Share

Kabanata 8

Sybil Park

Isa lamang itong parte ng taktika ng Fuji. Tanging kaming tatlo lamang ang nakakaalam sa taktika ng Fuji. Ang taktika ay epektibo lalo na't umuulan ng niyebe o sa madaling salita, taglamig ngayon. Hindi nahahalata ang patibong dahil natabunan ito ng niyebe.

Agad na dumating ang mga Imperïal Guard na ngayon ay hingal na hingal na at parang inulanan ng pawis kung sila ay titingnan.

“Ginoo, ang magnanakaw na inyo pong hinahabol ay naririto sa baba. Maaari namin kayong tulungan upang siya'y maiangat at mabigyan ng parusa,” taimtim kong sinabi

Hinayaan na lamang kami ng mga guwardiya na tumulong dahil halata naman na sila'y pagod na.

Naiangat na ang lalaki nang dumating ang eunuch. Saktong sakto lamang ang pagdating nito.

Sumulyap ako kay Cladius at nakitang nag-aayos siya ng sarili. Simula sa damit, buhok, at pagmumukha. Si Vishton naman ay kalmado lamang. Pormal kung pumustura at tuwid kung tumayo. Ako naman ay normal lamang. Normal na kumilos at gumalaw. Aking sinisikap na maging elegante sapagkat baka ako'y pandirian na naman ng mga nakatataas. Katulad katulad pa rin ng dati, maayos ang aking pagmumukha.

Sinisikap naming maging maayos sa publiko kahit na kamiʼy nasa pinakamababang antas lamang ng sibilisasyon. Ang kanilang mga mata ay sa amin nakatingin sa tuwing dadaan kami sa kanilang harapan. Hindi ako nagiging komportable roon kung kayaʼt ganoon ko na lamang kanais na mamuhay nang payapa sa bukid.

Aking sinabi naman ang mga dahilan kung bakit ko nais tumira roon kay Ama ngunit nagalit lamang siya. Simula noon, hindi na ako nagsayang pa ng oras na magkuwento sa kaniya tungkol sa aking nais sapagkat ako'y nangangamba na baka magalit na naman siya.

Papalapit nang papalapit sa amin ang eunuch kasama ang iba pang mga guwardiya. Seryoso ang mukha nito pormal kung pumustura at gumalaw.

Iniisip ko ngayon kung ano na ang nararamdaman ng magnanakaw. Sigurado akong nanginginig na siya sa takot. Hindi ko man makita ngunit aking nararamdaman.

Nang tuluyang makalapit ang eunuch sa nagkasala ay kinausap niya ito. Galit ang awra at kakaunti na lamang ay sasaktan na niya ito.

Ang aking pinagtataka lamang ay kung bakit hindi pa niya ito pinarurusahan.

Gusto ko mang sumingit sa kanila ngunut hindi ko magawa. Magmumukha lamang akong walang galang.

“Eunuch, ako nang bahala maglitis sa salarin.”   Ganoon na lamang ang gulat ko nang nagsalita si Vishton. Siya? Maglilitis? Ano ba ang iniisip niya?

Nanlaki ang aking mga mata nang pumayag ang eunuch na siya'y maglitis sa salarin.

Lumapit si Vishton sa lalaki at inobserbahan. Umikot ito sa paligid na para bang may hinahanap sa salarin. Kinuha nito ng puwersahan ang mga kagamitang ninakaw ng salarin. “Ang mga kagamitang ninakaw mo ay mga pangkaraniwang bagay lamang. Halos wala itong mga halaga! Kahit ni isa sa mga tao rito ay hindi gugustuhing magnakaw ng ganitong mga kamurang kagamitan! Kaya sabihin mo sa akin— Ano ang dahilan mo para nakawin ito?” mabangis na asik ni Vishton.

“W-wala! Wala! Ninakaw ko lang iyan dahil nais ko!” sigaw ng salarin.

