Share

Chapter 2

Pinagmasdan niya ang reaksiyon ng mga ito. Namilog ang mga mata ni Amanda at napanganga ito habang ang kano naman na si Jack ay nakatitig sa kanya. Titig na may halong kuryusidad. Hindi niya ito nagustuhan sapagkat para siyang nalulunod sa kulay asul nitong mga mata.

Ang buong akala niya ay lalamunin na siya ng lupa ng buong New York sa kahinhintay sa magiging komento nila. Mabuti na lang at sa mga sandaling iyon ay napakli ito ni Amanda.

“Oh my God! That is so cool. So what does it mean?” usyuso nito sabay palakpak ng isang beses. Napalingon pa tuloy sa gawi nila ang ibang naroroon.

Bumaling siya ng tingin rito at pasimpleng hinaplos ang kanyang buhok.

“It means My God,” madulas na tugon ni Betsy.

Ang mahalaga kasing aral na natutunan niya sa pagpapanggap ay dapat malapit pa rin sa katotohanan. Upang kung magkamatayan man, hindi masyadong mapipiktosan.

Sa tingin niya naman ay napahanga niya si blandina sapagkat tango lang ito nang tango. Hindi lang siya sigurado sa isang kano dahil nakataas lamang ang kilay nito at walang imik siyang pinagmamasdan.

“What else?” luhog na naman ni Amanda na may halong pananabik.

Pashneya! Wala talagang balak tumigil si bruha.

Nag-isip siya ng kaparaanan upang mailigtas ang sarili sa nangyayaring sitwasyon. Alam niya na kailangan niya talagang isalba ang sarili. Mabuti na lamang at parang may bombilyang kaagad na umilaw sa kaloob-looban ng left brain hemisphere niya.

“As much as I want to share all about Japanese words, but aren't we going to share about our ideas?” pilit niyang depensa bagama’t alam niya namang wala rin siyang maibabahagi. Pero mas maigi na rin, dahil sa tingin niya naman ay si blandina lang ang magmomonopolya ng usapan.

Umismid ang dalaga ngunit ang kaninang wala pang imik na si Jack ay parang may ibang ideya. Parang may kakaibang kislap na ang mga mata nito.

“I don't think so. I think your Japanese words are far more interesting. Tell us some more.”  Ngumisi ito sa unang pagkakataon.

Kung hindi lang dahil sa mga matang may lihim na ibang balak ay baka nasabi niyang may hitsura ang lalaki. At dahil wala na siyang ibang magawa, sumabay na lang siya sa daloy ng mapangambang agos. Sapagkat nakasisiguro naman siya na hindi na muling magkukrus ang kanilang mga landas. Napakalayo kaya ng Pilipinas sa Amerika kaya nagpakabaliw na lang siya. Kaya naman ay isinagad na niyang tuluyan ang kanyang pagkamakasalanan. Alam niya naman na ipagdadasal ni Lolo June ang kaligtasan ng kanyang kaluluwa sa itim na Nazareno.

“Maraki,” madulas na sambit niya with matching sharp eyes pa na tingin.

“Means what?” kibit balikat na tanong ni Jack.

“It means big!” sagot niya sabay tapon ng kamay na parang maliit na bagay lang. Phew!

“What else?” pag-uulit na naman ni Amanda kaya napabaling siya ulit dito. Bakas talaga sa mukha at boses nito ang kasabikan. Naaalala niya tuloy si Boknoy dito, ang tuta ng landlady niyang si Aling Petra.

“Hmm . . . Kalerke. It means crazy by the way. And Kerebells . . . It means you can do it!” masigla niyang pagpapasikat na sinabayan pa ng sipa sa hangin gamit ang dakot na kamao.

“Wow! Kerebells!” pakikisabay naman ni Amanda na halatang bilib na bilib. Ginanahan tuloy siya at hindi na maawat pa ang sarili para tumigil na sana sa kahibangan.

“Then also uh, chinaoil.”

“What does it mean?” Inilapit ng bahagya ni Amanda ang ulo sa kanya. Halatang interesadong-interesado itong malaman ang kanyang sagot.

Banayad niyang inimuwestra ang mga daliri sa ere sa harap nito. “It means, I love you.”

