Share

Kabanata 5

Matapos basahin ni Earvin ang pinag-usapan ng mataas na hukom at ng kaniyang ina ay lalo lamang siyang nagduda sa matanda. Totoo na patunay ito na apo nga siya ng mataas na hukom subalit kapansin-pansin din ang ginawang pagsisinungaling nito. 

“Sabi mo pumayag ang aking ina na dito muna ako sa pangangalaga mo.” sambit ni Earvin, “Pero kung makikita mo dito halata naman na galit na galit siya at hindi siya pumapayag.”

“Ah, yan ba?” tugon ng mataas na hukom, “Masasabi mo na ito ay on process pa. Pero kung titingnan mo naman ay doon din ito papunta. Kaya naman it's safe to assume na pumapayag na siya. At saka kailangan ko na lamang naman na kausapin siya, tiyak naman ako na papayag yon.”

“Hindi pwede! Sinabi niya na mismo na hindi ako mananatili dito. Isa pa ayaw ko din dito kaya mas mabuti pa na umalis na ako. Sabi mo maraming natutuwa sa akin dito pero sa katotohanan wala ni isa ang gusto na nandito ako, mas gusto nila na mawala ako kaya naman makabubuti ito para sa ating lahat. Tutal sinabi mo na makikipag-usap ka kay mom, hayaan mo na akong sumama at nang makaalis na ako kaagad.”

“Hindi maaari! Baka nakakalimutan mo na ako pa rin ang mataas na hukom. At kapag sinabi ko, mananatili ka sa lugar na ito ng kahit hanggang kailan ko gustohin, boluntaryo man o puwersahan.”

“Tama ikaw ang mataas na hukom! Kaya kahit kadugo mo ako, pilit kang gumagawa ng paraan para mawala ako sa mundong ito.”

“Una wala akong balak na ipapatay ka. Pangalawa ikaw ang siyang nakaisip at nagmungkahi ng laban hanggang patayan kaya hindi kita pinigil. Hindi naman sana kita hahatulan na maging Bayani at ng kamatayan kung hindi ka nagpumilit sa laban mo.”

Sa sinambit ng mataas na hukom ay natigilan si Earvin. Hindi pa nga naman malinaw ang hatol ng mataas na hukom nang magawa niyang hamunin ito. Sinabi lamang nito na hindi siya papayagang umuwi sa lupang sinilangan niya at nagdeklara na agad si Earvin ng laban.

“Hahayaan lang sana kita bilang isang bakasyonista sa lugar na ito pero ikaw ang nagpahirap sa iyong sarili.”

“Sandali, paano kung hindi ako makapasa? Mamamatay na kaya talaga ako?” tanong ni Earvin,  “Ito na ba talaga ang katapusan ko?”

“Huwag kang mag-alala may naisip na akong paraan at isa pa matapos ang pinamalas mo kanina sa paglilitis tiyak na mananalo ka.” sagot ng mataas na hukom, “Maiba ang usapan natin, nais kong malaman mo ang nangyari sa iyong ama at makilala mo siya at maging ako din.”

“Hindi ko na kailangang makinig pa at malaman ang kuwento mo.” sambit ni Earvin, “Kaya ko nang hulaan ang mga nangyari. Ipinakita mo sa ama ko ang lugar na ito at natuwa siya. Dahil dito ay mas pinili niya ang lugar na ito kaysa sa tunay niyang pamilya. At dahil din sa ginawa mo ay nasira ang isang sana ay masayang pamilya.”

“Ayaw mo man o gustong makinig ay hayaan mo na akong magsalaysay. Sa ganitong paraan ay makakasama at makaka-bonding kita kahit ilang oras lamang.”

Wala na ngang nagawa si Earvin kung hindi ang makinig sa pagsasalaysay ng mataas na hukom. Hangga't maaari ay ayaw na sana niyang masangkot pa sa mataas na hukom mula ng malaman niya na ito ang dahilan ng kaniyang kamalasan subalit kahit papaano ay nais niyang makilala ang kaniyang ama.

