Share

Kabanata 2

Ilang araw na ang nakalipas mula ng dumating si Earvin sa Bahaghari at mahaba na rin ang kaniyang naging pahinga. Hindi na siya gaanong nakakaramdam ng sakit at nabangon at nakakatayo na rin siya. Mabilis siyang gumaling subalit kailangan pa rin siyang obserbahan at mag ehersiyo ng kaunti para tuluyan na siyang gumaling.

“Ginoo, naririto na po ang gamot na kailangan ninyong unumin.” pagpapaalala ng babaeng nagbabantay sa kaniya.

Hindi pa kilala at nagagamit sa Bahaghari ang mga makabagong medisina o iyong mga tabletang gamot, maging kagamitan at aparatong pangmedikal ay hindi matatagpuan dito. Sa halip ang lupain ay naka asa sa mga halamang gamot, dasal at mga natural na pamamaraan ng pagpapagaling. Dalawang uri ng medikasyon ang isinasagawa sa kaniya, una ay ang pag inom ng isang halamang gamot na pinakuluang maigi at ipinagdasal sa Diyosa ng mga Halamang Gamot na si Dihas at Diyos ng Pagpapagaling na si Kilubansa. Ang pangalawa naman ay ang pagpapahid sa kaniya ng isang uri ng halaman. Ayon sa manggagamot ito ay gawa sa isang halamang gamot at prutas na hinalo sa pamamagitan ng pagnguya ng isang mahiwagang nilalang, nasasabi na ang laway ng nilalang ang pinakamahalagang bahagi ng medisina.

“Binibini kailangan ba talagang gawin iyan?” tanong ni Earvin matapos niyang inumin ang mapaklang sabaw ng halamang gamot.

“Marapat na gawin ito upang tuluyan na kayong gumaling.” At kinuha ng babae ang malalagkit na halaman sa siyang ipapahid sa katawan ng binata.

“Pero magaling naman na ako.” Biglang umatras ang binata nang makita niya ang patulo ng mga likido sa halamang hawak ng babae. Marahil ay sanay na ang manggagamot sa kaniyang ginagawa kaya hindi man lamang siya nandidiri, subalit para kay Earvin, kahit naranasan na niya ng ilang beses ang paraan ng paggagamot na ito ay hindi pa rin masasanay ang katawan niya sa malagkit na pakiramdam habang inilalapat sa iyong katawan ang halaman.

“Ginoo kailangan na po natin itong maisagawa dahil kapag nagtagal ay mawawala ang kapangyarihan ng laway na siyang magpapagaling sa iyo.” Dahan dahang lumalapit ang babae kay Earvin.

Hindi na napigilan ni Earvin na tumakbo papalayo sa babae. At dahil mabigat ang dala ng manggagamot ay hindi niya agad maabutan si Earvin. Inakala ni Earvin na nakatakas na siya sa panggagamot subalit bigla siyang hinuli ng kararating lamang na si Alan.

“Earvin bakit mo pinahihirapan ang manggagamot? Hindi mo ba alam na ito ang pinakamabisang paraan para sa tuluyan mong paggaling.” pangaral ni Alan.

Wala nang nagawa si Earvin kundi sundin si Alan. Ang babae naman ay siyang nagbigay galang sa mandirigmang kaharap niya bago magpatuloy sa panggagamot sa binata.

“Binibini tila ngayon lamang kita nakita dito. Sigurado ka bang dito ka nagtatrabaho?” usisa ni Alan.

“Bago lamang po ako dito.” tugon ng babae.

Dahil sa pagdating ni Alan ay hindi na napigilan sa nakakatindig ng balahibong paraan ng panggagamot kay Earvin. Ngayon ay nanlalagkit ang kaniyang katawan matapos ipahid sa ilang bahagi nito ang gamot. Napagpasalamat siya na ginagamot siya ngunit kung sa ganitong paraan ay tila muling hindi makagagalaw ang kaniyang katawan dahil sa katas na bumabalot sa kaniya.

“Hindi na kailangan maging ganiyan ang reaksiyon mo sapagkat ito'y para sa iyong ikagagaling. At hindi ba dapat nasasanay ka na dahil ilang araw nang ginagawa iyan sa iyo.” biro sa kaniya ng binata.

“Ginoo, may liham po pala ang mataas na hukom para sa panauhin natin.” Ibinigay ng babae ang selyadong sobre bago pa man ito tuluyang umalis.

