Share

Kabanata 3

Blair Castro

BUMUGA ako ng hangin matapos akong pagsarhan ng gate ng isang masungit na babae. Halos alas dose na ng tanghali at napapagod na ako sa kalalakad pero wala pa rin akong nakukuhang impormasyon tungkol sa mga kambal ko.

“Blair, anong sabi ng nakausap mo?” tanong ni kuya nang makalapit siya sa akin matapos tumawid mula sa kabilang kalsada. Tulad ko ay nagtanong rin siya sa katapat na bahay.

Matamlay akong umiling sa kaniya. “Wala. Iyong nakausap mo?”

Umiling siya habang nakatitig sa akin. Bumagsak ang balikat ko. Hinahanap namin ngayon ang doktor na nagpaanak sa akin. Natandaan ko kasi ang pangalan na itinawag sa kaniya ni Alicia noon at hinanap namin ang lahat ng taong may katulad ng pangalan niya at pangatlong tao na ang napagtanungan namin kaso bigo kami.

Marahang tinapik ni kuya Cloud ang balikat ko. “'Wag kang mag-alala, bunso. Mahahanap natin si Katrina Licauco.”

Si Dra. Katrina Licauco ang doktor na nagpaanak sa akin at sa dami ng doktor na may ganoong pangalan ay nahihirapan kami ni kuya na hanapin siya.

Napailing ako ng marahan. Hindi ko alam kung may mangyayari sa ginagawa namin. Maaaring wala kasi dito sa bansa ang doktor na iyon o maaari rin na kinausap iyon ni Alicia para pagtakpan sa akin ang katotohanan tungkol sa mga anak ko. Ewan ko! Hindi ako sigurado pero susubukan ko pa ring gawin ito para sa mga anak ko. Kailangan ko silang mahanap. Kailangan ko sila.

“Kumain nalang muna tayo, bunso. Tiyak kong nagugutom ka na.” suhestiyon ni kuya matapos naming manahimik ng ilang sandali.

Tumingin ako sa paligid. Natanaw ko ang isang maliit na karinderya kaya nilingon ko si kuya. “Kumakain ka ba sa karinderya?”

Tiningnan niya ang kainan sa hindi kalayuan saka ako muling nilingon. Mahina pa siyang natawa. “Pilipino ako, bunso. Marunong akong kumain sa mga ganiyang kainan saka hindi naman ako sosyalin na tao.”

Natawa rin ako at napailing. Nagsimula kaming maglakad papunta sa karinderya habang nakahawak ako sa kaniyang braso. Iniwan namin ang kaniyang kotse sa may tapat ng bakanteng lote dahil masyadong malapit kung gagamitin pa namin iyon papunta sa kainan.

“Susubukan ko ring magtanong-tanong sa mga kakilala ko dito sa Pilipinas. Baka sakaling may nakakakilala kay Dra. Licauco.” ani kuya Cloud habang pumapasok kami sa karinderya.

Self-service ang kainan kaya agad kaming dumiretso ni kuya sa may istante para pumili ng pagkain namin. Biglang lumalam ang tiyan ko nang makita ang mga pagkain. Mukhang masasarap ang mga nakadisplay.

“Ano sayo, bunso?”

Hindi ko nilingon si kuya sa halip ay itinuro ko ang mga gusto ko. “Ito. Ito saka ito.”

Napalingon ako kay kuya nang mahina siyang natawa. “Hindi naman halatang gutom ka, ano?”

Sinimangutan ko siya. Hindi ko kasi talaga napagtuunan ng pansin ang gutom ko kanina. Ngumisi siya saka ginulo ang buhok ko. “Kuha ka na ng pwesto natin, ako nalang ang magdadala nito.”

Tumango ako at agad na humanap ng pwesto. Pinili ko ang parte sa tabi ng bintana para rin kita namin ang kotse ni kuya. Habang naghihintay ako at pinaglalaruan ko ang table napkins at mga kubyertos sa lamesa. Muli kong naalala ang naging kasunduan namin ni Alicia five years ago.

Napabuntong-hininga nalang ako. Wala akong magawa kundi mapabuntong-hininga nalang ng paulit-ulit sa mga nangyari noon sa akin. Pumayag ako sa gusto ni Alicia dahil gusto kong iligtas ang mama ko pero hindi rin siya tuluyang gumaling. Masakit ang naging pagkawala niya at kasing sakit iyon ng naranasan ko nang kunin ni Alicia ang mga anak ko. Kinuha niya ang karapatan ko sa mga anak ko. Ninakaw niya at tiyak na wala na siyang balak na ibalik pa.

“Blair!”

Napakurap-kurap ako nang tawagin ako ni kuya kasabay ng pagpitik ng daliri niya sa harapan ko. Bumuntong-hininga siya at naupo sa harap ko. Inilagay niya ng maayos sa mesa ang mga pagkain namin at ipinatong sa bakanteng upuan sa gilid ang tray na pinaglagyan niya.

“Mahahanap natin sila, bunso. 'Wag ka munang mag-isip ng kung anu-ano.”