“Tulod mo hindi din ako lumaki sa lupaing ito.” Paninimula ng kuwento ng mataas na hukom. “Isa lamang din akong normal na mamamayan ng Pilipinas. Walang kaalaman sa mga Diyos, Aswang, Bayani o maging sa Bahaghari.”

“Lahat na lamang ba kasali ka sa kuwento o tungkol sa iyo?” sambit ni Earvin sa kaniyang isip.

“Nag-aral akong mabuti upang maabot ko ang aking pangarap na pag-aabogasya at nagtagumpay ako.” pagpapatuloy ng mataas na hukom, “Nagpatuloy ako sa aking pagsisikap hanggang sa makamit ko ang pagiging isang Judge. At lalong lumigaya ang buhay ko ng makilala ko ang aking asawa. Masaya akong bumuo ng pamilya at nagkaroon ng mga anak.”

“Habang lumalaki si Martin ay nakatanggap kami ng masamang balita. Ang aking ama ay dinapuan ng malubhang karamdaman at maaari niya itong ikamatay. Kaya naman agad namin siyang pinuntahaan at doon ay may lihim siyang ibununyag sa akin, isang lihim na matagal niyang itinago. Sinabi niya na hindi niya ako tunay na anak at ang aking ama ay naghihintay sa aking pagbabalik.”

Sandaling tumigil ang mataas na hukom upang kumuha ng biskwit at iba pang makakain. Matapos niyang bigyan si Earvin ay naupo siyang muli at nagpatuloy.

“Napag-alaman ko na nagmula ako sa isang mayamang pamilya at kaya naman naging maayos ang aking pag-aaral dahil sila ang nagpapadala ng pera para sa gastusin ko. At noon daw panahon na iyon may nagaganap na rebelyon at pag-aaklas sa aming pamilya upang patalsikin at paalisin ang namumuno. Kaya naman ipinagkatiwala niya sa kaniyang mga utusan ang kaniyang nag-iisang tagapagmana upang itakas at dalhin sa ligtas na lugar. Napag-utusan siya na sabihin ang katotohanan kapag nasa tamang edad na ako at maghihintay ang tunay kong ama sa pag-uwi ko. Ilang araw matapos mamatay ng aking kinilalang ama nagpakita sa akin ang mga Bayani upang sunduin ako at ibalik sa Bahaghari.”

“At magmula noon dito na kayo naninirahan?” usisa ni Earvin.

“Hindi, nagkakamali ka Earvin.” tugon ng mataas na hukom, “Katulad mo ay hindi ko din nagustuhan ang lugar na ito. Marahil nasanay na ako sa naunang lupain kaya naman hindi ko nagugustuhan ang mga pagbabago. Ilang araw lang ang nakalipas ay ninais ko nang umuwi. Pumayag naman ang aking ama sa kondisyon na babalik ako kapag panahon na upang manahin ko ang nasasakupan niya.”

“Nanatili ako sa lupain ninyo hanggang sa magkapamilya si Martin at isilang ka. Subalit ilang araw matapos kang ipanganak ay pinatawag na ako sa Bahaghari. Mag-isa akong nagtungo sa Bahaghari at wala din akong ibang pinagsabihan kung hindi ang aking asawa. Nang malaman ito ni Martin ay nagpumilit siya na sunduin ako. Pero sa pagpunta niya ng Bahaghari ay nagkaroon ng ilang problema. Hindi na niya ninais na umuwi dahil mas gusto niya na daw sa lupaing ito.”

“At hindi mo man lamang siya pinilit na umuwi?” usisa ni Earvin, “Basta mo na lamang siya hinayaan na manatili dito? Hindi man lamang niya naalala na may pamilya at anak siya!”