Nang basahin ni Alan ang laman ng sulat ay nawala ang ngiti sa kaniyang mukha. Sapagkat kailanman ay hindi naging magandang balita ang hatid ng sulat mula sa mataas na hukom.

“Kakausapin pa lamang sana kita ukol sa bagay na ito ngunit hindi ko akalain na kaagaran na nila itong gagawin.”

“Ano ba ang nilalaman ng sulat na iyan?”

“Mula ito sa mataas na hukom, ito ay ang paglilitis para kay Earvin Mendoza.”

Sinimulang ipaliwanag ni Alan kay Earvin ang nangyayari sa Bahaghari at ano ang koneksyon niya dito.

“Kamakailan lamang ay may naganap na pagpupulong ang mga Diyos sa Kawalhatian. Dahil dito ay nagkaharap sina Bathala at Sitan, kung himanamon ni Sitan si Bathala. Ito ay labanan ng mga Diyos sa kapangyarihan at lupain. Ang Bahaghari, na nasa pangangalaga ng mga Diyos ng Kawalhatian, ay nalalagay sa panganib dahil sa nalalapit na digmaan. Kaya naman naging mahigpit ang pagbabantay sa lahat ng lugar, walang maaaring makapasok at makakalabas ng Bahaghari, at maging sa mga mamamayan ay itinatago ang lihim ng nalalapit na sakuna.”

“Gaya ng sabi ko ang mga unang sangay at pinakamatataas na pamilya ang siyang namamahala sa malaking bahagi ng lupain, at ang mataas na hukom ay nabibilang sa pamilyang ito.” pagpapatuloy ni Alan,” Bilang mataas na hukom, siya din ang may pinakamataas na katungkulan pagdating sa mga batas at panuntunan sa kabuuan ng Bahaghari. Lahat ng sabihin, iusal at lalabas sa bibig ng mataas na hukom ay masusunod, ano man ang antas mo. Siya ay pangalawa lamang sa Hari ng Bahaghari na kasalukuyan ay walang nagmamay-ari. Kaya naman anumang kasulatan o liham na matatanggap mula sa mataas na hukom, lalo na ang pagpapatawag sa isang tao, ay hindi magandang balita at nangangahulugan ng kapahamakan.”

“Ano naman ang kinalaman ko sa lahat ng pangyayari sa Bahaghari?” usisa ni Earvin.

“Sapagkat ikaw, Earvin, ay isang manlalakbay.” tugon ni Alan, “Ikaw ay taga-ibang lupaain at mula sa mga mata ng mataas na hukom, ikaw ay maaaring magdala ng kapahamakan at kaguluhan sa natural na takbo ng pamumuhay sa Bahaghari. Hindi sila nakatitiyak kung ano ang maaari monh gawin sa Bahaghari, lalo na ngayon at may nagbabadyang digmaan, iniisip nila na pinadala ka ng kalaban para sirain ang lugar na ito. Kaya naman magsasagawa sila ng isang paglilitis para mapanatili ang sikreto at kapayapaan ng Bahaghari. Marami ang maaaring maging hatol sa iyo, at dalawang bagay ang nalalaman ko— hindi ka na makakauwi sa lupain niyo at maaari mo rin itong ikamatay.”

“Anong gagawin ko? Paano kung patayin nila ako?” nangangambang sambit ng binata, “Alam mong wala akong balak na masama sa lupaing ito!”

“Paumanhin dahil kasalanan ko ang lahat ng ito. Nais ko lamang na iligtas ka subalit hindi ko naisip na hahantong sa ganito.” pahayag ni Alan, “Huwag kang mag alala may alam na akong paraan basta gawin mo lamang lahat ng sasabihin ko at sumunod ka sa plano masisigurado ang kaligtasan.”

Wala namang magagawa si Earvin kaya sumang ayon na lamang siya. Si Alan ang nagligtas sa kaniya at nangalaga mula nang dumating siya sa Bahaghari, kaya naman tiwala siya na ililigtas siyang muli ng lalaki. Ipinagdarasal na lamang niya na magtagumpay ang plano ni Alan at hindi siya bawian ng buhay.

“Magbihis ka na at tayo ay magtutungo na sa hukuman.” Kinuha ni Alan ang bagong kasuotan ng binata. “Hindi magandang pinaghihintay ang mataas na hukom.”

