Share

KABANATA 1: Arrested

NALA

“Anak ka ng tupa! Sinabi mo ba na nakita niya ang muka mo?!” nanlalaki ang matang tanong ni Lawrence matapos ko sa kaniyang ikwento ang nangyari kanina.

Umirap ako. “Oo nga sabi! Paulit-ulit? Paulit-ulit? Kaya nga binibilin ko na sa 'yo si Nadine, ‘di ba?” inis na sabi ko at saka uminom ng redhorse beer na nasa baso ko. Ang mapait na lasa nito ay humagod sa lalamunan ko.

“Tanga ka ba? Magpapahuli ka talaga? Wala ka bang balak magtago o tumakas sa mga pulis?!”

“Tanga ka rin ba? Akala mo ba hindi ko naisip ‘yon? S'yempre ayaw kong makulong Lawrence pero illegal naman kasi talaga ang ginawa natin. Hindi ako nagpapaka santo rito dahil kahit ako, napakinabangan ko kahit papaano ang perang ninakaw ko pero handa akong pagbayaran ‘yon. Hindi ako tatakbo dahil alam kong may kasalanan naman talaga ako. Sapat na ang perang nanakaw ko kanina para sa pangbili ng gamot ni Nadine at pangbayad ng ilang bills. Babayaran ko na lang iyon sa kulungan.”

Hindi siya nakasagot. Kinuha ko ang bote ng redhorse beer at saka nilaklak ang laman no'n ng hindi gumagamit ng baso. Alas sais pa lang ng umaga pero umiinom na kaagad ako. Sinusulit ko na dahil hindi ko na mararanasan ‘to kapag nasa loob na 'ko ng kulungan.

Malakas kasi talaga ang kutob ko na maya-maya lang ay may kakatok nang mga pulis dito at dadakipin ako.

Tahimik lang na nakatitig sa 'kin si Lawrence na para bang hindi niya nakukuha ang punto ko. Nakakunot ang noo niya at dahan-dahang lumapit sa akin. Suot niya pa rin ang damit na suot niya kanina dahil hindi pa rin siya umuuwi sa bahay niya kahit kapitbahay ko lang naman siya.

“Tama na ‘yan. Magpahinga ka na,” seryosong basag niya sa katahimikan ‘tsaka pilit inagaw sa akin ang bote ng redhorse na hawak ko.

“Okay lang ako. Hihintayin kong dumating ang mga pulis,” pagmamatigas ko naman at mas lalong inilayo sa kaniya ang boteng hawak ko.

Huminga siya ng malalim at naghilamos ng muka gamit ang palad niya. Pilit na pinipigilan ang pagkainis sa akin.

“Gigisingin na lang kita,” aniya.

Mas lalo niyang inagaw sa akin ang bote ng redhorse. “Okay lang sabi!” pigil ko sa kaniya.

Dahil nga mas malakas siya sa akin ay kaagad niyang naagaw sa akin ang bote ng alak kahit na pilit ko itong inilalayo sa kaniya. Tiningnan ko siya ng masama. Nakadalawang bote na ako ng redhorse kaya medyo umiikot na ang paningin ko. Pumikit ako ng mariin at saka hinilot ang sarili kong sintido.

“Ang tigas talaga ng ulo mo. Oh, ito tubig.”

Nilapag niya ang sa ibabaw ng lamesa ang isang basong tubig. Kinuha ko naman iyon at saka ininom. Naibsan ng kaunti ang hilo ko dahil sa tubig na pumalit sa pait na nasa lalamunan ko.

“Salamat,” wika ko.

Nakapamewang siya habang natingin sa akin at nakakunot rin ang noo niya. Kung tingnan niya ‘ko ay parang isa akong malaking perwisyo sa buhay niya. Hindi ko na lang siya pinansin.

Ipinikit kong muli ang mata ko at saka dinukdok ang ulo ko sa ibabaw ng lamesa.

Isang pamilyar na tinig ang umakupa sa katinuan ko. Kasunod nito ang mala-demonyo nitong pagtawa pagkapikit na pagkapikit pa lang ng mata ko.

“I will make sure that you will root in hell, woman.”

Siya ‘yong lalaking nasa parking lot kanina!

Hindi ko magawang imulat ang mga mata ko kahit gustong-gusto ko na itong imulat. Kinikilabutan ako sa boses ng lalaking iyon. Siguro kung hindi ako gumawa ng paraan para makatakas kanina ay malamig na bangkay na ako ngayon.