Tumango lang ako at tipid na ngumiti. Nagsimula kaming kumain ni kuya. Nag-uusap rin kami habang kumakain at paminsan-minsan ay nagbibiro siya para lang mapatawa ako.

“Speaking of marriage, kailan ka maghahanap ng mapapangasawa, kuya?” tanong ko.

Napag-usapan kasi namin ang pagpapakasal nina Alicia at Lukas four years ago at naalala ko bigla na sa limang taon na kasama ko sila nina mom at dad ay wala pa akong nakilalang babae na nakarelasyon o nakafling manlang ni kuya.

Tumawa siya. “Masaya na ako sa inyo nina mom at dad, bunso.”

Umiling ako. “Iba pa rin iyong may katuwang ka sa buhay, kuya. Iba iyong may anak ka.”

Umiling siya matapos uminom ng tubig. “Magpapari ako, bunso.”

Kamuntik na akong masamid sa sinabi niya. Humalakhak siya nang titigan ko siya gamit ang hindi makapaniwalang mukha.

“Nagbibiro ka ba, kuya?”

Mula sa pagkakangisi ay sumeryoso siya at tinitigan ako. “Hindi ako nagbibiro, Blair. Gusto ko talagang magpari.”

Napailing-iling ako. “Imposible! Palamura ka, kuya!”

Mahina siyang natawa. Ramdam ko ang sinseridad niya sa sinabi niyang magpapari siya at hindi lang talaga ako makapaniwala dahil hindi naman banal ang ugali niya. Umiinom pa nga siya e.

“Blair, hindi naman porket palamura ay hindi na maka-Diyos. Totoong gusto kong magpari. Iyon nga lang, hindi ko masabi sa parents natin dahil alam kong magugulat sila.”

Tumango ako bilang pagsang-ayon. “Talaga lang, kuya. Magugulat talaga sila. Ako nga nagulat e.”

Napailing nalang ako nang muli siyang matawa. Nagpatuloy kami sa pag kain. Ala una trenta nang umalis kami sa kainan. Matapos magbayad ay agad kaming sumakay ni kuya sa kotse niya na nakaparada sa hindi kalayuan.

Nagpatuloy kami ni kuya sa paghahanap. Halos magmakaawa ako sa mga taong pinagtatanungan ko para lang mahanap si Dra. Licauco pero bigo akong makanap manlang ng clue.

Umupo ako sa gilid ng kalsada at tiningnan si kuya na may kausap na babae. Yumuko ako at pinaglaruan ang mga daliri ko. Hindi ako mawawalan ng pag-asa. Mahahanap ko ang mga anak ko at hindi ko sila susukuan. Kailangan ko lang hanapin ang mga kambal kong lalaki dahil nasa poder naman ni Lukas ang bunso kong babae na si Lira.

“Blair!”

Nag-angat ako ng mukha at agad na tumayo nang lapitan ako ni kuya. Hinawakan niya ang magkabilang kamay ko. “May napagtanungan ako na nakakakilala kay Dra. Licauco. Nasa Siargao daw ito ngayon. Doon daw ito naninirahan simula pa noong magresign ito sa hospital na pinagtatrabahuhan dati.”

Lumunok ako at tinitigan si kuya. Napupuno ng pag-asa ang puso ko ngayong may nakuha na kaming impormasyon tungkol kay Dra. Licauco. “Pumunta tayo doon, kuya.”

Umiling siya. “Ako nalang ang pupunta doon, bunso. Magstay ka dito para mabantayan mo si Lira.”

Natigilan ako. Tama siya! Kailangan kong bantayan si Lira.

“Bago iyon, samahan mo muna ako sa mall. May kailangan lang akong bilhin.”

Tumango ako at agad na sumunod sa kaniya. Habang sakay kami ng kotse at nagmamaneho siya ay hindi ko napigilang mangarap tungkol sa mga mangyayari kapag nahanap at nakuha ko na ang mga anak ko.

Hindi ko mapigilan ang excitement at talagang bumibilis ang tibok ng puso ko kapag naiisip kong makakasama ko na ang mga anak ko. Sobra akong nangungulila sa kanila. Gustong-gusto ko na silang makita at makasama.

“Dito ka lang ba o sasama ka sa akin sa loob?” nabalik ako sa realidad dahil sa tanong ni kuya habang inaalis ang seatbelt niya.

Tiningnan ko ang paligid. Nasa parking area kami. Muli kong hinarap si kuya. “Dito nalang ako, hihintayin nalang kita.”

Tumango siya at agad na lumabas. Pinagmasdan ko siyang naglakad paalis. Nang mawala naman siya sa paningin ko ay tahimik akong naghintay hanggang sa mapatingin ako sa dalawang batang naglalaro sa gilid ng isang kotse.

Agad akong bumaba at sumandal sa hood ng kotse ni kuya. Tinitigan ko at pinagmasdang mabuti ang mga bata na naghahagikhikan habang naghaharutan. Hindi kalayuan sa kanila ay nakatayo ang isang dalagitang nagcecellphone—mukhang ate siya ng mga bata.