“Lahat ng bagay ay may dahilan. Kaya napakaimposibleng ginusto mo lamang nakawin iyan. At isa pa, ang mga ninakaw mo ay ang pinakamura at hindi natin magagamit pero importante iyan sa may-ari. Sagutin mo lamang ang aking tanong. Ganoon lamang kasimple, ginoo.” 

“Sinabi ko na sa iyo! Gusto ko lang magnakaw! Gusto ko lamang!” wika ng salarin habang nagtaas-baba siya ng kaniyang paningin.

“Mga guwardiya! Latiguhin siya ng limampung beses at kunin ang kaniyang mga kagamitan. Parusahan din ang kaniyang pamilya.”   S-seryoso ba siya?! Hindi niya maaaring parusahan ang kaniyang pamilya lalo naʼt wala naman itong ginagawa sa kaniya!

Tumingin ako sa Cladius ngunit nagkibit-balikat lang ito sa akin.

Papalapit na ang mga guwardiya sa kaniya at hawakan ito sa magkabilang braso. Agad itong kumalas at lumuhod at yumuko kay Vishton.

“M-may nag-utos sa akin! Nagnakaw ako ng mga walang halagang mga kagamitan para matupad ang aming pinaplano!” Mas lalong nakuha ng salarin ang atensiyon naming lahat. Lalo na ang eunuch at si Vishton. Si Cladius ay umaaktong parang walang nangyayari. Naghahanap siguro ng makakain. “Balak naming nakawin ang ilang mga mahahalagang kagamitan sa museo at para hindi agad mahalata, kailangan namin ng kagamitan para maipalit doon at dekurasyonan ito ng sobra-sobra para hindi ito mahalata agad.” 

Tumayo ng tuwid si Vishton ngunit nanatili pa rin sa salarin ang kaniyang paningin. “Sabihin mo sa akin, sino ang puno't dulo ng lahat ng ito?” halos bumulong na sa hangin si Vishton ngunit dama ko pa rin ang angas at pagkaseryoso sa boses nito.

“S-s-si Eunuch Kye ang may pakana! Inutusan niya akong nakawin ang dapat nakawin upang maisagawa na namin ang aming plano! Binantaan niya rin ako, ginoo!” sigaw nito nang hindi pa rin inaangat ang kaniyang paningin kay Vishton. “Saktan n`yo na lamang ako ngunit huwag na huwag ang aking pamilya! Parang awa n`yo na—huwag ang aking pamilya!”

“Kung gayon ay latiguhin siya ng isang daang beses.”   Tumalikod si Vishton.

Tumingin naman ito ng malalim sa eunuch. “Parusahan ang eunuch sa pamamagitan ng paglatigo sa kaniya ng isang daang beses at tanggalan ng trabaho.”   Lahat ay nagulat lalo na ang eunuch. Sumama ang mukha ng eunuch at nilapitan si Vishton.

“Anong karapatan mong parusahan ako ng ganiyan, ginoo?!” panunumbat ng eunuch

“Mayroon akong karapatan lalo na't ika'y nagkasala.”   Mukhang nais ko nang umalis dito. Alam kong pangarap niyang maging isang manananggol o hindi kayaʼy isang tiktik ngunit hindi dapat ganito!

“Nagkasala? Wala kang ebidensiya, ginoo!”

“Tsk, nagsalita na ang testigo, Ginoong Eunuch Kye!”

“Hindi ba't maaari na siya'y magsinungaling? Maraming mga hangal sa mundong ito, ginoo! Testigo lamang siya ngunit walang ebidensiya!”

“Ginoo, nakita ko ang eunuch na kimakausap ang salarin. Sa aking pagkakaobserba ay galit ang awra ng eunuch at halatang pinagbabantaan niya ang salarin!” sumingit ang isang guwardiya.

“Paano ka namang nakakasigurong ako nga iyon?”

