Share

Chapter 10

Sa kulay abong kalangitan, hudyat ng nagbabadyang pagkagat ng dilim, ilang metro ang layo sa akin ni Hayes. Walang ulap sa mga oras na ito. Hinuha ko ay bubuhos ang ulan mayamaya. 

Sakaniyang sinabi ay pakiramdam ko isang mahirap na katanungan iyon.

Nagpunta siya rito para... ihatid ako? Masyado nang taliwas sa katotohanan iyang iniisip mo. Napadaan lang iyan. 

Nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko kaya ang makipagtitigan sakaniya ng ilang sandali. Hindi ko matanto kung dapat ko bang sagutin iyon. Kung ano ang dapat sabihin. Nilingon ko siya at nahuli ang mariin niyang titig. 

May ilang dumadaan na pamilyar na mga estudyante at napapabaling sa direksiyon namin. Kahit naglalakad ay nababali ang mga leeg nila matignan lang kami. 

"Uhm, ayos lang ako. H-Hindi mo naman ako kailangan pang ihatid." Kinagat ko ang labi ko.

Iniwas niya ang tingin sa akin at pinaglaruan ang susi na nasa kaniyang kamay. Tinagilid niya ang ulo at lumunok, tila ba hirap na hirap sa sitwasyon. 

"It's fine. Alright. I just thought..." Umiling siya at binulsa ang kamay. 

Tumango siya, hindi nakatingin sa akin. Ilang sandali kaming natahimik. Pinapanood ko lang siya, habang siya naman ay iniiwas ang tingin sa akin habang nilalaro ang susi. Hindi ko tuloy alam kung dapat na ba akong magpaalam at nang makauwi na. Pero may parte sa akin na hindi iyon ang dapat kong gawin. Tila mali kung iiwan ko siya rito, nang mag-isa. Kahit pa na pwedeng-pwede ko naman iyon gawin. 

"Hindi ba talaga pwede?" Kitang-kita ko ang pag-aalinlangan niya nang sabihin iyon. 

Hatid lang naman, Marwa! Wala naman masama roon, 'di ba? Ihahatid ka lang! Hindi ka dapat nag-iisip ng kung anu-ano diyan! Nadaanan ka lang niya. Siguro ay sumagi sa isip niya na naglilingkod ako sa feeding program sa mansiyon nila at nagmamagandang loob lang iyong tao kaya nag-ooffer na hinatid ka! Siguro ay kung si Sania o Julia ang nakita niya, malamang ganito rin ang gagawin niya. Bakit ba pinapalaki ko ang mga bagay na tulad nito? 

Pero bakit parang ayaw kong tanggihan siya? Pakiramdam ko ako lang din ang hindi mapapayapa sa oras na tanggihan ko siya. 

"H-Hindi ba ako nakakaabala?" Untag ko sa maliit na boses. 

Tinitigan niya ako nang ilang sandali. Kitang-kita ko ang dahan-dahang pagpapakawala niya ng hininga. 

"Pumapayag ka na?" Aniya imbes na sagutin ang tanong ko. 

Ngumuso ako at marahang tumango. Humigpit ang hawak ko sa sling ng aking bag. 

Iniwas ko ang tingin ko sakaniya. Meron na naman akong nararamdamn na nagkakagulo sa tiyan ko, imbes na suwayin sila, gusto ko silang naroon lang at patuloy na magkagulo. 

Ilang hakbang lang ang pagitan niya sa akin, at ang sasakyan niya ay nasa kaniyang likod. Humakbang siya palapit. Napansin ko kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng aming taas. Hanggang balikat lang niya ako. 

Natulala ako nang ilahad niya ang kamay sa akin. Hindi ko pa man tuluyang naibibigay ang kamay ko nang hawakan niya na iyon. Marahan at para bang haplos ang kaniyang pagkakahawak. Nagpatinaod ako sakaniyang mabagal na hakbang. 

Diretso lang ang tingin niya sa harapan, habang ako ay bumagsak ang tingin sa mga kamay namin. Kitang-kita ko kung paano nanliit ang kamay ko sa kaniya. Ang mga ugat niya sa braso at kamay ay pakiramdam ko perpekto sa aking manipis na mga daliri. Hindi ko alam kung bakit natutuwa ang puso ko sa mga napapansing ganitong maliliit na bagay na pagkakaiba namin. 

Pinakawalan niya ang kamay ko nang buksan ang pintuan ng sasakyan. 