Napangiti ako nang ibalik ko ang atensyon ko sa dalawang bata. Habang pinagmamasdan ko sila ay dahan-dahan akong tumayo at nagsimulang humakbang palapit sana sa dalawang bata nang may makasabay ako sa paglalakad at hindi sinadyang nabunggo ko.

“Sorry!” halos magkasabay na sambit namin.

Agad ko siyang tiningnan. Isang matangkad na lalaking pamilyar na pamilyar sa akin ang mukha. Titig palang niya ay para na akong matutunaw at unti-unti nang bumibilis ang tibok ng puso ko. Napalunok ako.

“Are you okay, miss?”

Suminghap ako. Nanuot sa kalamnan ko ang baritono niyang boses na naghatid ng kilabot sa aking kaloob-looban. Limang taon na rin mula noong nagkita kami at batid kong hindi niya ako makikilala pero siya ay kilalang-kilala ko pa.

Umigtad ako nang hawakan niya ang braso ko na agad niya ring binawi habang kumukunot ang noo.

Muli akong napalunok. Parang mauubusan ako ng hangin sa baga habang hindi ko mabawi ang titig ko sa kaniya.

Bahagyang umawang ang kaniyang labi, hindi ko alam kung bakit. Ang tanging alam ko ay kailangan kong umalis at lumayo sa kaniya dahil baka hindi ko mapigilan ang sarili ko na umiyak sa harapan niya.

“Blair!”

Kasabay ng pagtawag sa akin ng isa pang pamilyar na boses ang pag-akbay sa akin ng may-ari nito. Tiningala ko si kuya Cloud. Ngumiti siya. “Tara na?”

Dahan-dahan kong nilingon si Lukas de Marco na tumango lang kay kuya Cloud saka nagsalita.  “Nabunggo ko siya. Pasensya na, pre.”

Tumango lang si kuya sa kaniya saka ako hinila paalis. Nilingon ko pa si Lukas habang naglalakad kami ni kuya at muli akong napalunok dahil hinahabol niya ako ng tingin.

Nang makasakay ako sa kotse ay marahas akong napabuga ng hangin. Kinapa ko ang d****b ko—sa tapat ng puso saka mariing ipinikit ang aking mga mata.

Hindi ko alam kung bakit pabigla-bigla ang pag-usbong ng nararamdaman ko para kay Lukas de Marco. Batid kong nagsimula ito noong gabing may nangyari sa amin pero hindi ko maintindihan kung bakit. Imposibleng love at first sight ang nararamdaman ko dahil nakita ko na siya bago pa man ang kasunduan namin ni Alicia.

Posible kayang dahil lang may anak kami? Iyon nga marahil ang koneksyon na nararamdaman ko sa kaniya. Dahil ama siya ng mga anak ko.

Napatingin ako kay kuya nang hawakan niya ang kamay ko. “Are you okay, bunso?”

Dahan-dahan akong yumuko. “Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko, kuya. Nafufrustrate ako!”

Bumuntong-hininga siya saka  marahang hinaplos ang buhok ko. Sinalubong ko ang tingin niya. Gumuhit ang isang ngiti sa mga labi niya, tipid siyang ngumiti. “Siguro dahil nasasabik kang makasama ang mga anak mo, Blair. Hayaan mo, gagawin ko ang lahat para mahanap ang kambal.”

Hindi ako sumagot. Marahan lang akong tumango habang hinila naman niya ako at mahigpit na niyakap. Naramdaman ko ang marahan niyang paghalik sa ulo ko. “Kung ano man ang nararamdaman mo para kay Lukas de Marco, pigilan mo. Pigilan mo iyan, Blair. Masasaktan ka lang sa kaniya.”

Lumunok ako. Hindi ko naman kukunsintihin ang kung ano mang nararamdaman ko para kay Lukas. Kasal na silang dalawa ni Alicia at ama nalang siya ng mga anak ko. Wala naman siyang ibang koneksyon sa akin kaya hindi dapat ako nagkakaganito dahil lang sa kaniya. Hindi ko maaaring mahalin si Lukas. Hindi ko maaaring kahumalingan ang isang lalaking kasal na sa iba.

Humiwalay ako sa yakap ni kuya. Marahan naman niyang pinunasan ang mga luha sa pisngi ko. Umayos ako ng upo at inayos ang nagulo kong buhok. Isinuot ko rin ang seatbelt ko saka nginitian si kuya. “Ang mga anak ko ang ipinunta ko dito, kuya. Hindi ako maaaring makaramdam ng kung ano para kay Lukas. Hindi siya ang pakay ko!”

Tumango si kuya. “Tama, Blair. Hindi ang isang katulad niya ang nararapat at nababagay para sayo. Mga anak niyo lang ang nagtatali sa inyong dalawa dahil legal siyang nakatali sa iba. Tandaan mo iyan, bunso. Ayokong dumating iyong araw na malalaman kong nakiapid ka dahil hindi ko iyon matatanggap.”

Saglit akong napatitig kay kuya. Dinaan na niya ako sa masakit na salita kaya dapat ko itong tandaan. Dahan-dahan akong tumango pero hindi ako nagsalita. Hindi ko kailangan si Lukas de Marco. Ang mga anak ko ang kailangan ko!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status