“Ang totoo niyan ninais niyang umuwi subalit nagkaroon ng problema sa Bahaghari.” tugon ng mataas na hukom, “Noon ay maaaring maglabas pasok ang mga manlalakbay sa Bahaghari subalit may manlalakbay na lumason sa kaisipan ng Hari ng Bahaghari. Kaya naman naging mahigpit na binabantayan ang pagpapapasok at paglabas sa Bahaghari.”

“Kung makikita mo ang larawang iyon.” Sabay turo ng mataas na hukom sa ikalawang larawan kung saan may lalaking nakikipaglaban sa malaking ibon. “Tunay na pangyayari iyan. Iyan ang iyong ama at kalaban niya ang Manaul. Kung mapapansin mo tila may korona ang ibon na iyon. Ito ay dahil ang galit at nabalot ng kadiliman at kasakiman na Hari ng Bahaghari ay naging Manaul. Napakalaking kaguluhan ang dinala ng Manaul sa Bahaghari sapagkat napakamakapangyarihan ng nilalang na ito. Taglay nito ang kapangyarihan ng karagatan at langit, kasabay ng kaniyang galit ay siyang pagtatalo at pagtutunggali ng langit at karagatan.”

“Malalakas na kulog at kidlat, matinding pagbagyo at matataas na alon sa karagatan ang dinanas ng lupaing ito.” paliwanag ng mataas na hukom, “Hanggang sa napagpasiyahan ng iyong ama na labanan ang nagngangalit na nilalang. Mag-isa lamang siyang tumungo subalit natitiyak ng lahat na nagtagumpay siya dahil tumigil at nawala na ang nagngangalit na kalangitan at karagatan. 

“Pinuntahan namin ang lugar kung saan maaaring naglaban ang iyong ama at ang Manaul pero ang tanging nakita lamang namin sa lugar na iyon ay ang espada ng iyong ama. Ang espada nagkulay pula dahil ito ay nababalot ng dugo at hindi namin sigurado kung kaninong dugo ito. Kataka-taka din na tanging ang sandata lamang ang nakita sa lugar na iyon, walang bakas ng paglalaban maliban sa naiwang tanda sa espada, walang bangkay ng Manaul at wala din ang iyong ama.”

“Ilang araw namin siyang hinintay at hinanap.” saad ng mataas na hukom, “Subalit hanggang ngayon ay wala kaming nakikitang kahit ano bakas niya o bagay na maaaring magturo sa kinaroroonan niya. Hindi din namin matiyak kung namatay siya dahil wala naman kaming nakitang bangkay. Lubos na nagagalak at natutuwa ang lahat sa sakripisyong ginawa ng iyong ama para sa katahimikan at kapayapaan ng Bahaghari. Isa ang iyong ama sa mga natatangi at hindi malilimutang Bayani. At ang upuuan ng Hari, nananatiling bakante hanggang ngayon.”

“Hindi totoong iniwan kayo ng iyong ama. Ninais niya na umuwi sa kaniyang pamilya pero gaya nga ng sinabi ko sa iyo, may masamang nangyari sa kaniya. At dahil diyan ay naghirap ang iyong ina kaya hindi na ako nagtataka kung bakit galit siya sa akin.”

Nabigyang linaw na si Earvin sa lahat ng nangyari. Nauunawaan niya kung bakit itinago ng kaniyang ina ang katotohanan mula sa kaniya. Ito ay para hindi siya nito iwan para lang sa pakikipagsapalaran at danasin ang kaparehong tadhana ng kaniyang ama. Marahil na rin ay dahil sa galit nito kaya pilit niyang kinalilimutan ang ama ng binata. Tuwing itatanong niya ang kinaroroonan ng ama ang tugon lamang ng ina ay ito ay lumisan na at may iba na ding pamilya.

“Kung ganoon dahil lolo naman kita ay maaari mo nang bawiin ang iyong hatol.” saad ni Earvin, “Hindi na kailangan pa na maging Bayani ako hindi ba? Mananatili na lamang ako dito hanggang sa dumating ang aking ina.”

