Share

5

Van, punta ka ng maaga sa bar, ha. We’ll spend the whole day at the bar today.

Ang ganda ng gising ni Van na unang-unang tumambad sa kanya ang text message ni Chad. Napapangiti siya nang wala sa oras. Kaagad siyang bumangon at ilang sandali munang nakatitig sa screen ng cellphone bago binaklas ang nakatabing na gray blanket sa katawan. Inilapag niya sa bedside table ang phone at mabilis ang mga kilos na inayos ang higaan. Aligaga ang mga kilos niya.

“Ano ba 'yan!”

May pakagat-kagat sa labi pa siyang nalalaman. Mukha siyang tanga sa inasal.

“Hayst, Vanessa!”

Matapos ayusin ang kama ay agaran siyang pumanhik ng banyo at mabilisang naligo. Wala naman siyang maraming ritwal sa katawan. Sabon sa buong katawan at shampoo sa buhok, okay na siya. Ang pinaghubaran niya ay mamaya na lang niya aayusin. Siya lang naman ang gumagamit sa kwarto niya kaya walang makakakita sa nakabuyangyang nyang mga damit na basta na lang nakabuyangyang sa sink. Ang Tita Marion niya ay nanghihilakbot kapag napapadpad sa madilim daw niyang silid. Lalo na kapag nakikita nito ang malaking poster ng isang rockstar sa gilid ng kama. Advantage din iyon sa kanya.

Nakatapi ng tuwalya na siyang lumabas ng banyo at binuksan niya ang cabinet.

“S***a!”

Nagsilaglagan ang mga damit niyang basta na lang isinalansan noong nakaraan. Dala ng pagmamadali ay basta na lang niya ipinasok matapos kunin sa sampayan. May mga maids pero kusa niyang ginagawa, mabawasan man lang ang aburido ni Tita Marion sa kanya. Isa pa, ayaw niyang may nangingialam sa mga gamit niya. Minsang sinubukan ng isang maid na linisin ang desk niya, halos mabaliw siya sa kakahanap sa tattoo gun pagkauwi niya. Simula noon, off-limits na ang kwarto niya.

“Ang burara mo rin, Van.”

Pinulot niya ang mga iyon sa sahig at ibinalik na loob nang mahagip ng kanyang mga mata ang nag-iisang damit pambabae sa closet niya. Wala sa sariling napahawak siya sa laylayan niyon. Bulaklakin, girly. Malambot ang tela. Ganoon ang naturang damit. Binili pa ng Lolo niya noong kaarawan ni Chad.

“Magdamit pambabae ka naman kahit ngayon lang, apo.”

Iba talaga ang charm ng Lolo niya. Napapayag siya. It was the only time na nagtangka siyang magbihis babae. Nagpahid pa siya ng polbo sa mukha at liptint sa mga labi at nagwisik ng pabango. Ang buhok na laging nakakulong sa cap ay basta na lang niya inilugay sa balikat. Ginawa na niya iyon minsan, kinantiyawan at pinagtawanan lang siya nito. 

“What ever happened to you, dude?!”

Pagkasorpresa ang lumarawan sa mukha ni Chad nang makita ang ayos niya. Sa araw na iyon na nga lang niya piniling mag-ayos babae. Afterall, kaarawan ngayon ni Chad. Gusto niyang maging presentable sa mga mata nito.

“Nauntog ba ang ulo mo sa headboard ng kama mo?” Kung pasadahan siya ng tingin ni Chad, nagmumukha siyang bacteria. Mula ulo hanggang paa siyang pinasadahan ng titig. Nasasagwaan ito sa ayos niya. “Nakakain ka ba ng panis na toyo?”

She felt embarrassed and insulted. Napalis ang kanyang ngiti ngunit mas pinili niyang itago ang nararamdaman. Masama ba talaga na kahit minsan ay mag-attempt siyang magmukhang maganda, taliwas sa inaakala nitong tibo siya?

“For a change naman.” Sinasabi niya iyon nang may alanganing ngiti sa mukha. Ngunit hindi maikakailang may bumara sa lalamunan niya. Naging malikot ang mga mata niya, saka napagbalingan ang juice na bitbit ng waiter na nagdaan sa gawi nila.

Tinalikuran niya si Chad at sa mga nakahanay na desserts sa dessert station ibinunton ang inis. Maano bang magkumplimento naman ito. Ang hudyo, sinundan pa siya para lang tudyuin siya lalo.