Kinuha na nga ni Earvin ang mga damit. Hindi ito ang kaniyang dating damit, at maging ang estilo at paggawa ng mga disenyo nito ay naiiba sa pangkaraniwan at nakasanayan niyang mga damit sa kanilang lupain. Ito ay isang kulay kahel na vest at isang pantalon na parehong gawa sa telang jusi. Mga disenyo mula sa panahon at oras kung saan di pa siya naiisilang.

“Pagpasensyahan mo na at iyan lamang ang nakita ko,” paliwanag ni Alan, “dating may manggas iyan kaso hindi ako mahilig kaya sinira ko. At yung mga damit mo nung dumating ka ay sirang sira na. Sinubukan kong dalhin sa mga patahian para ipagawa subalit walang sinuman sa kanila ang may kasanayan na gumawa ng ganoong mga disensyo. At maging ang mga materyales na kakailanganin ay mahirap hanapin at malaking halaga ang katumbas.”

Sinuot niya ang damit ngunit hindi niya magawang isara ang mga botones nito. Napakaliit lamang ng kasuotan para sa kaniya. Kaya naman laking pagtataka ng binata kung saan nakuha ni Alan ang kasuotan na ito, gayong kung ito ay damit niya tiyak na malaki ito dahil sa batak na pangangatawan ni Alan. Kung nagkataon na walang balot na benda ang kaniyang katawan ay tiyak na makikita na ang kaniyang tiyan at dibdib.

“Bakit naman ganito itong damit na ito,” reklamo ni Earvin, “mas komportable ako kung buong katawan ko ay natatakluban ng damit.”

“Tanging mga maharlika lamang ang siyang nakakapagsuot ng isang buong barong. Ang mga katulad naming maralita ay kailangan na matiis sa kasuotan na mayroon lamang kami kahit na itoy napakaluma na.” paliwanag ni Alan, “at bakit ka ba nangangamba, nakita ko na sa ilalim ng mga nakabalot na benda sa iyo ay isang magandang katawan.”

Sumakay na ang dalawa sa kalesa na siyang magdadala sa kanila sa hukuman. Ito ang unang beses na makikita ni Earvin ang tunay na ganda ng Bahaghari. Karamihan sa mga bahay na makikita niya ay gawa pa sa mga kahoy lamang, sa pagmamatyag niya ay pakiramdam niya na tila siya ay nasa sinaunang panahon. Ang mga kasuotan ay mga t-shirt, sando, mga camesa de chino at mga saya na gawa lamang sa mga simpleng tela at iilan ang gawa sa jusi. Ang mga bata ay masayang nagsisipagtakbuhan, mga dalagang mayuyumi na siyang nananatili sa loob ng kanilang mga bahay, mga inang nagluluto at naglalaba at ang mga kalalakihang nagsisibak ng kahoy o nag aalaga sa kanilang pananim. Karamihan sa kaniyang makikita ay halamanan, taniman at mga simpleng tahanan. Napakapayak ng pamumuhay ng mga tao dito at lahat ay walang kamalay-malay sa digmaang magaganap.

Ang kaniyang nakita ay taliwas sa lupaing kaniyang kinalakihan. Ang hangin ay walang bakas ng polusyon, tanging mga halaman at mga punong nagbibigay ng sariwang hangin ang matatanaw hanggang sa malayo. Ibang iba sa nagtataasang mga gusali na siyang pumalit sa mga natural na yaman ng bansa. Wala ring sasakyan na makikita at sa himpapawid ay tanging mga ibon ang nagmamay ari. Ang kabataan ay masayang naglalaro sa labas ng kanilang mga tahanan kasama ang kanilang mga kaibigan, hindi tulad ng mga kinalakihan ngayon na nakakulong sa kanilang tahanan dahil sa mga makabagong teknolohiya at mga cellphone. Tanging kapayapaan at simpleng pamumuhay ang kaniyang makikita sa bagong lupain. Kaya naman di nakapagtataka na nais nilang protektahan at panatilihin ang ganda ng Bahaghari.