“Hindi ito pwede Earvin.” tugon ng mataas na hukom, “Ang hatol ay narinig ng lahat ng mamamayan ng Bahaghari. Kapag hindi ka sumailalim sa pagsusulit ay lalong magduda ang lahat. Tandaan mo na hindi maganda ang lagay ng Bahaghari at hindi din mabuti ang katayuan ng mga manlalakbay. Mas makabubuti kung susunod ka na lamang sa sinabi ko.”

“Kung wala ka nang sasabihin ay aalis na ako.” sambit ni Earvin, “Hayaan mo man lamang akong makapagpahinga mula sa laban kanina.”

“Bago ka umalis, nais kong ibigay sa iyo ang bagay na ito.” Tumayo ang mataas na hukom at lumapit sa mga painting. Kinuha niya ang sandata na nakalagay sa pagitan ng dalawang larawan at nagbalik kay Earvin. “Ang sandatang ito ay pinamana pa mula sa ating ninuno at ito ang kayamanan ng ating pamilya. Bawat miyembro ng pamilya ay nagamit ito kaya naman tanggapin.”

Ibinigay ng mataas na hukom ang sandata. Nang kunin niya ito ay nabigla siya sa kabigatan nito. Hindi ito sobrang bigat subalit nahihirapan pa rin siyang hawakan ito, nagulat siya dahil tila hindi nahihirapan ang mataas na hukom habang dala niya ito.

“Ang espada na ito ay nagmula pa mismo sa mga Diyos ng Kawalhatian at si Bathala ang siyang nagbigay at nagpagawa nito. Ibinigay niya ito kay Augustus Kristean Daquilla, isa sa ating ninuno at sinasabing kauna-unahang Bayani. Siya ang nasa larawan na iyong makikita at mula sa Sarimanok na nakatayo sa likuran niya ang balahibo na ginamit sa paggawa ng sandata.”

Noong una ay inakala ni Earvin na isang Phoenix ang nasa unang painting. Ngayon napag-alaman niya na isa itong Sarimanok at ang lalaki ay ang kauna-unahang Bayani. Ang Sarimanok ay isang uri ng makapangyarihan at naglalagablab na ibon, ito ay alaga ni Bathala at sinasabing nagdadala ng suwerte ang nilalang na ito.

“Isang bagay pa nga pala.” pahabol ng mataas na hukom, “Kung nanaisin mo na manatili dito nais kong ibigay ang ngalan mo sa lupaing ito. Sa lupaing ito mas kilala ka sa ngalang Augustus Kristean Daquilla XI. At kung gagamitin mo ang ngalan na iyan tiyak malaking tulong ang ihahatid nito sa iyo.”

Matapos tanggapin ni Earvin ang espada mula sa mataas na hukom ay nagpaalam na sa siya. Lumabas siya dala dala ang sandatang ibinigay sa kaniya. Yakap niya ang espada dahil sa kabigatan nito, mabuti na lamang at nasa lalagyan pa ito kaya naman hindi siya nasugatan at hindi na nagkaroon pa ng ibang problema.

Gaya nga ng sinabi ng Pintados ay sa ibaba na lamang maghihintay si Alan. Kaya naman paglabas niya ng silid ay wala siyang nakitang kahit sino man. Matinding pag-iingat din ang ginawa ni Earvin sa pagbaba ng hagdan dahil sa kaniyang dala. Kung magmamadali siya tiyak na hihilahin siya pababa ng bigat at maaari pa siyang magpagulong gulong. Naisip din niya ihagis ang sandata paibaba subalit maaaring magdulot ito ng pinsala sa mga nasa ibaba at lalo lamang siyang mahihirapan.

“May pagka-modern ang gawa ng building, sana naman naglagay na din sila ng elevator. ” reklamo ni Earvin.

Habang lumalabas siya ay nakatingin sa kaniya lahat ng tao. Hindi niya alam kung ano ang dahilan nito at wala din naman na siyang pakialam. Alam niya na kung papansinin niya pa ito siya lang ang mag-aaksaya ng oras niya.

