Share

Chapter 3 - Unexpected Confession

**

Nakaharap ako ngayon sa body sized na salamin habang sinusuklay ang mahaba kong buhok. Nang mahati ko na sa gitna ang buhok, sinuklay ko ang magkabilang gilid at pinagtagpo iyon sa likod. Lumingon ako sa kaliwa’t kanan upang siguruhing pantay na bago ko inikot ’yon para itali ng bun. Napangiti naman ako nang makitang malinis ang pagkatali ko. Mula sa likod ay hinati ko ang natirang buhok para ipwesto ’yon sa harap.

I’m wearing a black, fitted, spaghetti strap sleeveless for my top. Pinatungan ko lang ng light blue maong jacket dahil parang bumalik yata ang lamig kahit malapit na magkatapusan. Gustuhin ko man mag maong skirt kaso dahil sa klima, white skinny jeans na lang ang isinuot ko. Umupo ako sa stool at sinuot ang white wedge high heels shoes ko na nakahanda na. After doing my outfit, kinuha ko na ang white shoulder bag ko at bumaba na.

“Saan ang rampa mo?” tanong ni mama habang nakaupo sa sofa. Nakataas pa ang kaliwang kilay nito habang magkakrus ang mga kamay at paa.

Napatawa ako sa sinabi niyang rampa, “Sa mall, maghahanap ng jowa,” biro ko rito habang pababa ng hagdan.

Narinig ko naman ang mahina niyang pagtawa, “Sige, Ingat sa date, umuwi ka ng buo.” pabalik na biro ni mama. Mukhang maganda ang mood niya.

“Thanks, Ma! Dito ako kakain ng dinner. Bye!” Pahabol kong bilin bago lumabas at isinara ang pinto. Naglakad ako palabas ng street namin at sa dulo no’n, nakita ko ang pamilyar na kotse ni Klein. Niyaya niya akong pumunta ng Mall ngayon dahil may pag-uusapan daw kami. Tatanggihan ko sana siya kaso naisip kong wala rin naman akong gagawin dahil naka-three days leave ako.

Nakita kong bumukas ang pinto ng kotse niya. Marahil nakita na niya ako kaya bumaba na siya. Habang naglalakad ako palapit sa kinaroroonan niya, napakunot ang noo ko nang mapansing magkaparehas kami ng suot maliban sa sapatos. He’s wearing a white sando, dark blue maong jacket, black skinny jeans and black sneakers! Contrast sa kulay pero parehas ng outfit!

“I know you’re my stalker but I’m not expecting you to wear the same outfit as mine,” hindi ko napigilang magkomento. Kailangan ba gayahin pa ang suot ko?

Ngumisi siya, “Does my outfit makes you uncomfortable?”

Kumunot ang noo ko, “Sinadya mo ’to, ano?” mapanghusga kong tanong.

Sinara niya ang pinto ng kotse at umikot sa kabila, “Magkasama ba tayo sa bahay para magaya kita?” nanunuya niyang sagot.

’Yon lang ang sinabi niya pero napipikon na ako. Tumalikod ako at balak na umuwi sa bahay at magpalit ng damit. Hindi ako kumportableng parehas kami ng suot. Baka kung ano pang isipin ng mga taong makakakita sa amin! Nakatatlong hakbang na ako nang biglang may humila sa braso ko dahilan para mapaharap ako.

“Kanina pa ako naghihintay rito. Huwag mo sabihing balak mo pa ako paghintayin ulit para lang magpalit ng damit?” seryosong tanong ni Klein. Walang expression ang mukha niya kaya hindi ko alam kung galit ba siya or what.

“Bakit ba kasi ginaya mo ang suot ko!” pagmamaktol ko.

Napabuntong hininga siya, “I’m not, ok?” binitawan niya ang kamay ko at matapang na tumitig sa akin, “Coincidence lang, believe me.”

Ilang segundo ko pang nilabanan ang tingin niya bago naniwalang hindi niya talaga ’to sinadya. Nilagpas ko ang tingin sa kanya at naglakad papunta sa front sit ng kotse. “Fine! Let’s go!”

Sumakay na siya sa driver’s seat dahil hindi na niya ako napagbuksan pa ng pinto. Seryoso pa rin siya habang nagmamaneho kaya tahimik lang kami buong byahe. Hindi parin ako masanay na makitang parehas kami ng suot. Naiinis pa rin ako at dumaragdag pa sa isipin ko kung ano ang pag-uusapan namin mamaya.