Tinitigan niya ako ng ilang sandali bago ilahad ang sasakyan. 

"Sakay na, Marwa," aniya sa mababang boses. 

Nag-iwas ako ng tingin at tumalima sakaniyang sinabi. Nang makaupo ako sa loob ay hawak niya pa rin ang pintuan, tinatanaw ako. Nag-iwas ako ng tingin nang hindi ko na nakayanan. Bumaling na lang ako sa harapan. Ano pa bang ginagawa niya? Bakit hindi pa siya pumasok at tigilan na ang ganiyang paninitig?

Tila ba narinig ang nasa isip ko, sinara niya ang pintuan sa aking gilid. Pinanood ko siyang umikot at sumakay. Hindi na ako nangahas pang magsalita. 

Halos singhutin ko ang amoy ng kaniyang sasakyan. Naaamoy ko ang pabango niya at ang pinagsamang mint at leather. Shit! Halos mapapikit ako. 

Napansin kong hindi ito ang sasakyan niya noong gabing nagkita kami sa club. Sabagay, kung ikaw ba naman ang may-ari ng isang automotive company, normal lang siguro na magpalit ka ng sasakyan kahit araw-araw pa. 

Halos mapapikit ako sa kahihiyan nang maalala kung gaano ko nadumihan ang sasakyan niya nang magsuka ako. Siguro ay nabadtrip siya sa akin noon, hindi na iyon kataka-taka pa. Kaya siguro bumili na lang siya ng bagong sasakyan. Inisip niya panigurado na ang kapal ng mukha ko para magsuka sa loob ng sasakyan niya. Nakakahiya ka, Marwa! 

Pasimple ko siyang nilingon nang may inabot sa likod ng sasakyan. 

Nakita ko ang kinuha niyang isang box mula sa isang sikat na brand ng donut sa kabilang kamay at isang litrong nakakahon na fresh milk. 

"This is... for you," aniya. 

Tinignan ko lang siya dahil sa gulat. Ang alam ko lang ay ihahatid lang niya ako, hindi ko alam na may nakahanda siyang pagkain! 

"Hindi. Ayos lang ako." Kinagat ko ang labi ko nang matantong parang tinanggihan ko siya sa sinabi ko. Masama ang tumanggi sa biyaya, Marwa! 

"Ganoon ba..." Bumagsak ang tingin niya sa hawak na box. Para bang may kung ano roon at tinitignan niyang mabuti. 

"Uh, p-pwede ko naman tikman." Napakurap-kurap ako. 

Binasa niya ang kaniyang labi at nag-angat ng tingin sa akin. Pumungay ang kaniyang mga mata at tipid na ngumiti.

"Pwedeng sa pag-uwi mo na lang 'yan kainin. Kung busog ka pa," he said slowly. 

"Uhm, pwede nating pagsaluhan dito iyan. Ako lang naman mag-isa ang nandoon. B-Baka hindi ko maubos." I smiled. 

Ngumuso siya at nag-iwas ng tingin. 

"That's better," bulong niya. Nilapag niya ang fresh milk sa dashboard at may inabot ulit sa likod. Nakita kong isa iyong hindi pa nabubuksan na tissue paper. Nilapag niya sakaniyang kandungan ang donut box. Pinanood ko ang pagbukas niya sa tissue paper at kumuha ng isa roon. Binuksan niya ang donut box at kumuha ng isang piraso gamit ang tissue paper. Inabot niya iyon sa akin. Hindi na ako nagdalawang isip na kunin iyon. 

"Thank you." Ngumiti ako. 

Kumuha rin siya ng sakaniya gamit din ang tissue paper. Napansin ko na hindi niya pa pinapasok ang susi. Nakatabi naman ang kaniyang sasakyan at walang masyadong dumadaan na kotse rito. 

Tahimik kaming kumain sa loob ng sasakyan. May parte sa aking nagdidiwang sa simpleng pangyayaring ito. Bakit ba lahat na lang ng bagay ay pinapalaki ko sa tuwing sangkot ang lalaking iyan? 

"Do you usually go home at five?" 

Tinanong niya iyon na para bang normal lang. Normal lang naman talaga. Pero bakit iba ang dating sa akin? 

Dahan-dahan kong nginuya ang donut. Hindi ko pa halos nakakalahati pero sakaniya ay tatlong subo lang yata. 

"Hmm. Tuwing Martes, halfday lang kami." 