Naramdaman ko pa rin ang malamig na nguso ng baril na nakatutok sa ulo ko.

Ayaw kong makulong pero kapag naiisip ko pa lang ang mga kasalanang nagawa ko ay parang hindi ko na magawang makatulog. Pilit akong hinahabol ng konsensiya ko na kahit ano'ng pilit kong takasan ay hindi ako makawala.

Hindi ako pumatay pero parang gano’n na rin ang nagawa ko dahil sa nararamdaman ko ngayon.

“Wala nga sabi rito ang hinahanap ninyo kaya p'wede bang umalis na kayo?!” Galit na boses ni Lawrence ang nakapagpamulat sa mga mata ko. Kasunod nito ang isa pang boses ng lalaki na hindi pamilyar sa akin.

“Alam naming nasa loob siya. May warrant of arrest kami kaya hindi kami p'wedeng umalis dito hangga’t hindi namin siya kasama. Kung hindi mo kami papapasukin mapipilitan kaming pumasok ng sapilitan.”

Nanlalaki ang matang napabangon ako mula sa pagkakahiga ko sa maliit kong kama nang marinig ko ang sinabi ng kausap ni Lawrence.

Mga pulis na ba ‘yon? Bakit hindi ako ginising ni Lawrence? Sabi niya gigisingin niya ako. Ano bang ginagawa niya? Sinusubukan niya ba na itago ako?

Napamura ako ng wala sa oras. Sabi ko na nga bang hindi maganang ideya ang matulog, eh. Lumabas ako ng kwarto ko na buo na ang desisyon sa utak ko. May tiwala ako kay Lawrence na hindi niya papabayaan ang kapatid ko. Inaasahan ko nang may pulis na pupunta rito lalo na’t mayamang tao ang ninakawan ko kanina.

“Umalis na sabi kayo, eh!” muling pagtataboy ng kaibigan ko sa mga pulis na nasa harapan niya.

“Lawrence…” agaw ko sa atensiyon niya.

Nanlalaki ang mga mata niya nang magtama ang paningin naming dalawa pagkalingon niya sa gawi ko. Natataranta siya kung lalapitan ba ako para itago o ipapagpatuloy ang pagtataboy niya sa mga pulis.

Umiling ako sa kaniya. “Sabi mo gigisingin mo ako,” sabi ko.

Kaagad niyang isinara ang pintuan. Nakakunot ang noong binigay niya sa akin ang kaniyang atensiyon.

“Sa tingin mo ba talaga hahayaan kitang makulong? Ano’ng tingin mo sa ‘kin walang kwentang kaibigan? Ako ang ay kasalanan nito. Kung ang pagproprotekta sa 'yo ay kapalit ng pagkakakulong ko, wala na akong pakialam do’n.”

“Lawrence nahihibang ka na ba?! Wala kang kasalanan. Kasalanan ko ‘to kasi hindi ako nag-ingat.”

“Tama na nga p'wede ba?! Tumakas ka na, Nala. Dumaan ka sa likod. Isipin mo ‘yong kapatid mo. May pamilya ka pang nanganga-ilangan sa 'yo. Ako wala na. Ayos lang na makulong ako. Kumpara sa ating dalawa mas marami akong kasalanan na dapat pagbayaran sa kulungan.”

Umiling ako. “Hindi ako papayag, Lawrence. Ikaw na lang ang maasahan ko. Hindi kaya ng konsensiya ko na umakto ng normal sa harap ng kapatid ko matapos kong mang-agrabyado ng ibang tao. Nakiki-usap ako sa 'yo. Huwag mo sanang papabayaan si Nadine.”

“Nala naman…”

Pilit kong tumawa at pabirong sinuntok ang kanang balikat niya. “Kadiri ka talaga. Ayaw ko ng drama. Mabilis lang naman siguro akong makakalaya kasi hindi naman ako pumatay. ‘Tsaka bibisitahin mo naman siguro ako doon, ‘di ba?”

“Binibigyan na kita ng pagkakataong tumakas, Nala,” aniya pa.

“Hindi ako tatakas kasi hindi ako duwag. Kapag tumakas ako mas lalo lang madadagdagan ang kaso ko. Mas lalo lang akong magtatagal sa kulungan. Naiintindihan mo ba ang punto ko?”