Ang totoo ay may hint na ako kung ano iyong gusto niyang pag-usapan. Sa pagkakilala ko kay Klein, hindi siya basta-basta sumusuko kaya malamang may kinalaman kay Rayven ang pag-uusapan namin. Iniisip ko pa lang na magsisinungaling ulit ako, tila naninikip na ang dibdib ko. Hindi ko rin naman pwedeng aminin sa kanya ang totoo, mapapahamak kaming dalawa. Kailangan kong maging matatag at gawing kapanipaniwala ang statement ko.

Nakarating kami sa Mall at dumirecho sa parking lot na nasa likurang parte. Napatingin ako sa gawi ni Klein habang kinakalas ang seatbelt niya. Lalabas na ba kami? Napahawak ako ng mahigpit sa seatbelt ko. Napansin naman iyon ng kasama ko kaya tinignan niya ako ng makahulugan.

“Diyan lang tayo, wala naman masiyadong tao,” nakaturo siya sa coffeeshop na may sariling entrance. Ibig sabihin hindi namin kailangan pumasok sa loob ng mall. Nakahinga ako ng maluwag at kinalas na ang seatbelt ko.

“Lalabas na ako, ’wag ka na umikot.” ani ko para hindi niya na ako pagbuksan pa ng pinto.

Tumango siya at sabay na kaming lumabas sa kotse. Ni-lock niya lang ang kotse at naglakad na kami papasok sa coffeeshop.

“Good morning Ma’am, Sir, any reservations?” bati sa amin ng guard. Napatingin ako kay Klein na may kinukuha sa wallet niya. Inilabas naman niya ang isang card at ipinakita sa guard. Tumango ang guard at binigyan kami ng susi na agad kinuha ni Klein.

“Bakit may susi pa? Ano ’to, Inn?” bulong ko kay Klein habang naglalakad kami papasok sa medyo looban pa.

“May room sila rito for VIP. Confidential ang pag-uusapan natin kaya kailangan nasa private room tayo. Huwag kang mag-imagine ng kung anu-ano.” paliwanag niya.

Ha? Ako raw nag-iimagine ng kung anu-ano? Baliw ba siya? “What? Nagtanong lang about sa susi, ang dami mo ng sinabi!” inis kong sagot sa kanya.

Napansin ko nga na may dalawang room na magkatapat. Ito siguro ’yong sinasabi ni Klein na VIP room. E, siya na VIP!

Binuksan ni Klein ang pinto na may nakalagay na Dr. C. Obviously, last name niya iyon. Pumasok na kami at pinaikot ko ang paningin sa buong kwarto. Maliit lang ito, may magkatapat na color peach na sofa, pang-apatang tao. Sa gitna ay may color peach din na table. Doon nakalapag ang menu list at may azalea flower na nasa vase, plastic lang pero hindi mo mahahalata kung hindi hahawakan.

Peach din ang wall paint. May painting sa gilid na dalawang coffee at ang usok ay nakapormang puso. Simple lang pero relaxing ang ambiance.

Umupo kami, magkatapat. Doon ko lang napansin ang maliit na button sa ibabaw ng table. Para saan kaya ito?

“Order ka na bago tayo magsimula,” ani Klein at inabot sa akin ang menu list.

Mabilis naman kaming nakapili ng order at pinindot ni Klein iyong button na nakita ko kanina. Matapos may magsalita’y sinabi niya na ang order naming dalawa. So, para roon pala ’yon?

“Let’s start,” panimula niya matapos lang ibigay ang order namin.

Palihim naman akong lumunok ng laway. Hindi pa ako nakakainom ng kape ay parang ninenerbyus na ako.

“I will get straight to the point, Ai. Tell me what really happened to Rayven that day? Kung ano’ng sasabihin mo ngayon, iyon na ang paniniwalaan ko. Pakiusap ko lang, huwag kang magsisinungaling,” seryosong tanong niya na lalong nagpakaba sa akin.

Muli kong inalala ang nangyari no’n. Buong araw kaming magkasama dahil anniversary namin ’yon. Madilim na nang ihatid niya ako pauwi. Palabas na sana ako ng kotse niya nang pigilan niya ako. Nang lumingon ako ay sinalubong niya ako ng halik sa labi. Nanlaki ang mata ko dahil sa gulat at dahil na rin iyon ang unang beses na hinalikan niya ako.