“Si Lolo kasi, eh, pinilit akong magpalit nang makita ang suot ko,” dagdag paliwanag niyang nakangiti ngunit kabaligtaran ang nasa loob niya. Ang hapdi kaya ng nararamdaman niya. Kahit ang matamis na truffles ay naglasang mapait. “Nakakahiya daw kasi sa mga Gonzales. Sinabi ko namang ayoko, mapilit talaga.” Buo niyang nilamon ang bilog na chocolate dessert na may kung anong kulay green na garnish. Matcha yata.

“Ah, I see. So, the rebel has finally succumbed to Lolo’s whims and wishes?”

“Parang ganon na nga, but only for now. Happy birthday nga pala.” Iniabot niya rito ang regalo rito, isang maliit nay ukulele key chain. Mahilig ito sa guitar kaya yon ang naisipan niyang iregalo. 

“This would be the most special present I have today.”

Napuno naman ng tuwa ang puso niya sa sinabi nito. At least, nabawi ang pamimintas sa kanya. Bawing-bawi.

“Siyanga pala, go change later at magjo-joyride tayo. Motorsiklo ang niregalo ng lolo ko sa ‘kin. Test drive tayo mamaya kaya magpalit ka ng damit, mamaya isipin ng ibang babae na girlfriend kita.”

Nalaglag na naman ang panga niya pero ngunitit lang siya. Sa likod ng kanyang utak ay ang katanungan- kahiya-hiya ba talaga siyang maging ‘girl’ ng isang Chad?

Piniga ang puso niya sa sagot na siya rin mismo ang bumuo sa utak.

Simula noon ay hindi na niya tinangka pang magdamit pambabae. She was stuck to her chosen image, anyway, simula nang nagdesisyon siyang huwag tumulad sa ina. Feeling niya ay safe siya sa kaniyang anyo mula sa pangungutya at panghuhusga ng iba subalit hindi pa rin naman pala.

Humugot siya ng malalim na hininga at isinarado ang closet at nagpatuloy sa pagbihis. Chad is waiting. Sa dami ng pinagkakaabalahan nito, momentous nang maituturing na makasama niya ito sa bar. Alas diyes pa ang bukas nila pero maaga si Chad kaya maaga na rin siya sa shop nila. Nauna na nga itong naka-park sa labas. Kotse nito ang gamit at hindi ang nakasanayang motor. 

“Good morning, Pido!” masayang bungad niya sa kasamahang si Pido na naratnang nagma-mop ng sahig.

“Ang ganda yata ng gising mo, Van,” nakatawang puna ni Pido na pansamantalang inihinto ang ginagawa. 

“Nanaginip ako ng milyon.”

Paano ba naman siya hindi ngingiti kung makakasama niya si Chad. Whole day ang sinabi nitong magsasama sila. It cemented her thought na wala lang talaga iyong nakita niya sa Laguna. 

“Pa-share naman ng kahit isang kusing.”

“Oo ba.”

Inilagak niya muna ang bag sa locker room at sa kusina kaagad ang pakay niya. ‘Pag nasa shop si Chad doon ito unang pumupunta. Saka na muna niya sisimulan ang paglilinis sa tattoo area. Nakangiti pa niyang binuksan ang pintuan. Her smiles never faded. Ewan niya ngunit ang sarap lang ngumiti.

Subalit ang malapad na ngiting nakapinta sa mukha niya ay kaagad na naglaho. Paano ay nakapako ang mga mata niya sa dalawang nilalang na nasa loob ng kitchen. Si Chad nakaupo sa harap ng working bench habang nakaharap sa isang matangkad at mestisahing babaeng abalang nagpi-plate ng kung anumang putahe sa plato. Kasalukuyan nitong nililinis sa pamamagitan ng paper towel ang kumalat na sa tingin niya ay strawberry sauce ang rim ng dessert plate. Nakasuot man ito ng apron ngunit mahihinuha ang kaseksihan nito. The apron belt strapped on her waist just defined the pleasant curves.

The woman was exactly the type Chad usually dated. 

Ang kaibahan nga lang, this woman appeared to genuinely enjoy what she was doing. Sanay ito base sa nakikita niyang kilos. A beautiful woman who can cook, it was a sure recipe towards penetrating the heart of any man. Eh, wala siya niyon. Ang tanging alam lang niya ay ang magprito ng itlog at mag-init ng tubig. 

