Share

Kabanata 4

Si Earvin na lamang ang siyang natitira sa bulwagan. Patuloy niyang pinag-iisipang maigi ang kaniyang napakasama at malas na kapalaran. Una ay napahamak siya nang makaharap niya sa kauna-unahang pagkakataon ang isang Aswang at dahil dito ay nalagay sa panganib ang kaniyang buhay. Nagawa man niyang lampasan ang kamatayan subalit di niya naisip na may kasunod pang problema, ito ang paglilitis na maaaring maghantong muli sa kaniyang kamatayan. Sa ikalawang pagkakataon ay naiwasan niya itong mangyari subalit para magawa ito ay kailangan niyang itaya ang kaniyang buhay sa isang labanan. Nang magawa niyang manalo hindi pa dito nagtatapos ang kaniyang paghihirap dahil nais nila na siya ay sanayin upang maging tagapagtanggol ng dalawang lupain at isakripisyo ang buhay para sa bayan.

Mula ng dumating si Earvin sa Bahaghari, puro na lamang pagdurusa at paghihirap ang kaniyang naranasan. Tila ba may isang malakas na pwersang nagnanais na maglaho sa mundong ito ang binata. At sa pagkakataong ito naisip niya na huwag na itong labanan, iniisip niya marahil mas mabuti na mamamatay na lamang siya talaga ng tuluyan kaysa magdusa pa.

“Ikaw ang nanalo subalit bakas sa iyong mukha ang pagkadismaya.” sambit ni Alan, “Dahil ba hindi mo naipakita ang tunay mong lakas? Sa totoo lamang ay nahigitan mo ang inaasahan ko. Natatandaan mo ba na sinabi ko sa iyo na ako ang makikipaglaban para sa iyo, kitang kita naman natin na hindi mo na kailangan ang tulong ko.”

“Tama ka! Hindi ako natutuwa.” Bumangon si Earvin at hinarap si Alan. “Sino ba naman ang matutuwa sa lahat ng nangyari sa akin. Pakikipaglaban, paglilitis at ngayon nais nila akong maging Bayani upang iligtas at pagsilbihan ang lugar kung saan lahat ng mamamayan ay nagdududa sa aking kinikilos at ninanais na mawala na lamang ako. Kung ikaw ang nasa sitwasyon ko matutuwa ka ba?”

“Nakatitiyak ka diyan.” sagot ni Alan, “Ang pagiging isang Bayani ang pinakamataas na karangalan na maaaring makuha at matamasa ng mga mamamayan ng Bahaghari. Hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na maging Bayani o ang payagan na kumuha ng pagsusulit upang makasama sa pangkat ng mga Bayani kaya naman natitiyak ko na marami ang siyang naiinggit sa iyo ngayon. Kapag ikaw ay naging isang Bayani tiyak na maganda ang iyong kinabukasan.”

“Gusto mong mag-usap tungkol sa magandang kinabukasan?” pahayag ni Earvin, “Hindi ko din alam kung bakit naisipan kong umuwi sa Pilipinas kaya minalas tuloy ako. Ang stepfather ko ay may ari ng isang IT company at sinabi na niya na tutulungan niya akong magkaposisyon sa kumpanya niya. Kung nanatili na lamang ako doon tiyak na maganda ang magiging kinabusakan ko. Kahit na hindi ko tanggapin ang offer niya, kaya ko namang pumasok sa kahit anong university sa states. Pwede akong maging lawyer, doctor, architect, anchor, engineer or scientist, kahit ano kakayananin. Hindi man lamang naisip na isang malaking pagkakamali ang pag uwi ko sa Pilipinas.”

“Pero Earvin—”

“Stop!” sambit ni Earvin, “Alam kong sasabihin mo na hindi mo nauunawaan ang sinasabi ko. At alam ko din na ipagpipilitan mo na ang pagiging Bayani ay isang napakalaking karangalan. Wala namang magbabago magpapaulit-ulit lang tayo. Wala din naman na akong magagawa kaya sige tinatanggap ko na. Magsasanay na ako para maging Bayani, pero hanggang mapatunayan lang nila na hindi ako masamang tao at magawa kong makahanap ng daan papauwi.”

“Sige na, sabihin mo na sa akin Alan. Alam kong may alam ka nanaman na hindi sinasabi sa akin. Sige na, anong plano mo para sa pagsusulit na sinasabi nila.”

“Nakausap ko na si Yajaira at sinabi na niya kung kailan at saan gaganapin ang pagsusulit.” paliwanag ni Alan.