“I love you, Ai,” binanggit niya ’yon nang nakalapat pa rin ang labi niya sa labi ko. Hindi ko binubuka ang bibig ko dahil alam kong pagsisisihan ko ’yon. Napakahirap para sa akin ang sitwasyon na ’yon dahil napakalapit niya at naaamoy ko ang mabango niyang kaluluwa. Patuloy pa rin siya sa paghalik sa akin hanggang sa nadala na rin ako. Ibinuka ko ang bibig at lumaban na rin sa mga halik niya.

Tila na blangko ang isip ko noon. Ang kakaibang sensasyon na dala ng mga halik niya at ang natural niyang bango ang nagpabuhay sa halimaw na nasa loob ko. Hindi ko napansing unti-unti ko na palang nahihigop ang kaluluwa niya. Natauhan na lang ako nang bumagsak siya at putlang-putla na. Pinilit ko siyang gisingin noon pero nang hanapan ko siya ng pulso, wala ng tibok.

Ang saglit na saya ay napalitan ng hindi maipaliwanag na lungkot at takot. Alam kong wala ng saysay na humingi pa ng tulong kaya kahit labag sa loob ko, umakto akong nagpaalam sa kanya at lumabas sa kotse. Hinintay ko lang mawalan ng tao bago ako tumakbo ng mabilis pabalik sa kotse. Dinala ko ’yon sa liblib na lugar bago ko siya iniwan.

“Ai,” nag-aalalang tawag sa akin ni Klein na nagpabalik sa akin sa reyalidad.

Pinunasan ko ang mga luhang pumatak mula sa mga mata ko at huminga ng malalim, “This will be the last time na sasabihin ko ’to, Klein,” huminga ulit ako ng malalim upang pigilan ang mga luha ko at makapagsalita ako ng maayos, “Sinabi ko na rin ’to sa mga pulis at hindi ko babaguhin. Buong araw kami magkasama at hinatid niya ako ng gabing ’yon.”

Huminga ulit ako ng malalim, “Hindi ko na alam kung kailan siya umalis kasi ang sabi niya hihintayin niyang makapasok ako sa bahay bago umalis. Nagtext ako sa kanya noon pero hindi na siya sumasagot. Ang sunod kong balita, wala na s-siya,” patuloy ko at nabasag ang boses ko sa huling salitang sinabi ko. Hindi ko na napigilan ang pag-iyak.

I’m sorry, Rayven. Sorry, Klein.

Nakita kong tumayo si Klein at lumapit sa akin. Hindi ko inasahan ang sunod na ginawa niya, umupo siya sa tabi ko at niyakap ako, “I-I’m sorry. Sorry kung sa mahabang panahon ikaw ang sinisi ko sa pagkawala niya. I’m sorry, Ai.”

No, I’m the one who should be saying sorry to you, Klein. I’m sorry for killing your best friend. Sorry for lying. Sorry for making you believe all my lies. I’m really sorry.

Mapait akong ngumiti, “Naiintindihan ko. Masakit para sa akin ang pagkawala niya kaya sigurado akong mas masakit sa ’yo dahil sabay kayong lumaki.”

Napapunas ako ng luha nang may kumatok. Kumalas din si Klein sa pagkayakap para buksan ang pinto. Dumating na ang inorder namin. Nang maisara na ang pinto, nilapag ni Klein ang dalawang pair ng Cappuccino at cinnamon cake.

Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Klein bago muling nagsalita, “Again, sorry for blaming you. Hindi ko lang siguro matanggap na matapos niyang magbilin sa akin nang gabing ’yon, kinabukasa’y nabalitaan kong wala na siya. Hindi ko maiwasang isipin na alam niyang malapit na siyang mawala. Dahil ikaw ang huli niyang kasama, ikaw ang sinisi ko.”

Lihim kong nahugot ang hininga ko at ramdam ko ang malakas na pagtibok ng puso dahil sa kaba. Nagbilin si Rayven sa kanya bago ang araw na nagkita kami? “A-Anong ibig mong sabihin? A-Anong mga sinabi n-niya?”

Malungkot siyang tumitig sa akin, “Ako na raw ang bahala sa ’yo kapag dumating ’yong araw na mawala na siya.”

Nang marinig ’yon, agad na nagkaroon ako ng duda. Kung ako si Klein ay maiisip ko rin na hindi lang basta bilin ang ibig sabihin ni Rayven. Hindi kaya alam nga niya ang totoo kong pagkatao? Kung alam niya, bakit niya pa ako hinalikan? Pati ako nagiging paranoid na rin.