Pinanood ko kung paano niya ginulo ang kaniyang buhok bago kinuha ang bottled water sa dashboard. Natulala ako sa mukha niya. 

Uminom siya mula sa bote at kitang-kita ko ang perpektong hugis ng kaniyang panga at ilong. Tanaw na tanaw ko kung gaano namula ang labi niya mula sa pag-inom. Dumungaw siya sa akin habang sinasara ang bote.

"Nag-co-commute ka lang? Walang naghahatid sa'yo?" Marahang niyang untag.

"Sinusundo ako dati nung driver ni Mr. Albarenzo pero sinabi ko na hindi na kailangan pa." Hindi ko na magawang kumagat sa donut.

Kinakapos ako ng hininga dahil sa titig niyang hindi ko maipaliwanag. Bakit ganito siya makatitig? Kahit nakaupo ako ay ramdam ko ang panghihina ng mga binti ko... at ang mga malilikot na nanggugulo sa tiyan ko. Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng magulo, sila ang hindi dapat na suwayin. Dahil hindi ko rin naman alam kung paano sila patatahimikin. 

"You were not with your friends last Sunday. Hindi ka rin ba pupunta sa susunod?" 

Tumigil yata ang paghinga ko sa katanungan niya. Bakit niya pa tinatanong iyon? Kailangan niya pa bang malaman ang tungkol doon? 

Nag-iwas ako ng tingin. 

Kailan ko kaya siya matitignan pabalik... nang hindi ako ninenerbiyos? Nakakahiya dahil parang ako lang ang ganito! Mukhang ayos naman siya! Normal lang naman kasi ang lahat, ako lang itong OA maka-react! Kulang na lang ay mahimatay ako sa simpleng pag-uusap lang namin sa ganitong kalampag ng puso ko. Hindi dapat ako nagiging ganito sakaniya. Paano ko pipilitin ang sarili kong maging normal sa tuwing nariyan siya? Iyong hindi kinakabahan! Iyong hindi na-co-conscious! Iyong hindi ganito!

Tinagilid niya ang kaniyang ulo, tila nag-aabang ng sagot ko. Napapansin niya kayang hirap ako sa pag-uusap namin? 

"M-May ginawa lang ako noon. Pagod lang. Tsaka... pupunta ako sa Linggo."

Ngumuso siya at dahan-dahang tumango. 

"Akala ko kasi hindi ka na babalik doon. Naitanong ko lang," malamig niyang sinabi nang hindi ako nililingon. 

Sa bagal ng pagkain ko sa isang pirasong donut, nakuha ko nang maubos hindi niya pa rin pinapaandar ang sasakyan. Inabot niya sa akin ang fresh milk nang mapansing wala na akong hawak na donut. 

Unti-unting nagkalat ang patak ng tubig sa bintana. Tuluyan na ngang bumuhos ang ulan. 

"S-Saan ka galing?" Untag ko sa maliit na boses.

He looked at me with a hint of amusement. There was something in his eyes that I cannot identify. Tila ba natutuwa o nagtataka. Hindi ako sigurado. 

"Work," he simply said. 

"Saan?" I asked curiously. 

"Veruz. I design cars. Ako ang nagdisenyo nitong sasakyan ko." 

"Oh." 

Of course. Kompanya nila iyon kaya tiyak na roon siya nagtratrabaho. Siya na kaya ang presidente roon? 

Isang lokal na banda ang kumakanta mula sa mahinang radyo. Ilang sandali ko pang inisip kung anong kanta iyon. Nanatili kaming tahimik. 

Nang isang beses ko siyang binalingan, naabutan ko siyang nakatuko ang isang braso sa bintana, hinahaplos ang labi habang tutok ang mga mata sa kalsada. Lumiliwanag ang mukha niya sa paminsang-minsang dumadaan na mga ilaw. 

Nag-iwas ako ng tingin. 

Bakit ba ganito siya kagwapo?

Kinagat ko ang labi ko nang maramdaman ang pag-iinit ng pisngi ko. Tahimik lang siyang nagmamaneho habang ako, kung anu-ano na ang iniisip tungkol sakaniya!

Naging mabagal ang pag-usad ng trapiko. Natatanaw ko ang mga tao sa gilid ng kalsada at ang mga kainan doon. Nakita ko ang isang lomihan. Walang masyadong tao sa loob. Saktong sa harapan nito mismo kami nagtagal dahil sa traffic. 