“Si Yajaira, yung epal na babaeng hindi nagawang pigilin ang bibig at manahimik na lamang? Yung babaeng magulo ang kaisipan,  minungkahi niya na sumailalim ako sa pagsasanay pero wala pala siyang tiwala sa akin? Yung babaeng nagdagdag ng pagdurusa at paghihirap sa malas kong buhay?” tanong ni Earvin, “Nasaan na ba siya? Dapat ko siyang pasalamatan sa napakagandang ideya at mungkahi niya.”

“Umalis na siya.” tugon ni Alan, “Marami silang dapat gawin kaya naman nagmamadali siyang umuwi.”

“Ha!? Seryoso ba siya?” singhal ni Earvin, “Matapos ng ginawa niya sa akin, hindi man lamang niya ako binati.”

“Si Yajaira ay mula sa pamilya ng Maquiling, isa sa makapangyarihang pamilya sa Bahaghari. Walang mabuting idudulot kapag nakipagtalo ka sa pamilya nila.”

“Wala akong pakialam kung saang pamilya pa siya nagmula!” sambit ni Earvin, “Paumanhin Alan, naging mainit ang ulo ko at napagtaasan kita ng boses. Mas mabuti pa siguro na huwag na lamang natin siyang banggitin at ibahin na lamang natin ang ating pinaguusupan. May isang bagay na hindi ako nauunawaan sa sinabi ng mataas na hukom. Ano ang sinasabi nilang Maca?”

“Ang Maca isang lugar ng walang hanggang kasiyahan at kapayapaan.” sabat ng isang boses.

“Magandang lugar naman pala ang Maca. Siguro mas makabubuti na doon na lamang ako magtungo kaysa maging isang Bayani.” ani Earvin, “Sandali lamang, ito ay isang lugar kung saan may walang hanggang kasiyahan at kapayapaan. Parang may narinig ko na ang lugar na iyon. Huwag mong sabihin na ito ay—”

“Tama, nangangahulugan itong kamatayan.” Nilingon nila ang pinagmulan ng tinig at nakita ang isang Pintados. “Kung mabuti ang iyong kalooban sa Maca ikaw magtutungo kapag ikaw ay lumisan. Sa aking pagkakatanda ay Kalangitan ang tawag niyo dito o Paraiso. Subalit kung ikaw ay naging masama at walang mabuting kalooban ay alam mo na kung saan ka magtutungo.”

“Kamatayan nanaman. Napakamalas talaga ng buhay ko. Wala na akong mapagpipilian kung hindi ang ipasa ang pagsusulit.”

“Nakatutuwa naman na hindi lamang may magaling na kakayahan ang iyong nakita Alan.” pahayag ng Pintados. “Matapang din siya, malakas ang loob at may mataas na kompiyansa sa sarili. Inaasahan ko na magiging maganda ang kalalabasan ng pagsusulit ngayon.”

“Bakit ka nga pala naririto at hindi ka nagbabantay sa mataas na hukom?” usisa ni Alan.

“May mensaheng nais iparating ang mataas na hukom sa manlalakbay.” tugon nito, “Nais ka niyang makausap ng mag-isa sa kaniyang silid.”

“Mukhang nagalit siya sa at akin dahil sa ginawa ko kanina.” sambit ni Earvin.

“Huwag kang mag-alala, hindi nagtatanim ng personal na galit ang mataas na hukom.” natatawang tugon ng Pintados, “Ang mataas na hukom ay mabait sa lahat. Subalit ito ang tandaan mo, hindi niya gustong pinaghihintay siya.”

Nang marinig nila ang sinabi ng Pintados ay agad silang kumilos. Sumakay sila sa isang kalesa at nagtungo sa kinaroroonan ng Mataas na Hukom. Ilang sandali lamang ay nakarating na sila sa kanilang patutunguhan.

Hindi makapaniwala si Earvin ng makita niya ang lugar na tinutuluyan ng mataas na hukom. Natatangi at naiiba ang gusaling ito sa mga kabahayan na kaniyang nakita. Ang mga tahanan ng maralita at mahihirap na kaniyang nakita ay gawa sa kahoy at mukhang bahay kubo. Sa maharlika at mayayaman naman ay mga bahay na gawa sa bato at mga kahoy. Subalit ang nasa harapan niyang gusali ang siyang higit na nakakuha ng kaniyang atensyon.