“B-Bakit naman niya ako ibibilin sa ’yo?” kunot-noo kong tanong sa kanya para lang maiiwas ko ang sarili ko sa pag-iisip ng hindi maganda.

Umismid siya, “Talagang hindi mo alam kung bakit, ha?”

Tinaasan ko siya ng kilay, “Bakit nga?”

“Simple lang,” ngumiti siya na parang kahit siya’y hindi makapaniwala sa sasabihin niya, “Dahil may gusto ako sa ’yo noon pa.”

Dahil sumimsim ako ng kape habang nakikinig sa kanya, nasamid ako matapos marinig ang sinabi niya! Umubo ako ng ilang beses bago siya tinignan ng masama, “Nababaliw ka na ba?”

“Ano’ng masama sa sinabi ko? Kung si Rayven nga nagkagusto sa ’yo, malamang pwede rin ako.”

Natameme ako sa sinabi niya at sa paraan niya ng pagkasabi! Ganito ba talaga siya ka kalmado? Na kahit confession nasasabi niya lang ng ganito kadali? Hindi ko maintindihan pero tila pinamulahan ako ng mukha. Parang ako pa ’yong nahiya sa mga pinagsasabi niya!

Sumimsim siya sa kape niya at nagsalita ulit, “Manhid ka lang naman kasi. Bago ko pa ipakilala sa ’yo si Rayven, gusto na kita.”

Gusto ko siyang sigawan na tumigil na siya sa pagsasalita pero hindi ko mahanap ang boses ko. Maging ang dapat kong sabihin sa kanya, hindi ko mabuo.

Ai, p’wede bang umayos ka!

“Kahit mas nauna mo pa akong nakilala, mas pinili mo pa ’yong best friend ko,” tila nang-aasar ang boses niya sa sinabing ’yon!

“Bakit, umamin ka ba?” mataray kong tanong sa kanya. Hindi ko naman kasi talaga alam na may gusto siya sa akin. Si Rayven kasi umamin talaga at nagkataon naman na crush ko siya noon. Napatakip ako sa bibig ko nang maisip ko ang sinabi ko!

“Paano pa ako aamin kung naunang umamin si Rayven sa akin na gusto ka niya,” mapait siyang ngumiti at hinalo ang kape niya, “Sinabi ko sa kanya na gusto kita pero ang sabi niya, ayaw niya raw akong kakompetensiya.” Natawa pa siya nang sabihin ’yon.

At sa ikalawang pagkakataon natahimik na naman ako! Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung ano’ng sasabihin ko sa kanya. Nakatingin lang ako sa kanya at nang salubungin niya ang mga tingin ko, napasinghap ako.

“Pero ngayong umaamin na ako sa ’yo na gusto kita. May pag-asa na ba ako?”

Napalunok ako ng laway, “N-Nagbibiro ka ’di ba?” hindi pa rin matanggap ng sistema ko ang mga sinasabi niya!

Ngumisi siya, “Kailan pa ako naging palabiro, Ai?”

Matagal na kaming magkakilala ni Klein. Kung sasabihin kong palabiro siya ay niloloko ko lang ang sarili ko. Seryosong tao siya at kailanman hindi magbibiro. Umiwas lang ako ng tingin sa kanya.

“Hindi mo naman kalaingan sagutin ’yong tanong ko. Just let me court you,” aniya na seryosong nakatitig sa akin.

Awtomatiko akong napaharap sa kanya, “No,” mabilis kong sagot na hindi ko pinagsisihan. Tama na ang unang pagkakamali ko nang mahalin ko si Rayven. Hindi na kakayanin ng konsesnsiya ko kung pati buhay ng best friend niya makuha ko pa.

Sumimsim siya ulit sa kape bago nagsalita, “Just say no until I make you say yes.”

Kumunot ang noo ko at inirapan ko siya. Hindi na ako sumagot dahil napipikon na ako sa kanya. Uubusin ko lang itong kinakain ko at lalayasan ko na talaga siya!

Matapos ko nga ubusin ang inorder ko, tumayo na ako at naglakad papunta sa pinto. Hindi na ako nagsalita. Bastos na kung bastos. Naramdaman ko naman ang pagsunod niya sa akin pero hindi siya nagsasalita.

Nakalabas na kami sa Coffee Shop nang hawakan niya ang braso ko kaya napahinto ako. “Uuwi na ba agad tayo?” tanong niya.

Haharapin ko na sana siya nang may mahagip ang mga mata kong pamilyar na lalaking papasok sa entrance ng mall. Nanlamig ang katawan ko at tila napako ako sa kinatatayuan ngayon. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko ngayon!