Marahas siyang bumuntong hininga at sinabunutan ang sarili niya na tila gulong-gulo na sa mga nangyayari

“Sige kung ‘yon ang gusto mo. Pero mangako ka sa akin na hindi mo papabayaan ang sarili mo. Huwag kang mag-aalala hahanap ako ng pang-piyansa mo. Agad-agad!”

“Huwag na. Okay lang ako. New experience na rin siguro ‘to,” pagbibiro ko.

“Hindi nakakatawa,” seryosong wika niya na ikinatawa ko naman.

Tinapik ko ang balikat niya at saka naglakad na papunta sa pinto. Walang taong gustong makulong. Walang taong gustong malayo sa mahal niya sa buhay. Walang taong hindi mag-iisip na tumakas sa ganitong pagkakataon. Pero kagaya nga nang sinabi ko, hindi ko kayang harapin ang kapatid ko matapos kong mang-agrabyado ng ibang tao.

Tumaas bigla ang kilay ko pagkabukas ko ng pinto nang makita ang tatlong lalaking nakatayo sa harap ng bahay ko. Tiningnan ko sila mula ulo hanggang paa.

“Kayo ba ang mga pulis?” nakangiwing tanong ko.

Hindi ko alam kung matatakot ba ako sa kanila o ano. Muka silang hindi mga pulis. Matatangkad sila at nakasuot ng itim na suit sa likod ng white button down long sleeve at itim na tie. Sobrang kintab din ng suot nilang itim na oxford shoes at may suot din silang sunglasses. Para silang mga men in black na naligaw sa barangay namin.

“Ikaw din ba ang magnanakaw?” tanong ng isa sa kanila.

Hindi naman ako nakasagot. Kapag sinabi kong oo baka naman isipin nila na proud pa ako kasi nangnakaw ako kaya sa halip na magsalita ay inilahad ko na lang ang dalawang kamay ko sa harap nila.

“Posasan niyo na ako."

Ngumisi ang isa sa kanila. “No need. We know you aren’t attempting to escape though,” sabi niya.

Kahit nagtataka ay hindi na ako kumibo. Naglakad na kami palayo sa bahay.

“Pulis ba talaga kayo?” Hindi ko na napigilan ang bibig ko kaya nagtanong na naman ako sa katabi kong pulis na binabantayan ako.

Ang inaasahan ko kasing dadakip sa akin ay mga unipormadong pulis na hindi katangkaran at medyo may katabaan tapos halos mapigtas na ang butones ng uniporme dahil sa sobrang laki ang tiyan. Gano’n kasi ang mga pulis na nakikita ko dito sa Parañaque. Hindi ko naman sila jina-judge, dine-describe ko lang.

“Bakit ikaw? Kriminal ka ba talaga?” tanong na naman niya pabalik.

Tiningnan ko siya ng masama. “Gusto mo bang patunayan ko pa para maniwala ka?”

“Wooh! Kalma ka lang naman. Hindi naman kita papatulan kahit pa patunayan mong kriminal ka nga,” sabi nito na parang wala lang.

“Bakit? Natatakot ka bang mawalan ng trabaho?” Tinasan ko siya ng kilay.

Tumawa siya. “Oo dahil iniutos sa amin na ‘wag kang gagalusan o hahawakan,” nakangisi nitong turan.

Kumunot naman ang noo ko dahil sa pagkalito. “Ano? At sino naman ang mag-uutos sainyo ng ganiyan ka walang kwentang bagay?”

Hindi na siya sumagot pa dahil pinagbuksan niya na ako ng pinto ng sasakyan. Mas lalong lumala ang pagkalito ko sa utak ko dahil isa itong mamahaling sasakyan at hindi police mobile!

Ano ba'ng nangyayari?! Kung alam ko lang na ganito pala kasosyal kapag kunukuha ng mga pulis eh ‘di sana matagal na akong gumawa ng krimen!

Pero teka nga, hindi kaya ito na ang modern way ng pag-kidnap sa isang tao?! Dadalhin nila ako sa isang abandunadong warehouse tapos papahirapan ako para aminin ko kung saan ko nilagay ang pera.

Kaagad na nagtaasan ang balahibo ko sa batok dahil sa iniisip ko. Wala sa itsura nila ang pagiging kidnapper!

Pagpasok ko pa lang sa sasakyan ay kaagad nakumpirma ang iniisip ko nang naramdaman ko kaagad na may tumakip sa ilong ko dahilan upang nanlaki ang mga mata ko dahil sa pagkabigla. Sinubukan kong manlaban pero mas malakas sila sa akin kaya mas lalong naidiin sa ilong ko ang panyong nakatakip doon.