Ito ay isang tatlong palapag na gusali at kulay puti. Naiiba ito sa mga kabahayan dahil hindi ito galing sa makalumang mga disensyo ng Pilipinas. Hindi rin naman makabago ang disensyo ng gusali na kaniyang nakikita. Kung kaniyang alalahanin ang kaniyang napag-aralan, Neoclassical na arkitektura ang siyang disenyo ng gusali. Ang itaas na bahagi nito at bubong ay hindi patilos o tatlusok gaya ng ibang bahay kung hindi isang patag na ibabaw. Bago siya makapasok ay may mga hanay ng bilugang haligi sa harapan ng gusali. Masasabi niyang nahahawig ang disenyo ng labas nito sa Manila City Hall. May nakasulat din sa harap nito na mga Baybayin, ang sinaunang sulatin at letra ng Pilipinas. Hindi man siya marunong magbasa at sumulat ng Baybayin, hula niya na ang nakasulat dito ay nalalapit sa “tanggapan ng mataas na hukom” o “sanggunian ng hustisya”.

Nagpatuloy sila at pumasok sa gusali. Kamangha mangha din naman ang pagkakadisenyo sa loob ng tanggapan. Pagkapasok sa unang palapag ay makakita ka ng mahabang lamesa, marahil ito ang kanilang reception table. May ilang mga bakanteng upuan rin at iba pang mga silid. Sa pader ng gusali nakakapit ang ilang mga larawan at painting, maging mga tropeyo at sertipiko ay kanilang pinapakita. Nakatitiyak siya na kung sino man ang may gawa ng gusaling ito ay may kaalaman sa lupaing kaniyang pinanggalingan.

Sa ikalawang palapag naman ay may ilang silid din na matatagpuan. Agad naman silang umakyat sa ikatlo at huling palapag ng gusali. Walang ibang makikita sa huling palapag kung hindi ang isang silid lamang. Nasisigurado niya na ito ang silid ng mataas na hukom.

“Nais ka niyang makausap ng mag-isa.” pahayag ng Pintados na nagsilbing gabay nila, “Hihintayin ka na lamang ni Alan sa baba. May ilang bagay lang din kaming pag-uusapan.”

Pagpasok niya sa silid ay agad niyang nakita ang lamesa ng mataas na hukom. Nakita niya ang ilang bagay na nakalagay dito, mga papel at pluma at ang ngalan ng mataas na hukom.

“Augustus Kristean Daquilla X”

Inilibot niya ang mata sa paligid upang makita ang kabuuan ng silid. Ang sahig ng silid ay isang maganda at malaking carpet na kulay pula. Sa kaliwang bahagi ng silid ang isang book shelf na puno ng mga aklat. Sa kanang bahagi naman matatagpuan ang aparador at isang maliit na mesa na may mga tsaa at tasa na nakapatong.  Sa itaas na ng mesa ay nakasabit ang isang espada na pinagigitnaan ng dalawang painting na nakakuha ng kaniyang atensyon.

Sa unang painting makikita ang isang lalaki na may hawak na espada. Nakatayo ang lalaki sa itaas ng isang bundok at sa kaniyang likuran makikita ang isang malaki at napakandang ibon. Ang ibon na ito ay kakaiba sapagkat ang mga pakpak, buntot at kabuuan nito ay naglalagablab at nag-aapoy. Tila gabay ng lalaki ang malaking ibon at sa wari niya ay isa itong Phoenix.

Sa ikalawang painting muli makikita ang isang lalaki na may hawak na espada. Subalit sa pagkakataong ito ang lalaki ay nakikipaglaban sa isang malaking ibon. Hindi ito ang ibon na nakita niya sa unang larawan, malaki rin ito subalit kakaiba ang kulay. Kulay asul ang kabuuan ibon na ito, ang palong ay matitilos at kulay dilaw na tila isang korona at mga kukong napakatilos. Sa larawan makikita ang galit ng ibon gayundin ng kalikasan. Ang karagatan ay may nagtataasang mga alon at ang kalangitan ay madilim na may kasamang kidlat.

Magkaiba ang mga pangyayari na pinapakita sa dalawang larawan. Subalit may isang bagay na napansin si Earvin. Ang espada na makikitang gamit ng dalawang lalaki ay iisa lamang. At kahit na nasa lalagyan pa lamang ang sandata, nakatitiyak siya na ang espada na nakasabit sa gitna ng mga painting at ang mga nasa larawan ay iisa lamang. Dahil dito napaisip siya kung totoo ang mga nasa larawan at kung ang mataas na hukom ba ang lalaking makikita dito.

“Ang tagal ng aking hinintay upang makausap ka.” sambit ng mataas na hukom.

“Hala! Matagal ka nang naghihintay? Hindi namin kasalanan yon, mabagal magpatakbo ng kalesa ang Pintados na pinadala mo.” tugon ni Earvin subalit ito ay sa kaniyang isipan lamang.

