguso niya habang inaalisan ka ng puwing?! Anong pang-alis ng puwing dila ba?! Nalipat na ba ang mata mo sa may baba?! At ako pa ang malisyoso!" Lumalabas ang litid ng leeg ni Lorenzo sa pagpigil sumigaw ngunit may gigil at diin ang bawat salita. Namumula rin ang mukha niya dahil sa matinding galit.

"Inaalagaan ko na nga ang pamilya mo bilang kaibigan mo, ikaw pa ang may ganang magalit?!" Malakas ang boses na sagot ni Peter. Nakangisi ito at halatang ginagalit talaga siya. Hindi pa ito nasiyahan. Hinila pa nito si Princess palapit sa kanya at saka umakbay.

"Sinabi ko nang layuan mo ang asawa ko!" Hinila ni Lorenzo ang misis na nagalit at nagpapadyak sa sementong sahig. Umaalingawngaw ang tunog ng ginagawa nila sa fire exit stairwell na iyon.

"Nakakahiya at hindi tama ang inaasal mo. Siya ang nagbayad ng deposit sa ospital para maoperahan na si Lorena bukas. Ano pa bang gusto mo?! Wala naman kaming ginagawang masama!" Naghagod pa ng mahabang buhok si Princess at sa puntong iyon gusto nang hilahin ni Lorenzo ang buhok ng asawa para ilayo sa lalaking kasama.

"Ang gusto ko, gumaling si Lorena at ang gusto ko rin ay layuan mo 'yang lalaking 'yan! Walang ginagawang masama?" Napangisi siya at napapikit. Gusto man niyang maniwala ay hindi niya magawa.

"Sige, kung talagang wala kayong masamang ginagawa, at napuwing ka lang kaya magkadikit ang mga mukha ninyo, dapat ba talaga 'kong magpasalamat?! Sinuway mo na naman ako. Sinabi kong ako na ang gagawa ng paraan para sa pera. Ang galing mo rin talagang makinig!" Sarkastiko ang dating ng pagkakasabi niya ng mga katagang iyon. Hindi maiwasan mapaisip na mayroong mga taong walang delicadeza at napakamalas niyang may nakilala siyang dalawa at minamahal niya pa ang isa. Nakakuyom ang dalawang kamao at namumula ang mukha sa galit, naghahabol na rin siya ng hininga dahil sa pagpigil ng mga katagang gusto niya pang pawalan.

"Renzo! Ang kitid ng utak mo!" Pumadyak si Princess na hudyat na sukdulan na ang galit nito. Kung sino ang mas galit sa kanilang dalawa ay hindi niya alam ngunit kumukulo ang dugo niya sa mga oras na iyon. Tumahimik na si Lorenzo dahil kahit anong sabihin niya ay wala namang epekto sa babaeng iyon. Tinitigan niya ng masama si Peter na nakangisi at nangungutya pa ang mukha bago niya hinila ang pintuan ng fire exit stairwell at pumasok sa corridor ng ospital. Dahil sa likod siya galing ay namali siya ng tantiya kaya't sa ibang kwarto siya napunta. Maswerte namang walang tao roon kaya't naupo muna siya sa upuan sa may bintana at doon muna siya nagpalamig ng ilang minuto. Kailangan niyang kumalma dahil hindi niya gustong magpunta sa silid ng anak na mainit ang ulo.

Matapos ang kinse minutos, tinungo niya ang silid para silipin niya ang kanyang anak ngunit sadyang malupit ang tadhana. Nahuli naman niyang magkahawak ng kamay sina Princess at Peter. Sinamantala na naman ng dalawang ahas na tulog si Lorena at walang ibang tao sa silid.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status