Suddenly, minamaliit niya ang sariling kakayanan habang nakamasid sa magandang babae. Sino ang babaeng ito? Ang kauna-unahang dinala ni Chad rito. Ito marahil ang babaeng nakita niya noong isang gabi. It was obvious how this woman can capture Chad’s attention. Ni hindi na nga nito namalayang kanina pa siya nakatitig sa mga ito. All he did was look at this woman with dreamy eyes.

“Have a bite.”

Parang nalaglag ang kanyang panga nang makitang sinusubuan ng babae si Chad. Nginangatngat ang puso niya ng selos nang dahil sa dini-display na extra sweetness ng mga ito. Kaysarap hilahin ni Chad palayo roon. Dangan lang, wala siyang karapatan. Kipkip ang bigat sa d****b ay minabuti niyang pumihit pabalik sa pinanggalingan.

“Oh, hi there!”

Napansin na pala siya ng babae. Atubili siyang humarap muli sa mga ito. Sinalubong siya ng friendly smile ng babae daan upang lumitaw ang mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin nito. It was absolutely the smile of a beauty queen. Napalingon din si Chad sa kanya. Ang tamis ng ngiti nito ay hindi matawaran. Umaabot yata hanggang tenga at kita na ang ngala-ngala.

“You’re finally here! Been here earlier.”

‘Ikaw kaya ang laging wala dito?’ Gusto niya itong bulyawan. Iyon naman pala, may babaeng pinagkaabalahan. Sinenyasan siya ni Chad na lumapit.

“Huwag na, baka nakakaistorbo, eh.” Ang totoo, ayaw lang naman niyang maging spectator ng sweetness ng dalawa. Nasasaktan siya. Tinataga ang puso niya ng mga aspile.

“Come on. Van, right? I wanted to hang out with you. Chad had so much to tell about you.” 

Before she could react, nagawa nang umalis ng magandang kapre sa kinaroroonan at nahila na siyang palapit sa stainless working bench.

Unfair. Ni hindi man lang nabanggit ni Chad na may bagong babae na pala ito na nagpapangiti ng ganito rito. Para tuloy siyang pinasabugan ng bomba. Paano kaya nagkakilala ang dalawa? Ang dami niyang tanong sa utak.

“Kuya Pat, can you please hand me a dinner plate?” malambing nitong utos sa isa sa mga kitchen staffs na kasalukuyang nagsalansan ng mga gamit sa kitchen cabinet.

“Areglado, Miss Natasha!”

So, she is Natasha. Ang daya, kahit ang mga kitchen staff na madalas niyang kabiruan ay na kay Natasha na rin ang pansin at mukhang madaling nakagaanan ng loob. Ni hindi na nga siya biniro nina Kuya Pat gayong kung anu-anong bibong usapan ang ibinabato nila sa isa’t-isa.

“Natasaha,” baling ng babae sa kanya. Nakangiting inilahad ang kamay matapos pinahiran ng bimpo. Naka-flops lang ang babae ngunit matangkad pa rin. Unano ang pakiwari niya sa sarili. 

Natasha was an epitome of perfection. Kahit ang kutis nito, ang bango, ang demeanor. Class at may finesse sa kilos at pananalita at sobrang maganda. Habang tinititigan ito ay si Margot Robbie ang naiisip niya. She was everything that a Van could never ever be.

Napilitan siyang abutin ang kamay ng friendly’ng babae. Kahit palad nito ay sobrang malambot. Marahil pati na ang pinkish nitong heels ay kay lambot din. Kailanman, hindi siya sinigiran ng ganito katinding insecurity nang dahil lang sa mga flings ni Chad. Ngayon ang pinakamalala and it scared the hell out of her.

“Halika, tikman mo’ng cheesecake na ginawa ko. Taste it and be my first critique.”

May senseridad sa mga kilos at mga mata nito. Pati yata mga mata ay nakangiti rin. Ito ang tipong mabait talaga at hindi lang nagpapakitang tao. Iniusog nito sa kanya ang puting plato na may hiwa ng pagkain. Isinunod din nito ang roll ng tissue.

“Tikman mo na,” susog ni Chad na bahagya pa siyang siniko sa braso. 

Kinuha niya ang tinidor na nakapatong sa table napkin katabi ng dessert plate at humiwa ng bite-size piece. Tinikman niya nga at ninamnam. She expected it to be chewy or bland or too sweet nang sa gayon ay may maipintas siya. Ang pintasan ang output nito ang pinakagusto niyang gawin sa ngayon.

“What?”

Magkapanabay na tanong nina Chad at Natasha pagkatapos. Halatang hinihintay ang magiging komento niya. 