Sa paglalakbay nila papuntang hukuman ay tila nagbago ang tanawing kaniyang nakikita. Matapos nilang makalagpas sa mga kapunuan ay mga naglalakihang bahay ang kaniyang nakita. Ang ilan ay gawa sa bato ngunit karamihan parin ay gawa sa kahoy, kahit na ganoon lamang ang materyales makikita mo ang kagandahan ng pagkakagawa ng mga bahay. Hindi tulad ng naunang mga kabahayan di hamak na mas malalaki ang layo ng mga bahay sa isa't isa at may mga bakod na ang mga ito. Maging ang kasuotan ay naiiba dahil ang mga naninirahan  dito ay naka barong tagalog at filipiñana.

“Nakikita mo ba ang pinagkaiba?” usisa ni Alan, “ang lugar na pinanggalingan natin ay lugar para sa mga maralita at normal lamang ang kalagayan sa buhay samantalang ngayon tayo'y nasa lugar ng mga maharlika. Nakikita mo rin ba ang mga kalalakihang nakahubad o nakabahag lamang, isa silang Pintados, mga katutubong mamayan na may taglay na kakaibang tapang at kalakasan. Ang mga maskuladong pangangatawan at mga Batuk na kapag nakita ng kalaban ay katatakutan kaagad sila.”

“Batuk?” usisa ni Earvin.

“Batuk ang mga tattoo na nangangahulugang katapangan at kagitingan sa lalaki at kagandahan naman sa mga kababaihan.” paliwanag ni Alan, “babagay ka sa mga katulad nila.”

“Hindi ko gugustuhin mga mapuno ng tattoo ang katawan ko, magmumukha akong adik.”

“Anong ibig mong sabihin sa salitang adik?”

“Wala, kalimutan mo na lamang,” palusot ni Earvin.

“Earvin, hindi ko na intindihan ang iyong tinuran, subalit batid ko hindi magangda ang kahulugan nito.” pahayag ni Alan, “Hindi ka dapat nanlalait at nanghuhusga ng mga tao sa kanilang pisikal na kaanyuan. Hindi mo dapat agad tinitimbang ang mga bagay na nakikita mo lamang, dahil kadalasan ang mga bagay na hindi mo nakikita, ang kalooban ng isang tao, ay mas nagniningning pa kaysa mga bituin sa kalangitan. Kaya naman hindi ka dapat madaling magtiwala sa ating mata, dahil ito ang pinagmumulan ng mga kasalanan natin, lilinlangin ka nito at lilituhin, at tanging ipapakita lamang sa iyo ay ang nga bagay na nais mo nakita. Marahil ito ay isa sa malaking kaibahan natin, hindi nagkakasundo ang mga mamamayan sa lupain ninyo dahil madali kayong manghusga ng inyong kapwa.”

Nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa marating nila ang lugar na sinasabing hukuman.

“Tandaan mo na dapat maging magalang ka sa mataas na hukom at maging maayos ka sa iyong pagsagot kung ayaw mong tapusin nila ang buhay mo. At tandaan mo din at gawin kung ano ang ating napagusapan kanina.”

Tumango si Earvin sa kaniya bilang tanda ng pagsang-ayon matapos nito ay nagtungo na sila sa hukuman. Dito naghiwalay ng landas ang dalawa sapagkat si Earvin ang siyang lilitisin at si Alan naman ay sa upuan ng mga Bayani.  Ang paglilitis ay ginawa sa isang pampublikong bulwagan na bukas para sa lahat ng tao. Naging balita sa lahat ang pagdating ng taong taga-ibang lupain kaya naman hinayaan na makita ng lahat ng mamamayan ang paglilitis sa kanilang bisita.

Pinatayo si Earvin pinaka gitnang bahagi ng bulwagan. Makikita niya ang mga upuang punong puno mula sa mga maharlika, maralita at mga Pintados. Sa harapan niya, sa mataas na bahagi ay ang mga pinuno, datu at maginoon ng iba't ibang bahagi ng lupain. Madidinig din ang mga bulungan ng mga tao, kung saan ang pinaguusapan ay tungkol sa kaniya, sa kabuuan ng bulwagan.

“Magbigay galang ang lahat. Paparating na ang mataas na hukom!” sigaw ng isang lalaki. Dahil dito ay tumahimik ang lahat at nagsipagtayuan. Pumasok ang lalaking tinatawag nilang mataas na hukom. Yumuko ang lahat, maging mga pinuno ay nagbigay galang sa kaniya, at sa pagtaas ng kaniyang kanang kamay ay kaagad na nagsiupuan na ang mga manonood.