Nakita niya ang mataas na hukom na nakatayo sa may bintana. Nakatalikod ito sa kaniya at nakatingin sa magandang tanawin sa labas. Ilang sandali lamang ay nagpatuloy ito sa pananalita. 

“Labing anim na taon ang aking hinintay upang makita kita ng malapitan, makausap at makilala.”

“Naku ang OA naman ng matandang ito! Masyadong exaggerated magsalita. Labing anim na taon pero ilang oras pa lang ang nakararaan nang magkita na kami sa bulwagan. Hindi ba siya marunong tumingin ng oras?” Muli lahat ng ito ay sa isipan lamang binabanggit ni Earvin. Sa katotohanan ay nananatili siyang nakatayo at tahimik upang hindi siya magkamali at makagawa ng bagay na lalong ikagagalit ng mataas na hukom.

“Siguro dapat ay maupo ka muna.” sambit ng mataas na hukom.

Itinuro nito ang isang upuaan at agad naman niyang sinunod ang mungkahi nito. Ang upuan ay gawa sa kahoy subalit laking gulat niya ng maramdaman niyang malambot ang kaniyang inupuuan. Isa lamang pala itong ilusyon at panlilinlang, ang panlabas na hitsura at disenyo ng upuan ay kahoy pero sa katunayan isa pala itong sofa. Nang makita ng mataas na hukom ang kaniyang reaksiyon ay natawa ito.

“Pinagawa ko talagang ganiyan ang sofa na iyan para hindi agad mapansin ng iba kong bisita. Mukha lamang siyang kahoy na upuan sa labas subalit isang malambot na sofa talaga siya. Bihira lamang naman ang umuupo kapag nagtutungo sila sa office ko kaya hindi ito nalalaman ng iba.” pahayag ng mataas na hukom, “Gusto mo ba ng tsaa o kape?”

Nagtungo ang mataas na hukom sa kaniyang mesa at tila may kinuha ito. Nang magbalik ang mataas na hukom ay nanlaki ang mata ni Earvin sa nakitang hawak nito.

“Electric Kettle!” sigaw ni Earvin.

“Ito ba?” tugon ng mataas na hukom, “Itinatago ko talaga ito para nga hindi malaman ng iba.”

Kinuha din ng mataas na hukom ang mga tasa at inilagay ito sa mesa sa harap ni Earvin. Matapos ay nagtungo ito sa aparador na makikita sa silid.

Muling ikinabigla ni Earvin ng buksan ng mataas na hukom ang aparador. Hindi mga damit ang makikitang laman nito at ang loob nito ay naglilinawanag. Hindi tiyak ni Earvin kung ano mismo ang nilalaman ng aparador subalit isang bagay ang sigurado siya, isa itong refrigerator na nasa anyong aparador lamang sa panlabas nito. Muli isa nanaman itong pamamaraan ng mataas na hukom upang itago ang bakas ng modernisasyon sa gusaling ito.

“Ano ba ang gusto mo soft drinks o juice?” tanong ng mataas na hukom.

“Soft drinks na lang po.” tugon ni Earvin.

“Mabalik ako sa sinasabi ko.” sambit ng mataas na hukom, “After 16 years makakapagpakilala na ako sa iyo, hindi bilang ang mataas na hukom, kung hindi bilang lolo mo.”

“Ha?!” Napatayo si Earvin dahil sa narinig niya ang sinabi ng mataas na hukom. “Lolo? Paano naman nangyari iyon?”

“Alam ko na hindi ka maniniwala sa sasabihin at magiging mabilis ang pagpapaliwanag kung magpapakita na lamang ako ng mga ebidensya.” Nagtungo ang mataas na hukom sa bookshelf at kinuha ang isang libro. Isa itong photo album at ang mga larawan ay kinuha sa lupaing sinilangan ni Earvin.

“Tingnan mo itong larawan na ito, hindi ba ina mo ito?” Nakita ni Earvin sa larawan na pinakita sa kaniya ng mataas na hukom ang kaniyang ina. Sa larawan makikita ang kaniyang ina nung siya ay dalaga pa, masaya siya at may kasama siyang lalaki na hindi kilala ni Earvin.