Gusto ko tuloy ng mainit na sabaw! Nilingon ko si Hayes. Nagulat ako nang nakatingin din siya sa akin. Umangat ang kilay niya. 

"Do you want to eat there?" Marahan niyang sinabi at tumingin sa labas. 

Namilog ang mga mata ko. Ganoon ba ako makatingin sa lomihan at napansin niya ang tingin ko roon? Pwede ko naman tanggihan ang sinabi niya. Ayaw ko namang makaabala pa sa oras niya dahil lang sa gusto ko ng lomi. 

"Ayos lang. Sayang sa oras. Magluluto na lang ako ng sa akin sa condo," sabi ko kahit pa na alam ko sa sarili kong hindi ko alam kung paano magluto niyon. 

"Gusto mong kumain? Pwede kong itabi ang sasakyan. Kakain tayo." Mukhang sigurado siya sakaniyang sinabi. 

Habang tinatanaw ko siya, unti-unti kong nakikitang seryoso nga siya sakaniyang sinabi. Nag-angat siya ng kilay. 

"Okay lang ba sa iyo? Kumakain ka ba sa ganiyan?" Kinagat ko ang labi ko. 

Nagsalubong ang kilay niya. Nasa daan na ang atensiyon niya ngayon, determinado nang itabi ang sasakyan. 

"I've tried it before. Pero medyo matagal na rin 'yon. I was still in college. Susubukan ko ulit ngayon. Sakto, umuulan," wika niya. 

Ipnarada niya ang sasakyan hindi kalayuan sa lomihan. Hindi naman iyon nakakaabala sa ibang sasakyan kaya tama lang kung naroon ito. Kinuha niya ang isang itim na payong sa likod. Nauna siyang bumaba at sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa buksan niya ang pintuan sa gilid ko. 

Ang payong ay hindi ganoon kalaki. Folded iyon, sakto lang sa isang tao. Sakto lang sakaniya! Kaya kung makisilong pa ako roon ay paniguradong mababasa pa rin ang isa sa amin. 

Ilang hakbang pa ang layo ng lomihan. Wala pa naman akong dalang payong. Medyo marahas ang buhos ng ulan. Tumutulo ang tubig mula sa payong ni Hayes. Wala naman kaso sa akin kung mabasa man ako. 

Lumabas ako ng sasakyan at kaagad sinilong sa akin ni Hayes ang payong! Halos nasa akin ang kabuuan ng payong. Ang kalahati ng katawan niya ay hindi napapayungan. Nababasa na siya! 

Namilog ang mga mata ko. 

Hindi na ako nakapagsalita nang binalot niya ako sa braso niya, tila ba sinisigurado na hindi nga ako mababasa. Salungat sakaniya na basang-basa na ang buhok. 

Nang makasilong kami sa lomihan, tiningala ko lang siya. Sinara niya ang payong at sumulyap sa akin. 

"Nabasa ka ba? Lumakas lalo ang ulan," aniya na para bang wala lang! 

"Ikaw nga ang basang-basa riyan. Wala ka bang pamunas?" Sabi ko sabay dukot ng panyo sa bulsa ng aking palda. Wala sa sarili kong pinunasan ang gilid ng kaniyang mukha, pataas sakaniyang basang buhok. 

Pinanood niya ako. His eyes were unreadable. My heart flipped for a second. Nanginig ang kamay kong may hawak ng panyo. I saw how his lips parted while staring at me. Then he looked away. 

Uminit ang pisngi ko. 

Really, Marwa? Sa tapat ng lomihan? Sa maulan na kalsada? Sa gitna ng mga dumadaang tao? Ganito ang nararamdaman mo? Legal pa ba ito? Bakit tila labag sa batas ang estrangherong pakiramdam na ito? 

Nanghina ang kamay ko nang ibaba ko iyon. 

Tumikhim ako at iniwas ang mga mata sakaniya habang inaabot ang panyo. 

"G-Gamitin mo muna. Malinis naman iyan. Hindi ko ginamit. Basang-basa... ang buhok mo." Kinagat ko ang labi ko at sinubukan siyang tignan. 

Hindi niya pinatagal ang pagtanggap sa panyo ko. Napakurap ako at nilingon ang lomihan. 

"Pasok na tayo?" Wika ko. 

Siya na ang nagpunas ng kaniyang buhok. Ngumuso ako habang pinapanood siya.

"Halika na," aniya at bahagyang ngumiti.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status