Nanatili ang nakakabinging katahimikan sa bulwagan at naramdam ni Earvin na sadyang makapangyarihan ang kaniyang kaharap dahil  sa bigat ng presensya at hanging nakapalikid sa kaniya. Ito ang unang pagkakataon na makakakita siya ng paglilitis, at para pa sa kaniya, dahil kailanman ay wala siyang ginawa na lalabag sa batas. 

“Manlalakbay sabihin ang iyong pangalan!” Sa wakas ay nagsalita na ang mataas na hukom dahil dito tila nabawasan ang kabigatan na kaniyang nararamdaman. 

“Kagalang galang ako po si Earvin I. Mendoza.” May pagiingat at kaba na tugon ni Earvin.

“Maaari mo bang sabihin sa amin kung ilang taong gulang ka na,” pagpapatuloy ng mataas na hukom, “Bilang pagpapahalaga sa buhay ng tao nararapat lamang na malaman namin ang iyong edad upang maging makatarungan at karapat dapat na hatol ang maibigay sa iyo.”

“Labing anim na taong gulang na po ako.”

“Kung iyong mararapatin ay nais rin naming makilala ang mga taong nagbigay buhay at nagpalaki sa iyo, kaya naman nagawa mo ang bagay na gaya nito.”

“Ang aking ina ay si Linda Ignacio at ang ama ko po ay si Martin Mendoza. At nais ko pong iparating sa inyo na walang kinalaman ang pagpapalaki sa akin ng magulang ko sa sitwasyon na aking nararanasan ngayon. Marahil sasabihin ninyo na isa itong paglabag sa inyong batas ngunit para sa kaalaman ninyo ay kailanman hindi ko ninais na pumunta sa lupain niyo o ang madamay sa kaguluhan ng mga Diyos niyo.” Sa kaniyang pagsagot ay pagkabigla ang maririnig sa mga manonood at nagsimula sila muling magbulungan. Agad namang pinagsisihan ni Earvin ang kaniyang sinabi. Pinaalalahanan siya ni Alan na mag-ingat sa pagsagot niya pero nadala siya ng kaniyang emosyon ng pagdudahan ang pagpapalaki sa kaniya.

“Katahimikan!” sigaw ng mataas na hukom at kaagad na sinunod ito ng mga tao, “Earvin ang pagpunta mo sa Bahaghari ay paglabag sa isang sagradong kautusan aming lupain. Alam mo batas man ito o hindi, isa pa rin itong paglabag at hindi maaaring maging dahilan ang pagiging ignorante at walang alam. Kung tatanggapin namin ito bakit pa kakailanganin ng paglilitis, lahat ay maaaring mapatunayang walang sala. Kaya naman upang protektahan ang Bahaghari, ikaw Earvin Mendoza, ay hindi namin papayagang bumalik sa lupain sinilangan mo.”

“Kung ipipilit ninyo ang batas ng lugar ninyo nais ko ring iparating ang mga panuntunan ng lupain namin. Una, bilang isang mamamayan may karapatan akong manahimik at kumuha ng abogado, kung saan hindi ninyo tinupad dahil halata naman na mag-isa lamang ako laban sa lahat ng nandito. Ikalawa, hindi kayo maaaring magkulong ng isang menorde edad. Ikatlo, sapilitan niyo akong dinala sa lugar na ito, at sa lupain namin tinatawag iyong kidnapping, at dahil lahat kayo ay pinipigilan akong maka-uwi nangangahulugan lamang na kasabwat kayo ng kriminal.” Muli hindi ito ang napagkasunduan at naplanong gawin nina Earvin at Alan, nadadala lamang siya ng kaniyang emosyon sa pagkakataong ito.

“At ano naman ang nais mong iparating?” tanong ng mataas na hukom.

“Para magkasundo ang dalawang panig dapat ay may pagkakatugma at pagkakapareho ang kanilang layunin at nalalaman. Kaya naman kung nais ninyo na magpatuloy ang paglilitis na ito hayaan niyong depensahan ko.” saad ni Earvin, “Nais ko ng paglilitis gamit ang pakikipaglaban!”

“Kung iyan ang iyong nais! Masusunod!” Ito ang unang pagkakataon kung saan ang mataas na hukom ay inutusan ng dapat niyang gawin. At ito na rin ang naging hudyat ng pagsisimula ng paglilitis kay Earvin Mendoza.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status