“Wait … I thought it's Aishiteru or something?" Lumalim ang kunot sa noo ng babae.

Napalunok siya ng laway dahil natuyo ang lalamunan niya bigla.

Betsy! Think! Anak ng gilagid ng kalabaw naman . .

Nagpanggap siyang natatawa sa sarili. Sinulyapan niya si Jack Wills para isali sana ito sa tawa at nang hindi naman masyadong awkward. Nalunok niya pabalik ang tawa nang makita itong seryoso lang na nakamasid sa kanya. Ibinalik niya na lang ang atensiyon kay Amanda para magpaliwanag.

“Well . . . you're right but you can also use chinaoil, it's uhm a local term! Yes, that's it.”

Smooth.

“A local term in Japan? With a word China you say?” mapagdudang tanong ni Amanda. Nakataas na ang isang manipis na kilay nito.

Napapikit siya at napakagat sa ibabang labi. Nang unti-unti siyang dumilat ay nainis lang siya dahil sa nakitang mistulang pag-alog ng mga balikat ni Jack. Para bang pilit itong nagpipigil sa paghalakhak habang kaswal na nakasandal sa backrest ng upuan.

Iniisip ba niyang isa akong baliw?

Grabe na ang panic na nagtatakbuhan sa kaloob-looban niya. Hindi na niya alam kung paano pa makakalusot. Bakit ba ang tatalino ng mga puti? Madali lang naman siyang nakakalusot sa mga ganitong sitwasyon sa Pilipinas, ah!

Dahan-dahan niyang inayos ang pagkakaupo upang makakuha na rin ng kumpiyansa. Nasa tapat niya ang dalawa na parehong tahimik lamang siyang pinagmamasdan. Hindi siya sigurado kung alin sa dalawa ang may mas malalang tingin sa kanya, si Amanda na mapagduda at matigas na nakatikom ang bibig o si Jack Wills na may tusong tingin at nakakurba pa paitaas ang sulok ng labi.

Mabuti na lamang at natihil sila nang magsalita muli ang isa sa mga nag organisa ng pagtitipon.

Sinabi nito na maaari na silang bumalik sa dati nilang puwesto.

Nang makabalik na sa puwesto ay wala ng imikan. Ni hindi na rin siya pinansin ni Amanda. Mukha talaga itong dismayado sa sinabi niya. Sinubukan din niyang nakawan ng sulyap si Jack Wills. Nagulat siya nang makitang nakatingin din ito sa kanya at may mapang-uyam na ngiting nakasilay sa mga labi. Hindi niya ito pinansin at nagpanggap na nakatuon lang ang atensyon sa tagapagsalita na nasa harapan.

Ganoon nga ang ginawa niya sa pagpapatuloy ng diskusyon. Tahimik lang siya habang nakikinig kahit na hindi naman rumerehistro sa utak niya ang lahat ng pinagsasabi ng lalaking nasa harap nila. Hindi niya na rin nagalaw pa ang papel at panulat na nakalatag sa mesa. Ang tanging tumatakbo sa isipan niya na lang ay ang pag-uwi niya bukas sa Pilipinas. Hindi niya na naman sila makikita pa kaya kung anumang kabaliwan ang pinagsasabi niya kanina, mananatili lang iyon dito sa New York at sa kanilang dalawa. She is untouchable, ika nga.

Makalipas ang halos tatlong oras, sa wakas ay natapos na rin ang pagpupulong. Nagsitayuan na ang lahat at nagkamayan. Ang iba ay nag-uusap. Pawang mga negosyante kasi. Tumayo na rin siya at pinulot ang kanyang bag. Pinulot niya ang piraso ng papel na tinupi niya kanina at isinilid ito sa bulsa ng kanyang suot na pencil skirt. Kinuha niya mula sa mesa ang panulat ni Jack Wills upang isauli ito ngunit paglingon niya sa kinauupuan nito kanina ay wala na itong tao.

Hindi niya na napansin si Amanda. Marahil ay nagtatago ito mula sa kanya. Sinubukan niyang hagilapin si Jack sa tumpok ng mga negosyanteng nag-uusap mula sa kinatatayuan niya.