Agad namuo ang tensiyon sa pagitan naming lahat. Nararamdaman ko na rin ang malamig na awra ni Vishton. Hindi ko na alam kung anong sasabihin at gagawin. Sinarado lamang namin dalawa ni Cladius ang aming mga bibig. Alam namin na kahit anong gawin namin ay hindi namin siya mapipigilan.

“G-ginoo, n-naririto ang sulat na ibinigay sa akin ng eunuch! Sa sulat na iyan, binibigyan ako ng eunuch ng isang malaking halaga kapag aking nagawa ang kaniyang ipinapagawa at manatiling tikom ang bibig sa publiko!” sumingit uli ang salarin. Tiningnan ni Vishton ang sulat na ibinigay ng salarin.

Inagaw ito ng eunuch at ngumisi.”  Nakakasiguro ka bang ito ang aking sulat-kamay? Mukhang hindi,” sarkastikong sambit ng eunuch.

Napapadyak sa inis si Vishton at hinawakan ng mahigpit ang papel. Saka siya tumalikod ngunit hindi ito naglakad.

“Huwag ka nang malungkot at mainis, Ginoong Vishton. Nasulusyonan ko na ang kasong ito. Dala-dala ko na rin ang mga ebidensiya.”   Biglang sumulpot si Zhu Julio.

“Una sa lahat, mayroon akong espiya sa krimeng ito. At nakita niya ang lalaking nagnakaw ng mga kagamitan,” panimula nito. Kaniyang hinawi ang buhok. “Pangalawa, ang sinasabi ng guwardiyang ito ay totoo. Nagkita sila sa hilagang bahagi ng Palasyo ng Xania. Kung saan nakatira si Prinsipe Riyo . . . . At ang hilagang bahagi na iyon ay abandonado. Walang katao-tao ngunit nagkataong napadaan ang guwardiya dahil tumakbo ang aso ng prinsipe sa hilaga. Pangatlo, ang sulat na ito ay hindi sulat-kamay ng eunuch bagkus ito ay sulat-kamay ng isang tagapaglingkod. Halata sa kaligrapiyang ito na hindi marunong ang nagsulat. Sa kadahilanang hindi siya nakapag-aral ng kaligrapiya. Ang aking pinupunto, Ginamit ng eunuch ang tagapaglingkod upang isulat ito at hindi siya mabunyag at ang mapaparusahan ay ang tagapaglingkod.”   Lumagpas sa aking inaasahan ang salaysay ni Zhu Julio. Tunay ngang matalino siya at maaasahan.

“Wala iyang katotohanan, Lord Julio! Hindi totoo iyan! Paano magagawa iyan ng isang eunuch?!” sumbat ng eunuch.

“Hindi ba kayang magsinungaling at gumawa ng pagkakasala ang mga eunuch?” pabalang na tugon ni Zhu Julio “At kahit ano pa ang gawin mo, mayroon akong hawak na matibay na ebidensya at mga testigo!” giit nito “Ginoong Vishton Park, Ikaw ay binibigyan ko ng pagkakataong parusahan siya nang naaayon sa kaniyang kasalanan.” 

Humarap uli si Vishton sa eunuch nang walang anumang reaksiyon.

“Ikaw ay nagkasala kaya dapat kang parusahan! Tatanggalin ka sa pwesto mo bilang eunuch . . . ” Panimula nito ngunit binitin niya. Hindi ba paparusahan ang eunuch sa pamamagitan ng paglatigo? “ . . . At papalayasin kung nasaan ka man nakatira. Ibebenta ang iyong mga kagamitan at ibababa ang pwesto mo bilang isang alipin. Ikukulong kadin ng dalawang taon sa Isla ng Anino” humagulgol ng galit ang eunuch habang siya'y binubuhat papalayo. Ang pagkakakulong sa Isla ng Anino ang hindi niya talaga magugustuhan. Maraming mga bandido roon at malayo sa Rehiyon ng Normous. Delikado ang buhay ng eunuch doon. Himala na lamang kung mabubuhay pa siya.

“Sybil Shima, Cladius Won. Halina kayo at—”

Itutuloy . . . 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status