“Ai—” hindi natuloy ni Klein ang pagkausap sa akin dahil bigla kong inalis ang pagkakahawak niya sa akin.

Tumakbo ako papunta sa entrance ng mall at sinundan ’yong lalaki. Kailangan ko siyang maabutan! Nagkataon naman na marami na akong kasabay sa pagpasok at chineck pa ang mga bag ng bawat costumer na pumapasok.

“Ai!” dinig kong sigaw ni Klein pero hindi ko siya nililingon. Sinusundan ko lang kung nasaan na ’yong lalaki.

“R-Rayven!” namamaos kong banggit sa pangalan niya dahil nararamdaman ko ang paninikip ng dibdib ko at pamamasa ng mata ko.

Medyo malayo na siya sa akin at nakita kong lumiko siya! Binilisan ko pa ang takbo ko at halos madulas ako dahil sa tiles at heels ko. Nang makaliko rin ako, agad kong hinanap ang lalaking naka black coat at ash gray na buhok. Lumingon ako sa kaliwa at sa kanan ko pero hindi ko na siya makita.

“Rayven!” sigaw ko pa habang mabagal na naglalakad at naghahanap sa paligid. Ramdam ko na basang-basa na ng luha ang mata ko. Nakuha ko na rin ang atensiyon ng mga taong nakarinig sa pagsigaw ko pero hindi ko sila pinansin.

Mula sa likuran ko’y may humawak sa balikat ko kaya agad akong lumingon, “Rayven!” banggit ko pero mukha ni Klein ang nakita ko. Hinihingal pa siya at kunot na kunot ang noo.

“Ano bang problema mo, Ai? Bakit bigla-bigla ka na lang tumatakbo?” naiinis niyang tanong.

“K-Klein, si Rayven,” tumatangis kong ani, “Nakita ko siya,”

Lumambot naman bigla ang ekspresyon ng mukha niya, “Ai, a-ano bang sinasabi mo?” naguguluhang tanong niya.

Alam kong imposible pero nakita ko talaga siya! Kahit matagal na mula noong huli ko siyang nakita, kabisado ko pa rin ang physical features niya, “Nakita ko si Rayven. Maniwala ka.” tila nag-hysterical kong ani. Panay pa rin ang lingon ko sa paligid, nagbabakasali.

Hinawakan ni Klein ang magkabila kong pisngi at iniharap sa kanya, “Kumalma ka nga, Ai,” mula sa pisngi ko, ibinaba niya ang mga kamay sa balikat ko, “Kamukha lang siguro ni Rayven ’yon pero hindi siya ’yon. Wala na si Rayven.”

Doon lang ako nahimasmasan. Ganito ba talaga ang epekto sa akin ni Rayven? Na kahit ang tagal na, kahit ako mismo ang nakakakita na wala na siya, makakita lang ako ng kamukha niya nagkakaganito na ako?

Niyakap ako ni Klein. Isiniksik ko naman ang mukha ko sa leeg niya at doon umiyak ng umiyak. Ang tanga ko! Bakit ko nga ba hinabol ’yong lalaking kamukha niya? Alam ko namang wala na si Rayven! Ano bang ginagawa mo, Ai!

“It’s ok, Ai. Calm down,” pang-aalo sa akin ni Klein habang tinatapik ang likod ko. “Let’s go back to the car.”

Tumango ako at kumuha ng panyo sa bag. Hindi ko na alam kung ano’ng itsura ko ngayon. Nawalan na ako ng pakialam kung magkaparehas ang outfit namin ni Klein at kung kumalat na ba ang make-up ko. Naglakad na kami ni Klein habang inaalalayan niya ako sa balikat. Ako naman ay panay pa rin ang hikbi habang nakatakip sa ibabang parte ng mukha ko ang panyong hawak.

“Excuse me!”

Napahinto kami sa paglalakad nang may sumigaw mula sa likuran namin. Unang lumingon si Klein at napansin kong nagulat siya.

“I guess this belongs to your girl,” dinig kong sabi ng isang pamilyar na boses!

Napalingon din ako at tuluyang nanghina. Black coat, ash gray hair, pointed nose, thin lips and playful smile. Nakaabot ang kaliwang kamay niya sa black ball pen kong may keychain na silver heart. Now, tell me I’m just mistaken.

“R-Rayven?” naguguluhang tanong ni Klein sa lalaking kaharap namin ngayon.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status