Sobrang tamis, nasobrahan sa softness and texture. Natukso siyang sabihin. “Masarap,” instead ay matapat niyang komento. Kahit hindi mahilig sa desserts ay nasorpresa siya na nagustuhan niya ang lasa ng pagkain. Natasha’s dessert was delicate and perfect. Sing-perpekto marahil ng pagkatao nito. She wondered kung may kahit isang hibla man ng kapintasan ang babae.

Tila nakahinga nang maluwag ang dalawa sa narinig. Napabuga pa ng hangin si Natasha. Pagmamalaki naman ang nakikita niya kay Chad. Proud ito sa skills ni Natasha, halatang nais nitong ipangalandakan sa buong mundo.

“Van is my biggest critic kaya importante sa akin ang critique niya.”

‘Importante raw, nek-nek mo, Chad!’ Nais niyang ibulyaw rito. “Gawa mo?” sa halip ay tanong niya kay Natasha. 

“Yes. Natasha here is a food enthusiast and vlogger slash interior designer,” si Chad pa talaga ang sumagot. ‘Ano, walang bibig ang babae?’ Mas nadagdagan ang yamot niya.

Sa tingin niya, matagal nang magkakilala ang dalawa. Nakakatampo lang at ni hindi nagawang banggitin ni Chad ang tungkol sa babae. 

“Now that she likes it, I guess, you could already include this dish in your upgraded menu. ‘Yong hindi na lang puro alchohol at pulutan. Kahit naman bar ito, ay may mga customers pa rin na naghahanap ng mga ganitong pagkain, like women who accompany their partners or boyfriends, and even some men have sweet tooth, too.”

Maganda, sopistikada, matalino, class. Nakita niya kung paanong nangingislap sa paghanga ang mga mata ni Chad habang pinakikinggan ang babae. Buong-buo nitong nakuha ang atensyon ng huli. Tuloy ay mas nakaramdam siya ng panliliit sa sarili. Kapag kasi siya ang kausap ni Chad, nasesentro ang usapan nila sa mga bagong trends ng tattoo, bagong modelo ng sasakyan, and everything that men talk about. Natasha is such a breath of fresh air. 

“And you, for one, is an example,” malambing na wika ni Natasha na sinubuan si Chad. 

Ang hudyo, bumuka kaagad ang bibig at tuwang-tuwa pang pinahiran ng babae ang kumalat na sauce sa gilid ng bibig nito. Nakaka-frustrate. Nakakapanikip ng d****b ang kanyang namalas. Ang sarap iuntog ng ulo ni Chad sa mesa. Hindi man lang ba nito naisip na nasasaktan siya? Malalaman raw, eh, tomboy nga ang tingin sa kanya.

“If you’ll excuse me.”

I-exit. ‘Yon ang pinakamainam na depensa niya sa nagsisimula nang mayanig na kalooban. Nagmumukha na rin naman siyang timang at walang maiambag sa usapan. Naha-highlight din lang ang mga kakulangan niya bilang babae. Nama-magnify ang pagiging ‘lesbian’ niya. 

“Okay.”

Ni hindi man lang siya pinigilan ni Chad. Bumalik siya sa pwesto niya nang may ngitngit sa kaibuturan. Habang nasa malayo siya ay ‘di niya maiwasang sulyapan ang gawing kitchen lalo na kapag nagbubukas iyon kapag may lumalabas o pumapasok, nadidinig niya ang mga halakhakan ng mga ito.

Tuloy ay labis-labis na inggit ang nararamdaman niya. Naiinggit at nati-threaten siya. 

Hindi niya napaghandaan ang ganitong pangyayari. Masyado siyang nasanay na silang dalawa ni Chad ang laging magkasama. Nakalimutan niya na may possibility na darating ang araw na magkakaroon ito ng seryosong relasyon. Worst, magkakaasawa at magkakapamilya ito.

God. Si Chad na lang ang meron siya. Kakayanin ba ng puso niya na pati ito ay mawala sa kanya? Hindi pa man ay nasasaktan na siya. Ang d****b niya ay tila may karga-kargang matigas at mabigat na bagay at parang sponge na nilamukos ang puso niya sa sakit.

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Che Acala Paragas
feeling ko ako ang nasasaktan para kay Van .........
goodnovel comment avatar
Ravenjane Milagan Nakila
grabeh iyak Ako ng iyak......kawawa nman si Van......kung ako to aalis nlang tlga ako. para kng pinapatay nyan sa sakit...
goodnovel comment avatar
Aaron Minas
wala ba free
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status