Nang makalabas siya ay agad niyang nakita si Alan. Tila kakatapos lamang din nilang mag-usap ng Pintados dahil papaalis pa lamang ito. Agad siyang kinawayan ni Alan subalit hindi niya nagawang kumaway dahil sa kaniyang dala.

“Kamusta Earvin! Ano ang napag-usapan ninyo ng mataas na hukom at ano iyang dala mo?” Sandali niyang tinitigan si Earvin at ang dala nito. Nabigla siya nang makita na may dala ang binata na isang mahalagang bagay. “Anong ginagawa mo? Paano mo nakuha ang gamit na iyan? Hindi mo ba alam kung gaano kahalaga ang sandatang iyan? Itago mo iyan!”

“Paano ko naman ito maitatago gayong napakabigat nito?” tugon ni Earvin, “Heto! Ikaw kaya ang magdala niyan.”

Sinubukang ibigay ni Earvin ang mabigat na espada kay Alan subalit pilit niya itong tinatanggihan at inilalayo sa kaniya.

“Nahihibang ka na ba Earvin? Bakit basta mo na lang binibigay ang espada na iyan?”

“Anong problema doon? Basta lang din naman ito ibinigay sa akin ng mataas na hukom.”

“Binigay niya sa ito sa iyo!? Sabihin mo Earvin sino ka ba talaga?”

“Sabihin mo muna sa akin kung ano ang nalalaman mo. At kung bakit ayaw mong tanggapin o hawakan man lamang ang bagay na ito.”

“Ang espadang iyan ay isa sa mga tanda na ang may ari ay kandidato sa pagiging hari ng Bahaghari. Kung totoong ibinigay sa iyo ng mataas na hukom iyan nangangahulugan ito na ikaw pinili na magiging kinatawan ng pamilya Daquilla.”

“Ha!? Seryoso ka? Kunin mo na itong espadang ito, ikaw na lamang ang tumakbo bilang hari. Ayaw ko nang responsibilidad na iyan, ang gusto ko lang simpleng buhay.”

“Maging ako hindi ko din nais ang bagay na iyan at kahit gustuhin ko man hindi ko ito maaaring tanggapin mula sa iyo. Ngayon ikaw naman, sino ka ba talaga Earvin?”

“Sabi ng mataas na hukom apo niya daw ako.” sambit ni Earvin subalit walang reaksiyon si Alan, “Hindi ka ba nabigla at nagulat sa balita?”

“Hindi sapagkat inaaasahan ko na iyan.” tugon ni Alan, “Una binanggit mo ang ngalan ng isang kilalang Bayani at sinabing ito ang iyong ama. Ikalawa, bilang isang manlalakbay napahanga mo lahat sa iyong pakikipaglaban gaya ng Bayaning si Martin. At ikatlo, ipinatawag ka ng mataas na hukom upang kausapin ng kayo lamang dalawa.”

“Ibig sabihin alam mo na lahat ng ito?”

“Hindi naman sa alam ko lahat, nakaramdam lang naman ako na may kakaiba sa iyo. At nang pagsama-samahin ko ang impormasyong nakuha ko ito ang nabuo kong hinala na pinatunayan mo ngayon lamang. Subalit ang sandatang iyan ay wala sa inaasahan ko.”

“Sabihin mo ano ang dapat kong gawin dito?”

“Ang usapin na iyan ay hindi dapat natin ginagawa at binabanggit sa lugar na gaya nito. Kailangang maging maingat ka magmula ngayon.”

Agad humanap ng masasakyan si Alan upang makaalis sila sa lugar na iyon. Tahimik at walang kibo ang dalawa habang naglalakbay. Nais mang magtanong ni Earvin ay hindi niya magawa dahil nararamdaman niya na hindi siya sasagutin ni Alan sa oras na ito. Kaya naman hinintay na lamang niya na makarating sila sa kanilang patutunguhan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status