Share

CHAPTER 4

[PSALM's Point of View]

“In the midst of your dream, you'll experience a nightmare.”

Hindi ko mapigilang ngumiti habang tinitingala ang dalawang palapag na bahay na ngayon ay malapit nang matapos. Tignan mo nga naman, oh. Parang kahapon lang puro pa 'yan pinagtagpi-tagping kahoy pero ngayon, isa ng mansyon. Sa wakas, matatapos na din. Matatapos na din ang bahay na katabi lang ng sa amin.

Tsk, tsk. Kainggit.

"Hoy Psalm! Ang gara ng suot natin, ah? S'an ang party-party?"

Napaismid ako sa sinabi ng dakilang tambay na si Mang Gano na tumigil sa tabi ko. Ki-aga-aga ay amoy alak ito at wala pang pang-itaas na damit kaya nagsusumigaw ang bola-bola n'yang tiyan.

"May gig ho ako ngayon e," swabe kong sagot ko sa kanya at inimuwestra ang sukbit kong bag ng aking gitara.

"Gig, gig. Sus! E, manlilimos ka lang naman sa kalye habang ngumangawa ng kanta."

Unti-unting napawi ang ngisi ko dahil sa sinabi n'ya at lihim akong napamura. Kung hindi lang 'to lasing at gusgusin, baka kanina ko pa s'ya inupakan. Ang tanda-tanda na pero mukhang wala pang natututunan sa buhay. Napaka-siraulo!

"Hindi ho 'yun panlilimos at pag-ngawa Mang Gago— este Mang Gano. Pagpe-perform ho ang tawag d'un. Perform. Gusto n'yo ho i-spell ko pa sa inyo? P-E-R-FORM. Perform!" gigil pero puno ng pagpipigil kong saad.

Iwinagayway n'ya ang kanyang mga kamay habang umiiling na parang hindi kumbinsido sa sinabi ko.

"Alam mo totoy, hindi ka aasenso sa pagkanta-kanta na 'yan lalo na kung wala kang kwarta, wala kang pangalan, wala kang impluwensya," saad n'ya. Hindi diretso ang kanyang pagsasalita pero malinaw ko itong naiintindihan. At ang nakakabaliw pa? Pinakikinggan ko s'ya!

"Ang mga sumisikat lang sa ganyan e 'yung mga dati na ding sikat. Kaya ikaw, mabubulok ka sa lugar na 'to kung hindi ka mumulat sa reyalidad na ang kailangan mo ay totoong trabaho! Hindi 'yang pag-ngawa-ngawa na hindi naman lahat nakikinig!"

Susuray-suray s'yang lumapit sa akin para duruin ako. Hindi naman ako gano'n kabait para hayaan s'ya kaya umiwas ako. Ayun, dumiretso ang mukha n'ya sa lubak at tuyong lupa.

Hindi agad ako nakagalaw. Una kong inisip na siguradong buhay pa naman s'ya at baka nakatulog lang dahil sa kalasingan. May mga lumapit agad na baranggay tanod at inilalayan s'yang tumayo saka s'ya hinatak palayo.

Ilang minuto pa akong natulala habang iniisip ang mga sinasabi n'ya. Minsan kahit gago, may sense pa din talaga magsalita.

"Psalm!"

Napapitlag ako nang may biglang humawak ng balikat ko. Muntik ko pa ngang hambalusin ng gitarang bitbit ko kung hindi ko lang agad nakita ang kaliwang paa nitong kalahati na lang at balot ng benda na may bahid pa ng kaunting dugo. May saklay din itong naka-alalay para sa kanyang pagtayo.

"Pa naman! ‘Wag ka namang manggugulat!" reklamo ko sa kanya habang sapo-sapo ang dibdib kong talo pa ang biglang na-inlove sa sobrang bilis ng pintig. "Saka bakit ho kayo lumabas? ‘Di ba sabi ko magpahinga na lang kayo sa loob? Mapapagod kayo n'yan, e!"

Poker face n'ya lang akong tinignan na parang ako na ang pinaka-gwapong OA sa mundo.

"‘Nak, wala pang sampung metro 'yung nilakad ko," tamad n'yang sagot. "Saka gusto ko lang iabot sa'yo 'tong baon mo para hindi ka magutom d'yan sa gig mo."

Ibinigay n'ya sa akin ang isang paper bag na agad kong sinilip ang laman. 'Yung monay pala na binili ko kanina.

"Iniwan ko nga 'to para sa inyo, e. Tapos ipadadala n'yo naman sa akin?" Muli kong ibinalik sa kanya ang supot at inayos ang pagkakasukbit ng aking gitara.

"‘Wag mo na akong intindihan Pa, oks? Pakakainin naman ako d'un sa gig ko, e! Ako pa ba? Peyborit kaya ako ng lahat," pagyayabang ko sa kanya.

"Ay naku, kahit pa! Iba pa din ang monay ni Esang. Kaya dalhin mo na 'to," pagpupumilit n'ya naman at muling kinuha ang kamay ko para ibigay ang supot.

"Ikaw Pa, ha! Hindi halatang paborito mo ang monay ni Aling Esang, ha!" Pang-aasar ko sa kanya habang pinaaalon-alon ang pangmalakasan kong kilay.

"Kahit isa't kalahati na lang ang paa ko, kaya pa din kitang habulin ng palo nitong saklay ko. Kaya totoy, lumarga ka na bago pa magbago ang isip ko."

Pinigil ko ang pagtawa dahil pagbabanta ni Papa. Walastik 'yung tatay ko. S'ya lang yata ang kayang magbanta ng hindi nakakatakot.

"Ito na nga, ho. Lalarga na," pagsunod ko naman. Nagmano muna ako sa kanya bago humakbang paalis. Pumara ako ng isang ‘padyak’ at sumakay. Silip-silip ko si papa habang umaandar ang kalawangin at assembled na bisikletang nilagay ng sidecar. Nang makita kong pumihit na s'ya papasok ng bahay ay dali-dali kong kinalabit ang driver para tumigil.

"Sensya ng, chong! Wala akong pambayad, e. Sa susunod na lang," paghingi ko ng despensa sa driver habang bumababa. Mabuti na lang hindi nagreklamo at kakamot-kamot na lang na nagpadyak paalis. "Salamat, ha! Masarap ulam n'yo mamaya!"

Muli akong napabuntong-hininga bago nagsimulang naglakad. Mahigpit ang kapit ko sa gitara at supot habang pilit na umiiwas na madumihan kahit na dulo lang ng kupas kong pantalon. Kahit papaano, gusto ko namang maging presentable sa mga kakantahan ko.

Habang naglalakad ako, hindi ko mapigilang isipin 'yung mga sinabi ni Mang Gano. May parte sa akin na nagsasabing tama s'ya— mahirap mabuhay sa larangan ng musika kung walang-wala ka. Kahit pa gaano ka kagaling, kung wala ka namang maipakikitang mamahaling damit at sapatos, pina-parlor na buhok o bagong rolex, hindi ka nila papansinin. Talo ka na agad.

Pero ang sabi naman ng tatay ko sa akin, kailangan kong mangarap para magtagumpay. Kailangan kong umasa sa isang bagay na walang kasiguraduhan para matuto akong maniwala at magtiwala sa sarili ko.

Ewan, magulo. Hindi ko alam kung sinong tama sa kanila. Basta ang alam ko, malakas ang tama ko sa ulo.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status