Ilang segundo pa ay natumbok niya na rin ito. Nakatayo ito sa may gilid ng pintuan bitbit ang luma nitong kuwaderno sa kaliwang kamay. Parang may hinihintay ito. Huminga siya ng malalim at dahan-dahang humakbang patungo sa lokasyon ni Jack. Ilang hakbang na lang sana at mahaharap niya na ito ay nahinto siya sa paglalakad dahil may isang singkit at balingkinitang lalaki ang lumapit kay Jack. Napakapormal tingnan ng lalaki na nakasuot ng kulay itim na tailored suit. Nginitian ito ni Jack at pagkatapos ay nagkamayan sila. Halatang hindi ito ang una nilang pagkikita. Pansin ni Betsy ang masinsinang pag-uusap ng dalawang lalaki.

Medyo kumambyo siya nang kaunti sa gilid ng dalawa para hindi mahalata. Nakasandal siya sa pader, malapit sa gilid ng pintuan. Dahil na rin sa kanyang puwesto ay natatabunan siya ng singkit na kausap ni Jack. Nagulantang na lamang siya nang marinig ang madulas at matatas na pagsasalita ng wikang Nihongo o Japanese na nanggagaling mula mismo sa bibig ni Jack Wills.

Napatayo siya nang deretso mula sa kinasasandalan at hindi niya mawari kung ano ang susunod na gagawin. Alam niyang ilang sandali na lamang ay matatapos na ang pag-uusap ng dalawa at tiyak na makikita na siya ni Jack!

Sa taranta niya ay tumakbo siya papalapit sa matabang lalaking dumaan sa harapan at tila ba papalabas na ng pinto. Ginamit niya ang malusog nitong katawan bilang panangga para hindi siya makita ni Jack. Sumabay siya sa matabang Amerikano sa paglalakad papalabas. Napansin nito ang ginagawa niya kaya napahinto ito. Mataray itong napahawak sa baywang at nagtagpo ang dalawang kilay habang pinagmamasdan siya.

“What are you doing?” anito sa magaspang na tono ng pananalita.

Tumitig siya rito pabalik. Kaya pala nakapamaywang eh pusong dalaga pala!

“Oh! Sorry. I just thought I knew you from somewhere. From the gym perhaps?” pahingal na sagot niya sabay yuko at hawak sa dibdib.

Napailing ito at halatang napikon sa ginawa niya. Binilisan nito ang paglalakad at nang masiguro ni Betsy na ligtas na siya at hindi na natatanaw ni Jack ay saka pa lamang siya huminto at hinabol ang hininga.

“Jollibee, wait for me!” pabiro niyang tawag sa kumaripas na lalaki.

Halos lumpasay na siyang humiga sa kama nang marating ang hotel na pansamantalang tinutuluyan dito sa New York. Ramdam ng buo niyang katawan ang matinding pagod. Hindi pa nga siya nakakapagpalit ng suot at naka-corporate attire pa rin. Tumihaya siya at marahas na bumuntonghininga habang tinititigan ang kisame.

“Muntikan ka na ro’n, Betsy,” bulong niya sa sarili. “Salamat at nakalabas ka pa rin ng buhay at buong-buo.”

Tumagilid siya at inabot ang bag na inilapag niya lang kanina sa ibabaw ng bedside table. Kaagad niyang binuksan ang zipper ng bulsa at kinuha ang cellphone sa loob nito. Muli niyang ibinalik ang bag sa dati nitong puwesto matapos makuha ang cellphone.

Tinawagan niya kaaagad ang numero na ibinigay sa kanya ni Miss Yuri Haruko. Gusto niyang ipaalam dito na napagtagumpayan niya ang trabaho ngunit hindi naman ito sumasagot sa kabilang linya hanggang sa naging temporarily unavailable ito.

Bumuga ulit siya ng malalim na hininga dahil sa dismaya. Balak niya na sanang ibaba ang cellphone nang mapagpasyahan niya na lang na makipag-video call sa busog-lusog na bestfriend niyang si Pam.

“Sino ka at nasa’n ako?” bungad nito kaagad sa kanya. Pansin niya ang unan sa gilid ng ulo ng kaibigan. Halatang nakahiga pa sa kama.