“Ang lalaking iyan ang iyong ama, ang aking anak.” Muling nagpakita ng ibang larawan ang mataas na hukom. Sa unang larawan ay ang kaniyang ina at ang lalaki na ikinakasal. Nakita din niya sa larawan ang mataas na hukom noong hindi pa maputi ang buhok nito. Sa ikalawang larawan ay ang kaniyang ina na nagbubuntis sa kaniya. Sa ikatlong larawan ay ang kaniyang ama na karga ang sanggol at sa huling larawan ay ang mataas na hukom ang may hawak sa bata. “Ikaw yan noong bata ka pa. Ang liit mo pa dati pero ngayon ang laki mo na. At nakuha mo ang pagiging palaban at katapangan ng iyong ina.”

Lahat ng larawan na pinakita sa kaniya ng mataas na hukom ay patunay na may koneksiyon nga sila ng mataas na hukom. Subalit may mga bagay ang hindi niya maintindihan, kung talagang lolo niya nga ang mataas na hukom bakit inilihim ito ng kaniyang ina. At nais din niyang malaman kung bakit naman siya gustong mamatay ng mataas na hukom.

“Siya nga pala alam na ng iyong ina na nandito ka at pumapayag na din siya na manatili ka muna dito ng ilang araw.”

Tumayo ang mataas na hukom at tila may hinahanap siya sa kaniyang bulsa. Inilabas niya ang isang kagamitan, ito ay ang kaniyang cellphone at may ipinakita kay Earvin.

“Basahin mo, iyan ang pinag-usapan namin ni Linda.”

Nang makuha ni Earvin ang cellphone ay kaagad niyang binasa ang mga text messages dito.

ME:

Linda kamusta ka na? Nabalitaan ko na ikinasal ka na daw ulit. Bakit hindi mo man lamang ako inimbitahan.

Linda:

Pa, matagal na tayong walang koneksiyon. Magmula ito ng iwan kami ng anak ninyo. Nagawa ko ding palakihin ng mag-isa ang anak ko. Kaya pakiusap hayaan niyo naman akong lumigaya.

ME:

Hindi lang pala iyon ang nalaman ko. Narinig ko din na nagpunta ng Pilipinas ang apo ko, si Earvin. Siguro naman ay pwede ko siyang makita?

Linda:

Huwag na huwag mong magawang lumapit kay Earvin. Hindi niya na kailangang malaman at masangkot pa sa mga gawain mo. Hinding hindi ko pa nalilimutan ang ginawa mo sa pamilya ko. 

Linda:

Kung hindi dahil sa iyo at sa buhay na mayroon ka, hindi sana nasira ang pamilya namin. Nang ipakita mo sa asawa ko ang mundong kinabibilangan mo, nawalan ng ama si Earvin. At maging ako ay nagdusa at naghirap. Hindi ko hahayaang kunin mo din sa akin ang anak ko at danasin niya ang hirap at kamalasan na dala mo.

ME:

Linda huwag ka sanang mabibigla pero nandito na ang anak mo. Inatake siya ng isang aswang at kritikal ang kalagayan. Pero don't worry, ligtas na siya ngayon. Nakita ko mismo na magaling na siya. Tutal nandito na din naman siya siguro ay magpapakilala na ako sa kaniya.

Linda:

ANONG SINABI MO!? MAY NANGYARING MASAMA SA ANAK KO. Sinasabi ko na nga ba na kamalasan lamang ang dala mo. At nangyari lahat ng yan dahil bigla kang nagparamdam.

Linda:

HINDI! HINDI AKO MAKAKAPAYAG! PAUWIIN MO SIYA! KUNG AYAW MO AKO MISMO ANG PUPUNTA SA IYO!

ME:

Huwag kang mag-alala nasa mabuti siyang kalagayan. Walang masamang nangyayari sa kaniya dito. Gustong gusto nga siya ng mga tao dito at sabi niya gusto niya din na dito daw muna siya ng ilang araw, possibly years.

Hindi pa man natatapos basahin ni Earvin ang usapan ng mataas na hukom at ng kaniyang ina ay biglang namatay ang cellphone. Naubusan na ng karga ang baterya nito at hindi na niya nalaman kung ano ang mga sunod na sinabi ng kaniyang ina. Natitiyak niya na hindi basta papayag ang ina niya dahil matagal din bago niya nakumbinsi ito sa pag-uwi niya sa Pilipinas. 

Subalit dahil sa text messages na ito may ilang bagay siyang nasiguro. Una, ang kamalasan niya ay dahil sa mataas na hukom na kaniyang lolo at ang pagiging sangkot dito ay magdudulot lamang sa kaniya ng problema. Ikalawa, gumagana at nakakagamit ng teknolohiya sa lugar na ito. At ikatlo may paraan upang makauwi siya sapagkat hindi na niya nanaisin na magtagal pa sa magulong lupain na ito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status