Tangina sinasabi ko na nga ba! Sabi nila hindi nila ako hahawakan o gagalusan! Dapat pala nakinig na lang ako kay Lawrence!

Unti-unti akong nakaramdam ng pagkahilo. Nanlalabo na ang paningin ko at medyo sumasakit na rin ang braso ko dahil sa pagpupumiglas ko. May narinig pa akong bulungan na hindi ko naintindihan bago ako tuluyang lamunin ng kadiliman.

“Ate…”

Kumunot bigla ang noo ko nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.

“Ate bakit mo po ginawa ‘yon?”

Unti-unti kong binuksan ang mata ko. Kilalang-kilala ko ang boses na iyon. Hindi ako p'wedeng magkamali. Kaagad akong napabangon nang makita ko ang kapatid ko na nakatayo sa harapan ko. Suot niya ang paborito niyang bistida at pulang doll shoes na binili ko sa kaniya noong hindi pa siya nagkakasakit…noong hindi pa siya nahihirapan.

“Nadine…” pabulong kong turan.

“Ate Nala ko…”

Nangilid ang mga luha ko. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko ngayon. Hindi ako makapaniwala na nakikita ko siyang nakakatayo at hindi nahihirapan. Hindi ako makapaniwala na natatawag niya ang pangalan ko nang hindi d*******g sa sakit o umiiyak. Hindi ako makapaniwala na nandito siya sa harapan ko na malakas at nakakangiti.

“Nadine ko.” Tumakbo ako papunta sa kaniya at kaagad siyang niyakap.

“Hindi ikaw ang ate ko!” galit na sabi niya bigla at tinulak ako dahilan upang mapaupo ako sa kulay itim na sahig.

Nanlaki ang mga mata ko. “Ano’ng sinasabi mo, Nadine? Ako ito, ang Ate Nala mo. Ang nag-iisa mong Ate,” pilit na ngiting wika ko at akmang lalapit sa kaniya ngunit umatras siya dahilan upang kusang mabura ang ngiti sa labi ko.

“Hindi ikaw ang ate ko! Ang ate ko mabait! Hindi siya magnanakaw! Hindi ikaw ang ate ko! Salbahe ka! Salbahe ka!”

“Nadine ano ba'ng sinasabi mo?!”

“Sana hindi na lang si Mama ‘yong namatay! Sana ikaw na lang! Salbahe ka! Mamatay ka na sana! Pinatay mo si Mama!”

“Nadine!” Habol hininga akong napabangon mula sa pagkakahiga habang nakahawak ako sa dibdib ko. Nararamdaman ko ang mabilis na pagkabog ng puso ko na para bang gusto nitong kumawala mula sa loob ng dibdib ko.

Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at umiling. Kinagat ko rin ang ibabang labi ko para tigilan ito sa panginginig. Hindi. Hindi iyon kayang sabihin sa ‘kin ng kapatid ko. Alam kong maiintindihan niya ako kapag nalaman niya ang ginawa ko.

“Having a nightmare?”

“Ay, gago!” Kusang lumabas ang napakalutong na mura mula sa bibig ko dahil sa gulat.

Hindi ko alam kung saan galing ang pamilyar na boses na iyon dahil madilim ang lugar kung nasa’n ako. Ang tanging nag bibigay lang ng liwanag sa lugar ay ang ilaw na pumapasok sa loob sa pamamagitan ng bintana.

“N-Nasaan ka? Magpakita ka sa ‘kin!” matapang kong sabi at tinuon ang tingin sa madilim na bahagi ng lugar. “Magpakita ka! Akala mo ba natatakot ako sa 'yo?!” muling sabi ko at pinaliit ang mata.

“Okay, then.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay narinig kong pinatunog niya ang daliri niya at sa isang iglap lang ay inakupa na ng liwanag ang kaninang madilim na lugar dahilan upang mapapikit ako dahil sa pagkasilaw.

May narinig akong suminghal.

“I thought you aren't afraid of me and you wanna see me. Why were you closing your eyes, then?”

Kaagad kong binuksan ang mga mata ko pagkarinig ko no’n. Sa kulay gunmetal blue na mga mata niya unang tumama ang mata ko at kasabay nito ang dagliang pag-usbong ng kaba sa dibdib ko ng makilala ko kung sino ang lalaking nasa harapan ko.

“Anak ka ng—ikaw?!”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status