“Si Liza Soberano ako at nasa Pluto ka,” banat niya pabalik na may bahid ng sarkasmo.

Kinusot nito ang mga mata at humikab. Halos makita na ni Betsy sa screen ng cellphone ang purgatoryo sa laki ng pagbuka ng bunganga ng kaibigan.

“Alam mo ba kung anong oras na rito? Alas singko pa ng umaaga,” pag-angal ni Pam.

“Hapon pa rito.”

Tumikhim ito at dinig ni Betsy na may kasamang laman ito. “Ay, oo! Nasa New York ka nga pala ngayon. Bongga ka, day! Kumusta naman ang panloloko mo riyan, aber?”

Alam ni Pam ang ginagawa ni Betsy sa New York. Naikuwento niya rito ang raket niya. Wala naman siyang itinatago kay Pam na sekreto kaya maski mga raket niya na pagiging impostor ay alam na alam nito.

“Malapit akong mabisto kanina. Feeling ko talaga may kutob na sila na hindi ako Japanese!” pabulong niyang pagkakasabi.

Nagtagpo ang makapal na kilay ni Pam. “Huh? Rebisco?”

Napairap si Betsy sa hangin. “Mabisto! Ano ka ba? Nagugutom ka na naman ba?”

Ngumisi si Pam at halatang guilty. “Oo, girl. Bakit ka rin kasi bumubulong diyan?”

“Baka kasi may makarinig. Alam mo na, mai-report pa ako.” Maingat siyang napalinga sa loob ng silid.

Inirapan lang siya ng kaibigan. “Tanga! Nasa New York ka. Kahit na magsisisigaw ka pa riyan na isa kang scammer, hindi ka rin naman nila maiintindihan!”

Napaisip si Betsy sa sinabi ni Pam. “Hmmm . . .Sabagay, tama ka naman.”

Umusog si Pam sa bandang headboard ng kanyang kama. “So ano na nga ang nangyari? Business conference iyon dinaluhan mo, ‘di ba? Pa’no nila nalaman na isa kang Pinoy? Nagdala ka ba ng Philippine flag sa venue? Nagbaon ka ba ng adobo sa meeting? O pumuslit ka ng ulam at isinilid mo sa plastic mula ro’n?”

Napahilot si Betsy sa sentido dahil medyo nalula sa mga tanong ng kaibigan. “Hindi ko naman sinabing nalaman nila na isa akong Pinoy. Ang sabi ko, feeling ko nabisto nila na hindi talaga ako Japanese!”

Humikab na naman si Pam sabay tango ng dalawang beses. “Ah okay okay. Pasensiya ka na, girl at sabaw ako ngayong umaga. Remember, five in the morning pa rito. Patingin nga ng hotel room mo.”

Inilayo ni Betsy ang cellphone mula sa mukha at iginala ito para makuha ng camera ang hitsura sa loob ng kuwarto. Matapos itong gawin at dahil na rin sa pangangalay ng braso ay ibinalik niya ang frontcam at muling itinapat sa kanyang mukha.

“Wow! Ang bongga ng hotel room mo riyan, ah,” namamangha komento ni Pam. “Ipakilala mo nga ako minsan sa kliyente mong Japanese na ‘yan!”

“Saka na kapag magpapa-session na naman siya ulit ng foot spa.”

“Hay naku, Betsy! Napakaraketera mo talaga,” pahayag nito. “Sa dami mong trabaho, nahihiya na raw ang Department of Labor sa’yo. Pati ang Department of Trade and Industry nag-aalsa balutan na, girl.”

“Alam mo namang kailangan ko lang,” tanging nasabi niya.

Naningkit ang mga mata ni Pam. “Teka nga, hindi mo pa ako nasasagot sa tanong ko kanina. Pa’no mo nasabi na nabisto ka?”

Inayos ni Betsy ang pagkakahawak ng cellphone sa isang kamay at bahagya itong inilapit sa mukha.

“Ganito kasi ‘yon . . .” panimula niya na kaagad din namang naudlot dahil sa narinig niyang paghilik niya.

Tinitigan niya ang naka-display sa screen at sinalubong lang ng gilagid ni Pam. Anak ng tokwa! Tinulugan siya ng gaga!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status